• Krosword ni Gerry Gamurot
    Eh Kasi, Pinoy!

    Krosword

    ni Gerry Gamurot
  • Building Science by Norman Aceron Garcia
    Features

    Building Science

    by Norman Aceron Garcia

Published on

Cristy Per Minute ni Cristy FerminNobyembre 1 – 15, 2016

   James Reid & Nadine Lustre
 
James Reid & Nadine Lustre
  Xian Lim & Kim Chiu
 
Xian Lim & Kim Chiu
  Sunshine Cruz
 
Sunshine Cruz
  Jessy Mendiola
 
Jessy Mendiola
  Alex Gonzaga
 
Alex Gonzaga

James Reid at Nadine Lustre – Mature na ang dating ng JaDine

Ibang-iba pala talaga ang pagpapakete kina James Reid at Nadine Lustre ng mga humahawak ng kanilang career. Malayo na sila sa loveteam nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo at Liza Soberano at Enrique Gil.

Sa isang episode ng kanilang serye sa ABS-CBN na natutukan namin, ang Till I Met You, ay nawindang kami sa mga eksenang bumulaga sa amin. Iba na ang kanilang atake, nagniniig na sila sa likod ng isang kotse, nakahubad ang guwapong aktor at suggestive naman ang aktong hinuhubaran ni James si Nadine para sa kanilang pagtatalik.

Mas mature na ang kanilang dating, malayo sa mga kasabayan nilang loveteams sa Dos, walang pangingimi na nilang ginagawa ang mga eksenang maiinit.

Ang tanong na lang ay kung nakahanda na ba ang mga batambata pa nilang tagahanga? Marami silang fans na menor de edad pa, sobrang bata pa talaga, paano kaya iyon tinatanggap ng mga ito?

Pero mas maraming kinikilig sa JaDine, nababasa namin ang kanilang mga reaksiyon, 2016 na nga naman ngayon. Hindi puwedeng puro pagpapa-cute lang ang gawin nila sa harap ng mga camera, kailangang may bago, para hindi sila pagsawaan ng publiko.

Maingat naman ang mga shots, katawan lang ni James Reid ang pambenta sa eksena, alagang-alaga naman ng produksiyon ang imahe ni Nadine.

“Kilig na kilig ako sa mga eksena nila sa kotse, sila na kasi ang gusto kong magkatuluyan! Wala akong ibang gusto para sa kanilang dalawa, sila lang!” sumpa ng isang tagahanga ng JaDine loveteam.

Nakakaaliw naman ang sinabi ng isang Batanguenang baguhang personalidad na fan din ng JaDine, ang kaniyang sabi, “Ay, s’ya! Sa kotse pa sila naggay-anan!

Xian Lim – Masama ang loob kay Kim Chiu

Masamang-masama ang loob ng kampo ni Xian Lim kay Kim Chiu. Tinabla raw kasi ng dalaga si Xian, bigla raw tinalikuran ng young actress ang lalaking sumalo sa kaniya noong sobra-sobra ang sama ng loob niya kay Gerald Anderson, wala raw pagpapahalaga si Kim.

May plano ang ABS-CBN na muling pagsamahin sa isang serye ang tambalang Kimerald. Pero mukhang may makahaharang pa rin sa muling pagpapainit sa dating magka-loveteam dahil lantaran na ang relasyon ngayon nina Gerald at Bea Alonzo.

Dahil doon ay binigyan ng ibang interpretasyon ng kampo ni Xian Lim ang pagtanggap ni Kim Chiu sa serye. Para lang daw muling mabuhay ang career ni Kim ay basta na lang niya iniwan si Xian.

Sa totoo lang, kahit naman madiing ibinebenta ang relasyong Xian-Kim ay parang wala namang naniniwala. Gasgas na gasgas na ang promo at press release na magkarelasyon sila, pero pinagtataasan lang naman iyon ng kilay. Walang naniniwalang panglikod ng mga camera ang kanilang pagmamahalan.

Nasaan ba kasi ang problema? Naniniwala pa rin kaya ang mas nakararami na hindi si Xian at si Gerald pa rin ang mahal ni Kim? Parang panakip-butas nga lang kaya ng dalaga ang hunk actor?

Sutil ang isang nakomento, ang sabi nito, “Wala namang naniniwala na sila talaga! Kahit ipagduldulan pa nila ang relasyon nila sa publiko, waley pa rin!

