Published on

Cristy Per Minute ni Cristy FerminPebrero 16-28, 2021

      Matteo Guidicelli & Sarah Geronimo
Matteo Guidicelli & Sarah Geronimo
  Gretchen Barretto
 
Gretchen Barretto
  Raffy Tulfo
 
Raffy Tulfo
  Coco Martin & Julia Montes
 
Coco Martin & Julia Montes
  kris josh bimby
 
Josh, Kris & Bimby Aquino
  Angel Locsin
 
Angel Locsin
  Manny Pacquiao
 
Manny Pacquiao

Sarah Geronimo, madalang nang lumabas sa ASAP Natin ‘To

Dahil sa madalang na paglabas ni Sarah Geronimo sa musical variety show na ASAP Natin ‘To ay nag-aalala ang mga nagmamahal kay Mommy Divine sa sitwasyon.

Nang magpakasal kasi sina Matteo Guidicelli at Sarah ay malinaw ang kanilang pinag-usapan sa pamamagitan ni Boss Vic del Rosario na namagitan sa kanila.

Iniwan ni Sarah sa kaniyang pamilya ang lahat ng kaniyang naipundar, wala siyang dinala, pero habang nagsasama na silang mag-asawa ay sa kaniya na pupunta ang anumang halagang pinagtrabahuhan niya.

Ang tanging mapupunta na lang kay Mommy Divine ay ang mga talent fee niya mula sa mga gagawin niyang proyekto sa ABS-CBN. Kasama na doon ang talent fee niya sa ASAP Natin ‘To.

Tanong ng isang nakausap namin, “Paano na ‘yun? Ngayong hindi muna nagre-report si Sarah sa ASAP, wala ring nakukuhang talent fee niya si Mommy Divine?

‘Yun ang kasunduan nila, di ba? Ang TF ni Sarah sa mga shows na gagawin niya sa ABS-CBN, e, kay Mommy Divine ‘yun!” tanong-opinyon ng aming kausap.

Oo nga naman. May punto ang tanong na tinanggap namin. Habang hindi lumalabas si Sarah sa ASAP ay wala nga namang matatanggap si Mommy Divine.

Pero siguradong hindi naman ‘yun sinasadya ni Sarah. Maaaring may makatwirang dahilan ang hindi muna niya pagre-report sa programa. Isang araw ay siguradong babalik na rin siya sa musical variety show.

Gretchen Barretto, forever mistress?

Forever mistress ang tawag ng mga kababayan natin kay Gretchen Barretto. Sa dalawampu’t pitong taon ng relasyon nila ng businessman na si Tony “Boy” Cojuangco ay hindi pa rin siya pinakakasalan nito. Maraming nag-aabang pero noon pa man ay lutang na ang balitang hindi ibibigay ng misis ng negosyante na si Denise Yabut Cojuangco ang kumpletong kaligayahan at titulo sa aktres.

‘Yun ang dahilan kung bakit tinatawag si Gretchen na habambuhay na lang na kabit. Masakit sa pandinig ‘yun pero tinatawanan lang ng aktres ang komento ng marami.

Sabi siguro ni Gretchen, halos tatlong dekada na ang relasyon nila ni Tony Boy, matibay na ang pundasyon ng kanilang pagmamahalan kaya ano pa ang saysay ng dokumento ng kasal?

Hindi biro ang dalawampu’t pitong taon, kumpara sa maraming relasyon sa showbiz na hindi pa man nakakapangalahati ng relasyon nila ni Tony Boy ay nagkakahiwalay na. Siguro’y naging kampante na nga si Gretchen sa kaniyang posisyon ngayon.

Mas maganda nga sana kung magpapakasal sila, pero kung mayroon namang mga humaharang para maganap ‘yun ay walang ibang pamimilian si Gretchen. Tama lang ang tawag sa kaniya bilang forever mistress.

Pero maraming sumasaludo sa negosyante. May kakambal na pagtataka rin ang paghanga, dahil ilang beses nang naugnay sa ibang personalidad ang aktres pero matibay pa rin ang relasyon nila.

Pero sino ba naman tayo para humusga? Mismong ang businessman na ang nagsabi na ang dahilan kung bakit sila nagtagal ay dahil “The mama is always right,” may maihihirit pa ba ang kahit sino?

