Published on

Cristy Per Minute ni Cristy FerminAbril 1-15, 2021

      Nadine Lustre
Nadine Lustre
  Joseph Estrada
 
Joseph Estrada
  Derek
 
Derek Ramsay & Ellen Adarna
  Arjo Atayde Maine Mendoza
 
Arjo Atayde & Maine Mendoza
  Kira Balinger
 
Kira Balinger
  Kris Aquino
 
Kris Aquino
  Gretchen Barretto
 
Gretchen Barretto
  Coco Martin Julia Montes
 
Coco Martin & Julia Montes
  Nora Aunor
 
Nora Aunor
  Elijah Canlas
 
Elijah Canlas
  Raffy Tulfo
 
Raffy Tulfo

Dating Pangulong Erap - Positibo sa COVID-19

Mabuti na lang at naagapan ng kaniyang pamilya ang sitwasyon ni dating Pangulong Joseph Estrada, naisugod siya agad sa ospital, kaya hindi dumaan sa butas ng karayom ang kaniyang kaligtasan.

Martes pala noong nakaraang linggo ay sabay silang nagpa-swab test ni dating Senador Loi Ejercito, negatibo ang resulta, pero dalawang araw pagkatapos ay nagka-diarrhea ang dating pangulo.

Naagapan naman iyon, nang bumuti-buti ang kaniyang pakiramdam ay umalis siya ng bahay, Sabado iyon. Pagbalik niya kinabukasan sa kanilang bahay sa Polk ay napansin agad ng mga dinatnan niya ang kaniyang panghihina.

Nakapaninibago nga naman iyon sa dating pangulo na mapagbiro, palaging nakikipagkumustahan sa telepono, palakad-lakad.

Kuwento ni Colonel Jude Estrada, “Napansin ng mommy ko na parang nanglalata siya. Nakaupo lang, hindi nagsasalita, tahimik lang siya. Hindi kasi siya ganoon.

“Noong iniakyat na namin siya sa kuwarto nila, hinang-hina na talaga ang daddy ko, ramdam namin iyon, ibang-iba siya noong Sunday,” pag-alala ng bunsong anak ng pangulo.

Pagbalik sa kaniyang bahay na nasa Greenhills din ay tumawag kay Col. Jude ang isa nilang kasambahay, nagdudumi na naman daw ang pangulo, hinang-hina na ang katawan.

Si dating Senador Jinggoy na ang agad na tumakbo sa Polk, nakahanda na ang ambulansiya, ito na ang nagsugod-naghatid sa kaniyang ama sa St. Luke’s Medical Center-BGC. Postibo sa COVID-19 ang aktor-pulitiko.

Sa darating na April 19 ay otsenta’y singko anyos na si dating Pangulong Erap, ang sinasabing edad na napakalapit sa pagkakaroon ng virus, kaya kailangang tutukan ang kaniyang sitwasyon ngayon.

Agarang nagpadala ng mga mensahe ng pampalakas ng loob at maagang paggaling ang mga kapamilya, kaibigan at tagasuporta ng mga Estrada.

Sama-samang panalangin ang ibinigay sa kaniya ng ating mga kababayan kaya ayon sa mga doktor ay mabilis ang pagganda ng kaniyang kundisyon na harinawang magtuluy-tuloy na sana.

Nadine Lustre - Ngayon lang nagkaroon ng kalayaan

Sa kaniyang mga posts ay palaging sinasabi ni Nadine Lustre na mula nang umalis daw siya sa Viva Artists Agency ay naging malaya siya.

Ngayon lang daw niya nagawang tumanggi sa mga bagay-bagay na laban sa kalooban niya, nagkaroon daw siya ng kalayaan, dahil walang namimilit sa kaniya.

Napakasarap maging malaya sa kahit anong aspeto ng buhay. Kung ang mga ibon nga ay umiiyak at nagpapanaghoy para sa kanilang kalayaan, tao pa kaya ang hindi, kaya may punto doon si Nadine.

