Published on

Cristy Per Minute ni Cristy FerminNobyembre 16-30, 2020

      John Lloyd Cruz
John Lloyd Cruz
  John Lloyd Cruz C WITH SON ELIAS MODESTO IN CEBU
 
John Lloyd Cruz at kaniyang anak, Elias Modesto sa Cebu
  kris aquino
 
Kris Aquino
  TAKEITPERMINUTE
 
Lolit Solis, Mr. Fu & Cristy Fermin
  Direk Bobet Vidanes
 
Bobet Vidanes

John Lloyd Cruz ­­– Mahusay humawak ng pera, may beach house sa El Nido

Siguro nga ay mas malalim ang hinahanap na kalayaan at kapribaduhan ng buhay ng mga personalidad na maagang nagsimula sa pag-aartista. Ninakaw na kasi ng trabaho ang kanilang panahon.

Palagi na lang silang nakaharap sa mga camera, parang kagamitang de-buton na kailangang lumuha kung iyon ang hinihingi ng ginagampanan nilang papel, halos wala na silang oras para sa kanilang sarili.

Ganoon ang nakikita naming nagaganap ngayon kay John Lloyd Cruz. Maaga siyang nag-artista, teenager pa lang siya ay puro camera na ang kaharap niya, kaya ngayon pa lang siya bumabawi sa mga panahong inagaw sa kaniya ng pagiging aktor.

Sa Cebu, noong maayos pa ang kanilang relasyon ni Ellen Adarna ay madalas siyang makita ng mga tagaroon na palakad-lakad lang sa matataong lugar sa lunsod.

Nagba-bar hopping din siyang mag-isa, masayang-masaya ang kaniyang itsura, dahil ngayon nga ay nalalanghanp niya na ang hangin ng kalayaan.

Ngayon ay madalas naman siya sa Palawan, may ipinatatayo siyang beach house sa El Nido, isang eksklusibong beach doon na dinadayo ng mga bukod na pinagpala para sa kanilang pagbabakasyon.

Sabi ng isang source na malapit kay JLC, “Marunong siyang humawak ng kinikita niya, properties ang tinutukan niya noon, marami siyang nabili.”

Enjoy na enjoy ngayon si John Lloyd sa pamumuhay na walang mga kamerang nakatutok sa kaniya. Pakain-kain na lang siya ng fishball, ng kwek-kwek, paa ng manok at iba pang pagkaing nabibili sa kalye.

Iyon ang mahabang panahong hindi niya nagawa, iyon ang kinasabikan niya nang ilang dekada, bumabawi siya ngayon.

Kris Aquino – Nagpalutang na naman ng kayabangan at pagiging bratinella

Si Kris Aquino ang sentrong paksa sa istoryang ito. Si Kris na minsan pang nagpalutang ng kaniyang kayabangan at pagiging bratinella.

Si Kris na ilang taon na ngang nagsusumamo sa mga network na bigyan siya ng programa pero palagi siyang bigo. Nagsisimula pa lang siyang ibenta ng nagtutulay sa kaniya ay no na agad ang sagot ng mga ehekutibo.

Maraming kabiguan na ang kaniyang naranasan, ilang bagsak at bangon na nga siya, pero hanggang ngayo’y kipkip pa rin niya ang pagpa-power trip.

Dati na siyang ganoon, kung ano ang gusto niya ay palaging kailangang masunod, pero akala nami’y nagbago na siya dahil ilang taon na nga siyang walang proyekto.

Sabi nga, mabuti pa ang taong matakaw at may kabusugan, pero ang kayabangan ay walang gamot na katumbas.

May inilatag na proyekto sa amin si Salve Asis, ang PM namin sa Take It, Per Minute… Me Gano’n, kinukuha raw kami ng Puregold para sa isang programang si Kris Aquino ang aming makakatrabaho.

Nag-meeting na sina Manay Lolit Solis, Mr. Fu, Chuck Gomez, Salve Asis at ang mga kinatawan ng Puregold. Wala kami sa meeting, kinailangan naming umuwi agad para sa work from home naman namin sa Cristy Ferminute, ikinuwento na lang nila sa amin ang magiging takbo ng palabas.

Nasa Mga Obra Ni Nanay kaming tatlo nina Manay Lolit at Mr. Fu, nasa opisina naman ng Cornerstone si Kris sa loob nang apat na Linggo, sa panglima hanggang sa pangwalo ay sama-sama na kami sa Cornerstone.

Plantsado na ang lahat. Maayos ang usapan. Pati ang talent fee namin ay napag-usapan na. wala nang problema.

Pero isang araw ay lumutang ang hindi magandang kuwento. Ayaw ni Kris na makasama si Mr. Fu. Hindi raw niya kilala ang may sarili nang tagasuportang radio-TV host, at hindi raw namin ka-level si Mr. Fu, ayon kay Kris.

Ipinaglaban ni Manay Lolit si Mr. Fu, nasa meeting ang inaayawan ni Kris, sana’y nilinaw na noong una pa lang na hindi pala kasama sa proyekto ang aming kasama sa TIPMMG.