Raffy Tulfo: Idol in Action, nakakainsulto ang mababang rating

Isang napakalaking insulto para sa mga tagasuporta ng palabang news anchor na si Raffy Tulfo ang mababang rating ng kaniyang programang Raffy Tulfo: Idol In Action sa TV5.

Kung ano ang ginagawang basehan ng mga kumpanyang naglalabas ng rating ng mga programa sa telebisyon ay isang napakalaking tandang-pananong para sa mapusong broadcaster.

Halos dalawampung milyon na ang kaniyang followers sa You Tube. Milyun-milyon din ang sumusubaybay sa kaniya sa Facebook. Ang kaniyang live viewers tuwing tanghali ay ilampung libo rin.

Iba pa ang mataas niyang suporta sa TV5, sa Cignal One PH, pero bakit kapag lumalabas na ang rating ng magkakatapatang programa ay napakababa ng kaniyang numero?

Hindi para sa kaniya ang inilalabas na sentimyento ni Raffy Tulfo. Nalulungkot siya para sa ating mga kababayan na talagang sumusubaybay sa kaniyang Raffy Tulfo: Idol In Action, sumbungan ng bayan ngayon ang walang inuurungang broadcaster.

‘Yung effort na ginagawa ng mga kababayan natin, ‘yung panahong ibinibigay ng mga ito sa kaniya, hinahanap ‘yun ni Raffy Tulfo.

Ano raw ba ang ginagawang barometro sa pagbibigay ng rating? Hindi ba ‘yun idinadaan sa bilang ng mga tagasuporta? Kung ‘yun ang paraan ay isa lang ang malinaw; dapat ay mataas na porsyento ang nakukuha ng kaniyang programa. ’Di, dapat ay nasa unang puwesto ang Raffy Tulfo: Idol In Action.

Pero bakit nasa ilalim ‘yun ng labanan sa rating?

Julia Montes at Coco Martin, aamin na kaya sa kanilang relasyon?

Ang gagaling talaga ng mga tagasuporta ng mga artista. Mahuhusay silang mag-one-plus-one. Hindi na nila kailangan ng anumang gadget para lang matukoy ang anumang gusto nilang diskubrehin.

Masasaya ngayon ang mga tagahanga nina Coco Martin at Julia Montes. Sa mga retrato kasing ipino-post ni Julia sa kaniyang account ay nakakita ang mga fans ng pag-asang walang katotohanan ang matagal nang umiikot na balita na hiwalay na sila.

Pinagtagpi-tagpi nila ang mga ebidensiya na matagal nang nagli-live-in sina Coco at Julia sa pamamagitan lang ng mga inilalabas nilang larawan.

Ang malawak na garden sa mansiyon ni Coco ay minsan nang nakita sa TV habang nagdidilig siya ng mayayabong niyang halaman.

‘Yun din ang lokasyon nang i-post ni Julia ang kaniyang retrato. Minarkahan pa ng mga fans ang malaking bato sa garden. Sa garden nga raw ‘yun ng mansiyon ni Coco.

Ganoon katinding mag-imbestiga ang mga fans. Ni hindi pa nga umaamin ang kanilang mga idolo tungkol sa kanilang relasyon, live-in na agad ang opinyon ng mga tagasuporta kina Coco at Julia.

Tanong ng isang netizen, “Kailan naman kaya sila aamin na may anak na sila? 2019 pa lumabas ang balitang nanganak si Julia na si Coco ang ama, pero 2021 na ngayon, aamin na nga kaya sila?”

‘Yun ang tanong ng buong bayan ngayon. Una ay kung aamin na ba silang matagal nang magkarelasyon? Ikalawa, totoo bang mayroon na silang anak? Haharapin na ba nila ang kuwentong mayroon na silang baby na ayaw mamatay-matay?

Hanggang sa pag-iipon lang naman ng mga ebidensiya ang magagawa ng kanilang mga tagasuporta pero ang desisyon ay nakina Coco at Julia Montes pa rin kung aamin na nga ba sila.

May malalim na dahilan ang hindi nila pagharap sa katotohanan, kung totoo ngang mayroon na silang anak. Sa buhay ng mga artista ay napakahalaga ng kapribaduhan.

Walang katapat na kahit magkano ‘yun.

Kris Aquino, maninirahan na muna sa probinsiya

Bigla naming naalala si Ali Sotto nang ipahayag ni Kris Aquino na sa probinsiya na sila maninirahan muna ng kaniyang bunsong si Bimby.