Pero hanggang kailan niya mapaninindigan ang kaniyang nararamdaman ngayon? Mahirap para sa isang personalidad na tulad niya ang walang manager na nag-aalaga sa kaniyang career.

Mahirap ibenta ang sarili, kailangang may namamagitang manager para sa mga transaksiyon, iyon ang maayos na mahabang panahong pinagsaluhan nila ng VAA na biglang umasim.

Masarap maging malaya, iyon naman ang isinisigaw ng kahit sino, ang kalayaang mamuhay na kipkip natin ang pagdedesisyon para sa ating sarili.

Pero artista si Nadine, sa sinasabi niyang paglaya mula sa pamamahala ng VAA ay suntok pa sa buwan ngayon kung ano ang magaganap sa kaniyang karera sa mga darating na panahon, hindi niya hawak ang bukas.

Siguradong mahihirapan na siya, hindi na ganoon magiging kadali ang pagdating ng mga proyektong gagawin niya, dahil wala nang magbebenta sa kaniyang talento hanggang hindi pa natatapos ang pagdinig sa kasong isinampa niya laban sa VAA.

Derek Ramsay at Ellen Adarna - Engaged na!

Martes Santo, binulabog ng magkasintahang Derek Ramsay at Ellen Adarna ang buong mundo ng showbiz, pati ang kanilang mga bashers ay hindi makapaniwala sa lumabas na balita.

Ang magkarelasyong mahigit na dalawang buwan pa lang na lumalantad ay malapit nang magpakasal, nag-propose na si Derek kay Ellen, na ikinaligaya ng kanilang mga kaibigan.

Hindi na kami nagtaka sa pangyayari, inaasahan na namin ang pagpo-propose ni Derek, napaaga lang iyon nang ilang araw sa petsang inaasahan namin.

Narito po ang blind item na inilabas namin sa pahinang ito noong nakaraang Lunes, March 29, “Tatlong tulog na lang at tapos na ang Marso. Magtatapos na ang buwan na hinding-hindi makakalimutan ng buong mundo dahil sa pagsisimula ng pandemya.

Nakaabang ang buong bayan ngayon sa mga susunod na magaganap, balik-ECQ naman ang NCR at iba pang mga piling probinsiya, balik na naman tayo sa grade one.

Pero may hatid na anunsiyo ang buwan ng Abril. May nakatakdang pasabog ang isang magkarelasyon na minamahal ng iba pero paborito ring upakan sa social media ng mga bashers.

Isang mahalagang rebelasyon ang isasapubliko nilang dalawa, ikaliligaya iyon ng mga taong nakakakilala sa kanila mula ulo hanggang paa, pero maituturing din iyon na pagkain para sa mga bashers na walang inaabangan kundi ang butas na masisilip sa kanilang relasyon.

Abangan ang pasabog na ito sa mga unang araw ng Abril. Papalakpakan ng kanilang pamilya at mga kaibigan ang desisyong ipapahayag nila.

At ikagugulantang iyon ng mga taong walang alam gawin kundi ang kundenahin ang kanilang relasyon. At ikakapahiya iyon ng mga napakaagang humusga sa kanilang pagmamahalan.

Promise!”

Malaking sampal para sa mga humuhusga kay Derek Ramsay ang proposal, wala na kasing ibang ibinabato laban sa kaniya ang mga bashers kundi ang estado ng pagpapakasal sa kaniyang mga nakakarelasyon, hanggang salita lang daw iyon at wala namang natutuloy.

Sa nangyari kina Derek at Ellen ay maiisip na lang natin na ang isang relasyon ay hindi nasusukat sa tagal at igsi, kapag puso na ang nagsalita ay wala na tayong ibang magagawa, kailangan na lang nating makinig.