“E, mas vain pa si Xian kesa kay Kim! Noseline lang ang pinoproblema ng girl, pero si Xian, kumpleto sa seremonyas! Naglalagay ba si Kim ng merthiolate sa nipples niya para magkulay pink?” nakataas ang kilay na sabi ng aming source.

Daniel Padilla – Mabait, magalang, at magaling magpundar

Ang pinagkakaguluhan at kinakikiligang heartthrob ngayon na si Daniel Padilla ay anak ng Quezon City. Nagpatayo siya agad ng bahay sa isang subdivision na malapit lang sa pusod ng siyudad nang sumikat na siya at kumita nang sobra-sobra sa kaniyang mga pangangailangan.

Ang katabing lote ng una niyang bahay ay nabili na rin ni Daniel, malapit nang matapos ang ipinatatayo niyang bahay na mas malaki kesa sa nauna niyang ipinagawa, iyon ang aangkining sariling bahay ng sikat na teen idol.

Inuna ni Daniel Padilla ang kaniyang pamilya, matibay na bubong ang naging prayoridad ng young actor para sa kaniyang inang si Karla Estrada at sa kaniyang mga kapatid, nang matupad na ang pangarap niyang iyon ay saka lang siya bumili ng mga sasakyan na matagal na niyang pinapangarap.

Kuwento sa amin ni Mayora Tates Gana, pangalawang inang itinuturing ng teen actor, “Napakabait ni DJ, instead na unahin niya ang mga luho, una muna niyang inasikaso ang mga kailangan ng kanilang pamilya.

“Bahay ang inuna niya para hindi na sila nagre-rent, mula iyon sa kinikita niya sa mga concerts, shows at pelikulang ginagawa niya.

“Sabi noon sa kaniya ni Karla, ‘Anak, dahil ikaw naman ang nagpapakahirap sa pagtatrabaho, e, unahin mo na muna ang sarili mo, saka na kami ng mga kapatid mo.’

“Ang sabi ni Daniel, e, saka na lang daw siya, uunahin daw muna niya ang bahay, para hindi na sila umuupa. Ngayon, may second house na siyang ipinatatayo, malapit nang matapos.

“Iyon daw ang magiging bahay niya, doon daw siya titira, pero iilang hakbang lang naman ang pagitan noon sa first house na ipinagawa niya. Magsasarili na raw siya, pero halos magkarugtong lang naman ang dalawang bahay na ipinatayo niya,” natatawang papuri ni Mayora Tates Gana sa kaniyang anak-anakan.

Hindi inoobliga ng kaniyang pamilya si Daniel. May sariling career bilang aktres-TV host si Karla Estrada, Board Member naman sa Nueva Ecija ang kaniyang amang si Rommel Padilla, pero nagkukusa ang sikat na heartthrob.

Basta nakalibre siya sa matindi niyang schedule ay pinepremyuhan ni Daniel ang kaniyang sarili, nagbabakasyon siya sa ibang bansa, pero kasama niya ang buo niyang pamilya at ilang piling-piling kaibigan.

Pero hindi pa rin nakaliligtas si DJ sa mga kababayan nating OFW, naka-jacket na siyang may hoody at naka-shades pero nakikilala pa rin siya, hindi maramot si Daniel sa pakikipag-picture taking sa ating mga kababayan.

Ang kaniyang katwiran, “Nagpapakahirap silang magtrabaho sa ibang bansa para maiahon sa hirap ang mga pamilya nila. Malungkot ang buhay nila, mahirap mawalay sa pamilya, alam ko ang ganoong sitwasyon.

“Kaya iyong isang picture bang kasama ako, e, ipagdadamot ko pa? Walang problema sa akin iyon, basta ikasasaya nila, go lang!” pahayag ng guwapong teen actor.

Walang angas, napaka-humble, marunong tumanaw ng utang na loob at mapagpahalaga sa kaniyang mga tagahanga.

Iyon si Daniel Padilla.

Sunshine Cruz – Lantaran na ang relasyon kay Macky Mathay

Lantaran na ang relasyon nina Sunshine Cruz at Macky Mathay. Pinagtagpo ng kapalaran ang dalawang taong galing sa isang masalimuot na nakaraan.

Hindi pa napapawalang-bisa ang kanilang kasal sa pinanggalingan nilang karelasyon pero mukhang kulay rosas na ang paligid ngayon ng aktres na pinaniniwalaang nagkaroon nang matinding sugat sa paghihiwalay nila ni Cesar Montano.

