• Krosword ni Gerry Gamurot
    Eh Kasi, Pinoy!

    Krosword

    ni Gerry Gamurot
  • Building Science by Norman Aceron Garcia
    Features

    Building Science

    by Norman Aceron Garcia

Published on

Cristy Per Minute ni Cristy FerminDisyembre 16-31, 2016

  Kathryn Bernardo 
 
Kathryn Bernardo
  Daniel Padilla
 
Daniel Padilla
  Mark Bautista
 
 Mark Bautista
  Vhong Navarro
 
Vhong Navarro
  Kat de Castro
 
Kat de Castro
  Mocha Unson
 
Mocha Unson
  Kris Aquino
 
Kris Aquino
  Nora Aunor
 
Nora Aunor
  Sunshine Cruz & Macky Mathay 

Kathryn Bernardo – Paboritong katrabaho ng film at TV crew sa Pilipinas

Puro positibong komento ang narinig namin mula sa mga namahala sa isang magazine cover shoot ni Kathryn Bernardo. Napakabilis daw nilang natapos dahil walang kaartehan sa katawan ang young actress.

Sa tagal na ng grupo sa trabahong ito ay alam na nila ang kartada ng maraming artista. Kilalang-kilala na nila ang mga personalidad na maldita, maarte at palaging cause of delay.

Doon naiiba si Kathryn Bernardo. Maaga siyang dumating sa pictorial, bago siya nagpa-make-up ay umikot muna siya para magbigay-pugay sa mga nasa set, wala siyang hininging kung anu-ano at lalong wala siyang reklamo.

Sabi ni anak-anakang Ogie Narvaez-Rodriguez, “Masarap katrabaho ang tulad ni Kathryn na hindi mo na aasikasuhin. Alam na niya kung ano ang gagawin. Mabilis siyang magbihis, areglado siya agad, ganoon sana ang lahat ng mga artista, sikat man o starlet pa lang.”

Napansin din ng lahat ang magandang hubog ng katawan ngayon ni Kathryn, alagang-alaga raw ng batang aktres ang kaniyang mga kinakain, habang tumatagal ay lalo raw gumaganda ang inspirasyon ni Daniel Padilla.

Ang mga ganoong kuwento ay mabilis kumalat. Iisa lang ang mundong ginagalawan ng mga namamahala sa pictorial, TVC shoot at iba pang mga proyekto, kaya walang naililihim sa kanila.

“Ayaw na ayaw pala ni Kathryn na nagiging cause of delay siya. Kahit sa shooting at taping, palagi siyang dumarating nang maaga, okey lang sa kaniya ang maghintay nang matagal, huwag lang siya ang hinihintay,” dagdag na kuwento pa ni Ogie Narvaez-Rodriguez. Panalo!

Daniel Padilla – Cancelled ang concert sa Araneta Coliseum

Kung kailan naman pinagpipistahan sa social media na milya-milya na ang layo ng JaDine sa KathNiel ay saka naman nataon ang hindi pagkatuloy ng concert ni Daniel Padilla sa Araneta Coliseum.

Natural, ano ang unang-unang papasok sa isip ng kahit sino kapag ganoon, hindi mabenta ang ticket para sa kaniyang konsiyerto kaya kesa sa malugi nang milyun-milyon ang kaniyang mga prodyuser ay mas magandang i-postpone na lang muna.

At natural uli, ang maiisip ng mga kontra sa popularidad ng heartthrob ay bumababa na ang kaniyang kasikatan kasabay ng pagdausdos ng kaniyang premium, kaya hindi natuloy ang malakihan niyang palabas.

Pero hindi natin alam ang dahilan kung bakit kinailangang ipagpaliban ang major concert ni Daniel, baka may kinalaman iyon sa mga sponsors, maaaring nakiusap din ang mga ito na sa Pebrero na gawin ang concert dahil paubos na ang kanilang budget sa sponsorship para sa taong ito.

Milyunan ang gastos sa ganoon kalaking proyekto. Sa mga guests na lang ay malaki na ang ilalabas na puhunan ng mga prodyuser, sa venue pa na hindi naman biro ang rental, ang mga musikero pa na hindi naman puwede ang iilang pirasong miyembro ng banda lang ang aakumpanya kay Daniel at sa kaniyang mga bisita.