Sino nga ba ang mag-aakala na sa dinami-dami ng pinagdaanang relasyon ng hunk actor na bumilang nang maraming taon ay kay Ellen Adarna pa pala magaganap ang kaniyang pagpapakasal?

Enero lang sila nagkakilala, isang biglaang dinner lang na kasama ang kanilang mga kaibigan ang naganap, pero pagkatapos noon ay hindi na sila nagkahiwalay.

Paniwala nga ng mas nakararami ay magka-live-in na sila ngayon, natutulog na sila sa isang kama, hindi na umuuwi si Ellen sa kaniyang bahay.

Ganoon katindi ang pana ni Kupido kung magtrabaho, tinamaan sina Derek at Ellen sa pinakasentrong bahagi ng kanilang puso, kaya sa kasalan na nga mauuwi ang kanilang pagmamahalan.

“Wala nang masasabi ngayon ang mga bashers na panay-panay ang pangunguwestiyon kay Derek, engaged na sila ngayon ni Ellen, ang pag-uusapan na lang nila ngayon ay kung kailan at saan ang kanilang kasal.

Pinanindigan ni Derek ang kaniyang sinabi kailan lang na si Ellen na ang gusto niyang makasama habambuhay. Pinagtaasan iyon ng kilay ng iba, heto na naman daw ang bolerong si Derek, pero ano pa ba ang maikokomento nila ngayon?

May nang-usisa sa amin, bakit daw hindi si Andrea Torres ang inalok ng kasal ni Derek, isang tanong na walang-wala kaming karapatang sumagot dahil silang dalawa lang ang totoong nakakaalam ng mga dahilan kung bakit sila naghiwalay.

Ang mahalaga ay mauuwi na sa kasalan ang whirlwind romance nina Derek at Ellen, napakabilis ng mga kaganapan pero di nga ba, palagi raw may nakalaang sorpresa ang kapalaran sa dalawang pusong sinserong nagmamahalan?

Abangan na lang natin ang mga susunod na kabanata. Parehong simpleng tao sina Derek at Ellen kahit pa ipinanganak silang may gintong kutsara sa bibig, panahon pa naman ng pandemya ngayon, kaya hindi na mahalaga kung isang napakabonggang kasalan ang magaganap sa lalong madaling panahon.

Ang pinakaimportante ay ang kanilang magiging pangako sa bawat isa na sa hirap at sa ginhawa, sa pagbagsak at sa pagbangon, sa anumang panahon ay magmamahalan sila nang tapat.

Maine Mendoza at Arjo Atayde - Ligtas na sa salot

Isang kaibigan ang nagkuwento sa amin na totoong na-expose sina Arjo Atayde at Maine Mendoza sa isang kababayan nating nagpositibo sa COVID-19.

Bumiyahe sila at nagpunta sa isang resort, ipinagdiwang nila ang kaarawan ng Dubsmash Queen, tulad nang dati na nilang ginagawa para kapag dumarating ang kanilang kaarawan.

Sa isang punto ng pananatili nila sa resort ay sabay silang nagpamasahe. Regalo nga naman nila iyon sa kanilang mga sarili sa sobrang pagtatrabaho.

Ayon sa aming source ay nagpositibo sa COVID-19 ang masahista, sa contact tracing ay napasama sa bilang ang pangalan nina Arjo at Maine, kaya pinag-quarantine silang dalawa.

Dapat sana’y may shoot para sa isang TVC si Maine, pero hindi iyon natuloy, ilang araw na rin siyang hindi napapanood sa Eat… Bulaga.

“Pero they were tested negative naman, wala nang dapat ipag-alala ang mga supporters nila, buti na lang,” komento pa ng aming kausap.

Dahil sa nangyari ay umani na naman ng mga negatibong komento si Arjo Atayde. Kung saan-saan daw kasi kinakaladkad ng napakagalang aktor si Maine kaya kung anu-ano ang nangyayari sa dalaga.

Wala namang may gustong malagay sa alanganin, matagal na nilang plano ang pagbabakasyon, hindi naman pinilit ni Arjo si Maine para ito sisihin.