Maganda ang bawat gising ngayon ni Sunshine dahil napakaaga niyang nakakabasa ng mga mensahe ni Macky na sobrang tamis. Sa halip na ipadala ng lalaki sa text ang mensahe nito sa aktres ay talagang ipinagsisigawan sa buong mundo ng kapatid ni Ara Mina ang matindi nitong pagmamahal kay Sunshine.

May karapatan namang lumigaya si Sunshine, pagkatapos nang ilang taon ng kanilang pag-aargumento ni Cesar ay walang masama kung mainlab man siya ngayon, lalo na’t tanggap na ng kanilang mga anak si Macky.

Pero sana, sabi nga ng mga nagmamalasakit kay Sunshine, ay maiayos agad ang kartada ng nakaraang relasyon ni Macky. At sana rin ay maging malaya na si Sunshine sa kanilang relasyon ni Cesar Montano.

Ang karapatang magmahal at lumigaya ay palaging nand’yan lang, nakahain lang, pero kailangang maging legal ang relasyon.

Makukumpleto lang ang kanilang kaligayahan kapag wala nang humaharang, kapag wala na silang pananagutan sa nakaraan, kapag pareho na silang malaya.

AiAi delas Alas – Nalalapit na ang kasal kay Gerald Sibayan

Mukhang mapapaaga ang planong pagpapakasal nina AiAi delas Alas at Gerald Sibayan. Sa kanilang deklarasyon noon ay magpapalipas pa sila nang apat na taon bago sila magpakasal dahil mag-iipon pa raw ang binata.

Nagtapos na sa kolehiyo si Gerald, titulado na ang boyfriend ng Philippine Comedy Queen, masayang-masaya ang komedyana dahil nakita niya kung paano nagsakripisyo si Gerald para lang makapagtapos.

“Napakalayo ng Quezon City sa school niya, nasa Taft Avenue ang La Salle, pero napakaaga niyang gumigising para hindi siya ma-late dahil sa sobrang traffic. May disiplina siya.

“I’m so proud of him, nakita ko sa kaniya ang taong nangangarap, masipag siya, matiyaga,” papuri pa ni AiAi sa kaniyang darling.

Pero dahil sa tatanggaping Papal award ng aktres ay mukhang mababawasan na ang taon ng kanilang paghihintay, mula sa apat na taon ay magiging dalawa na lang iyon, bawal silang magsiping nang hindi pa sila ikinakasal.

Kailangang maging celibate si AiAi dahil bawal ang pagkakaroon ng panglupang katawang kasiyahan, kakambal iyon ng matinding pangaral na tatanggapin niya, magsasakripisyo siya.

Ito na ang premyong nakadisenyo para sa mga taong tumutulong nang tahimik lang, walang mga camera at ingay, sa kaniyang sariling paraan ay maraming magagandang ginagawa ang Philippine Comedy Queen para sa ating mga kababayan lalo na sa hanay ng simbahan.

Coco Martin – Humakot ng parangal sa Star Awards For TV

Humakot ng parangal sa Star Awards For TV ang pinagbibidahang serye ni Coco Martin sa ABS-CBN, bukod sa parangal kay Coco bilang Best Actor na siguradong walang makakokontra, ay nagwagi rin ang iba pang mga artista ng Ang Probinsiyano.

Nitong mga huling buwan ay natututukan namin ang serye, nauuna kasi ito sa sinusubaybayan naming Magpahanggang Wakas, kasunod nito ang serye ng JaDine.

Sa pagtutok namin sa Ang Probinsiyano ay saka lang namin napansin ang husay umarte ni Arjo Atayde bilang kontrabidang anak ni Albert Martinez.

Dapat lang bigyan ng premyo ang aktor, nagsasalita ang kaniyang mga mata, kuha sa kaniyang amang si Art ang kaguwapuhan ni Arjo pero ang galing niya sa pag-arte ay walang dudang namana niya sa kaniyang inang si Sylvia Sanchez na sa kahit anong papel mo isalang ay lutang na lutang ang talento.

At ang child actor na si Aura, hindi namin puwedeng kalimutan ang batang becki dahil may mag-asawa kaming anak-anakan na malapit nang mag-away dahil sa child ator, pag-uwi kasi ng nagtatrabahong tatay ay bigla itong sinalubong ng kaniyang panganay na lalaking anak na ang sabi’y “Bongga!”

