• Krosword ni Gerry Gamurot
    Eh Kasi, Pinoy!

    Krosword

    ni Gerry Gamurot
  • Building Science by Norman Aceron Garcia
    Features

    Building Science

    by Norman Aceron Garcia

Published on

Cristy Per Minute ni Cristy FerminNobyembre 16 – 30, 2016

  Robin Padilla 
 
Pres. Duterte & Robin Padilla
   Ai Ai delas Alas
 
Ai Ai delas Alas
  Richard Gomez
 
Richard Gomez
  Charice
 
Charice
  Jake Ejercito
 
Jake Ejercito
  Mocha Uson
 
Mocha Unson

Robin Padilla – Binigyan ni Pres. DU30 ng absolute pardon

Hawak na ngayon ni Robin Padilla ang dokumento ng absolute pardon na ipinagkaloob sa kaniya ng pamahalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Pinal at legal na legal na ang kaniyang kalayaan. Hindi na conditional pardon lang ang kaniyang pinanghahawakan, walang-wala nang pananagutan sa batas ang action star.

Ang inaasahan nang magiging kasunod ng tinanggap niyang absolute pardon ay ang matagal na niyang pangarap na makarating sa Amerika. Ilang beses na siyang kumukuha ng US visa pero palagi siyang bigo.

Ang pinakakrusyal ay ang kagustuhan sana niyang makabiyahe papuntang Amerika dahil sa pangananak ng kaniyang misis na si Mariel Rodriguez na isang US citizen.

Hanggang noong nakaraang Lunes, November 14, nang isilang ni Mariel ang kanilang panganay na si Maria Isabella ay hindi niya nakapiling ang kaniyang mag-ina.

Sa pamamagitan lang ng Skype niya natutukan ang pagle-labor at pangananak ng kaniyang misis, teknolohiya lang ang nag-ugnay sa kanila, dahil wala pa rin siyang hawak na US visa.

Pero ngayong ipinagkaloob na sa kaniya ang absolute pardon ng ating pangulo ay positibo na ang lahat. Anumang oras ngayon ay puwede na niyang dalawin at makasama ang kaniyang mag-ina sa Delaware, maligayang-maligaya ngayon ang mag-asawa.

Matutupad na ang kaniyang kagustuhang mayakap sina Mariel at Maria Isabella, hindi man siya ang pumutol sa pusod ng kanilang munting anghel kundi ang ama ng aktres TV host ay hindi pa huli ang lahat, mahabang panahon pa ang pagsasamahan nila sa Amerika dahil hindi pa puwedeng ibiyahe pauwi si Maria Isabella.

Pagkatapos na mabigo nang dalawang beses si Mariel para mahandugan ng anak si Robin, heto na ngayon si Maria Isabella, ang munting anghel na kukumpleto na sa kanilang pamilya.

Siguradong magiging napakaespesyal ng pagdiriwang ng Pasko nina Robin at Mariel dahil sa kanilang panganay, wala na silang mahihiling pa, ipinagkaloob na sa kanila ang munting anghel na mas maghihigpit pa sa tali ng kanilang pagmamahalan.

Maligayang bati sa mag-asawa.

Ai Ai delas Alas – Magpapakabanal na dahil sa Papal award

Dahil sa pagiging Papal awardee na niya ngayon ay medyo malilimitahan na ang sakop ng karaniwang ginagawa ng Philippine Comedy Queen sa kaniyang mga concert-shows.

Klik na klik kasi sa manonood ang mga pakuwela ni Ai Ai delas Alas na may halong pagmumura at pambabalahura, iyon ang tatak ni Ai Ai sa entablado, aliw na aliw sa kaniya ang manonood sa ganoong atake niya.

Pero ngayon ngang siya ang napiling handugan ng katas-taasang parangal ng Santo Papa at ng simbahan ay natural lang na iba na ang inaasahan sa kaniya ng ating mga kababayan.

Kay Ai Ai na mismo nagmula na medyo kikinisin na niya ang kaniyang performance, hindi na siya gagamit ng costume na may malalaking boobs, hindi na rin siya magpapakawala ng mga pagmumura dahil hindi na bagay iyon sa tinanggap niyang parangal.