Kunsabagay, kahit naman sino ang madikit sa pangalan ni Maine ay ayaw ng kaniyang mga tagahanga, si Alden Richards lang talaga ang pasable para sa grupo.

Kaso nga lang ay parang tambalang John Lloyd Cruz-Bea Alonzo lang din ang kina Alden at Maine, hanggang sa harap lang ng mga camera pero sa totoong buhay ay hindi naman totoo, walang romansang nabuo sa kanila.

Ang importante ay ligtas na sa salot sina Maine at Arjo, maayos na ang kanilang sitwasyon, hindi nila hinanap ang sakit kundi sila ang aksidenteng nadamay sa contact tracing.

Kira Balinger - Maganda na, napakahusay pang umarte

Napakaganda na ay masarap pang tutukan ang pag-arte ni Kira Balinger na nagkaroon ng magandang oportunidad para maipakita ang kaniyang talento sa katatapos lang na seryeng Ang Sa Iyo Ay Akin.

Siya ang nakatambal ng bagito ring si Grae Fernandez, tagumpay ang kanilang loveteam, dahil pareho silang mahusay umarte.

Sana’y bigyan pa ng mas maraming trabaho ng ABS-CBN si Kira, bibihira ang ganitong kumbinasyon, parang si Liza Soberano na ubod na nang ganda ay magaling pang umarte.

Sa maraming eksena ni Kira ay kitang-kita na mas marami pa siyang maipakikitang talento sa publiko. Hindi siya naggaganda-gandahan sa mga eksena, wala siyang pakialam sa kaniyang itsura sa harap ng mga camera, magkakahalo ang pawis, luha at sipon niya sa mga tagpo na ipinagkakatiwala sa kaniya.

Sabi ng kaibigan naming propesor na bihirang-bihira lang pumuri ng mga kabataang artista, “Magaling ang batang ito! Nakikita ko sa itsura niya sina Maritess Revilla at Congresswoman Lucy Torres Gomez. Pero minamarkahan ko ang mga eksena niya.

“Alam ni Kira ang pinasok niyang trabaho, marami silang nag-aagawan sa kapirasong karne, kaya pinaghandaan niya ang pag-arte. Magaling siya!” sabi ni prop.

Nakasasawa na raw kasi ang ipinakikitang acting ng mga mas nauna kesa kay Kira, walang pagbabago, nangitlog na lang sa kung ano ang alam nila.

Sana nga ay magkasama sina Liza Soberano at Kira Balinger sa isang proyektong magkapatid sila. Labanan iyon ng magaganda, ng magaganda na ay maaasahan pa sa pag-arte, sana nga.

Kris Aquino - Kinaladkad na naman ang pangalan ni Bistek

Bukod sa mga komentong lutang na lutang ngayon sa social media na supot ang bantang pasabog ni Kris Aquino ay sabay-sabay ring nagtaasan ang kilay ng mga malalapit kay dating Mayor Herbert Bautista dahil sa rebelasyon ng aktres-TV host sa kaniyang “state of the nation address.”

Sabi ng isang malapit sa actor-politician, “Kinaladkad niya na naman ang name ni Bistek, samantalang kahit minsan naman, e, hindi umamin iyong tao na naging sila.”

Boto kuno ang kaniyang bunsong si Bimby sa dating mayor ng Kyusi, nagkaroon daw uli sila ng komunikasyon, ewan lang kung alam iyon ni ex-Mayor Herbert.

Text naman ng isang kaibigan namin, “Naaalala n’yo pa ba ang makasaysayang kuwento ng lobo at flowers na ipinadala raw sa kaniya ng isang taong malapit sa puso niya?

“Ginawa pa niyang blind item sa IG niya ang tungkol doon, naghulaan naman ang mga supporters niya, si Bistek ang gusto niyang paniwalaan ng publiko na nagpadala noon sa kaniya!

