Published on

Cristy Per Minute ni Cristy FerminHulyo 1-15, 2022

    CARLA
 
Carla Abellana
  TOM
 
Tom Rodriguez
  RABIYA
 
Rabiya Mateo
  JOAQUIN
 
Joaquin Domagoso
  AI AI
 
Ai Ai delas Alas
  JULIA
 
Julia Montes
  KRIS
 
Kris Aquino
  NORA
 
Nora Aunor
  miel cuneta
 
Miel Cuneta Pangilinan

Carla Abellana – Kuwestiyonable ang rebelasyon

Dati nang kuwestiyonable para sa amin ang rebelasyon ni Carla Abellana na tiniis niya nang pitong taon ang mga kawalanghiyaang ginawa sa kaniya ni Tom Rodriguez.

Ang isa, dalawa, tatlong taon na pagtitiis ay pasable pa para sa amin, pero ang pitong taon, ang sobrang haba na ng panahong iyon ay isa nang kahangalan para ipagtiis.

Kung totoo nga ang mga ibinato niyang bintang laban kay Tom sa loob nang pitong taon ay nasaan ang kaniyang mga resibo? Pambabastos. Panloloko. Paninira. Panggagamit. Pagtataksil. Paninira sa kanilang pamilya.

Ano ang mga patotoo niya sa mga akusasyong ipinakain niya kay Tom? Pitong taon ng pagtitiis? E, bakit pa rin siya nagpakasal kay Tom kung ganoon pala’t matinding pagsasakripisyo ang ginagawa niya?

Binalikan namin ang mga interbyu sa kanila ni Tom bago ang proposal, pagkatapos ng engagement nila, hanggang sa kasalan at pagkatapos ng kanilang pagtataling-puso.

Ni anino ng mga bintang niya kay Tom ay hindi naming nakita. Mula lupa hanggang langit ang papuri niya sa kaniyang boyfriend na naging asawa na.

Magaganda ang kaniyang deklarasyon tungkol kay Tom, wala siyang angal, samantalang tapos na ang kanilang kasal doon sa napanood naming panayam nila.

Kaya lalo kaming naguluhan sa mga sinabi ni Carla. Dapat, kung totoong demonyo ang kaniyang karelasyon, sa mga unang taon pa lang ay lumabas na siya sa pintuan ng kanilang relasyon!

Bakit pa siya magtitiis nang mahabang panahon? Bakit kailangan pa niyang isakripisyo ang kaniyang kinabukasan sa isang lalaking walanghiya? At bakit pa siya nakipagkita sa altar?

Ang lahat daw ng ginawa sa kaniya ni Tom ay binalikan niya ng tunay na pagmamahal, ng respeto, ng masarap na pag-aalaga at milya-milyang pagpapatawad at pang-unawa.

Wala raw siyang karapatang magalit, malungkot at magreklamo dahil siguradong makakatikim siya kay Tom. Banta iyon ng pananakit pero kahit minsan ay walang ganoong kuwentong lumutang tungkol sa kanila.

Ilang ulit din daw niyang sinabihan si Tom na magpagamot dahil iyon din ang nakabuti sa kaniya, pero hindi tumugon ang kaniyang asawa, ibig sabihi’y pareho pala silang nangailangan ng professional help ng isang doktor?

Malabo para sa amin ang mga bintang ni Carla. Babae kami na dapat ay makaunawa sa isang kapuwa babae pero malabo pa sa putikan ang pagtanggap namin sa mga rebelasyon ni Carla Abellana.

Hindi man naging sapat sa mga ipinukol na akusasyon sa kaniya ni Carla ang naging sagot ni Tom Rodriguez ay pasable na rin. Lalaki naman siya.

Mahirap makipagpingkian ng salitaan sa isang babae, lalo na’t asawa pa, siguradong may magsasabing bakla siya.

Sa halip na makipagtalo siya at dumepensa sa mga bintang ni Carla, bilang isang US citizen ay nag-file na lang ng divorce si Tom, depende na lang sa batas natin dito sa Pilipinas kung magiging aprubado o hindi ang kaniyang hakbang.

Parang nakikinita na namin na gusto na sigurong magtago sa ilalim ng lupa ni Tom nang makarating sa kaniya ang mga bintang ni Carla sa kabuuan ng kanilang relasyon.