Sa punto de bista ng mga namumuhunan ay mas maganda nang iurong muna ang proyekto kesa naman sa malugi sila nang milyunan. Ano ba naman ang petsa, numero lang iyon, ang importante ay tuloy na tuloy pa rin ang concert ni Daniel Padilla sa February 4, 2017 sa Araneta Coliseum.

Mark Bautista – Hangang hanga kay CNN anchor Anderson Cooper

Binigyan ng ibang kulay ng mga netizens ang personal na pagkikilala nina Mark Bautista at Anderson Cooper sa mismong studio ng CNN.

Isa si Anderson Cooper sa mga pambatong anchors ng CNN, matapang ang anchor-reporter, sumusuong ito sa iba’t ibang bansa kung saan nandoon ang matinding balita at aksiyon.

Noong manalanta ang bagyong Yolanda sa Leyte ay nandito si Anderson, naging kontrobersiyal ang argumento nila ni Korina Sanchez, naging matulis ang dila ng CNN anchor.

Bukod sa galing at tapang ni Anderson Cooper (dalawa sila ni Christiane Amanpour) ay tumatak din ang kaniyang pangalan sa lahat ng mga tumututok sa CNN dahil sa matapang nitong pag-amin sa buong mundo tungkol sa kaniyang kasarian.

At tama ang kaniyang mga punto. Hindi kabawasan sa pagkatao ang pagiging bading. Ang kailangan lang ay ang pagiging totoo dahil hindi lang ang sarili mo ang niloloko mo kundi ang buong mundo.

Lalong lumakas ang kaniyang programang Anderson Cooper 360, milyun-milyon ang nadagdag na sumusubaybay sa kaniya, bukod nga naman sa napakatapang na nito sa paglusob sa giyera ay napakatotoo pa.

Sa kaniyang post ay ipinagmalaki ni Mark Bautista ang personal nilang pagkikita ni Anderson Cooper sa mismong studio ng programa nito sa CNN, live daw na nandoon ang bagong halal na pangulo ng Amerika na si Donald Trump, ipinost din ng singer-actor ang retratong magkasama sila ng CNN anchor.

Komento pa ni Mark, “I don’t care about what other people say, but I have so much respect for this man. Talk about wisdom, thank you for all the advise.”

Maraming nainggit sa IG post ni Mark Bautista, maraming kababayan din natin ang nangangarap na isang araw ay makaharap din ang magaling at matapang na CNN news anchor, pero ang mundo ng social media ay masyadong mapanghusga.

Lumutang agad ang mga komento tungkol sa pagkikita nina Mark at Anderson Cooper, ano raw kaya ang pinag-usapan nila, bakit daw nagpapasalamat si Mark sa mga advise na ibinigay sa kaniya ni Anderson?

Komento ng ibang nagbigay ng malisya sa kanilang pagtatagpo ay ipinagtapat na rin daw kaya ni Mark ang tunay niyang gender kay Anderson?

Iyon daw kaya ang ipinagpapasalamat ng singer-actor sa kaniyang post? Pinayuhan daw kaya siya ni Anderson na magpakatotoo sa kaniyang sarili at sa buong mundo?

Magpakatotoo na tayo. Matagal nang iniuugnay ang pangalan ni Mark Bautista kay Piolo Pascual. Hindi nga lang iyon diretso, palaging patagilid, palaging ginagawang pahulaan sa mga blind items.

Pero sa halip na magpaapekto sa mga tsismis ay ipinagpatuloy nina Mark at Piolo ang kanilang pagkakaibigan. Eh, ano ba kung lumalakad silang pugot ang kanilang mga ulo dahil sa malisyosong paghusga sa kanila, ang pinakaimportante ay hindi naapektuhan nang kudlit man ang kanilang relasyon bilang magkaibigan.

Mag-bro pa rin sila na nagmamalasakit sa isa’t isa, magkapatid pa rin silang nagdadamayan kapag nalalagay sila sa alanganin, iyon ang pinakamahalaga.

