• Krosword ni Gerry Gamurot
    Eh Kasi, Pinoy!

    Krosword

    ni Gerry Gamurot
  • Building Science by Norman Aceron Garcia
    Features

    Building Science

    by Norman Aceron Garcia

Published on

Cristy Per Minute ni Cristy FerminMayo 16-31, 2017

  Sharon Cuneta
 
Sharon Cuneta
  Alyssa Quijano & Charice
 
Alyssa Quijano & Charice
  Ian Veneracion
 
Ian Veneracion
  Daniel Padilla
 
Daniel Padilla
Mocha Uson
 
Mocha Uson
  Mariel de Leon
 
Mariel de Leon
  Pauleen Luna & Vic Sotto
 
Pauleen Luna & Vic Sotto
  Alden Richards & Maine Mendoza
 
Alden Richards & Maine Mendoza

Sharon Cuneta – Sino ba at ano ba talaga ang problema ng Megastar?

Nahihilo na ang bayan sa mga pinalulutang na pahayag ni Sharon Cuneta. Kumbaga sa isang nobela ay nagbubuhul-buhol na ang takbo ng istorya, nakapangliligaw na ang kuwento, hindi na tuloy malaman ng publiko kung ano ang paniniwalaan nila.

Noong una ay personal ang kaniyang hinaing, nang mga sumunod na araw ay parang buo na sa kaniyang kalooban na huwag na munang magbalik-bansa, ngayon naman ay mayroon na siyang mga sinisisi sa mga nagaganap sa kaniyang buhay.

Ano ba talaga, ate, tanong ng bayan. Ano ba talaga ang pinagdadaanan ng Megastar, nasaan ba ang problema, nasa ibang tao ba o nasa kaniya na?

Nagme-menopause na raw kasi si Sharon, BIR (Babaeng Inurungan Ng Regla) na nga ang tawag sa kaniya ng mga becki, kapag umaatake raw ang hot flashes ng singer-actress ay kung anu-ano na lang ang ipino-post niya.

Pero sa seryosohang usapan ay may hugot nga ang mga pahayag ni Mega. May bumabagabag sa kaniya. Siguro nga ay may mga taong hanggang ngayo’y namubulabog pa rin sa kaniya sa usapin ng mana.

Pero may punto ang komento ng kaibigan naming propesor, ang kaniyang sabi, “Palagi niyang sinasabi na sawang-sawa na siya sa magulong buhay. Privacy ang palagi niyang wini-wish. Mula bata pa raw kasi siya, eh, napakagulo na ng mundo niya.

“Okey, tama naman siya doon. Lahat-lahat na lang ng tungkol sa buhay niya, eh, naibahagi na niya sa publiko. Uhaw siya sa privacy, tulad din ng ibang mga artistang sikat na kapribaduhan ang hinihingi.

“But wait, how can she achieve that kung siya mismo ang gumagawa ng dahilan para maging magulo ang buhay niya? Mag-post ka ba naman na ayaw mo nang umuwi, na pagod na pagod ka na. Ano ang inaasahan ni Sharon, ang basta na lang intindihin ng buong bayan ang mga hinaing niya?

“Kung titigilan niya ang paglalabas ng mga hinaing niya, eh, walang issue. Kung hindi siya magpapatalo sa emotion niya, walang pag-uusapan ang publiko!

“Gusto niya raw ng privacy, ng tahimik na buhay, but Sharon is defeating her purpose. Siya mismo ang nang-iimbita ng ikagugulo ng buhay niya.

“Tama, tao lang siya na may karapatang masaktan at maglabas ng saloobin niya. But does she have to flaunt it in public? Kasali ang buong bayan sa mga problema niya? Isang araw, pagsasawaan na ang mga atake niya!

“Sabihin na niya nang straight kung ano ba talaga ang gumugulo sa isip niya. Cards on the table na kasi, hindi tulad ng ganyan na ang gulu-gulo na ng tinatakbo ng kuwento sa sinusulat niyang nobela!” inis nang pahayag ni prop.

May katwiran ang katwiran.

