• Krosword ni Gerry Gamurot
    Eh Kasi, Pinoy!

    Krosword

    ni Gerry Gamurot
  • Building Science by Norman Aceron Garcia
    Features

    Building Science

    by Norman Aceron Garcia

Published on

Cristy Per Minute ni Cristy FerminOktubre 16 – 31, 2016

   Andi Eigenmann
 
Andi Eigenmann
  L-r: brother Carl, mom Raquel, girlfriend Alyssa and Charice. Photo Courtesy of Glenn Aldueza
 
L-r: brother Carl, mom Raquel, girlfriend Alyssa and Charice. Photo Courtesy of Glenn Aldueza
  Manny Pacquiao
 
Manny Pacquiao
  James Yap
 
James Yap
  Kris Aquino
 
Kris Aquino
  Agot Isidro
 
Agot Isidro
  Rosanna Roces
 
Rosanna Roces
  Mark Anthony Fernandez
 
Mark Anthony Fernandez

Charice Pempengco – Malapit ng mag-propose kay Alyssa Quijano

Isang araw ay maglalatag na ng proposal ang international performer na si Charice Pempengco sa matagal na niyang karelasyong si Alyssa Quijano. Pagkatapos ng proposal ay kasalan na ang kanilang paghahandaan.

Sigurado na sila sa isa’t isa, pinagbubuklod sila ng respetuhan at pagmamahalan, sarado na ang kanilang mga puso sa kahit anong tuksong puwede pa nilang masagupa.

Matindi ang pinagdadaanan ngayon ni Charice. Mayroon silang hindi pagkakaunawaan ng grupong naging manager niya. Diumano’y tumanggap ng concert ang mga ito para sa kaniya sa ibang bansa, nagbigay na ng paunang bayad ang prodyuser pero wala raw namang natanggap si Charice.

Wala sa kaniya ang problema, handang-handa siyang gawin ang concert, pero gusto niyang maging maayos muna ang lahat.

Ikalawa ang hindi pa rin nila pagkakaayos ng kaniyang pamilya. Sa tagal na nilang magkarelasyon ni Alyssa ay mayroon pa palang mga isyu sa pagitan nila ng kaniyang ina at lola, kontra pa rin ang mga ito sa kaniyang girlfriend.

Parang nakikinita na namin ang reaksiyon ng kaniyang lola nang magpahayag siya tungkol sa plano na nilang pagpapakasal ni Alyssa.

Ano nga ang sabi noon ni Nanay Tessie sa kanilang dalawa? “Kayong mga babaeng nagpapanggap na lalaki pero nireregla rin naman buwan-buwan, magsitigil kayo!”

Napakatagal na panahon nang bati-galit si Charice at ang kaniyang pamilya, pinagbibintangan kasi ng mga ito si Alyssa na kumokontrol sa kaniyang mga kinikita, kaya nakakalimot na sa pagtulong si Charice.

Mula pa noong bata si Charice ay puro pera na ang isyu sa kanila ng kaniyang pamilya. Noong minsan ay ang ina naman niyang si Aling Raquel ang kalaban ni Nanay Tessie at pera rin ang pinagdiskusyunan ng mga ito.

Nakakaawa raw si Charice na halos mabulunan na sa kakakanta pero nilulustay lang naman ni Aling Raquel ang mga pinaghihirapan niya. Iyon ang bintang ng kaniyang lola.

Nang magtagal ay nagsanib-puwera naman ang mag-ina, si Charice na ang kalaban nila, lalo na nang pumasok na sa eksena si Alyssa.

Mabait pa rin si Charice dahil hindi siya naglalabas ng kaniyang saloobin sa social media. Hindi niya ginagawang sumbungan ang kaniyang FB, puro magagandang balita lang tungkol sa kaniyang career ang laman noon, saka ang maliligayang araw nila ni Alyssa.

Nasa wastong gulang na siya ngayon, naglantad na si Charice ng kaniyang tunay na kasarian, sa maintindihan siya at hindi ng iba ay sila na ni Alyssa ang nagpupuno sa mga kakulangan.

Naging alipin ng trabaho si Charice nang napakatagal na panahon para maiahon ang kaniyang pamilya sa kahirapan. Hindi niya iyon binibilang pero sa loob-loob niya ay nandoon ang nagtatanong na emosyon kung anu-ano pa ba ang kulang sa mga nagawa na niyang pagseserbisyo sa kaniyang pamilya?