Kumekendeng-kendeng pa ang aming apo, plakadung-plakado si Aura, sa kapapanood ng kaniyang ina sa Ang Probinsiyano ay nasisilip pala ng anak nito ang ginagawang pag-arte ni Aura.

Jessy Mendiola – Hindi krimen ang pagsablay sa Ingles

Walang problema kung paminsan-minsan ay sumasablay sa pagsasalita ng Ingles ang mga artista. Hindi naman tayo banyaga, Pilipino tayo, maaasahan na ang hindi pagiging perpekto ng mga Pinoy sa English language.

Pero ayon sa isang malawakang research ay ang ating lahi ang pinakamagaling sa Ingles, iyon ang dahilan kung bakit gustung-gusto ng mga banyagang kapitalista ang mga Pinoy na manggagawa, kabog daw natin ang ibang nasyon pagdating sa pagsasalita ng English.

Doon pinagpipistahan ngayon si Jessy Mendiola, kumalat kasi ang footage sa social media habang iniinterbyu sila ng isang Ingliserang host, natural lang na diretsong mag-Ingles si Luis Manzano.

Sinabi ng aktor na pinakaseksing babae ang kasama nito sa Star Magic Ball, nang ibaling ng host ang mikropono kay Jessy, ang buong-ningning niyang sinabi, “What I am to say to that?”

Ang ibig sigurong ipakahulugan ni Jessy ay wala na siyang masasabi pa, pinuri na siya ni Luis, kaya mapagkumbaba na lang niyang tatanggapin ang papuri ng kaniyang boyfriend.

Dahil doon ay pinakain na ng panlalait ng marami ang dalaga, mapagpanggap daw kasi siya, pero wala namang laman ang kaniyang utak. Sa madaling salita ay bobo raw si Jessy.

Hindi krimen ang pagsablay sa Ingles. Kahit ang mga Amerikano ay namamali rin sa paggamit ng grammar at syntax, samantalang sariling lengguwahe na nila iyon, kinalakhan na ng kanilang dila.

Kahit sa kanilang mga kanta ay may sablay rin, tama ba ang “she don’t even know,” mali iyon pero dahil sa tinatawag na poetic license ay pinalulusot na nila ang ganoon.

Si Jessy Mendiola pa ba naman ang hahanapan ng pagiging perpekto? Nakapatay ba siya para isumpa nang ganyan katindi? Aba naman!

Maricel Soriano – Pinarangalan ng Ading Fernando Lifetime Achievement Award

Binigyan ng standing ovation si Maricel Soriano sa kaniyang pagtanggap ng Ading Fernando Lifetime Achievement Award. Pagbaba niya sa entablado ay sinalubong siya para hagkan at kamayan ng mga kapuwa niya artista.

Lumapit sa kaniya si Jennylyn Mercado, sabi ng tinanghal na Best Actress ng Star Awards, “Ma’m Maricel, idol ko po kayo. Ako po si Jennylyn Mercado.”

Sagot ni Maricel, “Oo naman, Jen! I know you, of course! Ang galing-galing mo, ang ganda-ganda mo pa at sexy!”

Komento ng aming kakuwentuhan, “Ganoon dapat ang mga artista, nagbibigay-respeto sa magagaling na artistang mas nauna kesa sa kanila!

“Marespeto si Jennylyn Mercado, siguradong tumatak kay Marya ang ginawa niya,” pagtatapos ng aming source.

Alex Gonzaga – Taklesa na, mang-aagaw pa ng eksena

Hindi nagustuhan ng mga tagahanga ni Maricel Soriano ang tangkang pagkokomedya ni Alex Gonzaga noong gabi ng Star Awards. Isa si Alex sa anim na hosts ng gabi ng parangal.

Isang seryosong parangal para sa Diamond Star ang Ading Fernando Lifetime Achievement Award ng PMPC. Pinakamataas na parangal, piling-piling personalidad ang hinahandugan noon, pero ayon sa mga tagasuporta ni Marya ay sinira ni Alex Gonzaga ang daloy ng pagpapakilala ni Robi Domingo sa pararangalan.

Kuwento ng aming source, “Napakaayos ng pagbabasa ni Robi sa pagpapakilala kay Maricel. Parang ang sinasabi ni Robi based sa script na binabasa niya, eh, isang pangalan lang ang maaalala kapag ang pinag-usapan na, eh, galing sa pag-arte sa comedy, horror at drama.

“Introduction para kay Maricel iyon habang ipinakikita ang mga eksenang ginawa ni Marya sa mga shows na pinagbidahan niya.