Mabuti na lang at nilinaw ni Tom na kahit kailan ay hindi niya sinaktan nang pisikal ang kaniyang dating misis. Walang naganap na ganoon.

At sa kanilang mga panayam na isa-isa naming pinanood ay walang makikitang pahimakas man lang kay Carla na sinaktan nga ito ni Tom.

Walang consistency ang mga akusasyon ni Carla kay Tom. Hindi makapagsisinungaling ang video, iyon ang nagpapatunay na maligayang-maligaya ang aktres sa kanilang relasyon, kaya saan nanggagaling ang mga bintang niyang matindi at masakit laban kay Tom?

May resibo ang aming pagpuna. Pinanood namin ang kanilang mga interbyu bago at pagkatapos nilang ikasal.

Ano ang napanood namin, puro papapanggap lang, puro panloloko lang sa publiko? Nakakawindang!

Tom Rodriguez – Naloko ng dalawampung milyong piso

Kung maraming nagtataas ng kilay sa mga rebelasyon ni Carla Abellana laban sa nakahiwalay nitong asawang si Tom Rodriguez ay ganoon din ang nangyayari ngayon sa poder ng aktor.

Napakalaking tandang-pananong para sa marami ang kaniyang pahayag na isang kaibigan ang nanloko sa kaniya nang mahigit na dalawampung milyong piso.

Naengganyo raw si Tom na mamuhunan para sa isang negosyo, malaki raw ang kaniyang kikitain, kesa sa nakalagak lang sa banko ang kaniyang pera.

Dalawampu’t apat na milyong piso ang eksaktong halagang tinutukoy ni Tom, napakalaking halaga na pinagdududahan ngayon maging ng kaniyang mga kasamahang artista, mayroon daw bang ganoon kalaking naiipon ang aktor?

Ibinigay na katwiran ng iba na katatapos pa lang nilang magpakasal ni Carla noong Oktubre ng nakaraang taon. Milyon din ang ginastos sa kanilang kasal. Napakalaki raw pala ng naiipong pera ni Tom?

Sabi ng aming kausap na propesor na hindi nagpapahuli sa mga kuwentong-showbiz, “Kahit pala may pandemya, napakalaki ng naiipong pera ni Tom? Hindi joke ang twenty-four million!

“E, ikinasal pa sila ni Carla, paboloso ang kanilang wedding, pero may natira pa pala siyang ganoon kalaking halaga?” nagtatanong ang aming kausap.

Bakit daw hindi pangalanan ni Tom ang kaibigang nanloko sa kaniya? Bakit hindi rin niya kasuhan ito? Sigurado namang may ebidensiya si Tom nang pakawalan niya ang napakalaking halagang iyon?

Alangan nga namang ipinagkatiwala niya ang naiipon niyang pera nang wala man lang silang pirmahan? Ang ganoon kalaking halaga ay nangangailangan ng kaukulang ebidensiya.

Maraming butas na sinisilip ang marami sa mga rebelasyon nina Carla at Tom. Kung walang mga detalye ang bintang ng aktres sa kaniyang dating mister ay pinagdududahan naman ang milyones ni Tom na diumano’y tinangay ng pinagkatiwalaan niyang kaibigan.

Marami silang dapat iayos para maging kapani-paniwala ang kanilang mga pahayag.

Rabiya Mateo at Jeric Gonzales – Hiwalay na?

Tinanggal na ni Rabiya Mateo ang mga pictures nila ni Jeric Gonzales sa kaniyang IG account. Makahulugan din ang kaniyang post na kailangan niyang manghingi ng tawad sa kaniyang sarili dahil sa isang senaryong hindi niya dapat ginawa para sa kaniyang sarili.

Isang source na hindi nanununog at nangunguryente ang nagsabi na ang dahilan ng paglabas ni Rabiya sa kanilang relasyon ni Jeric ay ang maraming kuwento ng pagpatol sa becki ng aktor.

Sabi nito, “Wala namang babaeng papayag na mayroon siyang kahati sa love ng boyfriend niya, lalo na kung bading! Ang dami-dami naman kasing kuwento ng pamamakla ni Jeric, ang latest, e, iyong may kahalikan siyang becki na tinakpan ang face!”

