• Krosword ni Gerry Gamurot
    Eh Kasi, Pinoy!

    Krosword

    ni Gerry Gamurot
  • Building Science by Norman Aceron Garcia
    Features

    Building Science

    by Norman Aceron Garcia

Published on

Cristy Per Minute ni Cristy FerminEnero 16 – 31, 2017

  Nadine Lustre
 
Nadine Lustre
  Sylvia Sanchez at Arjo Atayde
 
Sylvia Sanchez at Arjo Atayde
  Alden Richards
 
Alden Richards
  Nora Aunor
 
Nora Aunor
  Mocha Unson
 
Mocha Unson
  James Yap & Josh Phillip
 
James Yap & Josh Phillip
  Herbert Bautista
 
Herbert Bautista
  Jed Madela, Sharon Cuneta & Gary Valenciano
 
Jed Madela, Sharon Cuneta & Gary Valenciano

Nadine Lustre – Maganda, sexy, matalino, kumpletos recados

Pintasan man nang maghapon at magdamag ng mga kalaban ang pagsusuot ng two-piece swimsuit ni Nadine Lustre ay wala nang magiging saysay iyon. Napatunayan na ng dalaga na may karapatan siyang magpakita ng kaniyang katawan sa publiko.

Napakaganda ng hubog ng katawan ni Nadine, halos perfect ang distribusyon ng mga bahagi ng kaniyang katawan sa kabuuan, puwedeng-puwede siyang makipagrampahan sa swimsuit competition ng mga beauty queen.

Pinagmasdan naming mabuti ang retrato ng dalaga habang kapiranggot na tela lang ang nagtatakip sa kaniyang dibdib at maselang bahagi sa ibaba. Napakaganda.

Unang mapapansin ang kaniyang tiyan na walang kabilbil-bilbil. Mayroon mang mapapansing nakaumbok ay muscles na iyon, bahagi ng kaniyang pagdyi-gym, may abs si Nadine.

Kapag maganda ang hubog ng katawan ng isang babae ay hindi mahalay tingnan ang pagsusuot niya ng two-piece swimsuit. Magiging hindi lang maganda ang ganoon kapag punggok at may katabaang babae ang nagpakita ng kaniyang katawan.

Biro ng isang lalaking tagahanga ni Nadine, “Napakasuwerte naman sa kaniya ni James Reid! Maganda na ang girlfriend niya, sobrang sexy pa! Bigyan na lang kaya natin ng pamasahe si James para umuwi muna siya sa Australia?” nag-aapiran pang idera ng mga male fans ni Nadine Lustre.

Mayroon na kayang nagbigay ng ideya sa young actress na puwedeng-puwede siyang maging kinatawan ng ating bayan sa mga beauty pageant?

Maganda, sexy, matalino. Kumpletos recados ang mga katangian ni Nadine Lustre. Kaya sa mga namimintas sa dalaga, mamatay kayo sa inggit, Spell I lang ‘yan!

Sylvia Sanchez at Arjo Atayde – Kikilalanin ang galing sa sining sa GEMS

Panahon ngayon ng pagkilala sa talento ng mag-inang Sylvia Sanchez at Arjo Atayde. Kinilala na ng ibang award-giving body ang kanilang kakayahan, pero may isang entablado pa silang kailangang akyatan para tanggapin ang kanilang parangal, ang unang pagbibigay-parangal ng GEMS (The Guild Of Educators, Mentors And Students) na gaganapin sa March 1.

Tatanggapin ni Arjo Atayde ang best actor para sa napakagaling nitong pagganap sa seryeng Ang Probinsiyano at si Sylvia Sanchez naman ang pararangalang best actress sa pinag-uusapan niyang pagganap sa seryeng The Greatest Love ng ABS-CBN.

Nasubaybayan namin ang seryeng pinagbibidahan ni Coco Martin, saludo kami sa pag-arte na parang hindi umaarteng ipinakikita ni Arjo, napakaepektibo nito bilang nagkokontrabida sa kuwento.

Sayang, pasilip-silip lang kami sa seryeng pinagbibidahan ni Sylvia, kasabay kasi iyon ng aming programa sa radyo kaya puro magagandang kuwento na lang tungkol sa galing niya bilang aktres ang naririnig namin.

Sabi ng tagapamuno ng GEMS na si Norman Mauro Llaguno, “Malayo ang agwat nilang mag-ina sa mga runners-up nila. Tamang pagpili dahil magagaling naman talaga silang artista. May pinagmanahan si Arjo.”

Marami pang darating na parangal sa mag-ina, iba-ibang grupo pa ang magpapahalaga sa kanilang talento, nakikita namin kung paano nila mahalin ang kanilang trabaho kaya naman minamahal din sila pabalik ng kanilang propesyon.

