Published on

Cristy Per Minute ni Cristy FerminPebrero 1-15, 2021

      Mikee Morada & Alex Gonzaga
Mikee Morada & Alex Gonzaga
  LOL
  ASAP
  Vice Ganda
 
Vice Ganda
  Harry Roque
 
Harry Roque
  Jomari Yllana & Joy Reyes
 
Jomari Yllana & Joy Reyes
  Johnny Manahan
 
Johnny Manahan
  Albie Benitez
 
Albie Benitez
  Fernando Poe Jr.
 
Fernando Poe Jr.
  Willie Revillame
 
Willie Revillame
  Ara Mina & Dave Almarinez
 
Ara Mina & Dave Almarinez
  Susan Roces noon
 
Susan Roces noon
  Susan Roces ngayon
 
Susan Roces ngayon

Alex Gonzaga, ikinasal na kay Konsehal Mikee Morada

Magaling sa pagmamaneho ng kaniyang buhay si Alex Gonzaga. Kahit hindi na siya mag-artista ay hinding-hindi siya kakapusin.

Nagtagumpay si Alex sa naisipan niyang atake. Milyun-milyon na ang sumusubaybay sa kaniyang pagba-vlog na pinagkukunan din niya nang milyones dahil monetized nang matagal ang kaniyang vlog.

Kahit maging simpleng maybahay na lang siya ni Konsehal Mikee Morada ay kakabugin pa rin ni Alex ang mga artistang nagbababad sa harap ng mga camera.

Hindi maramot sa interbyu si Alex pero pagdating sa mahahalagang pangyayari sa kaniyang buhay ay natututo siyang humindi. Pagkakakitaan kasi niya ‘yon tulad ng itinago nilang pagpapakasal ng mag-aapat na taon na niyang karelasyong konsehal ng Lipa City.

Tanong ng isang kaibigan namin, “Kaya naman pala nanahimik lang siya noong mapabalitang nagpakasal na sila ni Mikee! Wala siyang denial,. Wala rin siyang kumpirmasyon!

“Kaya naman pala, sa vlog niya kailangan malaman ng buong mundo na Mrs. Morada na siya! Umani siya ng tagumpay. Matinding revelation nga naman ang laman ng vlog niya!

“Milyun-milyon ang tumutok sa kaniya, translated ‘yon sa milyunang halaga! Magaling talaga si Alex!” tawa nang tawang komento ng aming kausap.

Asahan nang kapag naglihi si Alex ay hindi rin siya magkukuwento sa press. Sa vlog niya ‘yon malalaman ng publiko. Pagkakakitaan uli ‘yon ni Alex.

Asahan na ring hanggang sa panganganak niya sa unang anak nila ni Konsehal Mikee ay magkakaroon ‘yon ng full coverage sa kaniyang matagumpay na vlog.

Di ba naman?

Lunch Out Loud, hindi mawawala sa ere

Sabado nang tanghali, napakarami naming tinanggap na tawag at text. Isa lang ang tanong ng lahat. Mawawala na rin ba sa ere ang Lunch Out Loud ng Brightlight Productions?

Replay kasi ang LOL, best of ang tawag doon. Inipun-ipon nila ang magagandang episodes ng programa at ‘yon ang ipinalabas nila.

Tinawagan namin agad ang isang tagapamuno ng show. Marami kaming itinanong. Isa-isa namang nasagot nito nang maayos ang senaryo.

Unang paliwanag. Tuwing Sabado, dalawang beses sa isang buwan, ay best of ang lalamanin ng kanilang lunchtime show para makatipid ang produksiyon.

Pero habang kausap namin ang taga-LOL ay maingay ang paligid. May mga sumisigaw. Nagte-taping sila. Ibig sabihi’y hindi mawawala ang Lunch Out Loud. Tuluy-tuloy lang ang pangtanghaling programa. Hindi ito matutulad sa SNL at dalawa pang ibang shows ng Brightlight na tinapos na.

At ang pinakapositibong mensaheng sinabi ng aming kausap, “Nandito po kanina si Cong. Albee Benitez. In-assure niya po kami na hindi mawawala ang LOL. Tuluy-tuloy pa rin po kami. Naghahanda na po kami ngayon ng iba pang mga segments para sa show.”