Sa isyu ng pakikipagrelasyon sa becki ni Jeric ay kakapusin ang espasyo ng kolum naming ito kapag nagkuwento kami. Itigil na ni Jeric ang pagdedenay at pagsasabing sinisiraan lang ito.

Hindi lang kami, maraming nakakaalam kung paano nito ginamit ang isang negosyante para sa kaniyang personal na interes, damay pati ang kaniyang pamilya sa istorya.

Pagdepensa ng kaniyang panig ay ginawa lang daw ni Jeric ang ganoon para maiahon sa kahirapan ang kaniyang pamilya. Maraming paraan para magawa iyon ni Jeric.

Hindi dahilan ang panggagamit sa becki, lalong hindi magandang tingnan na aabusuhin nito ang becki para sa kaginhawahan ng kaniyang pamilya, kapit sa patalim?

Kahit sinong babae, kapag nalaman ang ganoon, ay siguradong lalabas sa relasyon. Ngayon, kung talagang pinahahalagahan at mahal ni Jeric ang kaniyang girlfriend, sa simula pa lang dapat ay buksan na nito ang kuwento ng kaniyang pamamakla.

Kung mahal din ito ng babae ay ipipikit na lang nito ang kaniyang mga mata tungkol sa nakaraan ng kaniyang boyfriend.

Bakit, si Jeric Gonzales lang ba ang nakikipagrelasyon sa becki? Maraming artistang pumapasok sa ganoong relasyon pero hindi masyadong pinagpipistahan dahil simpleng magtrabaho ang iba.

Kilo-kilo lang ang hingi, hindi isang buong baka, kaya hindi masyadong napapansin ang pagiging manggagamit nila.

Joaquin Domagoso – Tatay na! Lolo na si Yorme!

Noong kasagsagan pala ng kampanya kung saan tumakbo sa panguluhan at nabigo si Mayor Isko Moreno ay nanganak na ang karelasyon ng kaniyang anak na si Joaquin Domagoso.

Baby boy ang anak nina Joaquin at Raffa Castro, artista rin ng GMA-7, anak ng newscaster ng TV5 na si Diego Castro.

Maraming nagkokomento na simula na ito ng pagbaba ng premium bilang artista ni Joaquin. Napakaaga raw kasi niyang naging batang-ama, masisira ang ilusyon sa kaniya ng mga tagahanga, matetengga raw ang career ng anak ni Mayor Isko.

Pero gusto naming silipin sa positibong pananaw ang naganap kay Joaquin. iyong paninindigan niya bilang ama ng sanggol, ang hindi niya pang-iiwan sa kaniyang girlfriend, para sa amin ay karagdagang kahanga-hangang karakter ang pinalutang ni Joaquin.

Maraming batang-ama na basta na lang tatalikod, matatakot sa kanilang ginawa, kaya mas malaking problema ang naiiwanan sa kanila.

Pero nagkaroon ng balls si Joaquin, pinanindigan niya ang maagang paghamong ito sa kaniyang buhay at career, hindi babagsak ang napasimulan niyang pangarap.

Mas hahangaan pa siya ng mga kababayan natin dahil binigyan niya ng pangalan ang munting sanggol na bunga ng pagmamahalan nila ni Raffa.

Nangyari na ang lahat na pareho nilang ginusto, nand’yan na ang kanilang anak, walang naging problema dahil pareho nilang tinayuan ang pagiging mga batambatang magulang.

Isununod ang pangalan ng sanggol kay Yorme, Scott kung tawagin ng pamilya ang kanilang munting anghel, ang mismong pangalan ng pulitiko sa Tondo.

A baby is always a blessing. Regalo ng langit ang bawat sanggol. Maraming may gustong magkaroon ng anak pero hindi napagbibigyan.

Ai Ai Delas Alas – Namayapa na ang kinagisnang ina

Namayapa na ang Nanay Justa ni Ai-Ai delas Alas. Ang inhinyerong si Nanay Justa ang kinagisnang ina ng Comedy Concert Queen.

Sobra-sobra ang pagmamahal at respetong ibinibigay ni Ai-Ai at ng kaniyang mga anak sa namayapang nanay niya. Ito ang dahilan kung bakit maraming planong gawin sa Amerika ang komedyana na hindi niya agad maisakatuparan dahil nandito ang kaniyang Nanay Justa.