“Biglang sumingit si Alex, ang sabi niya na naka-distract kay Robi, ‘Alex Gonzaga?’ Natural, huminto si Robi sa pagbabasa, umepal nga kasi si Alex, wala siyang karespe-respeto sa bibigyan ng award!

“Wala dapat siyang adlib na ganoon, tribute iyon, eh! Nagtangka siyang mag-comedy, pero nabuwisit sa kaniya ang mga nandoon. Imagine nga naman, seryoso si Robi sa pagbasa ng script na pinaghirapan ng mga writers, sinira lang si Alex na napakaepal?” kuwento ng aming kausap.

At sabi naman ng isa pang hindi naman tagasuporta ni Maricel, pero nainis kay Alex Gonzaga, “Sabi niya kay Jake Ejercito, ‘Balita ko, mahilig ka raw sa mga babaeng nagsisimula ang name sa letter A. Alex Gonzaga ang name ko!’

“As if naman, papatulan siya ni Jake Ejercito na ang guwapu-guwapo! At noong tapos na ang awards night, nagpapa-picture taking ang mga artista sa lobby sa mga fans. Maraming artistang very generous sa pagpaparetrato.

“Si Alex, walang pakialam, dire-diretso siyang umalis, hindi nagpa-picture taking, feeling!” natatawa pang kuwento ng isang taga-showbiz na imbiyerna kay Alex.

Tawa lang kami nang tawa sa mga kuwentong narinig namin tungkol kay Alex Gonzaga. Ang pagkataklesa kasi niya ay hindi na bago sa amin, matagal namin siyang nakasama sa TV5, hindi na iyon nakasosorpresa sa aming pandinig.

Iyong mga wala sa tayming na hirit, sana nga ay maiwasan ni Alex, may tamang panahon ang pagkokomedya. Tulad n’yan, sa halip na matawa sa kaniyang arya ang audience ay nainis pa tuloy sa kaniya, hindi kasi oras ng pagbibiro ang pagpapakilala sa binibigyan ng tribute.

Konting pino lang, konting pagpapairal ng kagandahang-asal, dahil hindi lahat ng tao ay makatatanggap sa mga birong wala sa tiyempo.

Zsa Zsa at Conrad – Bawasan na sana ang nakakaalibadbad na PDA

Mas mabilis pa sa bitbit na mapamuksang hangin ng bagyong Lawin ang pagbiyahe ng balita sa iba-ibang bansa tungkol sa pagbabalikan nina Zsa Zsa Padilla at Architect Conrad Onglao.

May pakpak ang balita, lalo na kung tungkol sa mga artista ang isyu, kaya maraming kababayan nating dekada nang naninirahan sa iba-ibang bansa ang nagtawagan sa amin para kumpirmahin ang kuwento.

Pero sa halip na kami ang magbigay sa kanila ng istorya ay kami pa ang nabiyayaan ng pangkolum, may mga kuwentong Zsa Zsa-Architect Conrad silang ibinahagi sa amin, nakakaaliw ang kanilang mga litanya.

Mga huling buwan nang nakaraang taon ay nakita sina Zsa Zsa at Architect Onglao sa Amerika ng mga Pinoy. Natural, hindi maitatago sa kahon ang hitsura ng singer-actress, kahit pa wala siyang make-up.

Kuwento ng aming kaibigan, “Nasa isang restaurant sila, magkatabi ang upuan nila. Di ba, kung table for two ang kinuha nila, dapat, eh, magkatapat lang ang upuan nila?

“Sila, magkatabi. As in, magkatabing-magkatabi sila. Para silang mga teenager, loving-loving talaga sila, palaging magkayakap, nagki-kiss.

“Siyempre, tayong mga Pinoy, kahit matagal na tayong naka-adjust sa Western culture, eh, buhay na buhay pa rin ang pagiging conservative natin.

“Inis na inis ang mommy ko sa kanila, bakit daw ganoon sila, naglalambutsingan in public? Alam daw naman nilang maraming tao doon, saka hindi na sila mga bagets, pero bakit ganoon sila ka-open sa mga emotions nila?

“From LA to our house in Thousand Oaks, ang layu-layo ng distance, iyon pa rin ang kinaiinis ng mommy ko! Disturbed talaga siya, bakit daw ganoon si Zsa Zsa at ang partner niya, nagpi-PDA!” kuwento ng aming kaibigan.