Ang totoo ay Spell I lang, as in inggit, ang mga nagbibigay ng malisya sa pagtatagpo nina Mark at Anderson Cooper (parang kilala namin ang CNN anchor kung banggitin namin ang kaniyang pangalan. Ha! Ha! Ha! Ha!) dahil gustung-gusto rin nilang makaharap at makasama sa retrato ang pambatong news anchor-reporter ng CNN.

Iyon lang iyon!

Vhong Navarro – Sana’y magtagumpay ang Mang Kepweng Returns

Birthday ng dancer-comedian-actor na si Vhong Navarro sa January 4. Niregaluhan ng aktor ang kaniyang sarili at ang kaniyang pamilya. Ngayong Kapaskuhan ay magba-bonding sila sa ibang bansa.

Pagkatapos niyang kumpletohin ang pinagbibidahan niyang pelikula, ang Mang Kepweng Returns, pakiramdam ni Vhong ay dapat niya namang regaluhan ng pahinga ang kaniyang sarili.

May It’s Showtime pa siya araw-araw, puro trabaho ang aktor, maaga siyang gumigising para harapin ang kaniyang mga kompromiso. Pero isa si Vhong Navarro sa mga personalidad na sobrang magmahal sa kaniyang propesyon.

Kuwento ni Direk GB Sampedro, kaibigan at direktor niya sa Mang Kepweng Returns, “Napaka-professional ni Vhong, never niyang binigyan ng problema ang production sa kabuuan ng shooting namin.

“Nanggagaling pa siya sa It’s Showtime, pero hindi siya nale-late, masarap siyang katrabaho dahil marespeto siya sa mga co-stars niya,” sabi ng guwapong direktor.

Sinikap nilang tapusin sa takdang panahon ang pelikula para magkaroon ng espasyo ang proyekto sa MMFF, pero tulad ng mga pelikula nina Vice Ganda at Bossing Vic Sotto, hindi pinalad ang Mang Kepweng Returns.

Kundi magbabago ang playdate ay ipalalabas na ang pinagbibidahang pelikula ni Vhong sa January 4, mismong birthday niya, hiling ng dancer-actor na sana’y iregalo na lang sa kaniya ng ating mga kababayan ang pagsuporta sa kaniyang pelikula.

Nakakaaliw ang Mang Kepweng Returns, ito ang proyektong ihinapay sa pinagbibidahang pelikula noon ng namayapang sikat na komedyanteng si Papang Chiquito, magbabalik na ang makasaysayang albularyo ng pelikulang Pilipino.

Kat de Castro – Dapat magpapayat kahit konti ang Tourism Under-secretary

Walang masama sa pagiging malusog. Puwede nating deadmahin ang maliit na sukat ng bewang basta maganda ang kundisyon ng ating puso. At nasa pagdadala lang ‘yan.

Isang gabing nakatutok kami sa news ay nawindang kami sa sobrang inilusog ni Kat de Castro, kasabay pa naman niyang naglalakad ang mga nagseseksihang kandidata ng Miss Universe na gaganapin dito sa susunod na buwan, lalong lumutang ang kalakihan ng anak ni Kabayan.

Maganda ang posisyon ngayon ni Kat sa Department Of Tourism, may karapatan naman siya sa ipinagkatiwalang trabaho sa kaniya ni Pangulong Rodrigo Duterte, ilang taon siyang nag-host ng isang programang tutok din ang tema sa turismo ng ating bayan.

Mukhang napabayaan ni Kat de Castro ang kaniyang sarili nitong mga nakaraang panahon, nakakagulat lang, dahil hindi na namin nakikita ang kaniyang leeg ngayon.

Sabi nga nami’y wala namang masama sa pagiging malaki, kaya lang ay kailangang mag-ingat ni Kat, bukod sa magiging mahirap na ang balanse ng kaniyang katawan ay kailangan din niyang bantayan ang kaniyang puso.

