Published on

Cristy Per Minute ni Cristy FerminNobyembre 1-15, 2020

      Angel Locsin Catriona Gray Liza Soberano
Angel Locsin,  Catriona Gray,
Liza Soberano
  Alden Richards & Daniel Padilla
 
Alden Richards & Daniel Padilla
  Iza Calzado & Jodi Sta. Maria
 
Jodi Sta. Maria & Iza Calzado
  Raffy Tulfo
 
Raffy Tulfo & family
   Willie Revillame & kids
 
Willie Revillame & kids
  Korina Sanchez
 
Korina Sanchez

Liza Soberano, Catriona Gray, Angel Locsin – Biktima ng red-tagging

Kinaiinggitan ng ibang sangay ng ating pamahalaan ang taunang intelligence budget ng mga militar. Bonggang-bongga ang kanilang intel budget. Lumolobo sa laki.

Kailangan daw kasing mapuksa ang kanilang mga kalaban, ang makakaliwang grupo, na napakalaking tinik sa kanilang lalamunan. Ang bilyon nilang budget ay para sa insurgency.

Pero ano ang nangyari sa kanilang budget, hindi naman ang nagpapasakit ng kanilang ulong New People’s Army (NPA) ang kanilang pinaglaanan, kundi sa mga personalidad na sa kanilang utak ay magiging kasapi pa lang ng NPA.

Liza Soberano. Catriona Gray. Angel Locsin at ang kaniyang kapatid na si Ella. Biktima sila ng red-tagging. Tinututukan sila, minamarkahan, binabantayan ang kanilang mga salita at galaw.

Sumasali-nakikinig ba sila sa mga palihim na meeting ng mga miyembro ng NPA? Hindi. Namundok na ba sila para matawag na kasapi ng makakaliwang grupo? Hindi rin.

E, bakit sila ni-red tag? Wala lang, naglalabas lang sila ng emosyon bilang mamamayan ng Pilipinas, ipinaglalaban lang nila ang kanilang mga adbokasiya na mayorya naman ang makikinabang.

Mulat lang sila sa mga nagaganap sa ating kapaligiran, isinasaboses lang nila ang kanilang damdamin, komunista na pala sila sa ganoong paraan?

Sumablay ang intel report ng militar, agaran silang nagbintang-nanakot nang wala naman silang ebidensiya, kagagandang NPA nina Liza Soberano, Catriona Gray at Angel Locsin!

Kaugnay pa rin nito…

Nakatikim ng mula ulo hanggang paang pamba-bash si Lt. General Antonio Parlade mula sa sariling hukbo ng mga tagasuporta ni Angel Locsin.

Ahahay! Nagrereklamo ang heneral, bakit daw ito tinatakot ni Angel sa social media, samantalang puwede namang dumirekta ang magandang aktres sa pakikipaglinawan sa kaniya?

Teka lang muna. Wala pa tayong dementia para agaran nating makalimutan kung sino ang unang pumukol sa pipit sa sanga ng isang kahoy.

Sino ba ang unang kumuda sa social media at sa mga pahayagan laban sa mga artistang diumano’y makakaliwa? Sino ba ang unang naglitanya ng maaaring kahinatnan nina Liza Soberano, Catriona Gray, Angel at sa kapatid niyang si Ella dahil sa kanilang mga sinasabi at ginagawa?

Ang heneral ang unang bumato. Nagpahayag ito sa mga pahayagan na dinampot naman ng social media. Nagpahayag na nga si General Delfin Lorenzana (DND) na huwag agad-agad na mag-akusa, at kung mayroong natutunugan ang ahensiya ay kailangang mayhawak silang ebidensiya, pero sige-sige pa rin sa pagpapainterbyu si Lt. General Parlade.

At ngayong nagising ang mga tagasuporta ni Angel Locsin, ngayong naglabas ng ebidensiya ang aktres na habang sinasabi ng heneral na namundok si Ella ay hayun at nag-aaral pala sa isang kolehiyo, biglang sasabihin nito na nananakot si Angel?