Charice Pempengco – Magpapalipas muna ng sama ng loob sa US

Isang mapagkakatiwalaang source ang nagparating sa amin ng impormasyon na nagpaplanong umalis muna si Charice Pempengco para magpalipas ng sama ng loob. Magbabakasyon daw muna ang international singer sa Amerika.

Hindi naman sinabi ng aming kausap na doon na ipagpapatuloy ni Charice ang kaniyang singing career, babalik din daw siya agad, kailangan lang muna niyang mapag-isa.

Na dapat lang naman. Sayang na sayang ang kaniyang singing career, kailangang ipagpatuloy niya ang kaniyang pinaghirapan, sayang ang oportunidad na hindi naman ibinibigay sa lahat ng mga nangangarap.

“Sandali lang siya doon, magpapalipas lang siya ng depression, tapos, pagbalik niya, e, tututukan na niya ang career niya,” sabi ng aming source.

Parang hindi naman katanggap-tanggap para sa mga sumusuporta kay Charice Pempengco na nang dahil lang sa paghihiwalay nila ni Alyssa Quijano ay basta na lang niya tatalikuran ang larangang nagbigay sa kaniya ng magandang kapalaran.

Nang dahil lang sa naunsiyaming pag-ibig, pababayaan na ni Charice ang kaniyang career, mababaw para sa kaniyang mga tagahanga ang ganoong dahilan. Tama lang na magpahinga muna siya, makipagkuwentuhan muna siya at maglabas ng saloobin sa kaniyang Pareng Ellen DeGeneres, pagkatapos noon ay magpapaaktibo na uli siya sa pagkanta.

Sayang na sayang si Charice Pempengco, sa totoo lang, kung magpapatalo siya sa isang problemang may nakalaan namang solusyon.

Ian Veneracion – Naloloka ang mga matrona sa kaguwapuhan!

“Kapatid, nagpista na naman ang mga matrona!” tili ng isang kaibigan naming becki na ang tinutukoy ay ang mga kaibigan naming kilig na kilig kay Ian Veneracion.

Kuwento ng aming kaibigan, “May meeting pa ako noong gabing iyon, may gagayakan akong wedding, nasa kasukdulan ang pakikipag-usap ko sa mga clients ko, pero ang mga sisters natin, nanggugulo!

“Tawagan nang tawagan! Pero iisa lang naman ang kuwento nila, ang sobrang pagkakilig nila kay Ian Veneracion sa A Love To Last! Hala, tilian nang tilian ang mga lowkah, nag-propose na raw kasi si Anton kay Andeng!

“Sabi ko, e, tantanan muna nila ako at may inaayos pa akong raket! Nalokah ako, kasi, sabi noong isang ka-meeting ko, ‘Nakakainis nga, na-miss ko ang episode tonight, kilig na kilig din kasi ako kay Ian!’

“Naloko na! Pati pala ang kausap ko, e, ganoon din ang pagkagusto kay Ian Veneracion!” humahalakhak na kuwento ng aming bestfriend na si Sonia.

At maraming tagapanood ng serye ang natutuwa dahil marunong na raw umalma at lumaban ngayon si Andeng, palaban na raw ang role ni Bea Alonzo, hindi tulad noon na tanggap na lang nang tanggap ito ng mga panghuhusga sa kaniya ng dating misis at mga anak ni Ian sa istorya.

At tama sila, kung kailan nagkaedad si Ian Veneracion ay saka pa mas lumakas ang kaniyang appeal, ngiti at titig pa lang daw ng guwapong aktor ay ulam na.

Kahit pagod sa maghapon ang ating mga kababayan ay talagang hinihintay pa rin sila ng seryeng nagpapakilig sa kanila bago matulog.

Daniel Padilla – Seseryosohin na ang pagkuha ng voice lessons

Inalat si Daniel Padilla. Hindi pa nga naipagtatanggol ng young actor ang kaniyang sarili sa isyu ng pagyugyog niya sa puno ng cherry blossoms ay ayaw pa ring mawala ang mapapaklang salitang ikinakabit sa kaniya.