At celibate na rin ngayon ang Comedy Concert Queen, hindi na sila nagsisiping ng kaniyang boyfriend na si Gerald Sibayan, titiisin nila ang tawag ng laman hanggang sa magpakasal na sila dalawang taon mula ngayon.

Palagi nga siyang tinutukso ng bagets niyang boyfriend, “Ang hirap kaya ng ganito!” na tinatawanan lang ni Ai Ai nang bonggang-bongga, kahit pa siya’y nahihirapan na rin.

Pero kailangan niyang panindigan ang mga restriksiyong pinaiiral ng simbahan, kailangan niyang sumunod, dahil doon siya mabubutasan.

Ang dami-dami pa namang bashers ng komedyana, naghihintay lang ng pagkakataon ang mga iyon para siya bulabugin, kaya sa kaniya na mismo nanggagaling ang pag-iingat.

“Hindi po ako Santa, lalong hindi po ako nagpapanggap na perfect ako, tao pa rin po ako na nagkakasala,” madalas sabihin ngayon ng Philippine Comedy Queen.

Richard Gomez – Bakit pinagbibintangang kasali sa droga?

May karapatang mainis-matawa si Mayor Richard Gomez sa pagdadamay sa kaniyang pangalan bilang protektor ng droga. Mukhang nakalimot agad sa kasaysayan ang mga taong nag-uugnay sa kaniya sa usapin tungkol sa ipinagbabawal na gamot.

Ilang taon na ang nakararaan ay naging tagapamuno ng isang Party List si Goma, ang Mad (Mamamayan Ayaw sa Droga), hindi lang nakalusot ang partido dahil sa panghaharang ng ilang pulitiko.

At kilalang-kilala ng publiko ang aktor-pulitiko bilang isang atleta. Lahat na yata ng klase ng laro ay nasalihan na ni Mayor Richard, ang pinakahuli ay ang pagiging miyembro niya ng Philippine Volleyball Team, pero magaling din siya sa basketball, rowing, golf at fencing.

Nakakatawa nga naman na pati ang kaniyang pangalan ay mapasama sa mga sinasabing protektor ng droga. Paano nga naman mapagbibintangan ang isang galit na galit sa droga bilang tagapagpalaganap pa pala ng ipinagbabawal na gamot sa kaniyang nasasakupan?

Sana naman ay maghinay-hinay ang mga otoridad sa pagtuturo. Baka naman may isang kakontrang pulitiko lang si Goma na nagnguso sa kaniya para ipahiya siya at wasakin ang magandang pangalan at imahe niya ngayon bilang mayor ng Ormoc City.

Napakalayo sa katotohanan ng bintang sa aktor-pulitiko, walang sapat na basehan iyon, maling kabayo ang tinayaan ng nagturo kay Mayor Richard Gomez bilang protektor ng mapamuksang droga na matagal na niyang tinututulan.

Manny Pacquiao – Kontrobersyal ang pag-imbita kay Gen. Bato sa Las Vegas

Karakter talaga si PNP Chief General Ronald “Bato” dela Rosa. Sabay silang umuwi ng Pilipinas ng ating kampeong si Senador Manny Pacquiao, magkatabi sila ng upuan sa eroplano, kaya nagkaroon sila nang mahabang bonding.

Kuwento ni General Bato, “First time ko ito sa pag-akyat sa ring, kaya panay-panay ang dasal ko na sana, manalo si Pareng Manny! Hindi ako mapakali sa ibaba, magalaw ako sa upuan ko!

“Ang inaalala ko kasi, since first time ko itong umakyat sa ring, ako ang bagong mukha sa corner niya, e, baka sabihin ng mga kababayan natin na ako pala ang malas dahil first time ko nga iyon!” kuwento ng tagapamuno ng PNP habang tawa naman nang tawa ang Pambansang Kamao.

Maligaya rin si General Bato dahil nagkaroon sila ng masarap na bonding ng kaniyang buong pamilya sa Amerika dahil sa desisyon niyang manood ng Pacman-Jessie Vargas fight.