Una naming narinig ang ganoon kuwento mula sa aming pamangking si Ferdie de Leon, sa isang restaurant sa Tagaytay naman nila nakita ang magsing-irog, nagbi-breakfast.

Ganoon din ang tema ng kuwento, habang naghihintay ng kanilang order ay magka-holding hands din sina Zsa Zsa at Architect Onglao, pero hindi pa ru’n nagtatapos ang paglalarawan sa kanilang paglalambingan.

Magkahawak na ang kanilang mga kamay ay magkakawing pa ang kanilang mga paa. Kitang-kita iyon ng mga nasa restaurant, may mga naaaliw sa panonood sa kanila, pero siyempre’y may mga naaalibadbaran din.

Siguro nga naman, kung ang gumagawa ng ganoon ay mga bagets pa ay katanggap-tanggap, pero kapag may mga edad na ay parang OA na ang dating sa mga makakakita sa kanila.

Sabi na lang ng pamangkin naming si Ferdie, “Ang pag-ibig nga naman, walang pinipiling age ng pagpi-PDA.”

May forever!

Kris Aquino – Humihina na ang hatak sa publiko, paano na?

Humina na ang kapit sa sinapupunan ng publiko ni Kris Aquino. Napakalaki ng ibinagsak ng kaniyang popularidad. Kailangan na talaga niyang baligtarin ang mundo para hindi magpatuloy ang kawalan ng interes sa kaniya ng ating mga kababayan.

Ayon sa isang nakakuwentuhan naming direktor na nag-aalala sa pinagdadaanan ngayon ng aktres-TV host ay wala nang katotohanan ang salitang over exposure.

“Noon iyon, ilang dekada na ang nakararaan ang kapaniwalaang iyon, iba na ngayon. Ang labanan na ngayon, eh, kung sino ang nand’yan, kung sino ang visible, iyon ang naaalalang bigyan ng project,” simulang komento ni direk.

At sa kasalukuyang sitwasyon ni Kris Aquino ay may mga ibinigay na pahayag si direk, nababagabag ito sa pinagdadaanan ngayon ng aktres-TV host, hindi ito makapaniwala sa hindi man lang paghahabol ng ABS-CBN sa minsang pinakasikat nilang talent.

Monologue ni direk, “Nakakabahala iyon, naaalarma ako doon. Imagine, isang Kris Aquino ka, pero kahit sign man lang ng panghihinayang, eh, wala tayong naramdaman mula sa ABS-CBN?

“Co-terminus lang ba talaga si Kris ng brother niyang pangulo na bumaba na sa position? So, hindi pala ang galing niya bilang host ang talagang binigyan ng importance ng network kundi ang connection niya?”

Sa kabilang banda, napakalaki naman ng iginanda ng imahe ni Kris sa desisyon niyang papuntahin sina Josh at Bimby sa nakaraang selebrasyon ng kaarawan ni Michaela Cazzola.

Pero may mga nagdududa pa rin, nagtatanungan sila kung hanggang kailan daw naman kaya ang ganyang pananaw ng aktres-TV host, baka raw naman pangpa-good vibes lang ang ginawa niya?

Matagal na silang hiwalay ni James Yap, naghatian na sila ng mga ari-arian, may sariling buhay na ngayon ang basketball superstar. Maligaya na ito kay Michaela, mayroon na silang anak, kaya panahon na rin para mag-move-on si Kris.

Madalas bisitahin ngayon ni Kris Aquino ang kaniyang mga kapatid. Iniikot niya ang bahay ng kaniyang mga ate at madalas din silang mag-iina ngayon sa bahay nila sa Times Street na ipinaayos nila para tirhan ni dating Pangulong Noynoy Aquino.

Ayon sa aming source ay maluwag ang oras ni Kris ngayon para maka-bonding ang kaniyang mga kapatid at pamangkin. Kahit walang selebrasyon ay palagi silang magkakasama.

Ngayon higit kailanman napatunayan ng aktres-TV host ang kahalagahan ng pamilya. Sa pagbagsak at sa pagbangon, sa makapal at sa manipis, sa anumang uri ng panahon ay nand’yan palagi ang ating pamilya para samahan tayo sa ating pinagdadaanan.

Masaklap talaga ang nangyari kay Kris, sa isang panahong akala niya’y may babalikan pa siyang oportunidad ay biglang nagbago ang ikot ng mundo, wala na pala.

Have a comment on this article? Send us your feedback