Sabi nga ni Senador Ping Lacson, “Okey lang na magpaalala siya, pero mayroon pa siyang binabanggit na sumapi sa NPA na napatay, natural, mabubulabog ang kampo ng mga tinutukoy niya!”

Huwag nating kalilimutan na kung may hukbong sandatahan ang Pilipinas, mayroon ding sariling hukbo ng mga tagasuporta ang mga artista, kaya preno-preno lang sa pagsasalita at pagbibintang.

Eto pa…

Nasa mata ng bagyo rin si Liza Soberano. Kumbaga sa isang serye o pelikula ay siya ang bumibida. May mga kasama si Liza na iba pang mga personalidad sa isyu ng red-tagging at sila ang naging sentro ng usapin.

Ano ba ang kahulugan ng pangre-red tag sa isang tao? Minamarkahan siya. Binabantayan. Tinututukan siya dahil sa kaniyang mga sinasabi at ginagawa.

Nagsalita si Lt. General Antonio Parlade ng Phil. Army, hindi pa raw naman miyembro ng NPA ang magandang aktres, hindi pa.

Pero nagbabala ang heneral kay Liza, Catriona Gray at kay Ella na kapatid ni Angel Locsin na huwag na huwag silang papasok sa makakaliwang grupo. Mayroon itong binanggit na babaeng miyembrong napatay.

Pero ano ba ang pinag-ugatan ng pagbababala ng heneral kay Liza? Ang pagbibigay lang iyon ng aktres ng mensahe sa isang piging ng mga miyembro ng grupong Gabriela tungkol sa kaniyang adbokasiya ng pagtatanggol sa karapatan ng mga kababaihang nagiging biktima ng karahasan at panghahalay.

Minsan nang may nagbanta kay Liza ng karahasan, mula noon ay itinuring na niyang adbokasiya ang pagtatanggol sa mga kababaihang walang kalaban-laban, nang dahil lang doon ay mamarkahan na si Liza Soberano?

Sa pagkakaalam namin ay nabubuhay pa rin tayo sa demokrasya at bahagi noon ang ibinibigay na kalayaan sa ating pamayanan na magsalita, basta wala tayong winawasak na mga alituntunin ng Saligang-Batas.

Hanggang para sa mas nakararami ang ating pahayag at hindi natin tinutuligsa ang mga pinaiiral na batas ay walang krimen. Wala dapat pagbabanta. Walang pananakot.

Nakakaalarma ang red-tagging na ito. Maglabas lang ng saloobin ang kahit sino ay pagbibintangan nang miyembro ng New People’s Army. Agad-agad na siyang paghihinalaang komunista. Makakaliwa na!

Agarang sumagot ang kampo ni Liza Soberano sa pamamagitan ng kaniyang abogado. Walang ibang layunin ang magandang aktres kundi ang ipagpatuloy lang ang kaniyang adbokasiya laban sa mga lalaking naglulugso ng dignidad ng mga kababaihan.

Pagiging komunista na ba ang ganoon? Miyembro na ba ng makakaliwang grupo ang paglalabas ng saloobin at opinyon na buong bayan naman ang makikinabang?

Aysus naman!

Alden Richards at Daniel Padilla – Pinagsasabong dahil parehong popular

Pinagsasabong ngayon sina Alden Richards at Daniel Padilla. Sa unang araw kasi ng bentahan ng tickets para sa virtual concert ni Alden sa December 8 ay grabe ang pila.

Sa unang araw pa lang ay soldout agad ang mga VIP tickets at patuloy pang humahataw sa bentahan ang lahat ng outlets ng concert ng Pambansang Bae.

Kahit may pandemya ay pinaghandaan ng mga tagasuporta ni Alden ang mataas na presyo ng tickets na 1,200 at isang libo. Malayo ang presyuhan ng kaniyang concert tickets sa nakaraang concert ni Daniel Padilla na ibinaba raw talaga para mas maraming mapagbigyang makapanood.