Siguradong nagpupuyos pa rin ang damdamin ng kaniyang dakilang inang si Karla Estrada, pagdating sa kaniyang mina ng ginto ay nawiwindang agad ang nanay ni Daniel, dahil sa kaliwa’t kanang pang-uupak na inaabot ngayon ng aktor sa social media.

Mayroon namang mga nagtatanggol kay DJ, pero hindi iyon sumasapat sa nagkakaisang komento ng mga netizens tungkol sa wala sa tonong pagkanta niya sa Bb. Pilipinas pageant, para lang daw kumakanta sa isang rehearsal si Daniel sa ipinamalas niyang performance noong gabi ng coronation.

Isang malakas na tapik ang mga ganoong pagpuna sa mga humahawak sa karera ng young actor. Kailangang tutukan nila ang inirereklamo ng bayan tungkol sa kanilang artista.

Sa tagal na ni Daniel sa pagsalang sa entablado, nakapag-recording na nga siya at palagi namang kumakanta sa A.S.A.P. at sa mga tinatanggap niyang shows dito at sa iba-ibang bansa man, pero bakit may ganyan pang pamimintas sa kaniyang pagkanta?

Pero may mga pangyayaring hindi kagandahan sa simula pero nagiging positibo ang resulta sa bandang huli. Pagkatapos lait-laitin si Daniel Padilla sa wala sa tono niyang pagkanta sa coronation night ng Bb. Pilipinas ay may magandang kuwentong ipinanganak tungkol sa sikat na young actor.

Ang mga negatibong pagpuna sa kaniyang boses ay nagresulta sa pagkagising ng mga taong namamahala sa kaniyang career. Ayon sa isang source na nakausap namin ay seseryosohin na ni DJ ang pagbo-voice lessons.

“Kailangan niya naman talagang gawin iyon, hindi siya dapat tamarin sa pag-eensayo. Hindi kasi siya nagbo-voice lessons, may nagga-guide lang sa recording niya, pero wala siyang regular voice lessons.

“Hindi maganda ang nangyari, nasaktan siya sa mga comments sa social media, pero nagsilbing lesson sa kaniya iyon. Hindi siya dapat sumasalang sa malalaking venue nang hindi siya nakahanda.

“Kailangang pinaghahandaan ang ganoon. Kahit nga ang magagaling nang singers, e, bumibisita pa rin sa voice coach nila dahil gusto nilang ma-perfect ang pagkanta nila. Si Daniel pa ba namana ng hindi dapat gumawa ng ganoon?” kuwento ng aming source.

At tanggap ni Daniel Padilla ang kaniyang kakulangan, hindi naman nagmamaangas ang young actor, alam niya na para rin naman sa kaniya ang mga komentong naglabasan sa wala sa tono niyang performance.

Sabi nga, paminsan-minsan ay kailangan din nating magkamali para mayroon tayong matutuhan, ano ba ang pinapansin? Di ba’t ang mga kulang at sobra lang naman?

Makagaganda para kay Daniel ang pagbo-voice lessons, singer-actor ang pagpapakete sa kaniya, sa susunod ay siguradong magiging handa na siya sa mga malakihang pagtitipon.

Ang pagiging humble ni Daniel Padilla, ang kabutihan ng kaniyang puso sa mga taong bahagi ng buhay nilang mag-iina, walang kaduda-duda na iyon ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay hindi bumibitiw ng paghanga sa kaniya ang publiko.

Mocha Uson – Ipinagtatanggol ngayon ni Mareng Winnie Monsod

Kahit hindi niya naman hiningi ang bagong posisyong pinanumpaan niya ay binubulabog ngayon sa social media si Mocha Uson. Ang mapanuring si Mocha, inuuri ngayon ng kaniyang mga bashers sa social media, inuupakan talaga siya.

Malaking isyu para sa mga haters ng dating dancer ang kaniyang bagong posisyon bilang Assistant Secretary ng PCOO (Presidential Communications Operations Office). Hinahanapan siya ng kuwalipikasyon. Pinagpapaliwanag siya kung bakit sobrang lakas niya kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Pero bago pa nakapagsalita si Mocha Uson ay ang pangulo na ang nagtanggol sa kaniya. Masipag, matalino at mulat sa mga nagaganap sa ating bayan si Mocha, ayon kay Ka Digong, kaya siya ang nakakopo sa posisyon.