“Nakakaloka! Nananahimik iyong tao, pero idinadamay niya sa kung anu-anong kuwento! May nagtanong kay Mayor Herbert tungkol doon, pero puro tawa lang isinagot niya!” tawa rin nang tawang kuwento ng aming kausap.

“Kung nakauumay ang mga pagkain na palagi nating natitikman, kung may mga taong nakauumay dahil sa paglilitanya nang paulit-uli na pare-pareho lang ang laman, sino sa palagay n’yo ang personalidad na iyon?

Gretchen Barretto - nauumay na sa mga hanash ni Kris Aquino

Kahit pa luma na ang lumabas na video ni Gretchen Barretto na tumutuligsa kay Kris Aquino ay pinagpistahan pa rin sila sa social media.

In-edit lang iyon, pinagdugtung-dugtong, pero lumabas ang video ni Gretchen na iyon noong January, 2019 pa.

Pero pagtatanggol kay Gretchen ng isang netizen, “Kahit luma na ang video, applicable pa rin sa mga kaartehan ni Kris ngayon! Ibig sabihin, nakakaumay na talaga ang mga hanash ng babaeng iyon, pare-pareho, walang bago!”

Komento naman ng isa pang tagasuporta ni Gretchen, “‘Yan ang magpapasabog! Kahit luma na ang video, hindi supot! E, si Kris? Magbabanta pa na may pasabog daw siya, pero ang resulta? Ampaw! Walang kalaman-laman!

“Tantanan na niya ang kiyemeng pagpapasabog, siya lang naman ang nag-iisang naniniwala sa mga pasabog niya!” sabi nito.

Depensa naman kay Kris ng kaniyang tagahanga, “Si Gretchen, walang trabaho, kaya may time siyang makisawsaw! Wala kasi siyang pinagkakaabalahan, kaya buhay ni Kris ang tinututukan niya!”

Nagalit ang isang netizen, “Matagal nang tumigil sa pag-aartista si Gretchen, pinipili na lang niya ang project na ino-offer sa kaniya! E, si Kris, may tinatanggap bang alok? Waley!

“Ipinagsisiksikan niya ang sarili niya sa mga networks, pero may tumanggap ba sa kaniya? Waley! Tinatanggihan siya! Tapos na ang career niya, tanggapin na lang ni Kris na tapos na ang panahon niya!

“At please, huwag na niyang ginagamit at kinakaladkad ang mga taong nanaahimik na para lang paingayin ang sarili niya! Wala nang naniniwala sa kaniya, kaya stop me (read: tigilan ako!)!” galit na komento ng umay na umay na sa mga litanya ni Kris Aquino.

Coco Martin at Julia Montes -Magkasamang nagbakasyon sa Boracay

Higit pa sa pag-amin tungkol sa totoo nilang relasyon ang ipinakita nina Coco Martin at Julia Montes. Wala nang kahit anong salita na kailangan tayong marinig, sapat na ang pagpapakita nila sa publiko na magkasama sila sa Boracay, iyon na iyon!

Pero hindi pa nagkakasya sa ganoon lang ang iba, ang pag-amin tungkol sa kanilang pagkakaroon na ng anak ang susunod nilang gustong malaman, kailan daw naman kaya iyon ihahayag sa buong mundo nina Coco at Julia?

Hinay-hinay lang muna siguro ang mga nakaabang, ibinigay na nina Coco at Julia ang kanilang mga kamay, huwag naman nating kunin pa ang kanilang buong katawan.

Pasasaan ba at darating din ang panahon ng kanilang pagpapakatotoo, ang kapribaduhan lang ng kanilang buhay ang inaalala ngayon nina Coco at Julia, kaya bantulot pa silang umamin at karapatan nila iyon.

Gustung-gusto namin ang kuwento ng isang kaibigang nakasabay sa airport ng magkarelasyong ayaw pang literal na umamin.