Natural lang na silang dalawa ang pagtapatin dahil sa hanay ng mga kabataang artista ngayon ay sila ang pinakamatagumpay. Hindi nagkakahuli ang kanilang popularidad.

Lalaking walang pahinga ang tawag ngayon ng mga kababayan natin kay Alden Richards dahil napakarami niyang proyekto. Hindi siya pinababayaan ng GMA-7, sunud-sunod ang kaniyang TVC, may regular pa siyang exposure sa Eat… Bulaga at sa Sunday show ng kanilang network.

Pero may malaking pagkakaiba ang dalawang sikat na aktor, maraming kuwentong lumalabas tungkol sa pagiging suplado ni Daniel, habang wala naman tayong naririnig na anumang hindi kagandahang ugaling nakikita kay Alden Richards ang publiko.

Inaangkin ng Pambansang Bae ang kredito bilang mapagkumbaba, matanaw ng utang na loob, mabait na anak, kapatid at apo.

Sabi nga ng kaibigan naming propesor, “No way but up si Alden dahil sa kabutihan ng puso niya. Very low key siya despite his popularity, mapuso pa siya sa maliliit, kaya talagang magiging mabait sa kaniya ang kapalaran.”

Iza Calzado – OA daw ang acting sa Ang Sa Iyo Ay Akin

Hindi namin regular na natututukan ang seryeng pinagbibidahan nina Iza Calzado at Jodi Sta. Maria, ang Ang Sa Iyo Ay Akin, pero maraming kababayan nating nagpaparating ng kanilang mga reaksiyon.

Maayos daw naman ang ikot ng kuwento, mahusay rin ang kanilang direktor, pero nagiging over-acting (OA) ang dating sa kanila ng pag-arte ni Iza.

Sabi ng isang kaibigan namin, “Alam mo na paborito ko si Iza. Bukod kasi sa maganda na siya at ang sarap-sarap panoorin, e, magaling pa siyang umarte.

“Pero this time, e, parang OA na ang acting niya, nawala na iyong natural niyang pag-arte na nagustuhan ko sa kaniya,” reaksiyon nito.

Ganoon din ang komento ng mga nakakausap namin, ano na raw ang nangyari kay Iza Calzado, bakit parang nakakahon na ang pag-arte niya? Tuloy ay kinakabog siya ni Jodi Sta. Maria na kaswalan lang ang pagganap.

Pero may punto ang isang tumawag sa amin, ang kaniyang sabi, “Kung minsan kasi, e, may kuneksiyon sa role ng artista ang reaction ng televiewer. Matigas kasi ang loob ni Iza sa serye, benggador siya, masyadong punumpuno ng anger ang puso niya.

“Ganoon kung minsan. Hindi naman siya kontrabida sa kuwento, bida nga siya, pero masyadong nababalot ng galit ang puso niya,” paliwanag ng aming kausap.

Isa si Iza Calzado sa mga paborito naming artista. Maraming serye na niya ang aming napanood at hindi niya kami binibigo sa inaasahan namin mula sa kaniya.

Raffy Tulfo – Inayos ang gulo nina Super Tekla at Michelle

Tinapos na ng palabang broadcaster na si Raffy Tulfo ang malateleseryeng kuwento ng kontrobersiya tungkol kay Super Tekla at sa kaniyang karelasyong si Michelle Bana-ag.

Sa babae mismo nanggaling ang pahayag na mayroon na raw silang kasunduan ng komedyante, nagkita na raw sila ng manager ni Super Tekla na si Rose Conde, may pinirmahan na raw itong kasunduan sa pagitan nila ng ama ng kaniyang sanggol na si Baby Angelo.

Nilinaw ni Kuya Raffy ang sinabi ni Michelle, anong kasunduan ang napagkatapusan nila, magsusustento na lang ba si Super Tekla sa kanilang anak?