Kapag kumakanta si Charice Pempengco ay punumpuno ng emosyon. Nananaghoy ang kaniyang boses. Siguro nga ay sa pagkanta na lang niya idinadaan ang mga sama ng loob na matagal na niyang kinikimkim lang.

Doon man lang ay mapaluwag niya ang kaniyang dibdib. Kahit sa pagkanta man lang ay maitawid niya ang lungkot sa kaniyang manonood, may paraan talaga ang kapalaran para tulungan tayong magpagaling ng sugat.

Sen. Manny Pacquiao – Nov. 5 na ang laban kay Jessie Vargas salas Vegas

Pinag-iipunan na ng mga kababayan natin sa Amerika ang susunod na laban ni Senador Manny Pacquiao. Maraming tulog at gising pa ang November 5 pero ngayon pa lang ay bahagi na ng kanilang pagtitipid ang pakikipagsalpukan ni Pacman kay Jessie Vargas sa Thomas & Mack Center salas Vegas.

Hindi naman kasi sa pambili lang ng ticket sa laban umiikot ang gastos kapag nanonood sila ng laban ng Pambansang Kamao. Mula sa LA ay apat na oras ang biyahe papuntang Las Vegas. Gabi ang salpukan na halos inaabot na nang madaling-araw, kaya kailangang mag-hotel din sila para kinabukasan na sila mag-uwian.

Sabi ng kaibigan namin ni Jude Estrada na si Jonjie Martinez na ilang dekada nang naninirahan sa LA, “Ipinagtatabi ng budget ang bawat laban ni Pacman. By land na lang kami, hindi na kami nag-eeroplano papuntang Las Vegas, kahit hamburger na lang ang kainin namin, eh, okey lang, basta makapanood lang kami.”

Nasa bansa na ang conditioning coach ni Pacman, nandoon na rin si Coach Freddie Roach na palaging nagpapaalala kay Senador Manny na hindi ordinaryong boksingero si Jessie Vargas, dahil ilang beses daw itong nag-training sa kaniyang Wild Card Gym.

Ang pagkatalo lang nito kay Timothy Bradley ang nagbigay ng mantsa sa kartada nitong 27-1. Pero ayon sa coach ni Pacman ay natiyempuhan lang iyon, kaya kailangang paghandaang mabuti ng Pambansang Kamao ang kanilang pagtutuos.

Treinta’y otso anyos na sa darating na Disyembre si Pacman, malaki ang partisipasyon ng pagdadagdag ng edad sa isang boksingero, pero sa tindi naman ng mga pamatay na kamao ng ating senador ay positibo siyang puwede niyang angkinin ang pagduduop nila ni Vargas.

Sabi ni Senador Pacquiao, lahat daw ng mga nagaganap sa ating bayan ngayon ay may basbas ng Panginoon, pati ang kaliwa’t kanang patayan. May matinding dahilan daw kung bakit nakaposisyon ngayon si Pangulong Rodrigo Duterte.

May mga sumang-ayon sa kaniyang pahayag pero siyempre’y mayroon ding mga kumontra sa kaniya. Bumubuhay raw ang Diyos, hindi pumapatay, kaya maling-mali ang opinyon ng senador-boksingero.

James Yap – Malungkot dahil pinakawalan ng kaniyang team Star Hot Shots

Takang-taka ang mga nakakausap namin kung bakit pinakawalan ng Star Hot Shots si James Yap. May karapatan daw malungkot ang basketbolista sa nangyari sa kaniyang karera.

Si James Yap kasi ang itinuturing na “mukha” ng kaniyang team. Kapag isa-isa nang tinatawag ang pangalan ng starting five ng kaniyang koponan ay si James ang may pinakamalakas na tili at palakpak.

Siya rin ang may pinakamalaking hakot na tagahanga ng kanilang team, siya ang Rockstar ng Star Hot Shots, kaya nawindang ang marami nang ipamigay siya ng team sa Rain Or Shine.

Pansin pa ng isang kausap namin, “Bakit si Alvin Patrimonio, mula umpisa hanggang noong mag-retire na siya, eh, hindi siya ipinamigay ng Purefoods?

