Published on

Cristy Per Minute ni Cristy FerminMarso 16-31, 2021

      Kim Chiu
Kim Chiu
  Julia Barretto & Gerald Anderson
 
Julia Barretto & Gerald Anderson
  Marjorie Barretto
 
Marjorie Barretto
  Claudine Barretto
 
Claudine Barretto
  Randy Santiago
 
Randy Santiago
  Kris, Bimby & Josh Aquino
 
Kris, Bimby & Josh Aquino
  Aljur Abrenica & Kylie Padilla
 
Aljur Abrenica & Kylie Padilla
  April Boy Regino & Madel de Leon
 
April Boy Regino & Madel de Leon

Kim Chiu – Nananahimik sa isyung Julia Barretto at Gerald Anderson

Sabi nga, silence is the sweetest sound, walang tatalo sa pananahimik, dahil less talk, less mistake.

Tama ang ginagawang pananahimik lang ni Kim Chiu sa anumang isyung may kinalaman sa lantad nang relasyon ngayon nina Gerald Anderson at Julia Barretto.

Kahit anong tanong pa ang ibato kay Kim ay ngiti lang ang kaniyang isinasagot, hindi siya nakikisawsaw, kahit siya pa ang unang nakarelasyon ng aktor ay ano pa nga naman ang mapapala niya kung magbibigay siya ng komento ngayon?

Pero maraming puwedeng ikukuwento si Kim kung gugustuhin lang niya. Marami pang nakakaalala sa matindi niyang paghagulgol nang mag-break sila ni Gerald dahil ang ipinalit nito sa kaniya ay ang bestfriend niya pang si Maja Salvador.

Pero bakit pa nga naman niya babalikan ang istoryang iyon, samantalang masaya-maligaya na siya ngayon, dahil mayroon na siyang Xian Lim?

Ang paniwala nga noon ng malalapit kay Kim ay pinagsabay rin sila ni Gerald sa isang panahon lang ni Maja. Parang kuwento rin nina Bea Alonzo at Julia Barretto.

Kaya nga hindi na bago para sa nakararami ang ginawa ni Ge-rald kay Bea, dati na nitong ginagawa ang pagsasabay ng girlfriend, idedenay lang nito sa una pero nabubuking din naman si Gerald sa bandang huli.

Maganda ang imahe ni Kim Chiu. Hindi siya nakikialam sa buhay ng may buhay. At napakabilis niyang magkomento ng papuri tungkol sa mga kasamahan niyang personalidad kung kinakailangan.

Sabi ng isang source, “Naaalala pa namin, noong bumaha nang matindi at lumubog ang subdivision na tinitirhan nina Gerald at Kim, bidang-bida si Gerald noon dahil iniligtas niya ang family ni Kim.

“Para siyang knight in shining armour noon, nakasalbabida siya, nilangoy niya ang bahay ni Kim, pero pagkatapos noon, e, nangyari na nga ang paghihiwalay nila. Pumasok na sa eksena si Maja,” komento ng aming kausap.

Nga pala, sa pagkawala ni Maja Salvador sa ASAP Natin ‘To ay si Kim Chiu na ang mayhawak ng titulong “Queen of The Dance Floor” na karapat-dapat lang naman, dahil talagang napakahusay sumayaw ng young actress.

Gerald Anderson at Julia Barretto –Maraming kumokontra sa relasyon

Kung nakamamatay lang ang mga salita ay kambal na lamayan na ang siguradong magaganap. May mga kakampi rin naman sina Gerald Anderson at Julia Barretto pero mas malaking di hamak ang bilang ng mga kumokontra sa kanila.

Madali namang tanggapin ang pagmamahalan ng isang lalaki at isang babae, napakanormal na kaganapan lang naman ang ganoon, artista man o hindi ang sangkot sa relasyon.

Ibang-iba lang ang senaryong kinapapalooban nina Gerald at Julia dahil sa pakiramdam ng publiko ay mayroon silang sinaktan at sinagasaan para sa personal nilang kaligayahan.

Nand’yan si Bea Alonzo na hindi na nga masyadong nagsasalita, kontrolado pa nga ang kaniyang saloobin, idinadaan na lang ng aktres ang kaniyang sama ng loob sa mga makasaysayang quotations na patagilid lang ang datingan pero matalim na punyal ang katumbas bilang patama sa magkarelasyong nanakit sa kaniya.

Hanggang hindi nililinaw ni Gerald Anderson ang totoong kuwento ng hiwalayan nila ni Bea Alonzo ay mananatiling ahas at manunulot si Julia Barretto sa pananaw ng publiko.