Solido ang aming samahan sa digital talk show, buong pakete ang pinagkasunduan, bakit biglang inilaglag ni Kris si Mr. Fu?

Wala lang. Hindi raw kasi niya kilala si Mr. Fu, saka hindi namin ka-level ni Manay Lolit, sa pakiusap ni Manay Lolit ay pumayag na rin si Kris pero parang OJT lang si Mr. Fu para sa apat na episodes.

Hindi naging maganda sa aming panlasa ang ginawa ni Kris. Heto na naman siya, pinaiiral na naman niya ang kasabihang “What Kris wants, Kris gets.”

Sabi ni Mr. Fu pagkatapos nitong mabasa ang mahabang text ni Kris kay Manay Lolit, “Huwag ka nang magalit, ‘Nay, carry ko ‘yan. Gagawin ko ang show para sa inyo ni Manay Lolit.”

May bikig sa lalamunan ng aming kasama, napakasakit tanggihan lalo pa’t alam mo namang may magagawa ka rin namang maganda para sa show, parang ninakawan ni Kris ng tiwala sa sarili si Mr. Fu.

Mapakla iyon sa aming panlasa, kaya ilang oras lang pagkatapos ng TIPMMG ay tinawagan na namin si Salve Asis, tinanggihan na naming gawin ang show na kasama si Kris.

Nang malaman ni Manay Lolit ang aming desisyon ay ayaw na rin nitong gawin ang show, lalo naman si Mr. Fu na minenos at minaliit ni Kris ang kapasidad, ibinasura na namin sa aming isip ang show.

Umaapela si Chuck Gomez, kahit isang Sunday lang daw sana ay pumayag kami, pero mas matibay ang hawak naming prinsipyo sa pagtangging makatrabaho si Kris Aquino.

Hindi pa rin siya bumababa sa kaniyang pedestal, akala ni Kris ay nasa ituktok pa rin siya ng kasikatan, akala ni Kris ay puwede pa ring umandar ang kaniyang pagyayabang.

Humihingi kami ng paumanhin kay Ms. Susan Co ng Puregold, pinili nila ang Take It, Per Minute… Me Gano’n para maging bahagi ng kanilang proyekto, pero hindi natuloy.

Talaga lang pong hindi namin masisikmurang makatrabaho ang isang taong walang respeto at pagpapahalaga sa kaniyang kapuwa.

Eto pa…

Mahirap kalaban si Kris Aquino. Parang bagyo ang takbo ng kaniyang utak—malikot, walang direksiyon. Kung ano ang gusto niyang sabihin at gawin, hari man ay mawawalan ng boses, ang kapritso pa rin niya ang mamamayani.

Si Dindo Balares ay anak-anakan namin na malapit kay Kris. Kapag nasasangkot sa kahit anong isyu ang TV host ay agaran nang nagte-text sa amin si Dindo, ipinadadala ang mensahe ni Kris, “Kuya Dindo, please call Nanay about this.”

Maraming beses iyon. Noong ilabas ni Jay Sonza na bakla si Bimby, noong upakan siya ni Mocha, nang magdemandahan sila ng kaniyang dating staff na si Nicko Falcis. Marami pang ibang giyerang sangkot siya.

Pero alam ni Dindo ang katotohanan. Kapag nasa tama si Kris ay saka lang namin siya ipinagtatanggol pero kapag siya ang nagmamalabis ay siya ang pinipitik namin.

Noong araw…

Totoo ang pahayag ni Kris Aquino na hindi siya kumibo noong pagsalitaan namin siya nang masakit na sa paglalarawan niya’y mula ulo hanggang sa talampakan niya.

Naganap iyon sa pinagpistahang kontrobesiya nila ng kaniyang dating karelasyong si Mayor Joey Marquez. Nasa panig kami noon ng aktor-puliitko dahil maraming butas ang mga kuwento ni Kris sa kaniyang one-on-one interview kay Korina Sanchez.

Binaligtad niya ang maraming aspeto ng kuwento, inilaglag niya ang lalaking nagmamahal sa kaniya nang dahil sa sobrang pagseselos, winasak niya ang pagkatao ni Mayor Joey sa buong mundo.

Ang ikinabigla namin ay ang pagtawag ni Kris sa amin isang umaga. Katatapos lang niyang magpaopera noon sa klinika ni Dra. Vicki Belo, pinalagyan niya ng kurbada ang kaniyang likod at balakang na ayon sa kaniya’y parang waterfalls ang agos ng dugo, hindi raw siya makatayo.

Pinakiusapan niya kaming tawagan si Mayor Joey, sabihin daw namin sa aktor-pulitiko na ito ang gusto niyang magtayo sa kaniya, nagimbal kami dahil ilang buwan pa lang iyon pagkatapos niyang ipangalandakan sa buong mundo na hinawahan siya ng tulo ni Mayor Joey.

Nag-usap kami ni Mayor Joey, sinabi namin sa kaniya ang pakiusap ni Kris, matindi at madiing hindi ang kaniyang sagot.

