• Krosword ni Gerry Gamurot
    Eh Kasi, Pinoy!

    Krosword

    ni Gerry Gamurot
  • Building Science by Norman Aceron Garcia
    Features

    Building Science

    by Norman Aceron Garcia

Published on

Cristy Per Minute ni Cristy FerminAbril 16-30, 2017

  Pia Wurtzbach & Marlon Stockinger
 
Pia Wurtzbach & Marlon Stockinger
  Nadine Lustre & James Reid
 
Nadine Lustre & James Reid
  Kris Aquino
 
Kris Aquino
  Piolo Pascual & Yeng Santos
 
Piolo Pascual & Yeng Santos
  Mahal and Hebrio
 
Mahal and Hebrio

Pia Wurtzbach – May broken-heart ang beauty queen

Dahil sa rebelasyon ng pagkakaroon na ng anak ng car racer na si Marlon Stockinger ay maraming nagtatanong ngayon kung tuloy pa rin ba ang kanilang relasyon ng ating beauty queen na si Pia Wurtzbach.

Nagkani-kaniyang opinyon na ang ating mga kababayan tungkol doon. May mga nagsasabing sana’y mas gumana ang utak ngayon ni Pia kesa sa kaniyang puso.

Kung talagang mahal daw siya ni Marlon, sa unang araw pa lang ng kanilang pagkikilala ay sinabi na dapat ng lalaki ang kaniyang nakaraan, pero natagalan pa bago iyon nalaman ni Pia.

Kundi pa lumitaw si Kit Barraquias na nakarelasyon-naanakan nito ay wala pang malalaman si Pia. Nabigla ang beauty queen, dahil wala naman kasing nababanggit na ganoon sa kaniya ang car racer.

May kuwento ring nagkaroon ng argumento ang dalawa na nauwi na sa hiwalayan. Masakit na masakit daw ang loob ni Pia dahil hindi nagpakatotoo sa kaniya ang car racer kaya napahiya siya sa publiko nang lumutang ang katotohanan tungkol sa nakaraan ng kaniyang boyfriend.

Sabi nga ni prop, “Napapahiya siya ngayon dahil sobrang engrossed siya sa relasyon nila ni Marlon. Lahat na lang ng mga nangyayari sa kanila, e, ipinagsisigawan niya sa buong mundo.

“Kaya ngayong lumabas na ang kuwento na may anak na palang kambal ang boyfriend niya, feeling ni Pia, e, napakalaki ng dapat niyang panagutan sa mga followers niya.

“She’s not discreet kasi, she’s too flaunty, feeling din ng lahat, e, mas mahal na mahal niya si Marlon kesa sa mahal siya. Kung naging maingat lang siya sa paglalabas ng kung anu-anong posts about them, wala sana siyang guilt feelings ngayon,” kabuuang sabi ng kaibigan naming propesor.

JaDine loveteam – Ang US producer ang may sala

So, tapos na ang boksing! Nakikipaghalikan na sa lona ang humamon sa JaDine loveteam!

Nagbenta pala si Elaine Crisostomo ng tickets para sa isang brunch. Ang kaniyang pangako sa mga ticket buyers ay darating sa brunch ang JaDine, makikipagkuwentuhan sa mga kababayan natin, doon na rin magsasawa ang mga mayhawak ng tickets sa isang mahabaang photo opportunity.

E, wala naman palang alam ang Viva Live sa brunch. Lalong walang alam sina James Reid at Nadine Lustre, kaya namuti ang mga mata ng mga Pinoy sa kahihintay sa paborito nilang tambalan.

‘Yan ang hirap kung minsan sa mga show promoter, magbebenta sila ng tickets sa mga kababayan natin sa ibang bansa na kakambal ang pangako na makakasalo nila sa brunch, dinner, merienda o anuman ang mga performers, pero wala naman iyon sa usapan.

E, walang sumipot na JaDine sa pinlanong brunch ng tomboy, ano ngayon ang gagawin niya, di ang isalba na lang ang pagmumukha niya sa mga naghahabol na ticket holders?

Sino ngayon ang nasira sa mga kababayan natin sa Amerika? Ang JaDine ba na walang kamalay-malay sa pinagkakitaang brunch ng Elaine na ito? Suplado pala si James Reid, ha? Maldita pala si Nadine Lustre, ha?