Matagal nang naghahanap ng bahay na mabibili-mauupahan si Kris na malapit lang sa dagat. Beachfront house ang hinahanap niya.

Makagaganda kasi ‘yun sa kaniyang kundisyon, ang autoimmune disease niya, lalo na ngayong pandemya. Kailangan niya talagang lumayo sa mapolusyong lunsod.

Si Bimby lang ang makakasama niya dahil niyakap na ng kaniyang panganay na si Joshua ang buhay sa Hacienda Luisita sa Tarlac.

Ang dating pangulong Noynoy ang kasama doon ni Josh. Sila na talaga ang sanggang-dikit. Sila ang palaging magkalaro sa computer games. Dadalaw-dalawin na lang ito ni Kris.

Ganoon ang buhay na gusto ng mga artista. Napakasarap nga namang mabuhay na walang mga matang nakasunod sa kanila. Mayroon man dahil hindi maiiwasan ay kanilang-kanila pa rin ang kapaligiran.

Maraming naiinggit sa buhay ni Andi Eigenmann na mas piniling mamuhay sa Siargao. Ito ang namamalengke, naglilinis at nag-aalaga ng kaniyang mga anak.

Hindi naman natin maaasahang mamamalengke rin si Kris. Siyempre’y bitbit din nila ni Bimby ang kanilang mga kasambahay sa probinsiya. Pahinga lang talaga ang hanap ni Kris.

Siguradong magpapakasarap sila sa paliligo sa dagat. Napakahilig sa tubig ng kaniyang mga anak, at mapapadalas na ang pagpo-post ni Kris sa IG niya dahil mayroon siyang sobra-sobrang panahon sa paninirahan pansamantala sa probinsiya.

Ganoon ang peg ni Tom Cruise. Mayroon itong mansiyon sa lunsod pero mas gusto nitong manirahan sa bundok. Doon lang daw nito natitikman ang tunay na buhay dahil kaniyang-kaniya lang ang mundo.

Mainspirasyon ang pamumuhay ng sikat na Hollywood actor sa kabundukan. Walang TV, walang kahit ano, pati ang kaniyang pagluluto ay sa pamamagitan ng mga bato at kahoy.

“This is life. There’s nothing compared to communing with nature,” masayang paglalarawan pa ng sikat na Hollywood actor habang hawak ang isang buong manok na iniluto nito sa loob ng isang timba.

Kris Aquino papasukin na rin ang Tinder App

Gising na gising na naman ang mga bashers ni Kris Aquino. Nakasilip na naman ng butas na masisilip ang mga ito para husgahan ang aktres-TV host.

Nagpaalam kasi si Kris kay Bimby na papasukin na niya ang Tinder app. Pumayag naman ang kaniyang bunso. Agaran na siyang tinawag na desperada ng kaniyang mga bashers dahil sa ganoong paraan na raw siya maghahanap ng karelasyon.

Bukas ay singkuwenta anyos na si Kris. Sa kulturang Pinoy ay nasa edad na siya ng naghahabol ng huling biyahe. Mahigit na isang dekada na rin kasi siyang walang boyfriend.

May mga palutang noon na naging magkarelasyon sila ni Mayor Herbert Bautista, pero si Kris lang naman ang nagbibigay ng ganoong insinwasyon. Walang anumang kumpirmasyong nanggaling sa aktor-pulitiko.

Pagkatapos ng relasyon nila ni James Yap ay wala nang naugnay kay Kris. Maraming kuwento-kuwento, pero wala namang nagtuloy-nagkatotoo.

Hindi puwedeng husgahan si Kris bilang desperada. Hindi pa naman nagsasarado ang pintuan ng pakikipagrelasyon para sa kaniya. Takdang panahon lang ang kailangan niyang hintayin.

Ang hindi lang nakaganda sa kaniyang pakikipagrelasyon ay hindi maganda ang kanilang paghihiwalay. Palaging nagkakaroon ng kontrobersiya. Kay Kris nagmumula ang mga kuwento.

Kapag ganoon ang palaging nagaganap ay matatakot talaga ang mga kalalakihan. Kahit gustung-gusto na siyang makarelasyon ay magdadalawang-isip.

Bekengenemen.

Kaarawan ni Kris Aquino noong February 14. Singkuwenta anyos na ang aktres-TV host. At kapag malapit na ang ating kaarawan, kapaniwalaan nang malapit tayo sa disgrasya, tulad ng nangyari kay Kris.

