Published on

Cristy Fermin

   Setyembre 1 - 15, 2011

 

 
 
Ian de Leon
 
 
Rosanna Roces
 
 
Edgar Allan Guzman
 
 
Joseph Bitangcol
Ian de Leon – Masaya dahil kasama ang mga magulang sa mini-series

Kitang-kita ang kaligayahan sa mukha ni Ian de Leon noong maging panauhin namin siya sa Paparazzi Showbiz Exposed. Maligayang-maligaya ang anak dahil nagsimula na kahapon ang taping ng mini-series na pinagbibidahan ng kaniyang inang si Nora Aunor.

Pero may bonus pa iyon, dahil kasama rin sa serye ang kaniyang amang si Christopher de Leon, buo ang kanilang pamilya sa palabas, kaya masayang-masaya si Ian.

“Una, may work ako. Masaya, di ba? Tapos, kasama ko pa ang parents ko sa mini-series, mas masaya iyon, di ba? Parang reunion na rin namin ito dahil ang huli kong pagkakita sa kanila nang magkasama, e, noong maliit pa ako,” simula ni Ian de Leon.

Mahigit na treinta anyos na ngayon si Ian, pero hindi pa rin nagbabago ang kaniyang itsura, kundi nga lumaki ang kaniyang katawan ay puwede pa siya sa mga bagets roles.

Marami nang nag-aabang sa mini-series ni Nora Aunor sa TV5, pagkatapos nang halos walong taon ay ngayon lang uli siya makikitang umaarte sa telebisyon, kaya siguradong napakataas ng rating nito.

Napakasuwerte rin nina Edgar Allan Guzman, Joross Gamboa at Nadine Samonte na mga alaga ng Kapatid Network dahil kasama sila sa mini-series ng Superstar na paniguradong tututukan ng ating mga kababayan.

Kasama rin sa mini-series sina Bembol Rocco at Eugene Domingo, makikipagtagisan sila sa pagganap sa Superstar, punumpuno ang seryeng ito ng magagaling na personalidad ng lokal na aliwan.

Malapit na malapit na ang pagpapalabas ng Sa Ngalan Ng Ina, ang pinakahihintay na proyekto ng mga loyalista ni Nora Aunor, ilang tulog at gising na lang at magpipista na ang kaniyang mga tagahanga.

Rosanna Roces – Kontrabida sa teleserye ng superstar

At si Rosanna Roces, nang makausap namin ang aktres ay naging emosyonal ito dahil sa naging reaksiyon ni Nora nang malaman ng Superstar na ang dating sikat na sexy star ang magkokontrabida sa kaniya sa mini-series, natuwa raw si Nora nang tanggapin nito ang proyekto.

“Sabi sa akin ng isang staff, noong malaman daw ni Ate Guy na ako ang magiging kontrabida niya, ang sabi raw niya, ‘Pumayag siya?’ Nakaka-touch iyon, kasi, sino ba naman ako, di ba, para ganoon ang maging reaction niya?

“Maraming nakaabang sa role ko, pero sorry na lang sila, nakaposas na ang papel na iyon para sa akin. Pinaghahandaan ko na ang role ko, payat na payat na ako ngayon, saka Nora Aunor project iyon, no!” patutsada pa ni Osang.

Edgar Allan Guzman – Lalabas na April Boy Regino sa Star Confessions

Unti-unti nang nagkakaroon ng hugis ang mga pangako at pangarap na binitiwan ni Edgar Allan Guzman nang sumakabilang-buhay ang kaniyang ama. Idinrowing niya iyon sa isang papel, kakambal ang kaniyang mga pangako, at saka ipinatong sa dibdib ng kaniyang ama bago ito tuluyang inilibing.

Hindi siya sumuko sa mga paghamon, sa halip ay nag-ipon siya ng lakas ng loob, hirap na hirap ang kanilang pamilya pero nasungkit pa rin niya ang titulong “Mr. Pogi” noong taong 2006.

Medyo natagalan lang ang kaniyang paghihintay, pero sulit na sulit naman ang kaniyang pagkainip, ngayon ay isa na siya sa mga itinuturing na pinakamagagaling na aktor ng kaniyang panahon.