Ang pagiging mapagkumbaba ni Ai-Ai, ang pagiging malapit sa Diyos, ang pagiging matulungin sa maliliit at iba pang positibong katangian ay itinanim sa kaniyang puso at isip ng kaniyang Nanay Justa.

Naalala tuloy namin si Willie Revillame, mahal ni Nanay Justa ang TV host-komedyante, palagi nitong kinukumusta kay Ai-Ai si Willie.

Sabi ni Ai-Ai, “Kasi, noong magpunta sa bahay namin si Willie, e, binigyan niya ng datung ang mga kasambahay namin. E, gustung-gusto ng nanay ko ang ganoon, iyong mabait ka sa maliliit.”

Sa buong buhay ni Ai-Ai ay isang tao lang ang nakasama niya sa paglaki, si Nanay Justa lang, ito ang nagpaaral sa kaniya at gumabay.

Pero kailanman ay hindi pinabayaan ng sikat na komedyana ang kaniyang tunay na ina, ibinigay niya rin ang lahat ng mga pangangailangan nito, dahil iyon ang pagpapalaki sa kaniya ni engineer.

Ngayong wala na si Nanay Justa ay napakalaki ng magiging pagbabago sa buhay ng Comedy Concert Queen. Wala na ang kinilala niyang ina na unang-una niyang tagahanga at kritiko.

Wala na ang taong nagpatuloy sa kaniyang buhay nang ipanganak siya ng kaniyang tunay na ina. Wala nang magtatanong sa kaniya kung kumpleto ba ang kaniyang tulog at kung ano ba ang gusto niyang kainin.

Napakalaking pagbabago. Hahanapin nang matagal na panahon ni Ai-Ai delas Alas ang babaeng nagsakripisyo para sa kaniya.

Ang taos-puso naming pakikiramay.

Julia Montes – Nagdadalantao na nga ba?

Ayaw pa ring tantanan ng mga Marites ang kakaibang napansin nila tungkol kay Julia Montes. Nagkakaisa sila sa pagsasabing nagdadalantao ngayon ang aktres.

Ang kanilang resibo ay ang kapansin-pansing umbok sa bandang tiyan ni Julia, itinatago pa raw niya iyon sa pagkukubli ng kaniyang tiyan sa kung anu-anong paraan, tulad ng paglalagay ng libro at iba pang kagamitan sa harapan niya kapag nagpaparetrato.

Pinagpipistahan ng ating mga kababayan ang sinasabing kundisyon ngayon ng ilang taon nang karelasyon ni Coco Martin na walang direktang pag-amin.

Paano nga ba naman aamin sina Julia at Coco sa kasalukuyang isyu, samantalang kahit ang kanilang relasyon nga ay hindi pa rin naman nila inaamin, bigay na bigay lang ang mga patotoo na magkarelasyon nga sila.

Nagsimulang pumutok ang balita nang hindi dumalo sa eulogy para sa namayapang Reyna Ng Pelikulang si Manang Inday si Julia. Nandoon ang lahat ng mga artista ng seryeng Ang Probinsyano sa lamay pero wala siya.

May naglabas ng komento na bawal daw kasi sa nagdadalantao ang pagpunta sa burol, kaya hindi dumating si Julia, idagdag pa ang identical rings na suot-suot nilang dalawa.

Kung tutuusin ay hindi na bago ang istoryang ito dahil noong 2019 ay pumutok na ang balitang nanganak si Julia sa isang ospital at si Coco ang itinuturong ama ng sanggol.

Dahil kilala si Coco sa pagiging pikon, nagalit ang aktor sa mga press people, wala na nga raw nagagawang maganda para sa kanila ay naninira pa. Maraming nagalit sa action star, nabuhay sila ni Julia sa bashing, wala raw silang utang na loob sa publikong sumsusuporta sa kanila.

Ibig sabihin, napakalaki ng nakuhang pribilehiyo ni Coco sa pag-aartista, nagbago ang kaniyang kabuhayan pero ni hindi man lang nito maibahagi sa publiko ang katotohanan.

