Published on

Cristy Per Minute ni Cristy FerminEnero 1-15, 2021

      Matteo Guidicelli & Sarah Geronimo
Matteo Guidicelli & Sarah Geronimo
  Raffy Tulfo
 
Raffy Tulfo
  isa pang bahaghari
  Sharon Cuneta & KC Concepcion
 
Sharon Cuneta & KC Concepcion
  Charlie Dizon & Paulo Avelino
 
Charlie Dizon & Paulo Avelino
  Katherine Bernardo & Daniel Padilla
 
Katherine Bernardo & Daniel Padilla
  Alden Richards
 
Alden Richards
  Claudine Barretto
 
Claudine Barretto
  Jeric Gonzales & Sheryl Cruz
 
Jeric Gonzales & Sheryl Cruz

Matteo Guidicelli at Sarah Geronimo, nakalipat na ng tirahan

Nakalipat na ng tirahan sina Matteo Guidicelli at Sarah Geronimo. Umalis na sila sa condo unit ni Matteo, bahay na ang pinili nilang lipatan, may garden.

Tamang desisyon dahil ayon sa isang nakakuwentuhan naming psychologist ay napakalaki ng partisipasyon sa relasyon ng mag-asawa ang kanilang tirahan.

Nag-alala nito ang isang mag-asawang artistang palaging nag-aaway. Palaging mainit ang kanilang ulo. Ang kanilang pag-aaway ay nauwi na sa pisikalan.

Kuwento ng aming kausap, “Parang wala na silang nakikitang maganda sa isa’t isa. Kontrahan sila nang kontrahan. Hanggang sa nagkaroon na sila ng physical contact kapag nag-aaway sila.

“I found out na isang maliit na condo unit pala ang tinitirhan nila. It’s too small na para sa kanila. Parang masikip na ang mundo nila. I advised them to look for a better place.

“And when they transferred, iba na ang mundo nila, hindi na sila nag-aaway dahil malaki na ang iniikutan nila, hindi na sila claustrophobic,” kuwento ni dok.

Marami na kaming alam na kuwentong ganoon, mainit daw ang ulo ng mga taong nakatira sa mga saradong lugar na pinaiikutan ng salamin. Mahalagang mayroong garden ang kanilang tirahan.

Hindi nagkakaroon ng mga away sina Matteo at Sarah. Nasa honeymoon stage pa rin sila hanggang ngayon. Sa Pebrero ay magdiriwang na sila ng anibersaryo bilang mag-asawa.

Totoo ang pahayag ni Sarah na kailangang mayroon silang garden. Pareho pa naman sila ni Matteo na makakalikasan at malawak ang kanilang ginagalawan.

At sana rin ay totoo ang ibinulong ng aming source, na hindi nanununog at nangunguryente na may posibilidad nang magkasundo sina Sarah at Matteo at sina Daddy Delfin at Mommy Divine.

May mga taong nagtutulay tungo sa kanilang pagkakasundo. ‘Yun ang mga taong hindi nila kayang pahindian. At totoong-totoo namang makukumpleto lang ang kaligayahan ng mga bagong kasal kung namumuhay sila nang tahimik at walang kumokontra sa kanilang pagmamahalan.

Raffy Tulfo, milyunan kung kumita buwan-buwan

Milyunan kung kumita buwan-buwan ang matapang na news anchor na si Raffy Tulfo sa kaniyang YouTube channel. Lalo na ngayon – siya ang tinanghal na Most Searched Male Personality sa Yahoo, padagdag na nang padagdag ang kaniyang mga tagasuporta.

Napakalaki ng kaniyang kinikita kada buwan, kaya napakaraming nang-uusisa, saan kaya dinadala ng news anchor-komentarista ang kaniyang kinikita?

Isang gabi ay nakakuwentuhan namin ang pinipiling pagsumbungan-lapitan ng mga problemado nating kababayan. ‘Yun din ang isa sa mga itinanong namin sa kaniya.

Tawa nang tawa si Kuya Raffy. Busog na busog na raw siya sa ganoong klase ng tanong kahit saan siya magpunta. Monetized ang kaniyang YouTube account, mayroon pa siyang FB account na halos dalawampung milyon na rin ang bilang ng mga tumututok sa kaniya. Sobra-sobra na nga ang kayamanan ni Raffy Tulfo.

Mapagkumbaba niyang sagot, “Kulang pa nga ang kinikita ko para maibigay ang mga pangangailangan ng mga sinusuportahan namin sa Wanted Sa Radyo at sa Idol In Action. Kulang pa ‘yun kung tutuusin.