Sa kanilang bahay raw kasi, dahil sa matindi niyang pananagutan at trabaho bilang heneral, ay halos wala na silang pagkakataong makapagkuwentuhan ng kaniyang misis at mga anak.

Nagsisimula ang kaniyang trabaho nang halos madaling-araw pa lang, hatinggabi na siya nakauuwi, wala na siyang lakas at parang hindi na raw siya pakikinabangan. Bitin man ang kanilang bakasyon ay masaya pa rin si General Bato dahil mula nang maupo siyang tagapamuno ng PNP ay kapos na kapos siya sa panahon para sa kaniyang pamilya.

“Kailangan na naming umuwi agad-agad ni Pareng Manny dahil sa mga sinumpaan naming tungkulin, naiwan pa sa Amerika ang family ko. Walang choice, mas kailangan kami ni Pareng Manny ng mga kababayan natin.

“Pero umuwi kaming very happy. Masasaya kami, dahil champion si Pacman!” masayang pahayag ni General Bato.

Kaya lang, binubulabog si General Bato ngayon dahil sa libreng ticket sa eroplano at sa mismong laban na ibinigay sa kaniya ni Senador Manny Pacquiao.

Labag daw iyon sa pinaiiral na alituntunin para sa mga nakaupong opisyal ng ating pamahalaan. Puwede raw silang tumanggap ng regalo tulad ng pabango, relo, kurbata at iba pa, pero bawal silang tumanggap ng mga regalong may malaking halaga.

Nagpakatotoo naman si General Bato, aminado ito na pinagbigyan ng kaniyang pamilya ang imbitasyon ni Pacman na manood ng laban salas Vegas, kahit bitin daw ay nakapag-bonding ang kaniyang pamilya.

Nakapagtataka naman kung bakit ngayon lang nakukuwestiyon ang ganito. Sa mga nakaraang laban ni Pacman ay sangkatutak din ang mga pulitikong nanonood ng kaniyang pakikipagsagupaan sa ring, libre lahat ang tiket at akomodasyon sa hotel ng mga VIP guests niya.

Ganoon katinding makisama si Pacman, bumibili siya ng ticket sa produksiyon ni Bob Arum para ipamigay sa kaniyang mga kaibigan, ikinukuha rin ng hotel ng Pambansang Kamao ang kaniyang mga bisita.

Walang inaasahang kapalit doon si Pacman, masaya na siyang makita ang kaniyang mga kaibigan na nanonood ng kaniyang laban dahil dagdag na suportang moral iyon para sa kaniya, at hindi lang mga pulitiko ang binibigyan niya ng libreng ticket kundi pati ang mga artistang malapit sa kaniya.

Bakit kailangang dikdikin si General Bato, magkaibigan sila ni Pacman, pareho silang anak ng Mindanao?

Sa ilang beses naming panonood ng mga laban ng Pambansang Kamao ay namumutiktik ang mga pulitikong lumiban pansamantala sa kanilang mga trabaho para lang suportahan ang pambato ng ating bayan.

Libre rin ang kanilang plane ticket, may kuwarto rin sila sa iba-ibang hotel salas Vegas, pocket money lang ang hindi ibinibigay sa kanila ng Pambansang Kamao.

Pahayag ni General Bato, “Kung talagang nagkamali ako, eh, handa naman akong magpakulong!”

Naku, napakaraming problema ng ating bayan na kailangang bigyan ng prayoridad ng mga nagpapapoging pulitiko d’yan, sabi nga ng mga pilosopo ay hindi lang daw siguro sila nabigyan ng libreng ticket sa laban ni Pacman kaya sila nanggagalaiti ngayon.

Charice Pempengco – Kawawa na, kailan kaya liligaya?

Kailan nga ba sapat ang sapat? Hanggang kailan ba dapat nakakulong ang isang personalidad para sagutin ang lahat-lahat ng mga pangangailangan ng kaniyang pamilya?

Wala na ba siyang karapatang bumuo ng sarili niyang mundo? At ang tanong, wala na ba siyang karapatang lumigaya, sa kabila ng mga ginagawa niyang pagtulong sa mga taong mahal niya?