“Hanggang ngayon, team manager ang position niya sa team? Bakit si James na malaking karangalan din ang ibinigay sa kanila eh, ayan, ipinamigay ng team niya?

“Hindi na nakapagtataka kung mabawasan ang supporters ng iniwanan niyang team. Natural, sasama kay James sa ROS ang mga fans niya,” pag-aanalisa ng aming kausap.

Pero kailangan din nating balansehin ang sitwasyon, dapat din nating pakinggan ang dahilan ng San Miguel Corporation kung bakit nila ipinagpalit si James Yap kay Paul Lee, hindi siya ipamimigay ng kaniyang team kung walang sapat na dahilan.

Puwedeng nakulangan na sila sa ipinakikitang paglalaro ni James Yap nitong mga huling panahon, lalo na’t kailan lang ay nagkaroon pa siya ng injury, hindi na bumabata si James Yap.

Umuwi lang si James Yap sa orihinal niyang tahanan. Ang tanong, pagsisihan kaya ng Star Hot Shots ang ginawa nilang pagpapamigay sa kanilang star player sa ROS? Si James Yap ang kailangang magbigay ng sagot sa tanong na iyon sa pamamagitan ng ipamamalas niyang paglalaro sa susunod na PBA conference.

Kris Aquino – Bakit daw sa social media pa nalaman ni Bimby ang tungkol sa kapatid?

Ewan lang kung bibigyan pa ng atensiyon at panahon ni James Yap ang mga huling hirit ni Kris Aquino. Ilang araw pa lang kasi ang nakararaan ay nagpatutsada si Kris na sana raw naman ay mag-effort din ang basketbolista para makita at makasama ang kaniyang anak.

Isa pang arya ni Kris ang pagsasabing sana raw ay diretso na lang na sinabi ni James kay Bimby ang pagkakaroon nila ng anak ni Michaela Cazzola at hindi iyong ganoon na sa social media lang nalaman ng bata ang pagiging bagong ama niya.

Kung matatandaan ay nagsabi si James noon na napagod na siya sa kagustuhan niyang magkasama sila ni Bimby, gusto niyang maka-bonding ang kaniyang anak, pero hindi niya naman ito nakukuha dahil mayroon na raw naunang lakad na naiayos si Kris para sa kanilang mag-iina.

Mas bibigyan pa siguro ng panahon ngayon ni James Yap ang pakikipag-ensayo sa bago niyang koponan, ang Elasto Painters, sa PBA.

Kesa sa makipagtalo kay Kris ay mas gagamitin na lang siguro ni James Yap ang kaniyang panahon ngayon para “makilala” ang mga bago niyang kasama sa pagdidribol at pagsu-shoot sa tropang Rain Or Shine.

Ang tanong na lang ngayon ay kung ano naman ang gagawin ni Kris – tuloy na tuloy na nga ba ang mga proyektong gagawin niya sa APT Entertainment at GMA-7, o totoo ang kutob ng mas nakararami na nagpapahabol pa rin siya sa ABS-CBN?

Kung tutuusin ay puwedeng-puwede nang mabuhay nang tahimik at sagana si Kris at ang kaniyang mga anak, sa kaniyang naipong yaman ay hinding-hindi na sila magugutom hanggang ang mundo ay mundo pa rin, kaya nga lang ay parang isda na inilipat sa lupa si Kris Aquino kapag nahiwalay siya sa paningin ng publiko.

Batambata pa si Kris sa kampanya para senador ng kaniyang ama ay pampublikong buhay na ang gustung-gusto niya. Nahihiyang umakyat sa entablado ang kaniyang mga ate at kuya pero si Kris ay buhay na buhay sa kaniyang pagtatalumpati.

Sukdang siya na ang mamuhunan ay gagawin ni Kris Aquino para hindi lang siya mahiwalay sa pinakamamahal niyang linya.

Alisan mo si Kris Aquino ng mga camera at ilaw at mikropono, alisin mo siya sa kamalayan ng publiko at diktahang manahimik, para na rin nating pinatay nang buhay si Kris Aquino.