“Mababait sila, hindi man sila pumapayag na makipag-selfie, marespeto naman silang kumakaway na tanda ng respeto. Okey na iyon, mahalaga ang pagrespeto, like na naming buong pamilya sina Coco at Julia ngayon,” kuwento ng aming kaibigan.

Nora Aunor - Kinalimutang banggitin ang kaniyang mentor

Malinamnam ang panayam nina Kuyang Ted Failon at DJ Chacha sa kanilang programa sa Radyo 5 at Cignal One PH noong Martes nang umaga sa nag-iisang Superstar na si Nora Aunor.

Walang anumang kulapol ng make-up si Ate Guy, parang bagong gising lang siya, sa simula pa lang ay binigyan na agad niya ng pagpapahalaga ang kaniyang mga loyalistang tagasuporta mula noon hanggang ngayon.

Maraming dagdag na impormasyon si Nora sa kaniyang kabataan sa Bicol. Ang alam lang natin ay nagtitinda siya ng tubig sa riles ng tren pero may iba pa pala siyang pinagkakakitaan nung mga panahong iyon.

“Nagluluto rin kami ng ulam sa gabi, dagdag na kita kasi iyon para sa pamilya namin. Saka namumulot ako ng mga tingga sa basurahan. Naibebenta kasi iyon.

“Dahil mahirap lang po kami, lahat ng puwedeng pagkakitaan, ginagawa ko,” mainspirasyong kuwento ng Superstar.

Beinte pesos daw ang papremyo kapag nananalo siya sa amateur contest. Hanggang sa pumila na raw siya para mag-audition sa Tawag Ng Tanghalan sa Maynila.

Tanong ni Ted, “Mayroon po bang kumumbinse sa inyo na sumali sa Tawag Ng Tanghalan? Ang sagot ni Nora, “Wala po, talagang pumipila lang ako at nagbabaka-sakali. At nakuha naman ako.”

Doon kami nagulantang, maging ang mga kaibigan namin ay nagtawagan, “Bakit hindi niya binanggit ang pangalan ni Mamay Belen Aunor na nagdala sa kaniya sa paligsahan?”

Totoo iyon. Sa kasaysayan ng buhay at karera ng Superstar ay si Mamay Belen na kapatid ng kaniyang ina ang naging talent scout niya, ito ang nagdala sa kaniya sa Tawag Ng Tanghalan, ito rin ang naging mentor niya sa pagkanta dahil mahusay kumanta at gumitara si Mamay Belen.

Pero bakit kinalimutang banggitin ng Superstar ang kaniyang mentor, ang kaniyang tiyahing si Mamay Belen, na nagpahiram pa nga ng kanilang apelyido para magamit ng Superstar?

Bagong gising lang ba si Ate Guy? O may problema siya sa pamiya Aunor? Hindi maaaring tanggalin sa kuwento ng pagiging Superstar niya ang pangalang Mamay Belen.

Bigla naming naalala ang istorya ng May Paparotti, ang Korean movie na tumutukoy sa pagtanaw ng utang na loob, nang sumikat ang tenor na si Jang-ho ay hindi nito kinalimutang balikan-pahalagahan ang kaniyang mentor na si Mr. Nan.

Ang buod ng kuwento ay walang mararating si Jang-ho kung walang Mr. Nan na naniwala, gumabay, nagturo at nagsakripisyo para maabot nito ang rurok ng tagumpay.

Nakakalungkot.

Elijah Canlas - Kahanga-hanga ang talento sa pag-arte

Paminsan-minsan lang kami humahanga sa talento ng mga artista na sa unang salang pa lang sa pag-arte ay markado na agad ang kipkip na kapasidad.

Ang una ay si Joel Torre sa Oro, Plata, Mata. Ikalawa si Cogie Domingo sa Deathrow. Wala pa silang karanasan noon sa pagganap pero sinaluduhan ng publiko ang ipinamalas nilang pag-arte.