Iyon siguro ang mga tanong na gustong isigaw ng magaling na international performer na si Charice Pempengco sa ituktok ng bundok. Baka sakaling may makarinig sa paglalabas niya ng emosyon.

Mula noong bata pa ang singer ay wala na siyang naging prayoridad kundi ang maiahon sa kahirapan ang kaniyang pamilya, siya na ang sumagot sa responsibilidad ng kaniyang ama, siya na ang naging sandalan ng kaniyang ina at kapatid maging ng kaniyang lola.

Pero wala nga sigurong kabusugan ang mga taong hindi nagbibigay-pahalaga sa pagsisikip ng kanilang kapwa, sobra-sobra na ang ginagawa para sa kanila, pero kulang at kulang pa rin.

Dumating sa buhay ni Charice si Alyssa Quijano, ang kapwa niya singer na nagpapaikot ng kaniyang mundo, doon na nagsimulang gumulo ang relasyon ng magaling na singer sa kaniyang pamilya. Kontra ang mga ito kay Alyssa.

Kung tutuusin ay mabait pa nga si Charice Pempengco dahil sa kabila ng lahat ng mga salitang natitikman niya ay nananahimik lang siya.

Kahit masikip na ang kaniyang dibdib ay hindi niya sinasagot ang mga taong nang-aapi sa kaniya nang walang sapat na dahilan, hindi bale nang ang imahe niya ang naaapektuhan, basta alam niya sa kaniyang sarili na wala siyang pagkukulang.

Jake Ejercito – Masama ba ang maging mabuting ama ni Ellie?

Maximum tolerance daw ang kailangang pairalin ni Jake Ejercito sa madalas na pakikisawsaw ni Jaclyn Jose sa kaniyang mga social media posts.

Maraming nakakapansin na masyadong nakatutok ang atensiyon ng premyadong aktres sa mga komentong inilalabas ni Jake tungkol sa kanila ng kaniyang anak na si Ellie.

Kapag may magandang komento ang binatang-ama ay asahan nang may pangkontra si Jaclyn, hinihigitan nito ang mga sinasabi ni Jake, parang nakikipagkumpetensiya ang aktres sa ama ng kaniyang apo.

Sana’y pabayaan na lang ni Jaclyn ang paglalabas ng emosyon ni Jake, nakakaasiwa ang kaniyang mga sinasabi, halatang-halata na ayaw nitong bahaginan ng kredito si Jake bilang ama ni Ellie.

Wala namang ginagawang masama iyong tao, gusto lang niyang ipaalam sa publiko kung gaano niya kamahal ang anak nila ni Andi, pero nagiging balat-sibuyas si Jaclyn.

Mas maraming nagmamahal sa bata ay mas maganda, mas maraming nagbibigay ng atensiyon sa bata ay mas makabubuti, lalo na’t ngayon pa lang naman nakakapagpahayag ng pagmamahal si Jake Ejercito sa kaniyang anak.

Gawin bang kumpetisyon ang pagmamahal kay Ellie? Tawagin bang manggagaya lang ang ama ng bata? Parang wala na sa riles ng katwiran ang mga ginagawa ni Jaclyn Jose.

Kris Aquino – Epic snub daw ang ginawa sa kaniya ni Pres. DU30

Oo nga naman. Nakapagtataka kung bakit kung kailan sunud-sunod na pagkabigo ang nangyayari sa career ni Kris Aquino ay saka naman tumibay ang kaniyang naturalesa.

Hindi siya nagkakasakit ngayon, lalong hindi siya naoospital, samantalang noong walang mga ganitong nangyayari sa kaniyang buhay ay palagi siyang nagpo-post ng kaniyang pagkakasakit.

Parang malaking pintuan na namang binuksan ni Kris Aquino ang kaniyang buhay at career sa publiko nang hindi siya siputin ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa pinaghandaan niyang one-one-one interview.

Paborito na naman siyang gawing panghimagas ngayon sa social media, wala na namang puknat na pamba-bash ang inaabot niya, sanay na sanay nang kumain ngayon ng ampalaya ang aktres-TV host.

