Published on

Cristy Per Minute ni Cristy FerminDisyembre 16-31, 2020

  Alden Richards
 
Alden Richards
  willie2
 
Willie Revillame
  paano ang pasko pix
 
The cast of Paano Ang Pasko?
   jodi maricel
 
Jodi Sta. Maria, Maricel Soriano, Iza Calzado & Sam Milby
  NORA AUNOR 4
 
Nora Aunor
  madle april
 
Madel De Leon-Regino & April Boy Regino
  ian de leon siblings
 
Nora Aunor’s children: Ian, Kiko, Kenneth, Matet & Lotlot De Leon

Alden Richards’ virtual concert, matagumpay!

May lagnat pa rin ang bayan sa katatapos lang na virtual concert ni Alden Richards. Hindi mawawala ang mga pagpansin at ang pamimintas, pero ang pinakamahalaga ay matagumpay ang Alden’s Reality.

Umikot ang kaniyang virtual concert sa sampung mahahalagang taon ng kaniyang buhay bilang artista. Lalong naging malinaw para sa mga tumututok sa kaniyang palabas na hindi niya inani nang magdamagan lang ang katuparan ng kaniyang mga pangarap.

Sampung taon ang kaniyang binalikan na may mga pagkakataon na ring gusto niyang sumuko pero nagpakatibay siya dahil ang kaniyang pag-aartista ang pinakamgandang legacy na ipinamana ng namayapa niyang ina labingdalawang taon na ngayon ang nakalilipas.

Ang mommy niya ang pinakamalakas na hangin sa ilalim ng kaniyang pakpak na nagsulong sa kaniya sa pagharap sa mga camera. ’Yun ang dahilan kung bakit siya nagiging emosyonal kapag tumatanggap siya ng parangal. Hindi na inabot ‘yun ng kayang nanay.

Kuwento ni Alden sa kaniyang virtual concert, “Mahilig manood ng mga teleserye ang mommy ko. Paborito niya ang Marimar. Minsan, sinabi niya sa akin na gusto rin daw niya akong mapanood sa TV.

“Sana raw, ako ang gumanap na parang Sergio, ang leading man sa Marimar. Napakamahiyain ko noon, takot ako sa tao, matindi ang pagiging insecure ko. Pero wala ngang imposible,” pagbabahagi ng Asia’s Multimedia Star.

Ngayon lang din nalaman ng publiko na bawal pala siyang uminom ng kape noong bata pa siya. May tamang edad sa pagkakape, sabi ng kaniyang mommy. Tuwang-tuwa ring nalaman ng kaniyang mga tagahanga na sinigang pala ang paborito niyang ulam at ang gustung-gusto niya namang agahan ay sinangag, itlog, tuyo at kape.

Hinubaran ni Alden Richards ang kaniyang sarili sa kaniyang virtual concert. Hindi niya ipinagdamot ang kuwento ng kaniyang buhay, ang mga naengkuwentro niyang pagsubok, pero nagpakatatag siya.

Totoong-totoo na ang sumusuko ay hindi nagwawagi. Napakatagumpay na ngayon ni Alden Richards na sa kabila ng tagumpay ay mapagkumbaba pa rin, marunong lumingon sa kaniyang pinanggalingan, makapamilya at marespeto sa kaniyang mga tagasubaybay.

Willie Revillame, ang lalaking walang pahinga

Ang lalaking walang pahinga ang tawag namin kay Willie Revillame. Kundi pa naimbento ang magdamag para sa ating pamamahinga ay mabubuhay nang walang tulog ang aktor-TV host.

Grabe siyang magtrabaho. Nakakalimutan niya na kadalasan ang kaniyang sarili. Sa halip na mamahinga siya ay gagamitin niya pa rin ang mga nalalabi niyang panahon sa pagtatrabaho.

Bago umere ang Wowowin (Tutok To Win) ay iipunin niya muna ang kaniyang production staff. “Ito ang mga mangyayari sa show, ganito at ganiyan, kailangang ma-perfect natin ang segment,” sasabihin niya.