Tandang-tanda pa namin kung sino ang Elaine Crisostomo na nagpakalat ng kasiraan tungkol sa JaDine. Hindi kami puwedeng magkamali, kami ang natokang mag-interbyu sa kaniya, ibinuyangyang niya sa buong mundo noon ang pagpapakasal nila ni Desiree del Valle sa Amerika.

Lantad na tibo si Elaine Crisostomo. Walang krimen sa pagiging tomboy pero ang magpakalat ng mga kuwentong puro kababalaghan ay ibang usapan na.

Bago ang JaDine ay siniraan din ng tomboy na ito si Marion Aunor. Dahil din iyon sa isang show sa Amerika kung saan hindi tumupad si Elaine sa mga pinagkasunduan nila ni Lala Aunor.

Binaligtad ni Elaine Crisostomo ang kuwento, ang mag-ina pa ang lumabas na masama, galit na galit sa tomboy na ito ang nag-abono pa nga sa show na si Maribel Aunor.

Wala siyang karapatang magreklamo at manira dahil hindi naman siya ang kausap ng Viva Live, kumbaga sa taxi ay wala siyang sariling linya at nakikabit lang siya kay Nancy Yang na kakontrata ng produksiyon, kaya ano ang karapatan niyang wasakin ang loveteam?

Kung nagbenta man siya ng mga ticket para sa brunch, ano ang karapatan niyang piliting magpunta doon ang JaDine, samantalang wala naman iyon sa usapan ng Viva Live at ni Nancy Yang?

Bakit kaya hindi umuwi dito ang tomboy na ito para dito siya magdadakdak? E, ni wala pala siyang pasaporteng magkalat ng mga paninira dahil hindi naman siya ang kakontrata ng produksiyong humahawak sa JaDine?

Bastos pala at hindi marunong tumupad sa usapan ang magka-loveteam, ha? Bigyan ng piso ang tomboyitang ‘yan para may makinig sa mga kababalaghan niyang kuwento!

Kris Aquino – Palpak ang balik-TV “Trip ni Kris”

Ang inaasahan ng mga kababayan natin ay magiging bonggang-bongga ang rating ng pagbabalik-TV ni Kris Aquino. Matagal kasi siyang na-miss ng manonood, kaya kahit sa ngalan ng curiosity kung ano ang mga bago niyang ihahandog ay mataas na rating ang magiging kakambal noon.

Maraming nag-abang sa kaniyang Trip Ni Kris. Mahigit na isang taon na siyang wala sa aksiyon, kaya curious ang ating mga kababayan na tutukan siya, pero hindi naging garantiya iyon sa napakababang rating na nakuha ng kaniyang show.

Pero hindi nagtagumpay si Kris. Kinabog pa siya ni Vice Ganda na hindi naman nakikipagkumpetensiya sa kaniyang unang sultada. Hindi naganap ang inaasahan ng marami, siguro raw ay panahon na para mamahinga pa nang mahaba-habang panahon ang aktres-TV host para ma-miss siya nang husto ng mga kababayan natin.

At hindi naging maganda ang reaksiyon ng marami sa pagbibitiw niya ng mga hindi kagandahang salita tungkol sa kaniyang prodyuser na si Rhodora Morales at sa anak nitong si Konsehal Renan.

Masakit para sa car racer na anak ni Mrs. Morales ang ibinunyag ni Kris na nag-aambisyon palang maging vice-governor ng Nueva Ecija si Renan.

Pakiramdam ni Kris ay nagamit lang siya sa pagbuo ng TV show, para sa interes lang daw iyon ni Renan at hindi naman para sa kaniya, sabi pa ng TV host.

Ikinasama rin ng kalooban ng TV host ang pagpapa-presscon ng mag-ina na wala siya. Ginagamit lang daw siya ng kaniyang prodyuser at ng anak nito.

Isang napakasarkastikong “super-use-me-in-a-sentence” pa ang paglalarawan ni Kris sa ginawa ng mag-ina. Nag-press release din daw ang pamilya na super-yaman ang mga ito pero delayed namang magbayad ng talent fee niya at ng kaniyang staff.

Napakatalinong tao naman ni Kris. Kung pinairal niya ang talas ng kaniyang pang-amoy, sa umpisa pa lang ng pakikipagtransaksiyon niya kay Manang Doray ay naramdaman na sana niya kung ano ang motibo nito ng pamumuhunan sa kaniyang show, sa kaniya pa ba naman makalulusot iyon?