“Iyong manager po niya ang nakausap ko. Sa kotse lang po kami nag-usap. May pinapirmahan po siyang kasunduan sa akin. Hindi na raw po tutulungan ni Tekla ang pamilya ko, susustentuhan na lang po niya ang anak namin,” madiing sagot ng babae.

“Bakit ang manager niya ang nagpapirma sa iyo ng document? Abogado dapat ang gumawa noon, magkano naman ang nakalagay na sustento sa pinirmahan mo?” dagdag pang tanong ni Kuya Raffy.

Wala raw nakasaad na halaga ng sustento ang pinirmahan nito, ayon kay Michelle, hindi na rin daw ito nagtanong para patunayan sa kaniyang mga bashers na hindi pera lang ang habol nito sa komedyante.

Pero kahit payag na si Michelle sa kasunduan ay ipinatutuloy pa rin nito sa Wanted Sa Radyo ang naunang plano ng lie detector test at drug test para patunayang malinis na malinis na ito ngayon sa usapin ng droga.

Parang hindi lang parehas para kay Michelle ang naging aksiyon ng manager ni Super Tekla, damage control ang tawag sa ganoon, pabor sa kaniyang alaga siyempre ang kasunduang pinapirmahan nito kay Michelle Bana-ag.

Sa pagtatapos ng teleseryeng ito ng tunay na buhay ay si Super Tekla ang nasira nang todo. Siya kasi ang kilala, siya ang may imaheng iniingatan, siya ang talagang minarkahan ng publiko totoo man o mga imbento lang ang inilabas na rebelasyon ng ina ng kaniyang anak.

Tungkol pa rin kay Kuya Raffy…

Dalawa lang ang anak ng palabang newscaster-komentaristang si Raffy Tulfo at ni Congresswoman Jocelyn Tulfo ng ACT-CIS Party List. Isang babae at isang lalaki.

Sina Maricel at Ralph. Mga batang lumaki sa kasaganaan ng buhay pero kahit kaunting angas sa katawan ay wala. Pinalaki sila ng kanilang mga magulang sa pagpapakumbaba kahit mayroon naman silang maipagmamalaki.

Kailan lang ay ikinasal na si Maricel sa Chief-Of-Staff ni Congresswoman Jocelyn na si Attorney Garrett Tungol. Ito rin ang tumatayong resident lawyer ng mga programang Tulfo In Action at Wanted Sa Radyo.

Madalas kaming mag-usap ni Kuya Raffy, marunong siyang mangumusta, pero mas nakasanayan na niyang magpasalamat sa kahit sinong nakatutulong sa kaniyang karera.

Pero ibang-iba ang tono ng kaniyang boses nang kumustahin namin ang pag-aasawa ng kanilang panganay ni Ate Jocelyn, parang may bikig sa kaniyang lalamunan, malayung-malayo sa palaban at may paninindigang Raffy tulfo na pinagsusumbungan ng mga kababayan nating inaapi at walang kalaban-laban.

“Masayang-malungkot. Mar is the life of our family. Mabait na anak, mapagmalasakit sa amin ni Jocelyn, pero tinanggap na namin na nasa age na siya para magkaroon ng sariling buhay.

“Instead na isipin naming malalayo na siya sa amin, e, we gained another member of the family, isang mabuti at masikap na tao, si Attorney Garrett. Pero nagtatrabaho si Mar sa amin, silang mag-asawa, kaya parang wala ring nagbago,” pahayag ni Kuya Raffy.

Sa Tulfo Brothers ay si Raffy ang umaangkin ng entablado ng popularidad ngayon. Panahon niya ito, milyun-milyon ang sumusubaybay hindi lang sa kaniyang mga programa sa TV5, kundi sa kaniyang You Tube Channel na milyun-milyon din ang kaniyang kinikita na ibinabahagi niya ang malaking parte sa mga kababayan nating lumalapit sa kaniya.