Show proper na. Kahit wala siyang sapat na pahinga at tulog ay gagawin niyang makabuluhan ang show. Magpapatawa siya. Magpapasaya siya ng mga kababayan nating matindi ang pangangailangan. Magpapamigay siya nang daan-daang libong papremyo.

Pagkatapos ng show ay may brainstorming na naman sila ng buong staff. Ilalatag ni Willie kung saan sila kinapos at kung saan sumobra. Kailangang maiwasan nila ang mga ganoong pagkakamali.

Pagkatapos ng pagrerebyu nila sa katatapos lang na programa, kung minsan ay mayroon pa siyang meeting sa kaniyang mga sponsors. Halos madaling-araw na siyang nakauuwi at gigising na naman nang napakaaga.

Ano ang resulta? Ilang araw nang 150/110 ang kaniyang blood pressure. Nakakaramdam na siya ng pagkahilo kung minsan at hindi maganda ang kaniyang pakiramdam.

Gumanda lang ang pakiramdam niya ay hayun na naman si Willie. Magpapalipad na naman ng kaniyang chopper. Dadalawin niya na naman ang kaniyang beach house sa Mindoro at dadaan na rin sa kaniyang mansiyon sa Iruhin, Tagaytay.

Paano magiging normal ang kaniyang BP? Paano siya makaiiwas sa pagkahilo at madalas na pagdyinggel sa madaling-araw?

Hay, naku!

TV Networks, pagandahan ng palabas

Hilung-hilo na ang aming remote control tuwing gabi. Kung mayroon lang gamot para sa pagkahilo ng mga makina ay pinakyaw na siguro namin.

Mabuti na lang at hindi nagkakatapat-tapat ang pagsasalang nila ng mga patalastas, nagkakalihis, kaya pareho pa rin naming natututukan ang mga palabas na sinusundan namin.

Sa unang gabi pa lang ng seryeng Paano Ang Pasko ng TV5 ay hinawakan na kami nito sa leeg. Magagaling ang kanilang mga artista. Makinis ang script. Pampamilya ang tema nito na napapanahon.

Magagaling sina Maricel Laxa, Ricky Davao (na direktor din ng serye kasama sina Direk Eric Quizon at Direk Perci Intalan), Allan Paule, Beauty Gonzales, Julia Clarete, Ejay Falcon at iba pa.

Binibigyan nila ng hustisya ang sinulat na istorya ni Direk Jun Lana. Makatotohanan ang kanilang pagganap. Walang umaarte nang OA sa kanilang lahat.

Kasabay nila ang seryeng Ang Sa Iyo Ay Akin na pinagbibidahan naman nina Jodi Sta. Maria, Iza Calzado, Sam Milby sa espeyal na partisipasyon ng Diamond Star na si Maricel Soriano.

Hindi rin matatawaran ang seryeng ito, lalo na’t binibigyan ng pansin ngayon si Grae Fernandez na itinambal kay Kira Balinger na maganda na ay mahusay pang gumanap. Dagdag na rekado sila sa istorya.

Palipat-lipat kami sa dalawang serye. Hilung-hilo na ang aming remote control, pero may isa pang seryeng sinusubaybayan namin na walang lipatan talaga. ’Yun ang Walang Hanggang Paalam na sina Angelica Panganiban at Zanjoe Marudo ang tambalang ibinebenta, pero pagdating sa pag-arte ay pinaghaharian ni Paolo Avelino, na mapapamura ka sa galing.

Nagbibigay naman ng inis ang partisipasyon ni Cherry Pie Picache at ng gumaganap nitong ina mula sa entablado na si Ms. Sherry Luna. Kapansin-pansin din ang pagganap nina Ronnie Lazaro, McCoy de Leon, JC Santos at Arci Muñoz.