Jaclyn Jose – Inaakusahan ng mga basher na “walang kuwentang ina”

Humihingi na ng tulong ngayon sa DOLE ang Cannes Best Actress na si Jaclyn Jose. Nananawagan na siya sa ahensiya ng ating pamahalaan para isumbong ang isang basher ng kaniyang anak na si Andi Eigenmann at ng kaniyang apong si Ellie.

Nabasa namin nang buo ang mensaheng halos yumurak-yurak na sa kaniyang pagka-ina kay Andi. Siya raw ang dapat ipako sa krus sa lahat ng mga pangyayaring ito dahil hindi niya pinalaki nang maayos ang kaniyang anak.

Pinabayaan lang daw niya si Andi sa mga kalokohan nito, kasama na ang pakikisiping sa iba-ibang lalaki, kaya ang naging resulta ay ang pagpapahulaan kung sino ang tunay na ama ng bata.

Pinakamasakit para kay Jaclyn ang tawaging whore ang kaniyang anak, sa kolokyal na salita, puta. Walang inang mauupo lang sa isang sulok kapag ganoong paglalarawan na ang ikinapit sa kayang mahal na anak.

Nagbanta si Jaclyn na babalikan niya ang basher, nanawagan siya sa DOLE dahil pati ang kaniyang apong si Ellie ay idinadamay na nito sa pagsasabing ang bata ang maka-karma sa paglaki nito, galit na galit ang aktres.

Maiintindihan natin na pampublikong pigura sina Jaclyn at Andi, kaya nanghihimasok ang marami sa kanilang personal na buhay, pero sana naman ay magdahan-dahan din ang mga nakikisali sa usapan sa paggamit ng mga salitang sumusugat sa puso ng kanilang pinatutungkulan.

Sana’y mag-isip naman muna ang mga ito bago tuluyang i-click ang kanilang makina.

Agot Isidro – Naging malakas na tinig ng mga takot kumontra kay Ka Digong

Positibo ang pagtanggap ni Pangulong Rodrigo Duterte sa marahas na salitang psychopath bilang paglalarawan sa kaniya ni Agot Isidro. Para sa pangulo, hindi man nito binanggit ang pangalan ni Agot, ay isang constitutional right iyon na dapat lang pairalin ng singer-actress.

Napahiya ang mga umaasang gagawin ding pulutan ng pangulo si Agot na tulad ni Senador Leila de Lima. May karapatang magpahayag ng saloobin ang sinuman sa isang malayang bansa na tulad ng Pilipinas.

Siguro naman, ngayong hindi na inalmahan ng pangulo ang pagtawag sa kaniya ng psychopath ni Agot, ay medyo maghihinay-hinay na rin ang mga tagasuporta ni Ka Digong sa hindi pagbibigay ng katahimikan ng kalooban sa singer-actress.

Ngayon pa lang lumulutang ang maraming sumasang-ayon sa katapangan at matinding paninindigan ni Agot sa paglalabas ng kaniyang personal na saloobin. Maraming humahanga sa kaniya ngayon, kung sino pa raw ang tatahi-tahimik lang ay iyon pa raw pala ang taong maglalagay ng bikig sa lalamunan ng ating pangulo, si Agot lang iyon.

May pagkapersonal pa nga ang bira sa kaniya. Nag-research na ang mga tagahanga ng pangulo tungkol sa kaniyang buhay. Ang dahilan daw ng paghihiwalay nila ni Manu Sandejas ay ang kawalan niya ng kapasidad ng bigyan ito ng anak.

Laos na singer naman ang tawag kay Agot Isidro ng iba, palibhasa raw ay wala siyang ibang pinagkakaabalahan kundi ang seryeng Ang Probinsiyano, kaya siya nagkakaganyan.

Bilang sagot sa mga nangmamaliit naman sa kaniyang edukasyon ay mismong mga kaklase niya sa kolehiyo ang naglabas ng kaniyang pagkakakilanlan. Siguradong ikinabigla iyon ng mga galit na galit na tagasuporta ng pangulo dahil hindi pala basta-basta ang educational attainment ni Agot.

Kumbaga sa buko ay hindi pala puro sabaw lang ang laman ng ulo ng singer-actress. Nagtapos siya ng kurso sa UP, nag-aral din siya sa Ateneo at nag-aral pa pala siya sa isang unibersidad sa Big Apple (New York) kung saan siya nagtapos bilang Magna Cum Laude.