Kung nagawa ng Megastar na si Sharon Cuneta ang pagbabawas ng timbang ay kayang-kaya rin iyon ni Kat, lalo na ngayong mga panahong ito na halos wala na siyang sariling panahon dahil sa pagiging abala sa gaganaping pangdaigdigang kumpetisyon ng pagandahan sa ating bayan, makagaganda kay Kat de Castro ang exercise.

Mocha Uson – Matibay rin ang sikmura ni Mocha

Masyado nang lumalalim ang partisipasyon ni Mocha Uson sa mundo ng pulitika. Walang masama sa pagiging diehard Duterte supporter niya, kalayaan niya iyon, pero sana’y mag-ingat-ingat naman siya sa pagpapakawala ng mga salita.

Matibay rin ang sikmura ni Mocha. Wala siyang pakialam sa mga taong nagpapakain sa kaniya ng apdo at ampalaya araw-araw, hindi siya nagpapaapekto, dahil paulit-ulit niyang sinasabi na mayroon siyang paninindigan.

Marami na siyang nakakaaway nang dahil sa pagiging vocal niya sa paglalabas ng kaniyang saloobin, inaagahan, pananghalian at hapunan na niya ang galit ng mga kababayan nating hindi sumasang-ayon sa kaniyang mga opinyon, baka naman nakakalimutan na ni Mocha ang tunay niyang propesyon bilang singer-performer dahil sa sobra-sobrang panahong ibinibigay at inilalaan niya sa pakikipagbakbakan sa social media?

Sa mainit na isyu ngayon ng pagkawala sa gabinete ni VP Leni Robredo, ke nagbitiw man ito o pinagbitiw, ay nagpipista na naman si Mocha.

Tinawag niyang traydor ang ikalawang pinakamataas na pinuno ng ating bayan, wala raw naman itong ginagawa kundi ang kontrahin lang ang mga gustong mangyari ni Pangulong Rodrigo Duterte, kaya dapat lang na sipain na sa kaniyang posisyon si VP Leni.

Ewan kung saan humuhugot ng lakas ng loob si Mocha Uson sa pakikipag-argumento, lumalalim na siyang masyado, wala na siyang sinisino sa paglalabas ng kaniyang mga saloobin at opinyon.

Adik kasi si Mocha, adik na adik na siya sa social media, ine-enjoy niya ang matinding atensiyong nakukuha niya. Kontra man o sumasang-ayon sa kaniya ang post ay parang langit na para sa kaniya.

Malaya tayong makapagpahayag ng ating nararamdaman, pero kakambal noon ang responsibilidad, tayo lang ang puwedeng managot sa kahihinatnan ng ating mga ginagawa at sinasabi - hindi natin maaaring ipanagot iyon sa ibang tao.

Kris Aquino – Malaki ang posibilidad na babalik na sa TV

May nakapagkuwento sa amin na hindi pa tapos ang laban para kay Kris Aquino. Malaki pa rin daw ang posibilidad na matuloy ang programang gagawin niya sa GMA-7 sa pamamagitan ng produksiyon ni Mr. Tony Tuviera.

“May hinihintay na lang silang documents from SEC para makapag-operate na sila. The big possibility is there. May gagawin siyang show sa GMA-7,” malinaw ang impormasyong nakarating sa amin.

Maganda kung ganoon. Sana nga ay makabalik sa telebisyon si Kris dahil napakalaki ng kaibahan noon sa digital shows na ginagawa niya ngayon. Iba pa rin ang napapanood siya sa buong bansa dahil sa mga probinsiya ay hindi naman mayaman sa kaalaman ang mga kababayan natin tungkol sa digital shows.

Ibang-iba pa rin iyong iklik mo lang ang telebisyon at ilagay mo sa kaniyang istasyon ay mapapanood na siya.

Nasasayangan kami sa talento sa pagho-host ni Kris. Naaartehan man sa kaniya ang mas nakararami, naiinis man sa kaniya ang malaking porsiyento ng manonood, ay hindi pa rin natin maitatanggi ang katotohanan na magaling siya.

At nakapanghihinayang ang talentong nakakulong lang sa digital, kakaunti lang ang nakapanonood sa kaniya, samantalang puwede naman siyang regular na makita kung magkakaroon siya ng show sa GMA-7.