At nakatagpo pa ng tagapagtanggol si Mocha sa napakadiretsong mag-opinyon na si Mareng Winnie Monsod, hindi nito sinasang-ayunan ang mga kumukuwestiyon sa kapasidad ni Mocha, ano raw ang kuneksiyon ng pagiging dancer niya sa ipinagkatiwalang trabaho sa kaniya ng ating pangulo?

Hindi raw dapat husgahan si Mocha sa kaniyang nakaraan at sa kaniyang imahe, mas maganda raw na maghintay ang mga pumupunang iyon sa idedeliber na talento ni Mocha bilang Assistant Secretary ng PCOO, hinding-hindi gusto ni Mareng Winnie ang pagtuligsa kay Mocha.

Na tama naman. Sa opinyon namin ay mas magiging kapaki-pakinabang si Mocha sa PCOO kesa sa MTRCB dahil isa siyang lantad na social blogger. At huwag tawaran ang mga sumusubaybay sa kaniyang mga opinyon, apat na milyon lang naman, napakalaki at napakalawak ng naaabot ng kaniyang social blog.

Basta para sa bayan at hindi sa mga kalaban ang tinutukan ni Mocha Uson bilang kabahagi ng PCOO ay walang problema. Kailangan niyang maging patas, kailangang balanse ang pagdedeliber niya ng trabahong ipinagkatiwala sa kaniya, para ipahiya niya ang mga nambubulabog sa kaniya ngayon.

Para wala nang magsabi sa kaniya ng makasaysayang komentong – “Mukha mo!”

Mariel de Leon – Humingi ng tawad kay Mocha si Bb. Pilipinas International

Hindi siya pinadalhan ng imbitasyon, siya mismo ang nang-imbita sa kaniyang sarili para siya magkaroon ng imahe ng kanegahan, mabuti naman at mukhang may plano nang huwag makisawsaw sa kung anu-anong isyu ngayon si Mariel de Leon.

Humingi na siya ng paumanhin sa kaniyang mga nasaktan, nag-iwan na siya ng positibong pahayag para kay Mocha Uson bilang ASEC ng PCOO, wala raw siyang intensiyong manakit ng sinuman dahil ang nangibabaw lang para sa kaniya ay ang maganda niyang pangarap para sa ating bayan.

Nagkamali ng kinalaban ang nanalong Bb. Pilipinas-International. Ang akala siguro niya ay si Mocha Uson lang ang pipiyok sa kaniyang mga pinakawalang paghusga sa dating dancer. Walang kaalam-alam si Mariel na buong tropa pala ng mga tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pupupog sa kaniya, tilad-tilad ang pagkatao niya nang magsimula na siyang bulabugin ng mga kakampi ni Mocha.

Naninirahan tayo sa malayang bansa, may kakambal na kalayaan din iyon sa pagsasabi-paglalantad natin ng saloobin, pero hindi sa lahat ng pagkakataon ay maiintindihan tayo.

Magpakawala ba naman si Mariel de Leon ng mga salitang disrespectful at not educated, ano ang bumalik sa mukha niya, di higit pa sa kaniyang inaasahan?

Bukod sa pamimintas sa kaniyang pisikal na itsura ay nadamay pa ang kaniyang mga mahal sa buhay. Hampas sa kalabaw, sa kabayo ang latay ang naganap, dahil pati ang kaniyang amang si Christopher de Leon ay hinusgahan na rin.

Pati ang mga proyektong may hubaran ng kaniyang ama ay nakaladkad na, sensitibo kasi ang kaniyang pagpuna, mahirap kuwestiyunin ang kapasidad ng isang tao lalo na ang kaniyang edukasyon.