Magandang balita ‘yon. Maraming malulungkot kung mawawala ang Lunch Out Loud. Sa sasandaling panahon ay napamahal na sa publiko ang programa.

Nakakaaliw kasi ang mga hosts ng show sa paglilider-lideran ni Billy Crawford kasama sina Alex Gonzaga, Bayani Agbayani at marami pang ibang hosts.

Panalo rin ang kanilang mga games na malaking halaga ang naiuuwi kahit ng mga natatalong kalahok. Hindi nakauumay ang LOL.

ASAP Natin ‘To, mapapanood na sa TV5, A2Z at Channel 22

Nakakalungkot naman ang naging resulta ng pagpapagod at pag-e-effort ng mga sikat na singers at artistang naghawak-hawak-kamay para sa kanilang musical variety show na pinakamatagal na sa balat ng telebisyon. Unang sultada ‘yon ng ASAP Natin ‘To sa TV5. Sabay rin silang napapanood sa A2Z at sa Channel 22, pero nang lumabas ang rating ay kinabog pa sila ng nananahimik na All-Out Sundays ng GMA-7.

At noong lagay na ‘yon ay parang hindi naman nag-abala ang musical variety show ng Siyete na paghandaan ang pag-iingay ng katapatan nilang programa.

Wala lang. Ang dati nang sayawan-kantahan lang nina Alden Richards, Julie Ann San Jose, Ken Chan at marami pang mga youngstars ng GMA-7 ang napanood ng publiko.

Paano pa kung kinarir ng All-Out Sundays ang pakikipagbanggaan sa ASAP Natin ‘To? ‘Di lalo na subsob sa rating ang ipinakitang performance nang sangdamakmak na singers at artista ng ABS-CBN.

Ang galing-galing ng mga pambatong talents ng kabila, kina Martin Nievera, Gary Valenciano, Regine Velasquez, Zsa Zsa Padilla at iba pang mahuhusay na singers pa lang ay puntos na para sila ang tutukan ng manonood.

Pero anyare? Bakit sila kinabog ng All-Out Sundays na parang hindi naman nag-abala? May kailangan na bang baguhin sa ASAP Natin ‘To sa kanilang atake? Patunay ba ‘yon na panahon na ng mga milenyal ngayon kaya hindi na uso ang magagaling man ay matatagal nang singers?

Sabi nga ni Kapatid na Ted Failon sa kaniyang programa sa Radyo Singko, “Think about it.”

Harry Roque at Vice Ganda, nagparinigan sa social media

Hating-hati ang reaksiyon ng mga netizens sa social media tungkol sa nagaganap na parinigan ngayon nina Presidential Spokesperson Harry Roque at Vice Ganda.

Sabong panlaba at bakuna ang pinag-ugatan ng kanilang patambisan. Naunang sinabi ng tagapagsalita ng pangulo na huwag nang maging choosy pa sa bakuna dahil ang mahalaga ay aangkat na ang ating pamahalaan ng vaccine para sa kaligtasan ng publiko.

Sinagot naman ‘yon ni Vice Ganda na ang linya ng katwiran ay kung sa pagbili nga lang ng sabong panlaba ay pinipili na natin sa merkado ang pinakamaayos. Sa bakuna pa kaya, ano raw ‘yon? Basta may maisaksak lang?

Tinablan-napikon si Spokesman Harry Roque, kaya ang iginanti nito ay sa mga eksperto raw tayo naniniwala, hindi sa mga komedyante.

Pinagpistahan ang kanilang parinigan sa social media. Maraming nakakaintindi sa tagapagsalita ng pangulo na tagapagpalaganap lang naman ng mga impormasyon. May mga kumakampi rin kay Vice Ganda na ayon sa mga nagkokomento ay nagpapakatotoo lang naman.

May isang netizen na nagkomento, “Ang mga baklang twoooohhhh! Magsitigil na nga kayo! Ang una n’yong pahalagahan, e, ang kaligtasan ng mga Pinoy, hindi ang mga kuda n’yo!”

Nagmimistulang palengke ang ratratan ng mga maka-Vice at makagobyerno. Parang nasa talipapa lang daw kasi ang nagkokontrahang kampo nang dahil sa bakuna. Ipinaglihi raw pala sa patola si Secretary Harry Roque dahil mahilig itong pumatol sa mga kumokontra sa kanila.