Hindi puwede ang mga palusot na dahilan, aktuwal na paliwanag ang hinihintay ng bayan, para matigil na ang pag-aakusa sa kanila ni Julia Barretto na pareho lang silang manloloko at sinungaling.

Prenteng-prente lang na nakaupo sa trono ngayon si Bea Alonzo, mas umeeksena pa nga ang sinasabing karelasyon nitong si Dominic Roque na nagpulupot pa ng sawa sa kaniyang leeg, habang nakikipaggiyera naman ng salitaan sina Gerald at Julia sa kanilang mga kalaban sa social media.

Marjorie Barretto – Naghahamon ng away?

Dati nang pina-follow ni Marjorie Barretto ang mga social media accounts ni Jodi Sta. Maria. Nila-like ng aktres ang mga posts ni Jodi, nagkokomento pa nga kung minsan si Marjorie, matagal na silang magkaibigan.

Nang-mag-post sina Raymart Santiago at Jodi Sta. Maria ng kanilang mga retratong masayang-masaya sila ay ni-like din iyon ni Marjorie na tulad nang dati.

Negatibo ang naging reaksiyon doon ng mga tagasuporta ni Claudine Barretto, talaga raw naghahamon ng away si Marjorie, dahil alam niya naman na bagong karelasyon ni Raymart si Jodi.

Pinersonal iyon ng mga maka-Claudine, iniinis daw ni Marjorie ang kaniyang kapatid na kung anu-anong paghusga ang ibinabato kay Jodi, naghahamon na naman daw ng giyera si Marjorie.

Sabi ng aming source, “Kung ngayon lang ni-like ni Marj ang posts nina Raymart at Jodi, puwedeng sabihing nang-iinis nga siya! Pero naman! Matagal nang pina-follow ni Marjorie si Jodi!”

Nakasilip na naman ng butas ang mga arsonista ng tsismis para muling sindihan ang matagal nang nanglalamig na hidwaan ng magkakapatid na Barretto.

Mula nang maganap ang kakila-kilabot nilang bangayan sa mismong lamay ng kanilang ama ay wala nang sumunod pang pangyayari.

Huwag na sanang patulan pa ni Claudine ang mga sulsol at bulong ng mga taong nakapalibot sa kaniya para muling mabuhay ang away nilang magkapatid.

Claudine Barretto – Masama pa rin ang loob kay Julia

Si Claudine Barretto pa ba? Ang klase ba ni Claudine ang mababahag ang buntot sa pagsagot sa mga katanungan ng mga netizens?

Sa diretsong tanong sa kaniya kung sino ang mas mahusay umarte kina Julia Barretto at Julia Montes ay walang kagatul-gatol ang kaniyang sagot. “Julia Montes, OF COURSE!

May kasunod pang pang-uusisa iyon. Kaya ba siya mas nahuhusayang umarte kay Julia Montes ay dahil iyon ang sinsero niyang opinyon o dahil galit pa rin siya hanggang ngayon sa kaniyang pamangking si Julia Barretto?

Ang diretsong sagot ni Claudine, “Sweetheart, BOTH!” All caps ang salitang BOTH, madiin ang kaniyang sagot, di hamak na mas magaling umarte si Julia Montes at pinanindigan ng aktres na hanggang ngayo’y may galit pa rin siya kay Julia Barretto na kadugo niya.

Kumbaga sa boksing ay pang-lightweight pa nga lang ang ganoong klase ng tanong para kay Claudine, walang-wala iyon para lapatan niya ng diretsong sagot, naghihintay pa siguro siya ng mga pang- heavyweight na tanong tungkol sa kaniyang pamangkin.

Marami kasing baon na sama ng loob si Claudine laban kay Julia na itinuring niya nang parang tunay na anak noong bata pa ito.

Kahit saan magpunta noon si Claudine ay bitbit niya ang mga anak nina Dennis Padilla at Marjorie.

“Mama Pretty” ang tawag sa kaniya ng mga bagets, maraming dapat tanawing utang na loob si Julia sa kaniyang tiyahin.

Paano kaya sasagutin ni Claudine ang tanong kung totoong inahas ni Julia si Bea Alonzo? All caps din kaya ang magiging tugon niya? At gaano kaya iyon katalim?

Team Bea pa naman sila ng kaniyang ateng si Gretchen.