Napakaraming paksa na may social relevance ang dapat sana’y pinuna na lang ng beauty queen, pinalampas na sana niya ang bagong posisyon ni Mocha Uson na hindi naman nito hiningi at ipinagmakaawa, sana’y hindi siya nakakatanggap ngayon ng mga salitang hindi niya talaga makakain.

Masakit ang salitang not educated. Ang literal na pakahulugan doon ay walang pinag-aralan. Sana naman ay naglaan muna nang sapat na panahon si Mariel de Leon sa pagsasaliksik tungkol sa educational attainment ni Mocha Uson.

Tatalampak sa kaniyang mukha na ang taong minemenos niya ay malapit na sanang naging doktor kundi inagaw ng mundo ng musika ang kaniyang panahon.

Pauleen Luna – Malapit nang isilang ang panlimang anak ni Bossing Vic

Totoo namang ang ganda-ganda ngayon ni Pauleen Luna. Kung paniniwalaan ang kasabihan, kapag ganoon kaganda ang nagdadalantao ay babae ang kaniyang magiging anak, hindi nagbago ang itsura ni Poleng.

Kung excited na siya sa pagdating ng una nilang baby ni Bossing Vic Sotto ay ganoon din siyempre ang kaniyang pamilya. Magiging lolo at lola na sina Eugene at Mommy Chat sa kanilang unang apo.

At maganda ang kanilang kumbinasyon ni Vic, kapag pinaghalo ang kanilang itsura ay siguradong artistahin din ang magiging itsura ng kanilang anak, parang nakikinita na namin ngayon pa lang kung gaano magiging kabuting mommy si Pauleen na talagang mahiligin sa mga bata.

Wala nang problema sa kanilang relasyon, wala nang humaharang. Sina Vic at Poleng mismo ang nagbigay ng dahilan para tantanan sila ng mga paghusga noong bagu-bago pa lang ang kanilang relasyon.

Pinatunayan ni Vic na sinsero ang pagmamahal nito kay Poleng, magkalayo man ang kanilang edad ay hindi naman iyon kuwestiyon, ang mahalaga ay nagmamahalan sila at pangarap nilang bumuo ng mundong kanilang-kanila lang.

Panlimang anak na ito ng aktor-TV host. Limang supling na may iba-ibang ina, pero pinanindigan naman ni Vic ang kaniyang pagkaama sa pagiging responsable sa mga ito.

Sa mga huling retrato ni Pauleen sa kaniyang IG account ay biglang lumobo ang kaniyang tiyan. Ganoon daw talaga kapag malaya nang ipinaaalam sa publiko ang pagdadalantao, biglang lumalaki ang tiyan ng malapit nang maging nanay, parang gusto nang makalabas ng sanggol para magpakilala sa mundo.

Harinawang maging maayos ang kabuuang panahon ng pagdadalantao ni Pauleen Luna. Ito ang kaniyang una, siguradong mapapangalawahan pa, marami nang nasasabik sa pagdating ng kanilang munting anghel ni Vic.

AlDub Nation ­– Hating-hati na ang AlDub ngayon

Ang dating solidong puwersa ng AlDub Nation ay hating-hati na ngayon. Ihiniwalay na ang puti sa mga de-kolor. Lumulutang na ang solidong maka-Alden Richards lang at ang totoong maka-Maine Mendoza lang.

Sila-sila mismo ang nagbabangayan sa social media. Konting kibot lang ay mayroon nang umuupak sa Pambansang Bae, todo naman sa pagdepensa ang kaniyang mga tunay na tagasuporta, reaksiyon nila ay bakit ba si Alden ang binabantayan ng mga ito at hindi si Maine na kanilang idolo?

Buhay na buhay ang karera ni Alden, kahit saan siya magpuntang bansa ay positibong imahe ang kaniyang iniiwanan sa ating mga kababayan. Mabait si Alden at walang kaangas-angas kahit sikat na sikat na.

Wala sa bokabularyo ni Alden ang kayabangan. Iyon ang isa sa mga katangiang mas magdadala pa sa kaniya sa katanyagan, iyon ang tutupad sa kaniyang mga pangarap, hindi maliligaw ang karera ng Pambansang Bae.

Have a comment on this article? Send us your feedback