Pareho lang namang may punto ang ipinaglalaban nila ni Vice Ganda. Para naman sa kapakanan ng ating bayan ang kanilang hangad, kaya sana’y magkasundo na lang sila.

Iba talaga ang panghalina ng showbiz. Naaapektuhan ng mundo ng mga artista ang mga pulitiko. At nagbibigay rin ng reaksiyon ang mga personalidad tungkol sa nagaganap sa ating bayan.

Pare-pareho lang silang mulat sa mga nagaganap.

Jomari Yllana, iresponsableng ama nga ba?

Kung totoo ngang magpapatulong-magsusumbong ang dating karelasyon ni Jomari Yllana na si Joy Reyes kay Raffy Tulfo ay hindi na ‘yon bago.

Noong nakaraang taon ay isang grupo ng mga estudyante ang nagsadya sa Wanted Sa Radyo para ireklamo ang magkakapatid na Yllana. Pero ang nagpakita lang sa matapang na news anchor ay ang mga kapatid niyang sina Anjo at Ryan.

At kung sakali ngang matuloy si Joy sa pagrereklamo, ngayon pa lang ay mayroon nang pangsangga ang actor. Sa kaniyang panayam sa mga kasamahan namin sa PEP.ph ay idiniin ni Jomari na ginagawa raw kasing motel ng dati niyang ka-live-in ang binili niyang bahay para sa mag-iina.

Tatlong aktor ang kaniyang tinukoy na madalas daw magpunta sa bahay. Kaladkad din ang pangalan ng isang barangay chairman. Kumpleto raw siya sa ebidensiya dahil may CCTV sa lugar.

At hindi lang ‘yon ang kaniyang hawak na patotoo. Maging ang mga yaya raw ng kaniyang mga anak ay makapagsasabing totoo ang kaniyang sinasabi. Paninindigan niya ‘yon.

Nakakalungkot lang na kailangan pang umabot sa masalimuot na senaryo ang pagkaputol ng kuryente sa bahay ng kaniyang mag-iina. Madaling intindihin ang reaksiyon ni Jomari dahil kaliwa’t kanang bira ang tinatanggap niya bilang iresponsableng ama.

Mayroon pa naman siyang inaasintang posisyon sa mundo ng pulitika sa Paranaque, pero ano ang komento ng kaniyang mga nasasakupan? Paano raw nila iboboto uli si Jomari Yllana samantalang pamilya nga niya ay hindi niya maiayos kaya ang kanilang distrito pa kaya?

Talung-talo si Jomari sa social media. Ang tanging nakakaintindi lang sa kaniya ay ang mga taong nakakakilala sa kaniya. Doon lang siya nakababawi.

Huwag na sanang magsalita pa si Aiko Melendez. Hawak ng aktres ang isang matinding edidensiya bilang ama ni Jom sa kanilang anak na si Andrei. Kapag sina Aiko at Andrei ang nagbitiw ng mga salita tungkol sa pagiging ama ni Jomari Yllana ay tapos na ang boksing.

Direk Johnny Manahan at Cong. Albee Benitez, nagkasira na?

Sa pagkakaalam namin ay magkaibigan at parehong Ilonggo sina Direk Johnny Manahan at Congressman Albee Benitez. Magkakasangga rin sa pulitika ang kanilang mga pamilya.

Nakakapanghinayang na dahil sa hindi pagkakaintindihan ay mauuwi sa wala ang pagkakaibigang matagal na nilang iniingatan.

Naiintindihan namin ang magkabilang panig. Ang kapitalistang kongresista at ang mapagmamahal sa kaniyang trabahong direktor. Pareho silang may katwiran.

Walang namumuhunan na gustong matalo. Negosyo ang pagpoprodyus. Gaano man kabilyonaryo ang negosyante ay siguradong aaray na kapag milyunang halaga ang natatalo sa kaniya. Kailangan niyang magsarado ng libro ng kaniyang nasasayang na salapi.

Ang ipinagtataka lang namin ay bakit pinabayaang malunod si Congressman Benitez sa pinasok niyang negosyo? Naturingang may mga tao siyang kinuha para magbantay pero parang ang mga taong ‘yon pa ang nagbaon sa kaniya sa pagkalugi?