Randy Santiago – Ayaw makialam sa isyu nina Raymart at Jodi

Bumonus kami ng tanong kay Randy Santiago nang maging panauhin namin siya sa Cristy Ferminute. Bukod sa kaniyang bagong iho-host na programa sa TV5, ang Sing-Galing, ay kumurot kami nang pahapyaw tungkol sa relasyon ngayon ng kaniyang kapatid na si Raymart at ni Jodi Sta. Maria.

Tama ang sagot ni Randy, super-close silang magkakapatid, pero pagdating sa aspeto ng kanilang personal na buhay tulad ng pakikipagrelasyon ay hindi sila nagpapakialaman.

Madalas silang magkakasama lalo na kapag dumadalaw sila sa puntod ng kanilang mga magulang pero hindi sila nagtatanungan tungkol sa mga problema nilang personal.

“Ganoon kami. Alam namin kung hanggang saan lang kami puwedeng magsalita. Nangyari na ‘yan kina Junjun at Sherilyn noon, pero hindi kami nakialam.

“Iyong kina Raymart at Claudine, ganoon din, sila lang ang puwedeng magsalita, labas kami. Kaya nga ayaw nang mag-asawa ni Rowell, e!” tumatawang kuwento ni Randy.

Mahirap pa ring iraos nina Randy at Marilou ang araw-araw hanggang ngayon dahil sa pagpanaw ng kanilang anak na si Ryan. Wala nang salitaan, magkatinginan lang silang mag-asawa ay sabay na silang lumuluha, sobrang sakit para sa kanila ang pagkawala ng kanilang anak.

Mabuti na lang at nalilibang si Marilou sa paghahalaman, punumpuno ng halaman ang kanilang buong bahay at hardin, ang magkakapatid na Santiago ang kaklase ng kaniyang misis sa pagiging plantito at plantita.

“Ang mamahal pala noon!” komento ni Randy. Hindi sila nagbebenta, pinalalago lang ni Marilou ang mga halaman, minsan-minsan ay nagreregalo sila sa mga kaibigan ng mga alaga nitong bonsai.

“Mabuti na lang at nalilibang si Marilou. Siya talaga ang matinding emotional sa pagkawala ng anak namin. Sa akin naman, busy ako palagi. Pinipilit kong kalimutan, pero hindi puwede, pauwi pa lang ako from work, lungkot na agad ang kasama ko,” rebelasyon pa ng magaling na singer.

Sugat na walang paggaling. Sugat na habang tumatagal ay lalong nagnanaknak.

Kris Aquino – Nag-iingay na naman sa social media

May punto ang mga nakausap namin tungkol sa pag-iingay na naman ngayon ng Pambansang Taklesang si Kris Aquino. Paano nga naman gagaling ang kaniyang sakit kung ganyan na kapag nakaharap na siya sa kaniyang mga gadgets ay naghahamon siya ng giyera?

Sabi pa ng isang abogadong kaibigan namin, “She keeps on talking about her autoimmune disease, idine-detalye pa niya ang sakit niya, bawal na bawal ang stress sa kaniya, pero ano ang ginagawa niya ngayon?

“She’s inviting stress! She opens all her doors para pasukin siya ng stress! Kris really speaks with two tongues!” madiing komento pa ng aming kausap.

Kauna-unawa naman ang kaniyang punto bilang depensa sa kaniyang mga anak lalo na sa walang kamuwang-muwang na si Joshua. Kahit sinong ina ay paplakaduhin din ang pagtatanggol na ginagawa ngayon ni Kris para sa kaniyang panganay at sa bunsong si Bimby.

Fake news na nagdadalantao ngayon ang yaya ni Josh, walang alam sa kamunduhan ang kaniyang panganay, at si Bimby naman ay walang habas na pinagbibintangang beki sa batambata pa nitong edad ngayon.

Pinakyaw nga naman ang kaniyang mga anak sa kontrobersiya, parehong sinasaktan, kaya parang kapanganganak na tigre si Kris ngayon na handang lumundag para sakmalin ang mga naninira sa kaniyang mga anak.

Pero makatutulong ang payo ng mga bukas ang isip tungkol sa kaniyang bunso. Piliin na lang sana ni Kris ang mga video na ipino-post niya sa social media.

Huwag na niyang inilalabas pa ang mga video o larawang nagbibigay ng kakaibang insinwasyon tungkol sa kasarian ni Bimby. Kris na Kris kasing gumalaw at magsalita si Bimby dahil palagi silang magkasama.

Gayang-gaya siya ng kaniyang bunso, pati ang halakhak na kaniyang-kaniya lang ay isandaang porsiyentong plakado ni Bimby, na nagbubukas ng pintuan ng pag-aalinlangan at pambabato ng pagdududa sa kasarian ng kayang bunso.