Sa mahusay niyang pagganap sa Ligo Na U, Lapit Na Me ay tinanghal siyang Best Actor ng Cinemalaya, ipinagkakatiwala ngayon sa kaniya ang mahahalagang papel sa pelikula at telebisyon, kinuha na rin ng Regal Films ang kaniyang serbisyo dahil nakikinita na ngayon pa lang ni Mother Lily Monteverde ang maaliwalas niyang kinabukasan bilang aktor.

Masayang-masaya ngayon si Edgar Allan dahil isa siya sa makakasama ng Superstar na si Nora Aunor sa mini-series na ginagawa nito para sa TV5.

“Siguro naman po, eh, pinapangarap ng bawat tulad ko ang makasama si Ms. Nora Aunor sa kahit anong project. Napakasuwerte ko dahil kasama ako sa Sa Ngalan Ng Ina, maganda po ang ipinagkatiwalang role sa akin ng TV5, kaya napakasaya ko,” pahayag ng guwapo at magaling na aktor.

At hindi lang iyon. Bukas nang gabi ay siya rin ang gaganap sa papel ni April “Boy” Regino sa paglalantad ng kuwento ng buhay ng singer sa Star Confessions.

Kung paano niya ginampanan nang makatotohanan ang papel bilang si April Boy ay pinananabikan na naming mapanood, malaking-malaki ang tiwala namin kay Edgar Allan Guzman, dahil ang mahusay na aktor na tulad niya ay lumulutang sa bawat eksena nang walang kundisyon.

Tanong ng isang kaibigan namin, “Bading ba si Edgar Allan? Napakagaling kasi niyang magbading-badingan, panalung-panalo siya, dahil kaguwapo naman niyang bading kung ganoon nga siya!”

Joseph Bitangcol – Magpatuloy na sana ang recovery

Halos hindi makapagsalita si Mommy Lydia Bitangcol nang hingan namin ng komento tungkol sa ipinakitang pagkakaisa ng mga artista para sa kapakanan ng kaniyang anak na si Joseph Bitangcol.

“Napakabait po ni Lord. Siya po ang ugat ng lahat ng mga nangyayaring ito. Maraming salamat sa mga artistang nagmamahal kay Joseph, hindi ko alam kung paano ko sila isa-isang pasasalamatan. Diyos na ang bahalang gumanti sa ipinakita nilang kabutihan at pagmamahal sa anak ko,” sinserong pahayag ni Mommy Lydia.

Maayus-ayos na ang kalagayan ngayon ni Joseph Bitangcol, pero hindi pa natatapos ang kaniyang pakikipaglaban sa nakaraang aksidenteng kinapalooban niya, matagal-tagal na panahon pa bago niya tuluyang makalimutan ang naganap.

Kapatid TV – TV5 ay mapapanood na sa Saudi Arabia, Canada at Australia

Hindi na mapipigilan ang paglawak ng naabot ng TV5 dahil aktibo na ngayon sa Saudi Arabia, Canada at Australia ang KTV International (Kapatid TV), maraming kaibigan na namin ang nagtatawagan na nag-subscribe na sila sa international channel ng TV5, kaya regular na nilang napapanood doon ang mga programa ng network.

Dati’y sa computer lang sila tumututok, pero ngayon ay sariling channel na ng Kapatid TV International ang kanilang hawak, sa mga susunod na buwan ay makokopo na rin ng KTV International ang Amerika at Europa na ang programang Wil Time, Big Time ni Willie Revillame ang mag-iikot para mas ipakilala pa sa ating mga kababayan sa iba’t ibang bansa ang bentahe kung sa KTV International sila regular na tututok-manonood.

Maraming-maraming salamat.

 
 

Para sa mga karagdagang hot na hot at maiintrigang showbiz chika, panoorin n’yo kami sa Juicy araw araw at Paparazzi tuwing linggo. Mapapanood n’yo kami at ang iba pang shows ng TV5 Kapatid Network tulad ng Willing Willie sa www.kapams.tk, www.pinoychannel.tv, www.kapatid.tk at www.dapekenoypi.tk

 

Have a comment on this article? Send us your feedback