Ang pangsarili lang ba nilang kapakanan ang inintindi nila porke kumikita sila nang daan-daang libo kada buwan? Hindi man lang nila pinagmalasakitan ang kapitalistang nalulubog na sa kumunoy ng pagkalugi?

Triple pala ng talent fee na tinatanggap nina Piolo Pascual at Maja Salvador sa ABS-CBN ang tinatanggap nila mula sa Brightlight Productions sa bawat episode. Sa panahon na pandemya na dapat nga ay mas maliit ang talent fee, pero tumriple pa. Ano ‘yon?

Bakit pumayag ang bantay ni Cong. Albee sa ganoon katinding pagsasayang ng pera? Ano ang ginawa nilang tulong sa kapitalista kung ganoon ang naging kalakaran?

Saku-sako man ang perang nakaparada para pagkunan ng puhunan ni Congressman Albee, sa katagalan na wala namang sapat na bumabalik sa kaniyang puhunan ay mauubos din ‘yon, Masasaid din ang kapitalista.

Inuulit namin, negosyo ang pagpoprodyus sa pelikula man o telebisyon. Walang kapitalistang yayakapin ang daang milyong pagkalugi na parang balewala lang.

Malaking kalokohan ‘yon.

Mga pelikula ni The King FPJ, mapapanood na rin sa TV5

Kung sinasabi nating maliit lang ang mundo ay di hamak na mas maliit ang mundo ng telebisyon. Sa isang iglap, lalo na sa isang panahong hindi natin inaasahan, ay may nagaganap. Kaya hindi tayo dapat nagsusunog ng tulay. Kailangang buung-buo ang ating pakikipagrelasyon dahil baka ang winasak nating tulay pa rin na ‘yon ang ating tatawiran isang araw.

Sino ba ang makapag-aakala na mapapanood sa TV5 mula sa Linggo nang tanghali ang ASAP Natin ‘To? At sa TV5 na rin mapapanood ang mga piling-piling obrang iniwanan sa sambayanan ni Da King Fernando Poe, Jr.?

Naghawak-kamay ang TV5 at ang ABS-CBN para sa kapakanan ng manonood. Kailangan ng free TV ng dalawang programa, Mega Manila lang ang sakop ng A2Z. Kailangan pa ng cable para mapanood sila sa Channel 22.

Binati ni Vice Ganda ang dalawang network na nagsasanib-puwersa. Maraming umalma sa kaniyang pagbati. Para sa mas nakararami ay kaplastikan ni Vice Ganda ang lumutang.

Vice Ganda, kinakain niya uli ang mga isinuka niya

 Tinatawag na kabayo ng publiko si Vice Ganda. Tanggap naman ‘yon ng sikat na komedyante. Hindi niya ikinagagalit ‘yon dahil ‘yon na ang ikinambal na tatak sa kaniya.

Pero binago ng social media ang bansag sa komedyante. Bina-bash siya nang todo ngayon. Hindi na kabayo ang tawag sa kaniya ng mga bashers niya kundi pusa na.

Lahing-pusa na raw ngayon si Vice Ganda dahil kinakain niya uli ang mga isinuka niya. Nag-ugat ‘yon sa paglabas niya sa ASAP Natin ‘To na nagsimula nang mapanood sa TV5 noong nakaraang Linggo nang tanghali.

Masayang-masaya si Vice. Kitang-kita sa kaniyang mga galaw ang kasiyahan niya dahil bukod sa pagiging Kapamilya ay Kapatid na rin daw sila ngayon, ipinagbubunyi ‘yon ng komedyante. ‘Yon ang ibinutas sa kaniya hindi lang ng mga bashers kundi pati na ng ating mga kababayan. Kung magsalita raw kasi si Vice ay para bang wala siyang ginawang panglalait at pangmemenos sa TV5.

Sa kaniyang bibig kasi lumabas ang komentong inferior channel lang ang TV5. Siya rin ang nagsabing wala namang nanonood sa Kapatid network noong gabing panauhin niya sa GGV si Alex Gonzaga.

Komento ng aming anak-anakang at kaibigang si Randy Balaguer, “Naalala pa ba niya ang panlalait niya sa TV5 noong maging guest niya si Alex Gonzaga sa GGV?