“Kilala n’yo naman ako. Ramdam na ramdam ko kapag sincere ang pangangailangan ng mga lumalapit sa akin. Hindi na nila ako kailangan pang iyakan.

“Okey lang na mayroon akong pinagkukunan. Nakakatulong ako. Halos wala na ring natitira!” tawa nang tawang pahayag ng mapusong news anchor.

Bukas ang kaniyang mga palad sa pagtulong kaya bukas din ang daanan ng mga biyayang tinatanggap niya.

Isa Pang Bahaghari, matindi ang pakete ng pelikulang ito

Hindi kami nabigo sa inaasahan naming brilyo ng pelikulang Isa Pang Bahaghari. Direk Joel Lamangan kasi ang kumukumpas. Nora Aunor, Phillip Salvador at Michael de Mesa pa ang mga pangunahing bituin. Matindi ang pakete ng pelikulang ito ng MMFF.

Bukod sa husay ng mga sentrong karakter sa pelikula ay mahuhusay rin ang kanilang kasama, Zanjoe Marudo, Joseph Marco at Sanya Lopez.

Istrorya ng isang dakilang pag-iibigan ang tema ng pelikula. Pagkatapos ng dalawang dekada ay muling nagtagpo ang mag-asawa. Naging mahirap ang muling pagbubuo ng pamilya pero nagkaroon ng isa pang bahaghari sa katapusan.

Wala nang kukuwestiyon pa sa galing gumanap ng Superstar. Hindi rin nangalawang ang pag-arte ni Phillip Salvador, at napakagaling gumanap na baklang nagkaroon ng kaugnayan kay Phillip ang suwabeng si Michael de Mesa.

Gasgas na ang kuwento ng pelikula – ang panunumbat ng misis at ng kanilang mga anak sa dekadang pagkawala ng poste ng kanilang tahanan. Ang pagkakaiba lang ay ang pagtatawid ng mga artista sa sitwasyon.

Tagisan ng galing sa pag-arte ang mga artista ng Isa Pang Bahaghari. Maraming nakaiiyak na eksena, pero ang pinakasentro ay ang pinakahuling tagpo sa pagsasara ng kuwento. Nakadamit pangkasal sina Phillip at Nora, magkahawak-kamay silang latag na latag ang mga katawan sa kama, pareho nang patay.

Ang dami-dami muna nilang pinagdaanang pagsubok, pero sabi nga, kailangan munang umulan bago natin makita ang bahaghari.

Sharon Cuneta, masaya sa pagdating ni KC noong Noche Buena

Isang masaganang hapunan ang ibinigay ng mag-anak nina Senator Kiko Pangilinan at Sharon Cuneta para sa kanilang kasambahay noong Noche Buena.

Ang magkakapatid na Frankie, Miel at Miguel ang magkakatulong na nagsilbi sa mga taong ilang taon nang nagtatrabaho sa kanilang tahanan.

Kung ang ibang tao nga ay nireregaluhan ng Megastar, ang mga loyalista pa kaya nilang kasambahay ang maiiwan sa laban? Binusog sa regalo ng mag-anak ang mga taong kasama nila sa hirap at ginhawa nang napakatagal nang panahon.

Sabi ni Sharon, “They deserve special treatment. They make things easier for our family. Sila ang tumitingin sa mga anak namin, sa bahay namin. Kung wala sila, mahihirapan kaming mag-asawa na gampanan ang mga trabaho namin.

Dumating si KC Concepcion noong Noche Buena. Maligaya siyempre si Sharon dahil sa pagdating ng kaniyang panganay. Kumpleto ang kanilang pamilya.

Pagpansin ng mga nakapanood sa ipinost na video ng Megastar ay mas espesyal na panahon pa raw ang ibinigay nila sa mga alaga nilang aso kaysa kay KC.

Huwag na sanang ikumpara ang tao sa mga hayop. Sapat nang dumating si KC sa bahay ng kaniyang ina. Sapat nang nakasama nito ang kaniyang mga kapatid, pagkatapos nang mahabang panahon.

Hindi kayang tiisin ni Sharon ang kaniyang panganay. Si KC ang pinagtuunan niya nang napakahabang malasakit at pagmamahal. Hindi ‘yon matutumbasan ni KC nang kahit magkano.

Sapat na ang presensiya ni KC para makumpleto ang kaligayahan ni Sharon. Napakatagal na niyang hinihintay ang pagkakataong ‘yon, kaya huwag na sanang lagyan ‘yon ng ibang kulay ng mga nag-aabang ng butas na masisilip sa pagkikita ng mag-ina.

Hindi rin ‘yon ang tamang panahon para pag-usapan ang mga nangyari. Sayang ang Noche Buena na dapat ay ninanamnam nilang mag-anak.