Pinakamalinamnam para sa amin ang seryeng ito na tumututok sa pagmamahal ng mga magulang sa kanilang anak. Maaksiyon ang mga eksena, pero hindi nakakaligtaas ang puso, lalo nakapaghumahagulgol na ang mahusay na aktor na si Paolo Avelino.

Tanong sa isang patalastas, para kanino ka ba gumigising, sino ang inspirasyon mo? Babaligtarin namin ngayon ang tanong.

Ano ba ang kumukumpleto sa araw mo bago ka magpahinga? Ano ba ang nagpapasaya sa iyo bago ka magnakaw nang isang mahimbing na tulog?

Nora Aunor, panahon na nga ba upang gawaran ng National Artist award?

Kung ang magiging barometro sa pagluluklok sa isang personalidad sa prestihiyosong National Artist award ay ang kaniyang kontribusyon sa industriyang kinabibilangan niya ay wala nang kailangan pang patunayan si Nora Aunor.

Suyurin man natin pabalik ang kaniyang karera ay wala nang maibubutas ang kahit sino para hindi pa igawad sa kaniya ang pambansang parangal. Huwag na nating isali pa ang pagiging mahusay niyang singer, ang pagganap niya na lang na umani ng tagumpay dito at sa iba-ibang bansa man ang ating sentruhan, ipagdadamot pa ba kay Nora Aunor ang premyo ng kaniyang ipinamamalas na talento?

May punto si Congresswoman Nina Taduran sa isinulong nitong House Resolution. Hindi tayo naghahanap ng santo. Tao lang si Nora Aunor na nagkakamali tulad nating lahat kaya hindi dapat husgahan ang Superstar sa mga personal niyang kakapusan.

Ang kailangang bilangin ay ang kaniyang ambag sa industriya ng pelikula, ang kung ilang beses siyang nagbigay ng karangalan sa ating bayan sa mapa ng mundong tanghalan. Panahon na talaga para igawad kay Nora Aunor ang National Artist award.

Dalawang beses nang ipinagdamot ang parangal na ito kay Nora Aunor. May mga sinilip ang mga pumipili. Ibinabalik palagi ang kontrobersiyang naganap sa Amerika tungkol sa usapin ng droga. Wala bang pagkakataong ibinibigay sa mga taong minsang nagkamali?

Kung santo ang hinahanap natin sa pagluluklok sa pagiging National Artist ay mababasyo ang upuan. Walang lulusot, walang papasa, dahil lahat tayo’y nagkakamali.

Kung sa ikatlong pagkakataon ay mabibigo pa rin ang mga nagsusulong sa pangalan ni Nora Aunor sa pagiging National Artist ay wala na tayong magagawa.

May parangal man o wala ay tuloy ang ikot ng mundo. Tuloy ang buhay at karera ni Nora Aunor. Wala nang kahit sinong makakabaklas pa sa pagkahinang sa ulo niya ng titulong Superstar.

Madel, di matanggap ang pagkawala ng asawang si April Boy Regino

Kundi magkakaroon ng mga pagbabago ay desidido na ang misis ng namayapang Jukebox Idol na si Madel de Leon-Regino na ilapit kay Raffy Tulfo ang kinikimkim niyang problema.

Nagpalipas lang nang isang linggo si Madel pagkatapos ihatid sa huling hantungan si April “Boy” Regino. Kinausap niya ang kanilang mga anak na sina Charmaine at JC. Mula nang bawian ng buhay ang kaniyang mister ay hindi pa siya nareregaluhan nang mahimbing na tulog dahil sa hindi niya malimut-limutang naganap sa ospital nang isugod nila si April Boy.

“Hindi po ako matahimik kapag naaalala ko po ang nangyari noong isugod namin sa ospital si April. Giniginaw po ako, kinikilabutan. Hindi ko po matanggap ang nangyari,” kuwento ni Madel.

Tulad ng kaniyang namayapang asawa ay naniniwala rin si Madel na ang kalooban ng Diyos ang dapat mangyari. Kung talagang oras na ng pamamaalam, kapag dumating na ang takdang oras, ay wala na tayong magagawa pa.