Siguradong sising-alipin na ngayon ang mag-inang Rhodora at Renan Morales sa mga komentong binitiwan ni Kris patungkol sa kanila.

Hindi biro ang sampung milyong pisong ipinuhunan ni Rhodora Morales sa kaniyang pagbabalik-telebisyon. Halagang pinaghirapan ng pamilya sa loob nang maraming taon ang isinugal nito para magkaoon siya ng show.

Doon pa lang ay dapat nang magpasalamat si Kris, iyon pa lang ay nagbigay na dapat sa kaniya ng senyal na magtiklop ng kaniyang dila sa kung anumang nasa utak niya. Hindi maganda sa pananaw ng mas nakararami ang ginawa niya na pagkatapos ng kaniyang gusto ay ganyan pa ang ginawa niya sa mga taong nagtiwala sa kaniya.

Negang-nega si Kris Aquino ngayon. Pero kung iisipin ay siya naman ang humingi ng sitwasyong ito. Sadya man o hindi ay siya ang nagpasimuno at gumawa ng dahilan para siya upak-upakan ngayon sa social media.

Piolo Pascual at Yen Santos – Lugi sa box office ang tambalan

Ang dami-dami naming tinatanggap na hindi kagandahang kuwento tungkol sa pelikulang Northern Lights, a Journey to Love na pinagbidahan nina Piolo Pascual at Yen Santos. Kumbaga sa karihan ay matumal ang benta ng kanilang produkto.

Nakapanghihinayang dahil gumastos nang malaki ang produksiyon para sa pelikula,. Kinailangan nilang mag-shooting sa ibang bansa para makapaghain sila ng bago sa publiko, pero mukhang mailap na ang box office ngayon sa guwapong aktor.

Nakaapekto kaya ang pinagpistahan nilang retrato-video ng kaniyang anak na si Iñigo sa hindi gaanong pagsuporta ng ating mga kababayan sa pinakahuli niyang pelikula?

Hindi naman puwedeng nakulangan ang manonood sa pelikula. Bagung-bago ang tema noon kung tutuusin, napakaganda ng mga eksena at makabuluhan ang kuwento ng pelikula.

Pana-panahon nga lang ‘yan. Noon naman ay panalung-panalo ang mga proyekto ng papa ng bayan. Pareho silang nabiyayaan ni Judy Ann Santos ng suwerte, kahit anong klase ng pelikula ang gawin nila bilang magka-loveteam ay nakakahon na ang tagumpay noon.

Komento naman ng kaibigan naming propesor, “Bitbit naman kasi ni Piolo ang bigat ng movie. Siya ang may hawak ng responsibilidad na pakitain iyon.

“Maliit na artista pa rin si Yen Santos. Sana, binigyan siya ng leading lady na makakasabay niya sa pagdadala ng pelikula. Maganda ang movie, parang travelogue nga iyon, parang narating na rin ng moviegoers ang location nila.

“But Piolo alone can’t make it happen. Kailangang may kasama siyang big star para ibenta ang project. Hindi si Yen ang tamang leading lady for Piolo.

“Nakakapanghinayang lang dahil pinaghirapan nila ang pelikula, ginastusan ng production ang movie, pero kapag nanood ka, e, bilang na bilang ang mga nanonood.

“Sayang, maganda pa naman ang movie, pati ang kuwento, maayos din ang pagkakabuo. Sayang na sayang talaga,” komento pa ni propesor.

Mahal – Kawawa, matinding indulto ang pinagdadaanan

May matinding indulto palang pinagdaanan ang kakapiranggot na komedyanteng si Mahal. Sa liit niyang iyon ay parang kasinglaki ng mundo ang pinapasan niyang problema.

Nakikipisan ngayon si Mahal sa bahay ni Mae Rivera, ang singer na nagpasikat ng piyesang Aray, ito ang nakakaalam ng buong kuwento ng pinakahuling matinding problema ng maliit na babae.

Walang ibang problemang kinasasangkutan si Mahal kundi ang kaniyang buhay-pag-ibig. Napakabilis niyang maniwala na mahal siya ng lalaki, masakit mang pakinggan ay totoong utuin si Mahal, kaya siya sumasabit sa kontrobersiya.