May idinadagdag na kami sa listahan ngayon, si Elijah Canlas, ang nagwaging Best Actor sa URIAN at iba pang award-giving body sa ibang bansa dahil sa napakahusay niyang pagbibida sa Kalel, 15.

Nakuha rin ni Elijah ang paghanga ng ating mga kababayan sa BL series na Gameboys ng The IdeaFirst Company, malapit nang ipalabas ang ikalawang sultada nito, nakaabang na ang mga beki ngayon pa lang.

Si Elijah Canlas ang isa sa mga dahilan kung bakit namin tinututukan ang seryeng Paano Ang Pangako ng TV5. Umaarangkada pa ang Frontline Pilipinas ay nakatanghod na kami sa harap ng telebisyon sa pag-aabang kung anong husay na naman sa pag-arte ang ipakikita ng batang aktor.

At hindi niya kami binibigo. Magaling si Elijah, napakanatural ng kaniyang pag-arte, malinaw rin siyang magbitiw ng mga linya na kilometriko ang haba.

May mga mata ang binata na sumusuot sa puso ng manonood, naitatawid niya nang eksakto lang ang kaniyang emosyon, walang kulang at walang sobra.

Batang-entablado si Elijah Canlas, ang mundo ng pag-arte na walang take two, kung ano ang una mong ginawa ay iyon na iyon at hindi na maaaring ulitin.

Sabi nga namin kay Direk Perci Intalan ay nakahukay sila ni Direk Jun Lana ng ginto kay Elijah. Ang kaniyang sagot, “At mapagkumbaba si Elijah, walang kayabang-yabang. Lilipad ang mga pangarap niya, pero mananatiling nakatapak sa lupa ang mga paa niya.”

Bilang si Noel sa Paano Ang Pangako ay sinasalamin ni Elijah ang mga milenyal na may paninindigan, lumalaban, pero humihingi ng tawad kapag nagkakamali siya.

Lalong umalab ang paghanga namin kay Elijah Canlas dahil siya ang tagapamuno ng isang grupo ng mga kabataang mulat sa mga nagaganap sa ating bayan.

Maraming salamat sa mga magulang ni Elijah Canlas sa kinamulatang disiplina ng kanilang anak. Salamat sa pagbibigay sa mundo ng telebisyon at pelikula ng isang anak ng sining na hindi lang magaling umarte kundi mapagmahal sa kaniyang propesyon.

Simula pa lang ito. Sana nga ay lumipad pa nang mataas na mataas ang saranggola ng mga pangarap ni Elijah Canlas.

Raffy Tulfo - Naka-quarantine ngayon

Noong nakaraang Biyernes ay hindi na napanood nang live sa kaniyang mga programa sa radyo at telebisyon si Raffy Tulfo. Boses niya lang ang naririnig sa pamamagitan ng phone patch.

Dalawang linggong hindi mapapanood-maririnig ang matapang na news anchor sa Wanted Sa Radyo, Idol In Action at Frontline Pilipinas.

Naka-quarantine siya ngayon, nagpositibo sa COVID-19 ang kaniyang driver, sa contact tracing ay siya ang nangunguna sa listahan ng mga nakasalamuha nito.

Huwebes nang gabi nakaramdam ng kakaiba ang kaniyang piloto, maagang-maaga noong Biyernes ay nagpa-swab test sila sa St. Luke’s Medical Center, mabilisan ang prosesong ginawa at positibo nga sa virus ang kaniyang driver pero negatibo naman si Kuya Raffy.

“Pero kami ang palaging magkasama ng driver ko, nasa harapan siya at nasa likuran ako, naka-aircon ang sasakyan ko. Ako na ang nag-self quarantine, kahit pa negative naman ang swab test ko.

“Nasa bahay lang ako, hindi ako lumalabas ng kuwarto, dinadalhan lang nila ako ng pagkain,” paliwanag ni Kuya Raffy. – CSF