Nang tawagin niyang epic snub ang ginawa sa kaniya ni Ka Digong ay nag-umalma ang mga tagasuporta ng ating pangulo. Iyon daw talaga ang nararapat sa isang tulad ni Kris.

Madalas na si Phillip Salvador ang nagiging kinatawan ni Pangulong Digong sa mga okasyong hindi nito napupuntahan dahil sa higpit ng kaniyang schedule. Kasal, libing, binyag at iba pang piging ay si Kuya Ipe ang pinakikiusapan ng pangulo na dumalo bilang proxy nito.

Mabuti na lang at hindi naisipan ni Ka Digong na ipadala si Kuya Ipe sa Go Negosyo, iyon na sana ang magmamarka sa pagkikitang muli ng mga magulang ni Josh, tutal naman ay nakipagkita na rin nang personal si Kris kay James Yap na ama ni Bimby.

Sa seryosohang anggulo ay walang pamimilian si Kris kundi ang tanggapin ang katotohanan na hindi pa niya kakampi ang panahon. Tama ang kaniyang sinabi na marami pa siyang kailangang pag-aralan sa buhay na ito.

Napakataas ng tingin ni Kris sa kaniyang sarili, super-sikat-to-the-max sa pakiramdam niya ang kaniyang kasikatan, pero sa isang bigwas lang ng kapalaran ay nadiskaril ang lahat ng kaniyang mga plano.

Ang naganap kay Kris ay isang malinaw na ehemplo na gaano man kaningning ang bituin ng isang personalidad ay puwedeng basta na lang maglaho iyon. Walang pinipiling estado at pangalan ang paglamlam ng popularidad.

Tatluhan lang daw ang pagdating ng mga hindi kagandahang pangyayari sa ating buhay. Una ay ang pagkawala niya sa ABS-CBN, ikalawa ang pagkabulilyaso ng kaniyang mga plano sa APT, ikatlo ang hindi pagsipot ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pinaghandaan niyang panayam.

It comes in three’s. Tapos na ang sumpa ni Kris Aquino kung ganoon!

Mocha Uson – Walang takot! Tinawag na TRAPO at plastic si Kris Aquino

Sa biglaang paghusga ay nakayayamot lang si Mocha Uson dahil mahilig siyang makisawsaw sa maraming usapin. Para siyang bawang na kasahog sa lahat ng lutuin.

Pero, malakas talaga ang loob ni Mocha. Wala siyang keber kung pupugin man siya ng mga bashers dahil sa paglalantad ng kaniyang mga saloobin.

At siya lang ang tanging personalidad na diretsong nakapagsabi na TRAPO at plastik si Kris Aquino! Kung ang ibang napaplastikan sa aktres-TV host ay nagtatago lang ng kanilang saloobin ay ibahin natin si Mocha.

Talagang sinumbatan niya si Kris, wala raw karapatan ang Queen Of All Media na magsabing susuportahan nito ang hanay ng mga magsasaka, dahil hindi pa rin nakakalimutan ng sambayanan ang Hacienda Luisita Massacre.

Iyon ang naging madugong engkuwentro sa mismong haciendang pag-aari ng mga Cojuangco-Aquino, maraming buhay ang nabuwis doon, nakipaglaban ang mga magsasaka dahil sa pangangamkam sa kanilang mga lupain.

Binanggit din ni Mocha ang kasaysayan ng Kidapawan Massacre. Bigas ang hinihingi ng mga magsasaka, pero bala ang ipinakain sa kanila, naganap iyon sa pamahalaan ni dating Pangulong Noynoy Aquino.

Alam ni Mocha ang kaniyang sinasabi, sinusundan niya ang mga kaganapan, buhay na buhay ang kaniyang pagtutok sa kasaysayan. May katwiran ang nagpapaseksing singer sa kaniyang mga sinasabi dahil kakambal noon ang katotohanan at kasaysayan.

At TRAPO naman talaga ang pamilyang kinabibilangan ni Kris. Mula sa kaniyang ama, ina at kapatid, tradisyunal silang pulitiko, kaya hindi sablay ang pagkakalarawan ni Mocha sa aktres-TV host.

Have a comment on this article? Send us your feedback