Ikalawang yugto na ng kuwento ang sinasabing pagdadalantao ngayon ni Julia Montes, hindi na bago ang istorya, noong taong 2019 pa ay marami nang naniniwalang mayroon na silang anak.

Sabi nga ng aming source, “Babae an anak nila, isinunod nila ang pangalan ng bata sa lola ni Coco, marami nang nakakaalam noon.

“Kung bakit ayaw pa nilang umamin, e, sa kanila na iyon, pero alam nila ang katotohanan,” madiing sabi ng aming source.

Kris Aquino – Bilyon ang uubusin sa gamutan

Marites na Marites naman ang peg ng mga kababayan nating matagal nang nagtatrabaho-naninirahan sa Amerika, lalo na sa Texas, dahil alam nilang nasa isang ospital na sa Houston ngayon si Kris Aquino.

Pinakamalaking siyudad ng Texas ang Houston, ayon na rin sa aming nakakausap ay nandoon ang sentro ng lahat-lahat, nasa Houston din ang pinakamoderno at pinakamalalaking ospital na dinadayo ng mga bilyonaryo sa buong mundo.

Apat na ospital ang sinasabi nilang pinupuntahan ng mga dayuhan, hindi lang nila alam kung alin doon ang napiling pagpagamutan ni Kris, pero may nag-iisa silang komento na bilyon ang uubusin sa gamutan ng TV host kung dalawang taon siyang mamamalagi doon.

Nasa sitwasyon ngayon si Kris na kaligtasan ang kaniyang tinututukan. Nakikipaghabulan siya sa panahon, siya na rin ang nagsabing oras ang kaniyang kalaban ngayon, kaya hindi na siguro importante para sa kaniya ang usapin ng pananalapi.

Sundalo naman siyang punumpuno ng bala, kakayanin niya ang kung magkano mang aabutin ng kaniyang pagpapagamot, ang mahalaga ay nasimulan na ang prosesong kailangang-kailangan ng kaniyang dinaramdam ngayon.

Nandoon din ang kaniyang mga anak na sina Joshua at Bimby, iyon ang kaniyang inaalala noong mga nakaraang buwan, hindi siya sanay na malayo sa kaniya ang magkapatid.

Ayon sa aming kausap, sa napakamodernong kagamitan ng mga ospital sa Houston ay malaking-malaki ang pag-asang malampasan ni Kris ang kaniyang sitwasyon, maraming salamat naman.

Balewala ang pera kung tutuusin, ang pinakamahalaga ay ang nag-iisa nating buhay, dahil wala nang maipampapalit sa nag-iisang buhay na ipinagkaloob sa atin ng Diyos.

Komento pa ng kaibigan naming matagal nang naninirahan sa Dallas, “Sayang, problemado si Kris, nasa ospital siya. Kung maayos ang sitwasyon niya, nasa Houston ang lahat-lahat ng mga branded stuff na type niya.

“Hindi na siya lilipat ng State, nasa Houston na ang lahat-lahat, pero hindi naman kasi bakasyon ang ipinunta niya dito,” sabi ng aming kaibigan.

Ang mahalaga ay nasa tamang lugar na si Kris Aquino ngayon, umaandar na ang kaniyang gamutan, isang araw ay makakaasa tayo na siya na mismo ang magpo-post ng kalagayan niya sa Houston.

Mas kumpleto kapag siya, mas sigurado kapag siya ang nagbahagi sa atin ng kuwento, harinawang maayos na siya ngayon.

Nora Aunor – Nakabawi na ng lakas

Dininig na langit ang sama-samang panalangin ng mga tagahanga ni Nora Aunor. Pati ang taimtim na dasal ng mga kaibigan at kababayan nating nagmamahal sa kaniya ay naging napakalaking tulong sa kaniyang paggaling.

Nakabawi na ng lakas ang Superstar. Hindi pa siya ganoon kaaktibo, nangangailangan pa siya nang mahaba-habang pahinga, kailangang ituloy pa rin ang kaniyang gamutan.

Pero noong nakaraang Sabado nang gabi ay nagbigay-pugay siya kay Pangulong Rodrigo Duterte para personal na magpasalamat sa National Artist award na iginawad sa kaniya ng NCCA.

Tinupad ng Superstar ang kaniyang pangako na kapag kaya na niyang magpasalamat nang personal ay gagawin niya iyon. Kasama ang kaniyang mga anak ay nagsadya ang Superstar sa Malacañang.