Willie Revillame – Sanay nang magpalipad ng chopper

Buung-buo na ang tiwala ni Willie Revillame sa pagpapalipad ng chopper, dalawang helicopter mayroon ang sikat na TV host, isang R44 Robinson at isang kabibili lang niyang bagong Robinson R66 Turbine.

Wala na nga sa mga high-end na sasakyang panglupa ang atensiyon ngayon ni Willie, mas tumaas na, nakaiiwas na siya sa matinding traffic kapag nagpupunta siya sa kaniyang mga property sa Mindoro at Tagaytay ay masaya pa siya sa kaniyang bagong pinagkakaabalahan.

Kailan lang ay kasama niyang nagpunta sa Tagaytay ang kaniyang anak na si Juamee at ang mag-inang Meryl Soriano at Elijah, tiwalang-tiwala na nga sa kaniyang pagiging piloto si Willie dahil naisasakay niya na ang mga taong pinakamalapit sa kaniyang puso.

“Siyempre, nakahanda na akong pagserbisyuhan ang mga anak at apo ko ngayon. Kung hindi pa ako ready, e, hindi ko sila isasakay, may takot pa siyempre ako, di ba?

“Pero ngayong lisensiyado na ako, e, malakas na ang loob ko, kapag may free time ako, kasama ko silang namamasyal. Enjoy sila,” kuwento ng host ng “Tutok To Win.”

Sa panahon ng pandemya ay isa siya sa mga personalidad na hindi problemado sa kabuhayan, nakahanda siya sa mga ganitong pagsubok, marunong siyang magpahalaga sa kaniyang kinikita.

Pero hindi niya sinasarili ang mga biyaya, tumutulong siya sa mga nangangailangan, kaya naman parang tubig na umaagos ang regalo sa kaniya ng kapalaran.

Korina Sanchez – Nagtagumpay si Ate Koring sa Rated Korina

Naglaan talaga kami ng panahon para tutukan ang programa ni Korina Sanchez sa TV5. Ganoon pa rin ang titulo, binuo lang ang pangalan niya, Rated Korina.

Kung dati ka nang nanonood ng Rated K ay walang ipinagbago ang kaniyang atake, nagpupunta siya sa kahit mga liblib na lugar para makapaghain ng mga kuwentong interesante sa manonood, walang iniwan sa KMJS.

Pero sa unang sultada pa lang ng kaniyang programa na ipinrodyus ng Brightlight Productions ni dating Congressman Albee Benitez ay nagtagumpay si Ate Koring.

Sisimulan at tatapusin mo ang kaniyang show dahil makabuluhan ang kaniyang mga sangkap. Isang lalaking nurse na inaalagaan-kinakausap ang kaniyang manyika, mga taga-Cebu na sa iba-ibang dahilan ay hinulagpusan ng katinuan ng isip, kaya itinatali na lang sa mga punong-kahoy at ikinukulong para huwag makapanakit.

Isang lalaking pinupulot-iniuuwi ang mga pusang nakikita nito sa kalye, 90 pusa na ang kaniyang alaga ngayon, malilinis at malulusog ang mga pusa naglalantad lang ng kabutihan ng puso ng ating kababayan.

Pero ang relasyon ng nurse na si Kim at ng kaniyang manyikang si Cameron ang umagaw ng aming pansin. Parang tao talagang itinuturing ng nurse ang kaniyang manyika – pinaliliguan nito, sinusuutan ng facemask dahil ayaw nitong mahawa sa corona virus, si Cameron ang nagbibigay sa kaniya ng kaligayahan sa araw-araw.

Aminado si Kim na lahat naman tayo ay my kabaliwan sa buhay, nagkataon lang na natuon ang kaniya sa napakagandang manyika, mapuso ang bahaging iyon ng programang Rated Korina.

Hindi sayang ang isang oras para panoorin ang bagong programa ni Ate Koring sa TV5, tapos na nga ay parang gusto mo pang humingi ng dagdag na panahon, iyon ang barometro ng makabuluhang panoorin. – CSF