May nakilala siyang lalaki sa Pangasinan nang mag-show siya doon, kinuha ng lalaki ang kaniyang numero, niligawan siya nito. Kinausap ni Mae ang lalaki, sinabi ng singer na walang pera si Mahal, pero ang bulilit na babae ang mapilit na magpakasal na sila ng lalaki dahil baka raw magbago pa ang isip nito.

Kinulit-kulit ni Mahal si Mae, kaya isang araw ay ipinakasal nito ang kaniyang kaibigan sa lalaki, sa huwes sila ikinasal at si Mae ang gumastos sa lahat-lahat.

Sabi ni Mae Rivera, “Ako, kinausap ko ang lalaki. Sinabi ko na sa kaniya na walang pera si Mahal, pero ito naman palang si Mahal, eh, kung anu-anong pangako ang sinasabi doon sa lalaki!

“Ipagpapatayo raw niya ng bahay ang lalaki, magpapatayo rin daw siya ng building sa Bicol, para may mapaupahan ang pamilya ng lalaki.

“Sino ang paniniwalaan ng lalaki, ako ba o si Mahal? Habang sinasabi kong wala siyang pera, eh, pangako naman pala siya nang pangako sa boyfriend niya ng kung anu-anong kababalaghan!” kuwento ni Mae.

Natuloy ang kasal. Kapag may pera raw si Mahal ay napaka-sweet sa kaniya ng lalaki, pero kapag wala na, sinasaktan na nito ang kakapiranggot na babae.

“Noong minsan, eh, tinanong ko siya. Mugtung-mugto kasi ang mga mata niya. Sabi ko, ano’ng problema? Wala raw. Pero ramdam na ramdam ko na mayroon.

“Kumpisal ni Mahal, kapag kumikita raw siya sa mga shows na tinatanggap ko na isinasama ko siya para kumita naman, eh, agad na siyang niyayaya ng asawa niya para mag-shopping.

“At take note, puro branded ang mga binibili ng lalaki, puro sa kaniya lang, ni walang nabibili si Mahal. Pagkatapos noon, eh, dedma na uli sa kaniya ang guy.

“Sa paanan nga siya ng lalaki natutulog! May malaking stuffed toy sa kama niya, iyon ang katabi ng lalaki, nasa paanan lang niya si Mahal.

“At ang masakit pa, ikinuwento sa akin ni Mahal na sinasampal siya noong lalaki kapag wala siyang maibigay na pera. Eh, susmaryosep naman! Pagkaliit-liit na nga ng mukha niya, sasampalin pa?

“At heto pa. Pinapa-squat siya, nilalagyan ng mga libro ang magkabilang braso niya! Imagine, sa liit niyang ‘yan, eh, mabibigat na libro pa ang ipinapatong sa kaniya habang naka-squat siya?

“Sobra-sobrang hirap ang ipinatikim sa kaniya ng lalaking ngayon, eh, nasa Saudi na, nagtatrabaho na doon, ako pa ang nagpahiram ng placement fee niya para makaalis na lang!” suwabeng pagkukuwento ni Mae Rivera.

Paulit-ulit na lang na mangyayari ang ganyan kay Mahal dahil hindi siya nagpapakatotoo. Dinadaan niya sa pera ang pag-ibig sa lalaki. Kung anu-anong pangako ang sinasabi niya samantalang alam naman niya na wala siyang pera.

Para makuha niya ang atensiyon at pagmamahal ng kakikilala lang niyang lalaki ay mangangako na siya agad na ibibili niya ito ng kotse, ipagpapatayo ng bahay, bibigyan ng negosyo ang pamilya nito.

Naniniwala naman sa kaniya ang lalaki kaya kahit hindi naman siya mahal ay nagpapanggap ito dahil sa pag-asang gaganda ang kaniyang buhay nang dahil kay Mahal.

Kailangang matuto ng leksiyon ang bulilit na komedyante. Makipagkilala siya dapat sa katotohanan. Kailangan niyang tanggapin na wala siyang pera at walang pagbabago siyang maibibigay sa estado ng buhay ng lalaki.

Kailangan siyang mahalin ng lalaki bilang siya, walang mga pero-pero, dapat siyang mahalin dahil siya si Mahal at wala nang iba pang dahilan.

Hanggang nabubuhay sa ilusyon si Mahal ay para laging mangyayari ang ganito sa kaniya. Palagi lang siyang masasaktan, palagi lang siyang iiyak, walang magiging katahimikan ang kaniyang buhay. (CSF)

Have a comment on this article? Send us your feedback