Naaawang-naiinis na komento ng isang kakuwentuhan namin, “Kasi naman, katali-talino niyang tao, pero kung anu-ano ang pinaniniwalaan niya! Maglagay ba naman siya ng uncut rose quartz sa bathtub niya, natural, matalim ‘yun!

“Napakanipis pa naman ng balat niya. Kaunting gasgas lang, nagkakasugat na siya. Ano tuloy ang napala niya?” komento ng aming kausap.

May punto naman ito, sobra nga ang paniniwala ni Kris Aquino sa kung anu-anong paraan ng paggamot sa kaniyang mga nararamdaman, samantalang marami naman siyang doktor.

Mayroon siyang malaking parang Christmas tree noon sa kaniyang sala. Ang mga nakasabit doon ay retrato ng mga taong may mahalagang papel na ginagampanan sa kaniyang buhay at career.

Mga larawan niya ‘yun kasama ang mga ehekutibo ng ABS-CBN, ng mga itinuturing niyang bestfriends, pero nagkaroon ba ‘yun ng positibong resulta sa kaniya?

Pinagsaraduhan siya ng mga pintuan, bintana at pati bubong ng ABS-CBN. Nagkaroon sila ng problema ng mga kaibigan niya. Iilan na lang ang natitirang nakakaalala sa kaniya ngayon, kaya hindi naging epektibo ang sinunod niya sa feng shui na Christmas tree.

Tama na ang sobrang paniniwala sa palakang may kagat na pera, sa pusang kaway nang kaway para diumano lumapit ang patung-patong na suwerte.

Happy birthday, Kris!

Angel Locsin, parang lobong hinihipan

Dahil sa kaniyang programang Iba ‘Yan ay naimpluwensiyahan na si Angel Locsin ng buhay sa kabukiran. Marami siyang naiinterbyung magsasaka, naghahalaman at nag-aalaga ng mga hayop. Nag-iikot siya sa buong bansa, kaya siguro pangarap niyang bumili ng lupa ngayon para gawin niyang farm.

Pero hindi pangkomersiyal ang plano niya. Mag-aalaga siya ng mga hayop para lang sa kanilang mga pangangailangan. Ngayon pa lang ay nag-aaral na siya tungkol sa pagmamanukan.

Walang kasingsarap ang buhay sa bukid. Paggising mo pa lang ay maganda na ang mundo mo. Hahampasin ka ng sariwang hangin. Mabango ang paligid lalo na kapag namumulaklak na ang palayan.

Ang nakakatuwa pa ay papangalanan niya ang mga alaga niyang manok. Gagawin niyang parang mga aso. Puro pangalan ng mga kaibigan niya ang ibibigay niya sa mga manok.

Sa haba na ng panahon ng pagharap sa mga camera, pagpi-pictorial, pagso-show at interbyuhan ay kitang-kita na ang kasabikan ng mga artista sa pribadong buhay.

Si Coco Martin nga, inupahan nito ang katabing lote ng kaniyang mansiyon, ginawang gulayan. Nakita na namin ‘yun, kumanta ka ng Bahay-Kubo at kumpleto sa pananim na gulay ang action star. Mayayabong ang kaniyang mga pananim.

Si Andi Eigenmann ay maligaya na ngayon sa buhay-probinsiya. Lumayo na ito sa ingay at kontrobersiya. Hindi mababayaran nang kahit magkano ang kaligayahan ngayon ng aktres.

Tama ang desisyon ni Angel Locsin. Panahon na para paghandaan niya ang kinabukasan nila ng mapapangasawa niyang si Neil Arce. Kailangang mayroon silang nauuwiang farm kapag ang stress nila sa lunsod ay hanggang leeg na.

May madyik ang kalikasan na kahit mga doktor ay hindi kayang ipaliwanag. May kaligayahang ibinibigay ang buhay sa kabukiran na hindi natin ipagpapalit sa anuman.


Tinawagan kami ng isang kilalang direktor kahapon nang umaga. Nag-aalala ito para kay Angel Locsin. Kailangan na raw sigurong magpa-executive check-up ang aktres.

Sabi ni direk, “Nasusubaybayan ko ang mga activities ni Angel, walang nakaliligtas sa akin. Pero ramdam ko na araw-araw, e, para siyang lobong hinihipan!