Eleksiyon. Tumakbong kongresista si Mayor Joey sa Paranaque. Ginamit na armas ng kaniyang kalaban ang humahagulgol na video ni Kris habang inilalantad ang kaniyang rebelasyon na tinutukan daw siya ng baril ng pulitiko. Kitang-kita raw niya ang mismong butas ng baril dahil napakalapit lang sa kaniyang mukha.

Gabi ng bilangan, tumawag siya sa amin, kakausapin daw niya si Mayor Joey. Ayaw pang kunin ni Mayor Joey ang aming telepono, pero nagpilit kami, kilala namin si Kris. Hindi niya kami tatantanan sa katatawag hanggang hindi sila nagkakausap.

Tinanggap na ni Mayor Joey noong mga oras na iyon ang kaniyang pagkatalo, kipkip nito ang lungkot, sinabi sa kaniya ni Kris na kung makapagpapasaya sa kaniya ang kasal ay handa si Kris na pakasalan ito anumang oras.

Magkatabing-magkatabi lang kami ni Mayor Joey, ang sabi nito, “Nobody loves a loser.” Ang lakas-lakas ng boses ni Kris sa kabilang linya, parang napupunit na lata iyon sa lakas ng kaniyang pagkakasabi, “No!!!! Tell me, I’m gonna marry you anytime!”

Sa pagkabigla ay nasabi ni Mayor Joey, “Di ba, kayo pa ni Mayor Mark (Lapid)?” Napakabilis ng sagot ni Kris, “I made him governor na!”

Paano namin panghahawakan ang mga salita ni Kris Aquino na mas masahol pa sa walang direksiyong bagyo ang pagpapali-palit ng utak?

Direk Bobet Vidanes – Wala raw iwanan, bakit nag-resign sa It’s Showtime?

Pinagpipistahan ngayon sa bakuran ng ipinasaradong network ang pagre-resign ni Direk Bobet Vidanes sa It’s Showtime. At hindi lang sa noontime show, bumitiw na raw siya sa network, ang bakurang nagbigay sa kaniya ng lahat ng oportunidad para matupad ang kaniyang mga pangarap.

Sabi ng aming source, “Nasaan na ngayon ang sinasabi niyang walang iwanan? Di ba, tuwing anniversary nila sa noontime show, e, siya pa ang nangunguna sa pagsasabi na wala silang iwanan?

“Ano ang nangyari? Kung sino pa ang nagpapasimuno sa chant nilang walang iwanan, e, siya pa ang unang nang-iwan?” sarkastikong komento ng aming kausap.

Sabi naman ng isa pang nakausap namin, “Si Bobet Vidanes ang direktor na napakahilig sa camera. Ongoing ang It’s Showtime, ha, pero natututukan siya ng camera na nasa floor, naka-pose, feeling artista siya?” sabi nito.

Balitang lumipat na ang direktor sa Brightlight Productions ni dating Congressman Albee Benitez pero may mga impormasyon ding lumipat ang direktor sa Viva.

Naging cameraman, technical director at director ng ABS-CBN si Direk Bobet Vidanes na ang napangasawa ay ang ehekutibo ng network na si Ms. Cory Vidanes. Umalis na rin sa ABS-CBN ang direktor na ang misis ay ehekutibo ng istasyon, pero matagal na silang hiwalay, may kani-kaniya na silang buhay.

Maraming taga-Dos ang nagkokomento na walang utang na loob ang direktor na panay-panay ang pagsigaw ng “walang iwanan!” pero nang maharap sa matinding paghamon ang network na gumawa ng milagro sa kaniyang pangarap ay siya pa mismong naunang lumundag palabas ng istasyon.

Kuwento ng aming source, “Siya raw ang nagbuo ng It’s Showtime, kaniya raw ang buong concept ng show. Utak daw niya ang gumana sa Showtime,” unang impormasyon ng aming kausap.

Pero bakit nga ba nagdesisyong magbitiw na si Direk Bobet sa programang inaangkin niya? Ang malaking kaltas nga ba sa kayang talent fee ang dahilan?

“Given na iyon. Malaki kasi ang ibinawas sa talent fee nilang lahat. Pandemya na, ipinasarado pa ang network nila, maiintindihan naman natin iyon.

“Pero may ibinigay siyang reason. Siya raw ang nagbuo ng noontime show, kaniya raw ang kabuuang concept, pero hindi na raw siya ang nasusuond.

“Kung ano raw ang gusto ni Vice Ganda, iyon na ang kailangang sundin. Kumbaga, nasasapawan na siya ni Vice sa magiging takbo ng show nila.

“Tingnan mo nga naman, di ba? Sa malayuan, e, parang napaka-close nila, nagsusumpaan pa silang walang iwanan sa ere, ganito pala ang magiging katapusan ng lahat,” napapailing na kuwento ng aming source.

Consultant ng Lunch Out Loud ang sinasabing posisyong hinahawakan ngayon ni Direk Bobet, pero malakas ang ikot ng balita na papalitan niya na bilang direktor ng noontime show ng TV5-Brightlight Productions si Bjoy Balagtas, na mula naman sa kampo ni Direk Johnny Manahan.

– CSF