Iyon, oh! Nagsasalita ang mga pinasukang eskuwelahan ni Agot Isidro, doon pala niya hinugot ang kaniyang katapangan, lalo na ang kaniyang paninindigan na maglabas ng kaniyang personal na opinyon tungkol sa mga nagaganap sa ating bayan.

May dugo pala siyang “Kundi ngayon ay kailan pa?” At may pagka-Ate Vi pala ang singer-actress sa pagsigaw ng “Katarungan para kay Ka Dencio!”

Rosanna Roces – Takot makasuhan ng human trafficking ang original “Bruneiyuki”

Maraming naloloka sa mga pinaggagagawa ng dating sikat na sexy actress na si Rosanna Roces, siya mismo ang naglantad ng mga ginawa niyang pagdadala ng mga babae noon sa Pambansang Piitan, pero ngayon ay todo-todo ang kaniyang paghuhugas-kamay.

Umurong na ang kaniyang dila. Wala raw siyang alam tungkol doon. Kabaligtaran ng mapagyabang pa niyang postura isang linggo pa lang ang nakararaan na hindi raw droga kundi hilaw na karne ang idinedeliber niya sa NBP.

Aba, ngayon ay wala na raw siyang alam tungkol doon, natakot kaya siya sa kumalat na balita na siya naman ang babalingan ng Kongreso dahil sa kasong human trafficking?

Napakatapang pa niya noong sagutin ang pagkadamay ng kaniyang pangalan sa pag-uugnay sa drug lord na ngangangalang Vicente Sy, mga babae raw ang dinadala niya doon, hindi raw totoong kabit siya ng nakakulong na drug lord.

Pero dahil sa pag-amin ni Rosanna tungkol sa pagdadala niya ng mga bayarang babae sa Pambansang Piitan ay kumawag ang dila ng marami, sinu-sino raw kaya ang mga sinasabi niyang babaeng ibinugaw niya sa mga kakosa sa loob, kapag nagkaipitan daw kaya ay isa-isa na ring pangalanan ng dating boldstar ang mga ibinugaw niya sa NBP?

Bago pa ba naman iyon? Hindi malayo ang posibilidad na isa-isahin ni Osang ang mga pangalan ng mga starlet na ikinasa niya sa mga bilanggong uhaw sa laman, si Rosanna Roces pa, minantikaan ang dila at nguso ng hubaderang iyon!

Kayang-kaya niyang gawin iyon, para lang siyang kumakanta ng Twinkle, Twinkle Little Star kapag nagkataon, lahat ay gagawin ni Osang para lang mailigtas niya ang kaniyang sarili sa usapin ng droga.

“Sinu-sino kaya ang mga babaeng maysakit daw na dinala niya sa kulungan? Ibang klase talaga si Osang, pati ba naman pambubugaw, e, pinasok na niya talaga!

“Kunsabagay, sino ba ang unang artistang umamin sa pagiging Bruneiyuki? Tigas sa kadedenay noon ang mga babaeng ibinibiyahe sa Brunei, pero si Osang, nagtaas agad siya ng kamay!

“Parang sinasabi niya noon na present! Bruneiyuki rin ako! Anna Maceda pa ang name niya noon. O, di ba naman, natupad ang pangarap niyang maging artista? Naghubad-hubad siya, halos wala na siyang itinago, sumikat siya bilang boldstar!” komento ng kaibigan naming propesor.

Isa lang ang tanong namin sa kaniya, saan ba nanggaling si Rosanna Roces, nang pasukin niya ang pag-aartista ay binuksan na niya ang libro ng kaniyang buhay sa publiko.

Bata pa lang siya ay nagsasayaw-nagpapa-table na siya sa mga parukyano niya sa bar. Kung maganda ang bigayan ay suma-sideline siya, sumasama sa kaniyang kostumer, para sa pag-uwi niya nang halos putok na ang araw ay may pambili na ng gatas ang dumododo pa lang niyang anak.

Mark Anthony Fernandez – Naging dahilan ng pagkikita muli nina Alma at Lorna T

Matagal na matagal nang hindi nagkikita nang personal sina Lorna Tolentino at Alma Moreno. Kahit sa telepono ay bihirang-bihira silang magkausap.