Pero kung kilala nga natin si Kris Aquino ay hindi siya makikinig sa ganoong payo. Si Kris Aquino siya, siya ang reyna ng kaniyang sarili, siya ang dapat masunod sa ayaw at sa gusto ng kahit sino.

Aljur Abrenica – Tameme sa reklamo ni Kylie

Minarkahan na ng publiko si Kylie Padilla. May mga tumatawag ngayon sa kaniya ng “The girl who cried wolf! Sa susunod niyang gawin ang paglilitanya sa social media tungkol sa problema nila ni Aljur Abrenica ay baka wala nang maniwala sa kaniya.

Suot na uli ni Kylie ang wedding ring nila ni Aljur, opinyon ng mas nakararami, punuin man ng singsing ng aktres ang lahat ng kaniyang mga daliri sa paa at kamay ay wala nang pakialam sa kaniya ang mundo.

Komento ng kaibigan naming propesor, “Ganyan talaga ang kauuwian ng mga taong hindi muna nag-iisip na mabuti bago ipagbuyangyangan sa publiko ang kuwento ng buhay niya!

“Bubuga ngayon, babawi bukas, ano ang akala niya sa pagiging mag-asawa nila ni Aljur, laro? Parang candy na kapag ayaw na niya, e, basta na lang niya iluluwa?” inis na sabi ni prop.

Hindi nga naman kagandahan ang naganap. Agad-agad na nagsumbong sa social media si Kylie tungkol sa kaniyang mga disgusto. Mabuti na lang at mahal na mahal siya ni Aljur, at malaki ang respeto sa kaniya ng ama ng kaniyang mga anak, kaya wala tayong anumang nabasa-narinig mula sa aktor tungkol sa mga inirereklamo ng kaniyang misis.

Tapos ngayon ay magpapakita siyang suot na uli ang kaniyang wedding ring? Ano ito, lokohan, na matapos niyang sabihing pati panggasolina ng kaniyang mister ay sa kaniya pa hinihingi ay okey na uli sila?

Sino ang niloko ni Kylie Padilla? Ang publiko lang ba?

Madel De Leon – Malungkot pa rin sa pagkawala ng asawang si April Boy Regino

Pagkatapos nang mahigit na tatlong buwan mula nang pumanaw ang Jukebox Idol na si April “Boy” Regino ay muli kaming nagkaroon ng komunikasyon ng kaniyang biyudang si Madel de Leon.

Tinawagan kami ni Madel para sabihing hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nakatatakas sa matinding kalungkutan dahil sa pagpanaw ng kaniyang asawa.

Lalo pang tumindi ang kaniyang pagdadalamhati nang mapanood niya ang Megastar na umiiyak sa Your Face Sounds Familiar nang kantahin ng isang kalahok ang piyesang Umiiyak Ang Puso ni April Boy.

Kuwento ni Madel, “Iyak po ako nang iyak, Sharonian po kasi kami ni April. Lahat ng pelikula niya, pinanonood namin. Bumili pa kami ng conert ticket niya noon kahit mahal. Nasa unahan po kami.

“Hanggang sa i-compose niya na nga po ang Sana’y Laging Magkapiling na sina Sharon at Gabby ang inspirasyon niya. Nagpakasal po sila, nagpakasal din kami ni April.

“Napakasarap pong balikan ang sobrang pagiging Sharonian namin ng asawa ko. At siyempre, hindi po makakalimutan ng buong pamilya ko ang napakalaking tulong na ibinigay ni Ms. Sharon noong mamatay si April.

“Napakaganda po ng puso niya. Pasensiya na po kung hindi ko kayo masyadong nate-text, dumaan po ako sa matinding depression. Hanggang noong minsan, e, gusto ko nang uminom nang maraming gamot para hindi na po ako magising.

“Naiisip ko lang po ang mga anak namin, pero hanggang ngayon po, iyak pa rin ako nang iyak kapag naaalala ko ang pagkawala ni April. Noong March 3 po, 37th wedding anniversary na namin. Malapit na rin po ang birthday niya, April 9,” malungkot na pag-alala ni Madel.

Pakipaabot daw namin kay Sharon ang sobrang pasasalamat nilang mag-iina, “Bibihira na lang po ang tulad ni Sharon Cuneta na marunong magmahal at magpahalaga nang very sincere. Mas minahal pa po namin siya ngayon,” komento pa ni Madel de Leon Regino.

Makararating. – CSF