May ipinost ding larawan si John Rendez na kuha nito sa Palasyo, ang dahilan kung bakit nagkomento ang marami nating mga kababayan na hindi sumama sa kaniya si Ian de Leon at ang nakasundo na niyang si Lotlot, ito ang sinasabing pinakamalaking hadlang sa pagbabati ng mag-ina.

Suot ni Nora Aunor ang medalyon bilang National Artist. Wala nang mahihiling pa ang Superstar sa estado ng kaniyang karera ngayon dahil iginawad na sa kaniya ang pinakamataas na antas ng parangal bilang aktres.

At harinawang tuluyan nang bumuti ang kaniyang sitwasyon, hindi biro ang pinagdaanan niyang proseso ng gamutan, salamat dahil nalampasan niya ang paghamon.

Nakakaawang tingnan ang Superstar na nahihirapang huminga, tumataas ang kaniyang mga balikat sa paghugot ng hininga, sundin sanang lahat ni Nora Aunor ang mga ipinagbabawal sa kaniya ng mga doktor.

Miel Cuneta Pangilinan – Naglantad na ng kaniyang tunay na kasarian

Kuwento ng aming mga kaibigan, bago raw sila nagsimulang magtrabaho sa opisina noong Miyerkules nang umaga, ay nag-umpukan muna silang lahat.

Dahil wala pa naman ang kanilang boss ay nagpista muna sila sa tsismisan. Ang kanilang paksa, ang paglalantad ni Miel Cuneta Pangilinan tungkol sa kaniyang tunay na kasarian, magkakaiba ang kanilang reaksiyon.

Sabi ng aming kausap, “Pero walang kumontra kay Miel, instead, halos lahat nga kami, e, natuwa at humanga sa katapangan niya!

“Anak siya ng mga kilalang tao, pero sinunod niya ang damdamin niya, inamin niya kung ano siya talaga!” unang komento ng aming kapalitan ng opinyon.

Ang totoong naganap pala ay pinagkumpara nila ang magkapatid na Kakie at Miel. Maraming hindi kagandahang komento ang naisip nila tungkol kay Kakie.

“Nag-compare kasi kami. Di ba, ang nega-nega ni Kakie noong before and after elections? Kahit hindi naman kami maka-BBM, hindi namin nagustuhan ang mga ginawa at pinagsasabi niya!

“Tapos, heto ngayon si Miel. Personal ang revelation niya. Wala siyang sinaktan, wala siyang inakusahan, umamin lang siya tungkol sa gender niya!

“Very positive iyon para sa amin, kahanga-hanga siya, hindi na niya pinagtagal pa ang pagpe-pretend niya. Naging totoo siya sa sarili niya, pati sa publiko, di ba naman kahanga-hanga ang ginawa ni Miel? Nagagandahan kami sa kaniya, siya ang kahawig ni Sharon.

“Si Kakie kasi, nakuha niya ang itsura ng side ng father niya. Basta, hangang-hanga kami kay Miel, huwag naman sana siyang i-bash, kasi, nagpakatotoo lang naman siya!” kuwento ng aming kaibigan.

Kahanga-hanga ang mga magulang na nagbibigay ng suporta sa kaligayahan ng kanilang mga anak. Sila ang unang dapat magbigay ng pang-unawa, hindi ibang tao, lalong hindi ang kanilang mga kapitbahay.

Sino ba ang unang dapat magmahal at magmalasakit sa mga anak kundi sila? Kaya kasalu-saludo ang mga tulad nina Ian Veneracion, Ricky Davao at Jackie-Lou Blanco, ang pinakahuli ay sina Senador Kiko at Sharon Cuneta.

Naalala namin ang isang anak na noong itakwil ng mga magulang dahil sa kaniyang pagiging tibo ay winakasan na lang ang kaniyang buhay.

Kaligayahan at katotohanan ang ipinaglaban ng anak, imahe naman ang mas binigyan ng pagpapahalaga ng mga magulang, hindi nagkita sa gitna ang kanilang damdamin.

Nang mawala na ang kanilang anak ay saka sising-alipin ang mga magulang, naghahagulgulan, pero huli na ang lahat. – CSF