“Ang sabi niya kay Alex, ‘Ang papangit ng mga damit mo doon! Di bale, wala namang nanonood sa inyo sa TV5!’ Ngayon, nasa TV5 na uli si Alex, kinain ang isinuka niya!

“Si Vice Ganda ngayon ang squatter sa network! Congratulations sa TV5 at ABS-CBN? Mukha niya!” lumalagutok na komento ni Randy Balaguer.

Ang daming isinampal pabalik kay Vice Ganda ang mga netizens. Napakabilis daw niyang bumaligtad. Ang istasyong minamaliit niya noon ay dakilang-dakila na ngayon para sa kaniya dahil ipinalalabas na sa TV5 ang kanilang mga programa.

Sa panahon ngayon na napakarami nang paraan para muling balikan ang mga sinasabi ng mga personalidad ay walang kalusut-lusot si Vice.

Nasa YouTube ‘yon. Puwedeng panoorin uli, at ‘yon ang mga senaryong itinalampak sa pagmumukha ng komedyante na tinatawag na pusa ngayon ng ating mga kababayan.

Sabi pa ng isang nagkomento, “Walang paninindigan ang komedyanteng ‘yon. Pera-pera lang ang importante sa kaniya. Isinusuka niya noon ang TV5. Minamaliit niya, pero ngayon, pinupuri-puri na niya!

“Pusa na siya ngayon, hindi na siya kabayo, dahil kinakain niya uli ang isinuka na niya!” matinding komento laban kay Vice Ganda.

Willie Revillame, lodi talaga!

Lodi talaga si Willie Revillame! Pinakyaw niya na ang mga senador sa pagbati sa kaniyang kaarawan ay isang sorpresang video greetings pa ang ginawa para sa kaniya ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Siyempre’y hindi mawawala ang pagbati sa kaniya ni Senador Manny Villar at Senadora Cynthia. Mahal na mahal ni Willie ang pamilya Villar dahil anuman ang maganap sa kaniyang karera ay nandiyan lang para sumuporta sa kaniya.

Bumati rin kay Willie si Mayor Joy Belmonte na hindi pa man ay ipinroseso na agad ang mga kailangan ng TV host bilang senior citizen. May 20 per cent discount card na siya ngayon sa lahat ng restaurant, sa lahat ng kailangan niyang bilhin.

Hindi rin siyempre pinalampas ng mga tunay niyang kaibigan ang pagkakataon. Binati siya nina Aga Muhlach, Richard Gomez, John Estrada, Phillip Salvador, Tirso Cruz III at ni Randy Santiago na dekada niyang nakasama sa Cicada Band bilang drummer.

Ang mga senador na bumati kay Willie ay natulungan niya noong nakaraang kampanya nang walang anumang kapalit. Umakyat siya sa entablado ng mga pulitiko nang hindi siya naningil.

Hindi malilimutan ‘yon ng kaniyang mga natulungan, pati ni Presidential Spokesman Harry Roque, na noong may magpositibo sa Palasyo ay ipinahiram ni Willie ang isang floor ng kaniyang Wil Tower para gamitin ng ating pamahalaan sa kanilang mga pag-aanunsiyo ngayong pandemya.

“Napakasarap makatanggap ng pag-alala mula sa mga taong nakatulong sa akin at natulungan ko rin sa ibang paraan. Kumpleto na ang birthday ko!” sabi ni Willie pagkatapos naming makausap pagkatapos ng Wowowin-Tutok To Win.

Sa halip na siya ang regaluhan ay siya ang nagbibigay. Batiin lang siya ng happy birthday ng napili niyang tawagan ay 60 thousand na agad ang ipinamamahagi niyang premyo. Sa hirap ng buhay ngayon ay tumatawa-umiiyak sa sobrang kaligayahan ang ating mga kababayan na nakakatanggap ng kaniyang regalo.

Maligayang kaarawan uli sa aktor-TV host na wala nang mahihiling pa sa buhay. Nasa kaniya na ang lahat-lahat ng materyal na yaman sa mundo, kaya ang pagtulong na lang sa kaniyang kapuwa ang sinesentruhan niya.

Totoong-totoo ang kasabihan na tumutulong ka na nga ay ikaw pa ang lalabas na masama sa bandang huli. Ganoon mismo ang nangyari kay Willie Revillame.