Pinakamasayang ina si Sharon ngayong Pasko. Napakabait na sa kaniya ng kapalaran ay magkakasama pa nilang ipinagdiwang ang dakilang araw. Wala na siyang mahihiling pa.

Paulo Avelino, MMFF best Actor sa pelikulang Fan Girl

Sa mga nagtataka-nagtatanong kung bakit at paanong tinanghal na Best Actor sa MMFF si Paulo Avelino ay mas makabubuti sigurong panoorin muna nila nang buo ang pelikulang Fan Girl.

Kahit ang mga nambabash kay Charlie Dizon, ang bumida sa pelikula katambal ni Paulo, ay mas maganda kung matututukan nila ang pelikulang nagbigay ng mga tropeo sa dalawang karakter ng palabas.

Hindi kasi puwedeng makinig lang tayo sa mga balikong pagpansin nang hindi man lang natin napapanood ang pelikula. Nagpakita lang daw ng ari si Paulo ay Best Actor na agad-agad?

Nagpasilip lang daw siya ng puwet ay pinakamahusay na aktor agad siya ng pestibal? Kung ang mga ganoong pagpansin ang tanging bibigyan natin ng bigat at hindi ang pelikula sa kabuuan ay baka nga maniwala tayo?

May matinding dahilan ang mga hurado sa pagbibigay nila ng tiwala sa pagganap ni Paulo Avelino. Bawat kuwadro, bawat eksena, bawat pag-arteng ipinakita ni Paulo ay kaswal na kaswal pero kumakagat.

Hindi siya umaarte, napakanatural niya, tulad din sa mga seryeng pinaglabasan niya kung saan nakukuha ng aktor ang paghanga ng manonood.

Sakto ang papel na ginampanan niya bilang idolong huwad naman pala ang ipinakikitang ugali sa publiko. Swak sila ng kaniyang katambal na si Charlie Dizon. Mahusay ang pagkakabalangkas ng istorya. Magaling si Direk Antoinette Jadaone.

Napakasimple ng mga dahilan kung bakit humakot ng parangal sa MMFF ang Fan Girl.

KathNiel fans, insecure pa rin kay Alden Richards?

Ano kaya ang problemang bumabagabag sa mga tagasuporta nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo at hanggang ngayo’y masyado silang apektado sa presensiya ni Alden Richards sa mundo?

Hindi naman lahat; may mga tagahanga ang KathNiel na gumagamit ng utak bago umupak, pero may mga tagahanga ang tambalan na kung i-bash ang Pambansang Bae ay parang wala nang bukas.

Matagal nang naipalabas ang pinagtambalang pelikula nina Alden at Kathryn. Sobra-sobrang pagtangkilik ang ibinigay ng ating mga kababayan sa kanilang proyekto. Inaangkin nila ngayon ang kredito bilang pinakaunang pelikulang Pilipinong kumita nang ganoon katindi. Hindi lang daang milyong piso ang pinag-uusapan sa Hello, Love, Goodbye kundi bilyon.

‘Yun ba ang hanggang ngayo’y ikinagagalit ng ibang tagahanga ng KathNiel kay Alden? Sobrang matinding sampal ba ‘yun para sa tambalan ng kanilang mga idolo?

Mabenta pa rin sa Netflix ang pelikula, habang umaandar ang kaliwa’t kanang streaming ng pinagtambalan nina Alden at Kathryn ay sige-sige rin ang pamba-bash kay Alden ang ibang miyembro ng KathNiel. Inilalampaso talaga ng mga ito si Alden.

Extra lang daw naman si Alden sa pelikula. Si Kathryn lang daw ang bida. Nakakaloka ang mga faney na ito! Ilang ulit naman nilang pinanood ang proyekto? Kabisado naman nila ang ikot ng istorya, extra nga lang ba si Alden Richards?

Literal na mabuti ang puso ni Alden. Ipinanganak siyang kakambal ng kaniyang inunan ang malawak na isip at haba ng pasensiya. Hindi sila sinasagot ng singer-actor.

Pinababayaan lang niyang bumula ang bibig ng mga taong walang magandang magawa sa buhay ngayong pandemya kaya sobrang aligaga sa pagbira sa kaniya.

Na tama lang. Bakit niya pa sasagutin ang mga taong parang kabayong may tapa ojo sa pagiging bulag at pagbubulag-bulagan? Sayang lang ang napakahalaga niyang panahon.

Ipunin na lang ni Alden Richards ang kaniyang lakas sa dami ng kaniyang trabaho. Wala na nga halos siyang tulog at pahinga sa pagdating ng mga proyektong nagpapatunay lang kung gaano siya kasikat at ka-in-demand. Paglalaanan pa ba naman niya ng panahon ang mga pasaway? No way!