Para sa susunod ay marami nang magdedepensa sa kaniya kapag ipinatawag ng mga bossing ng network ang kanilang production staff. Para maraming tumayo para kumontra kapag tinatanggal na siya.

Isa lang naman ang tanong ng mga bossing -kumportable pa ba siyang katrabaho o hindi na? Pagtataas lang ng kanang kamay at pag-iling ang katapat ng tanong na iyon.

Sa malas ay natalo sa botohan si Kris Aquino. Mas maraming umiling kesa sa nagtaas ng kamay para makatrabaho pa rin siya.

Nora Aunor – Personal na nananawagan sa mga fans para panoorin siya

Ayan, mismong si Nora Aunor na ang nakikiusap sa kaniyang mga tagahanga na suportahan-panoorin ang kaniyang pelikulang nakapasok sa Metro Manila Film Festival.

Kailangang manawagan ng Superstar dahil hindi kagandahan ang resulta kapag ipinalalabas na ang mga proyekto niya, kundi man first day-last day sa mga sinehan iyon ay mayroon pang mga kuwentong nagpe-frist screening-last screening ang kaniyang mga pelikula.

Totoo naman kasing maiingay lang ang kaniyang mga tagahanga, pero kulang naman sa gawa, kaya nagkakaganoon ang kapalaran ng kaniyang mga pelikula sa takilya.

Ibang-iba ang mga tagahanga nila ni Congresswoman Vilma Santos. Bukod sa hindi na nang-aaway ng mga kolumnista ang mga tagasuporta ng Star For All Seasons ay nagkakaisa pa silang panoorin ang bawat pelikulang ginagawa ng kanilang Ate Vi.

Lumalabas sila ng bahay para manood, gumagastos sila, hidi puro katsang lang at kuda ang ginagawa ng mga Vilmanians. Kumikilos sila para patunayan na buhay na buhay pa rin ang kanilang suporta para sa aktres-pulitiko.

At kinokontra namin ang sinabi ni Nora Aunor na hindi raw kasi aktibo sa social media ang kaniyang mga tagahanga. Anong hindi? Isa kami sa mga kolumnistang pinagmumumura sa text at FB ng mga tagahanga niya kapag naglalabas kami ng opinyong hindi paborable sa kanilang Superstar.

Minsan lang naming babasahin ang kanilang mga negatibong komento, pagkatapos ay lalagyan na namin ng pangalang BOGUS ang kanilang numero, pero kapag tumatawag sila ay tinatanggap namin ang kanilang tawag kahit hindi namin pinakikinggan ang kanilang mga pagmumura.

O, loko, di ubos ang load nila!

Sunshine Cruz – Open book na ang romansa kay Macky Mathay

Lantaran na ang pakikipagrelasyon ni Sunshine Cruz kay Macky Mathay. Pareho pa silang nakatali sa mga nakaraan nilang relasyon pero hindi na nila inililihim ang kanilang pagmamahalan.

Ipinakilala na ni Sunshine ang mga anak nila ni Cesar Montano kay Macky, maayos naman ang pagtanggap ng mga bagets sa karelasyon ng kanilang mommy, wala nang problema kung tutuusin sa parte ng singer-actress.

Pero gaano man kapositibo ang lahat ay hindi pa rin malaya si Sunshine, kasal pa rin sila ni Cesar, kasal pa rin si Macky sa anak ni Congressman Rudy Farinas.

Para makumpleto ang kanilang kaligayahan ay maging legal na sana nag paglaya ni Sunshine, mapawalang-bisa na sana ang kanilang kasal, pareho lang naman silang may karapatang lumigaya.

Kailangang maging legal na ang paghihiwalay nila ni Cesar, kailangang korte ang humusga sa kanilang kapalaran, dahil nasa Pilipinas si Sunshine.

Sa bansang ito pa naman, puwedeng makipagrelasyon sa iba ang lalaki, pero iba ang tingin ng ating lipunan sa babaeng nakikipagrelasyon nang nakagapos pa ang mga kamay sa isang hindi nagtagumpay na relasyong legal.

Have a comment on this article? Send us your feedback