Pero dahil sa pagkakahuli-pagkakulong kay Mark Anthony Fernandez ay muling nagkita ang dalawang babaeng naging mahalagang bahagi ng buhay ng namayapang si Rudy Fernandez.

Itinuturing nang sariling anak ni Lorna si Mark, tulad ni Alma ay puro kabutihan lang ng aktor ang hangad ng magandang aktres, pero pareho silang nabigo.

Nailipat na si Mark Anthony sa Angeles City District Jail. Pinagbigyan ng piskalya ang hiling ng mga abogado ng aktor na mailipat siya sa mas malaking piitan. Isang araw bago ang paglilipat kay Mark ay nagkasabay sa pagdalaw sina Alma at Lorna.

Nag-usap sila nang seryosohan, para sa kapakanan lang ni Mark ang inikutan ng kanilang pag-uusap. Todo ang pasasalamat ni Ness kay Lorna dahil sa matinding malasakit at pagmamahal nito sa kaniyang anak.

Hindi na kinayang idenay ni Mark Anthony Fernandez ang naging pahayag ng mga otoridad na sumakote sa kaniya na nang magbukas siya ng pintuan ng kaniyang sasakyan ay umalimbukay ang matinding amoy ng marijuana.

Sa kanilang opinyon ay humihithit ng damo si Mark habang nagmamaneho, iyon ang dahilan kung bakit nang pahintuin siya sa checkpoint ay ninerbiyos siya, kaya sa halip na preno ay selinyador ang kaniyang tinapakan.

Pero maraming nagtataka sa isang kilo ng marijuana na diumano’y nakuha ng mga otoridad sa kaniyang sasakyan, napakalaking timbang noon, pa-stick-stick lang ang inaasahang mayroon si Mark ng mga nakatutok sa isyu.

Sa pagsailalim ni Mark sa drug test ay napatunayan na marijuana lang ang kaniyang ginagamit, walang anumang iniwanang marka ang iba pang uri ng droga na karaniwang kinalululungan ng mga gumagamit, pero pasok pa rin ang kaso ni Mark sa kawalan ng katapat na piyansa.

No bail recommended ang kaniyang kaso, mananatili siya nang mahabang panahon sa bilangguan, maliban na lang kung ang isang kilo ng marijuana na nakuha sa kaniyang sasakyan ay mapatutunayang walang katotohanan.

Sa isang pagkakataong ayon kay Mark ay miss na miss na niya ang kaniyang ama ay pinayagan siyang pansamantalang mamalagi sa musoleo ni Rudy Fernandez.

Sabi noon ni Mark ay hindi siya natatakot dahil pakiramdam niya’y nandoon lang si Daboy na nagbabantay sa kaniya. Kinakausap daw niya na parang buhay na buhay ang kaniyang ama, nagsusumbong siya, humihingi ng payo.

Pero ang pamamalagi doon ni Mark Anthony ay natuldukan din. Nag-report ang mga taga-Heritage na may mga pagkakataong hindi lang si Mark ang nasa musoleo, may mga kasama pa siyang kaibigan, kaya pinagbawalan na siyang magpunta sa puntod himlayan ng kaniyang ama.

Hindi rin siya maintindihan ng produksiyon kung bakit palagi niyang naiiwanan ang kaniyang script. Magpapaalam siyang babalikan iyon sa kaniyang bahay, pero napakalaking abala noon sa taping, dahil sa Clark pa siya nakatira.

Palagi na lang nagtatabi ng kopya ng script ang produksiyon para sa kaniya, wala nang mairereklamo pa si Mark, dahil naka-highlight na rin ang kaniyang mga dayalog sa kopya.

Sabi ng isang nagmamalasakit na lalaking personalidad tungkol sa kinahinatnan ni Mark Anthony, “Mabuti na ring nangyari ang ganyan sa kaniya dahil buhay siya. Paano kung sa paggamit niya ng damo habang nagmamaneho siya, eh, mag-trip siyang lumilipad na para siyang ibon?

“Wala siyang ligtas kapag naaksidente siya. Mabait na bata si Mark, marespeto, kulang na kulang lang siya sa disiplina,” paglalarawan kay Mark na sinegundahan namin.

Have a comment on this article? Send us your feedback