Mamatay na lang sila sa inggit!

Claudine Barretto, naputulan ng kuryente noong Kapaskuhan

Kumpirmadong naputulan ng kuryente noong Kapaskuhan ang bahay ni Claudine Barretto. Sa isang panahong maliwanag na maliwanag ang mga bahay sa tinitirhan nilang subdivision ng kaniyang mga anak ay madilim na madilim naman ang kapaligiran sa bahay ni Claudine.

Nagtataka ang kaniyang mga kapitbahay. Ano ang nangyari? Bakit naputulan ng kuryente ang bahay ng aktres? Nakalimutan lang ba niyang magpabayad ng kanilang konsumo?

Naghihirap na ba talaga si Claudine kaya kahit pambayad na lang ng ilaw ay wala pa siyang pambayad? Kaya ba ganoon na lang ang paghahabol niya sa sustento ng kaniyang mga anak mula kay Raymart Santiago?

Kuwentong-subdivision lang ang agarang kumalat, Walang katiyakan ang lumabas na istorya, kaya kailangang may isang taong malapit kay Claudine na kumumpirma ng naganap.

Totoo, ayon sa kaniyang abogadong si Attorney Ferdie Topacio. Naputulan nga ng kuryente ang aktres noong mismong Kapaskuhan.

Nagtaka raw si Attorney Ferdie noong magpunta ito sa bahay ng kaniyang kliyente. Madilim, parang walang katao-tao sa bahay. Tinawagan ng abogado si Claudine. Nasa bahay raw siya ng kaniyang mommy, kasma ang mga anak nila ni Raymart.

Nilinaw ng magaling na abogado na bayad na ang kuryente ni Claudine Barretto. Walang ideya si Attorney Topacio kung magkano. Ang mahalaga ay maliwanag na uli ang bahay ng aktres.

Jeric Gonzales at Sheryl Cruz, noong isang taon pa magkarelasyon?

Mabilis kumalat sa pamamagitan ng isang blind item ang kuwentong nagdadalantao ngayon ang isang female personality na hindi na kabataan ang edad.

Ang diumano’y ama ng kaniyang dinadala ay ang hunk actor na kasama niya sa isang serye. Sa dalas ng kanilang pagsasama sa set ay may nabuo raw na pagmamahalan sa pagitan nila.

Tinanggalan ng talukbong kung sino ang diumano’y nagdadalantaong babae. Si Sheryl Cruz pala ang tinutukoy. Ang ama raw ng kaniyang dinadala ay binhi ng hunk actor na si Jeric Gonzales, kasamahan niya sa serye ng GMA-7.

May mga nagdalawang-isip agad tungkol sa kuwento. Sabi ng isang nagkomento, “Naku, ha? Kuwarenta’y otso na si Sheryl. Puwede pa ba siyang magbuntis?”

Pero pinabulaanan ng aktres ang kuwento. Paano raw siya magdadalantao, samantalang sa ikalawang linggo ng lock-in shoot nila ay dumating ang kaniyang buwanang dalaw?

Mulat naman tayo na kapag may regla ang babae, ibig sabihi’y ligtas siya sa bintang ng pagdadalantao, tulad ng ibinigay na dahilan ni Sheryl.

‘Yun lang ang kaniyang nilinaw pero ang tanong tungkol sa kung ano ba talaga ang namamagitan sa kanila ni Jeric Gonzales ay hindi niya pinakahabaan ang paliwanag.

Okey lang daw naman sila. Mayroon daw mga grupong nagmamahal sa kanila. Maraming bumoboto sa pagiging close nila.

Tanong sa amin ni Tita Dolor Guevarra, sino ba ‘yung Jeric Gonzales na sinasabing ama raw ng dinadala ni Sheryl?, Kilala raw ba namin ito?

Naputol ang linya sa pag-uusap namin ni Tita Dolor. Hindi tuloy namin nasagot sa kaniya nang punto por punto kung ano ang pagkakakilala namin kay Jeric. Hindi basta-basta tsismis lang ‘yun, kundi mayroon talaga kaming alam.

Magdenay man sila ni Sheryl tungkol sa relasyon nila ngayon ay hindi namin ‘yun paniniwalaan. Noong nakaraang taon pa ang kanilang pagkakamabutihan.

Hindi nila ‘yun puwedeng ikaila. May mga taong hindi nila makakayang paikutin, dahil hiniwalayan si Jeric Gonzales ng dati nitong karelasyon dahil kay Sheryl.

Sa totoo lang!  – CSF