Noong mismong kaarawan niya ay may naglabas ng fake news na mamimigay siya ng biyaya sa mga magsasadya sa Wil Tower. Pinaniwalaan naman ‘yon ng mga kababayan natin.

Sa sobrang hirap nga naman ng buhay ngayon ay napakalaking halaga nang 60 thousand pesos. Napakalayo na ng mararating noon. Makararaos sila sa pagdarahop.

Mahahati sa dalawang klase ang mga nagsadya sa Wil Tower. Ang unang grupo ay mga totoong tagasuporta ni Willie na nagpagawa pa ng mga tarpaulin para bumati sa kaniya ng happy birthday.

Ang isang grupo naman ay binubuo ng mga kababayan nating mapagsamantala, ‘yong mga nanggugulo lang. Sila pa ngayon ang sumisigaw at nagrereklamo na hindi raw patas tumingin si Willie sa kaniyang mga tagahanga.

Walang anumang anunsiyong sinabi si Willie sa Wowowin-Tutok To Win na mamamahagi siya ng papremyong sisenta mil sa mga magpupunta sa Wil Tower.

Paulit-ulit pa nga niyang sinasabi na mas magandang manatili na lang sa kanilang bahay ang mga manonood. Kapag sila ang natawagan, nakabuslo na ang 60 thousand para sa kanila.

Nauunawaan ni Willie ang kalagayan ngayon ng ating bayan. Maraming nawalan ng trabaho at laganap ang matinding kahirapan, kaya ayon sa TV host ay babawi na lang siya sa kaniyang mga tagasuporta kapag tapos na ang pandemya.

Ara Mina, masalimuot ang lovelife

Dahil engaged na nga ngayon sina Ara Mina at Dave Almarinez ay natural lang na mag-usbungan ang mga kuwento tungkol sa mapapangasawa ng aktres. Iba-ibang istorya ‘yon na hindi lang namin alam kung nakarating na kay Ara Mina.

Isang impormante ang nagsabi sa amin na may anak sa Canada si Dave. Pinay ang ina ng bagets. Sa tagal ng panahon ay tapos na siguro ang relasyon nila.

Pero ito ang nakakagulat na kuwento, sabi ng aming source, “Mayroon na ring pinangakuan ng kasal si Dave. Dating kaibigan ni Ara ang girl, pero parang lumalabas na nagkaroon ng sulutan along the way.

“Mismong ang girl kasi ang nakakita sa message ng guy kay Ara. Nasa isang party sila noon, habang kumakanta si Ara, e, tumunog ang phone niya.

“Natural, napakialaman ng girl ang phone. Text ‘yon ng guy kay Ara. Sobrang sweet ng message, shocking Asia ang girlfriend ni Dave!

“Naisip niya, bakit nagte-text ang karelasyon niya kay Ara? Naisahan ba siya? Napaikutan siya ni Ara? Ayun, bigla nang hindi natuloy ang kasal. Si Ara na ang pakakasalan ngayon ni Dave!” namamanghang kuwento ng aming kausap.

Masalimuot pala ang kuwentong ito. Pero siguro naman ay alam ni Ara ang katotohanan na ang kaniyang kaibigan pala ang dapat pakasalan ng kaniyang boyfriend ngayon.

Ang istorya ng lovelife ni Ara Mina ay puwedeng gawing nobela sa sobrang salimuot, pero ang mahalaga, sa haba ng ibiniyahe ng kaniyang buhay-pag-ibig ay heto na ang paggarahe ng kuwento. Pinaplano na nila ngayon ni Dave Almarinez ang kanilang kasal.

At may karapatang lumigaya si Ara Mina.

***

Masalimuot na ang mga kuwento ng lovelife ni Ara Mina. Unti-unti nang naglalabasan ang istorya ng sulutan na sinasabing naganap kaya naging magkarelasyon sila ni Dave Almarinez.

Maraming nakakaalam ng kuwento. Diumano’y kinaibigan ni Ara ang totoong karelasyon ng businessman, hanggang sa maging sila na nga.

Isang source ang nagkuwento na kapapanganak lang noon ng karelasyon ng negosyante nang maganap ang komprontasyon. Umiiyak ang babae sa pagsita kay Ara. Walang nagawa ang aktres kundi ang umiyak lang nang umiyak sa kaniyang pagso-sorry. May ganoon palang senaryo.