Sabi ng biyuda ni April Boy, “Opo, alam ko po ‘yun. Na kapag oras na natin talaga, e, hanggang doonn na lang tayo. Pero mas matatanggap ko po ang pagkawala ni April kung nangyari ang nararapat.

“Napakasakit po para sa akin at sa mga anak ko ang nangyari sa ospital. Ala una nang madaling-araw siya naka-schedule para sa emergency dialysis. Binutasan na nga po siya sa leeg para sa gagawing process.

“Pero alas dos na, wala pa ang mga doctor. May inuna raw po silang emergency rin sa ibaba.” Sa paputul-putol na salita, e, sinabi ni April, “Emergency din naman ako.”

“Na-video ko po ‘yung paghahanap nila ng isang gamit na wala na raw. Nagamit na raw po, wala silang stock. Inilagay ko po ang cellphone ko sa hita ko, kaya nakunan po ang pagdedeliryo ni April,” lumuluhang kuwento ni Madel.

Magsasagawa ng imbestigasyon ang Tulfo In Action at ang Wanted Sa Radyo sa problemang ilalapit ni Madel Regino sa mga programa ng matapang at mapusong news anchor.

Bubusisiin nila kung nagkaroon nga ba ng medical malpractice sa pagkawala ng Jukebox Idol. Kailangang managot ang may pagkukulang sa senaryong ito.

Mag-inang Ian De Leon at Nora Aunor, nagkaroon ng di pagkakaunawaan

Ilang tulog at gising na lang ay Pasko na. May pandemya man o wala, para sa ating mga Pinoy ay ang araw ng Pasko ang senyal ng pagsasama-sama ng pamilya, nagkaroon man ng hidwaan sa pagitan ng mga miyembro ay kusang kinalilimutan para sa pagdiriwang ng Pasko.

Kung kailan naman malapit na malapit na ang Pasko ay saka pa nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang tunay na mag-inang Nora Aunor at Ian de Leon.

Ang minimithing pagkaka- sundo ng mga nagmamahal sa mag-ina ay naudlot. Marami nang nagtangkang pagkasunduin ang mag-ina pati sina Lotlot, Matet at Kiko pero lahat ay hindi nagkaroon ng positibong resulta.

Heto na sana ang magandang pagkakataon, ipinaghanda ng Superstar si Ian, pero hindi nagkrus ang kanilang landas. Mayroon kasing pader sa kanilang pagitan. Hindi man diretsong sinabi ni Ian kung sino ay alam na agad ng buong bayan na si John Rendez ang dahilan ng hindi niya pagunta sa party na ihinanda ng kaniyang ina.

At nagpakatotoo naman si Ian. Hindi sila magiging kumportable ng kaniyang mga kapatid kung nandoon si John. Ang gusto niya ay magkaroon sila ng panahon na kanilang mag-iina lang para makapag-usap sila nang masinsinan.

Maglalatagan sila ng kanilang mga baraha sa mesa. Nasaan ba ang problema? Sino ba ang nakaharang sa dapat sana’y napakatagal na nilang pagkakasundo?

Hanggang nasa buhay pa ni Nora Aunor si John Rendez ay mananatiling pangarap lang ang inasinta nilang pagkakasundo. Hindi tanggap ng mga anak ni Nora si John. Hindi rin naman kayang isakripisyo ng Superstar ang singer.

Paano sila magkikita sa gitna? Hanggang may John Rendez sa buhay ng aktres ay mananatiling malayo ang loob sa kaniya ng magkakapatid. Diretso nang nagpahayag si Ian na kailangang mawala na kay Nora ang mga taong nakapalibot sa kaniya.

‘Yun lang ang makabubuwag sa pader na nakapagitan sa kanilang mag-iina. Pero ang tanong, handa na ba si Guy na talikuran si John para magkasama- sama na silang mag-iina, sino ang kaniyang pipiliin?

Nakakalungkot. – CSF