“Sobrang palaki na siya nang palaki! Nababasa ko ang mga bashing sa kaniya sa social media. She should not take it against the bashers. Pakinggan niya dapat ang mga namimintas sa kaniya.

“This is no joke! Ako man ang magdirek sa kaniya sa Iba ‘Yan, e, wala rin akong milagrong magagawa! Director ako, tama, pero hindi ako magician.

“Alangan namang bigyan na lang siya ng extreme close-up palagi, hindi puwede ‘yun! Si Angel dapat ang gumawa ng paraan para hindi magtuluy-tuloy ang paglobo niya!

“More than anything, e, nag-aalala ako para sa health niya. Obese na siya. If Sharon Cuneta na mas malapad pa than her before, e, nagkaroon ng discipline, she can also do it dahil mas bata siya!” nag-aalalang komento ni Direk.

Ang panglaban ng aktres ay ang ganda ng kaniyang mukha. Hindi na pinapansin ang sobrang bigat ng kaniyang timbang. Tutal naman ay bawing-bawi ‘yun ng kaniyang kagandahan.

Pero pinakamahalaga nga ang kalusugan. Napakalapit sa pagkakasakit ng mga sobra-sobra ang timbang. ‘Yun ang ipinag-aalala ng mga kababayan natin para kay Angel.

Sa pinakahuling larawan niyang lumabas na nakabulaklakin siyang bestido ay parang namalikmata ang isang kaibigan namin. Kundi pa nito binigyan ng close-up ang retrato ay pinagkamalan nitong sina Karla Estrada at Rosanna Roces si Angel.

“Ngayon ko lang siya napagkamalang iba. Ibig sabihin, malaking-malaki na nga si Angel Locsin sa tingin ko,” sabi ng aming kausap.

Sen. Manny Pacquiao, tatakbong pangulo sa 2022?

Isang source na hindi nanununog at nangunguryente ang nagbulong sa amin na sigurado na ang pagtakbo sa panguluhan sa 2022 ni Senador Manny Pacquiao.

Ang unang lumabas na balita ay si Pacman ang makaka-tandem ni Mayor Sarah Duterte, pero biglang nagbago ang ihip ng hangin. Ang Pambansang Kamao na pala ang tatakbong pangulo.

Siguradong makakatikim ng bashing ang senador-boksingero kapag pumutok na ang kaniyang plano. Sa tindi ng teknolohiya ngayon ay tiyak na manginginain ng bashing si Pacman mula umaga hanggang hatinggabi. Panigurado na ‘yun.

Tanong ng isang kaibigan namin, “Parang napakalaking paglundag naman yata ang ambisyon ni Senator Pacquiao. Sana, makapagserbisyo pa muna siya bilang senador, hindi ganiyan na tatakbo na siyang presidente!

“Hindi naman boxing arena ang election na anytime niyang gustong lumaban, mag-eensayo lang siya, tapos, boksing na! Mukhang mali ang decision niya! Magpahinog naman muna sana siya!” komento ng aming kausap.

Totoong marami pang bigas na dapat isaing at kainin ang Pambansang Kamao sa mundo ng pulitika. Sa sukatan ng ating mga kababayan ay kulang na kulang pa siya.

Iba ang kinagisnan niyang mundo ng boksing sa pulitika. Hindi ito palakasan ng suntok. Kapasidad sa larangan ng batas ang barometro sa serbisyo-publiko.

Pero heto na naman ang papel na ginagampanan ng destiny sa ating buhay. Paano nga naman kung nang ipanganak si Pacman ay nakaguhit na sa kaniyang palad ang pagiging pangulo?

Sino ba ang mag-aakala na ang dating nagtitinda ng pandesal sa GenSan ay magiging sikat na boksingero pala sa buong mundo at sino rin ang mag-iisip na ihahatid pala siya ng kasikatan niyang ‘yun sa Senado?

Kung hindi na magpapalit ng desisyon si Senador Manny Pacquiao sa pagtakbong pangulo ay kailangan na niyang ihanda ang kaniyang sarili sa mga pamatay na suntok ng kaniyang mga makakatunggali sa posisyon.

Titilad-tilarin siya. Susukatin ang kaniyang katalinuhan. Ang entablado ng pulitika ay hindi parang boxing arena na oras na bumagsak na ang kaniyang kalaban ay iaangat na ang kanan niyang kamay at susuutan na siya ng championship belt.

Nanang kupo! – CSF