Dagdag na impormasyon pa ng source, “Kinaibigan ni Ara si ____ (pangalan ng kasalukuyang karelasyon ni Dave noong mga panahong ‘yon). Magkasama sila sa isang party noong madiskubre ng girl ang relasyon nila.

“Ikakasal na sila ni Dave noon. Kapapanganak lang ng girl. Iba ang name na ginamit ng guy noong mag-text kay Ara. Nakita lang noong girl na may nangyayaring milagro, dahil lumabas ang picture ng guy.

“Through Viber kasi nag-message ang guy kay Ara. ‘Yon na! Sa confrontation, e, sinabi ng girl kay Ara, ‘Kapapanganak ko lang. Paano mo nagawa sa akin ito?’ Iyak lang nang iyak si Ara,” kuwento pa ng aming kausap.

Naguguluhan ang marami ngayon sa ginanap na proposal ng businessman kay Ara. Harinawang sa kasalan na nga ‘yon mauuwi. Wala na sanang maging problema, dahil sa mga istoryang naglalabasan ngayon tungkol sa maligalig na lovelife ng lalaki

Susan Roces, Reyna Ng Pelikulang Pilipino

Makabuluhan, punumpuno at mainspirasyon ang panayam nina Ted Failon at DJ Chacha sa Queen of Philippine Movies na si Ms Susan Roces.

‘Yon ang pagkakataong titigil ka muna sa ginagawa mo. Wala kang palalampasing kahit anong bahagi ng panayam, dahil bihirang-bihirang magsalita si Manang Inday tungkol sa kaniyang nakaraang sakripisyo bilang artista hanggang sa kinambalan na siya ng titulong Reyna ng Pelikulang Pilipino.

Nang lumuwas siya sa Maynila mula sa Negros ay pinapangarap niyang makita ang kaniyang mga idolong sina Ms Gloria Romero at Ms Nida Blanca.

“Nangyari ‘yon sa parang fan’s day ng Sampaguita Pictures. Nagbukas ang gate, isa ako sa mga tumakbo papasok. Nakita ko nga si Ms Gloria Romero! Ang saya-saya ko bilang fan!

“Tapos, napansin ako ni Doc Jose Perez, ang producer. Tinanong niya ako kung gusto ko raw bang mag-artista? ‘Yon na ang naging simula ng career ko.

“Four years ang pinirmahan kong kontrata sa Sampaguita. Every month, may allowance akong 50 pesos. Sa unang movie ko, ang Boksingera, ang talent fee ko, e, 500 pesos.

“Ang pinakamalaking talent fee na tinanggap ko, ten thousand pesos, pagkatapos na ‘yon ng maraming pelikulang ginawa ko sa apat na taon,” mainspirasyong kuwento ni Manang Inday.

Hanggang sa niyakap niya na ang titulong reyna ng mga reynang artista, napangasawa na niya ang Action King na si Fernando Poe, Jr. Otsenta anyos na si Manang Inday sa darating na Disyembre.

Sa kaniyang panayam ay napakaraming nagpapadala ng mga komento kina Ted Failon at DJ Chacha. Napakaganda pa rin kasi ni Manang Inday. Marespeto at mapagpahalaga sa kaniyang karera.

Sinsero ang kaniyang pasasalamat sa TV5 dahil napapanood na rin ngayon sa istasyon ang FPJ: Da King tuwing Linggo nang hapon.

“Alam n’yo ba kung bakit napakalapit ng puso ko sa TV5? May ginawa akong pelikula noon, ang Dance O Rama, game show ‘yon sa TV5. Kaya maraming-maraming Salamat sa management ng TV5,” pag-alala pa ni Manang Inday.

Sa kaniyang mga libreng panahon ay tinututukan ni Manang Inday ang pagtatanim ng mga gulay. Hindi pa tumataas ang presyo ng mga gulay sa merkado ay naggugulayan na siya.

Sa pamamagitan ng kaniyang manager na si Tita Dolor Guevarra ay pinadadalhan niya kami ng mga inaani niyang talong, kamatis at marami pang ibang gulay.

Masarap at masustansiya ang mga gulay pero mas sumasarap ‘yon kapag alam mong nanggaling sa mapagpalang kamay ng isang Reyna ng Pelikulang Pilipino. – CSF