Parang kailan lang iyon noong kasa-kasama lang ni Sylvia Sanchez ang guwapo at tisoy niyang anak na si Arjo, ngayon ay kinikilala na ang husay nito sa pag-arte, hindi nga naman mamumunga ng santol ang mangga.

Alden Richards – Kakambal ng kasikatan ang intriga

Kakambal ng kasikatan ang mga intriga. Natural, kapag sikat ang artista ay para siyang isdang lumalangoy sa aquarium na sinusundan ng tingin ng lahat, pero depende pa rin ang sitwasyon sa klase ng mga taong nanglalaglag sa kaniya.

May mga taong wala nang alam tungkol sa linya ng kagandahang-asal ay parang wala pang kunsensiya, iyon ang mga taong walang magandang pagpapalang tinatanggap sa buhay, kaya pinag-iinitan ang mga taong nagtatagumpay.

Biktima ng ganoong klase ng mga tao si Alden Richards. Palibhasa’y sikat na sikat siya at tumatanggap ng mga papuri tungkol sa kaniyang natural na kabaitan ay hindi iyon matanggap ng mga taong may ibang gusto kaya pinipilit siyang ibagsak.

Sagrado ang pagkamatay ng ating mga mahal sa buhay. Nirerespeto natin ang kanilang pagkawala at palagi natin silang inaalala may okasyon man o wala.

Sa pagsigla ng career ni Alden, sa napakagandang suwerteng dumating sa kaniyang buhay at career ay palagi niyang naaalala ang pumanaw niyang ina, nakapanghihinayang nga naman kasi na hindi na nasaksihan ng mommy niya ang magandang kapalarang dumating sa kaniya.

Pero may mga taong walang kunsensiya, ang pagmamahal ni Alden sa namayapa niyang ina ay ginagawang isyu, ginagamit daw ng Pambansang Bae ang pagkamatay ng kaniyang mommy para makuha ang simpatya ng publiko.

Patawarin na lang ni Alden Richards ang mga taong iyon na pinadamutan ng kunsensiya para mabalanse ang takbo ng kanilang utak. Pati ba naman ang pagkawala ng ina ng aktor ay gagawan pa ng malisyosong kuwento?

Araw at gabi mang dumalaw si Alden sa puntod ng kaniyang ina ay hindi krimen. Minu-minuto man niyang sabihin na hindi na nakita ng kaniyang mommy ang matinding tagumpay niya ngayon ay walang pakialam ang kahit sino d’yan.

Kapuri-puri pa rin si Alden Richards, mabuti pa rin ang kaniyang puso, mapagpahalaga siya sa mga taong mahal niya na dapat ay naregaluhan niya ng tagumpay na hawak niya ngayon!

Nora Aunor – Humingi ng tawad sa INC

Wala mang inilalabas na opisyal na pahayag ang pamunuan ng INC (Iglesia Ni Cristo) tungkol sa ginawang panghihingi ng paumanhin ni Nora Aunor sa kanilang relihiyon ay may mga nakausap naman kaming miyembro ng INC na nagsabing pinatawad na nila ang Superstar.

Kung matatandaan ay nakapagbitiw ng mga salitang hindi nagustuhan ng mga miyembro ng INC at ng Romano Katoliko si Nora Aunor sa isang malaking pagtitipon ng mga miyembro ng Ang Dating Daan.

Pinagpistahan sa You Tube ang mahaba niyang pahayag na tumutukoy sa kaniyang pagpansin sa sistema ng pagpapalakad ng INC at ng Simbahang Katoliko sa kanilang mga nasasakupan.

Tinawag niyang Iglesia Ni Manalo ang INC, sinabi niya na ang mga pari ng Romano Katoliko ay nawawala sa focus kapag nakikita siya, pakiramdam din niya’y siya ang pinatatamaan ng mga pari sa homily.

Nang mahimasmasan ang aktres ay nagtawid siya ng panghihingi ng dispensa sa INC, sinabi niya na wala siyang intensiyong siraan ang naturang sekta, madalas daw kasi siyang makarinig ng mga kababayan nating Iglesia Ni Manalo ang tawag sa INC.

Wala raw malisya ang kaniyang sinabi, pero kung nasaktan niya ang pamunuan at mga miyembro ng INC, humihingi siya ng kapatawaran. Mababasa sa pagitan ng pagsasalita ni Nora Aunor na sinsero naman ang kaniyang mga sinasabi.

Komento ng isang miyembro ng INC na nagpadala sa amin ng mensahe, “Maraming salamat sa balanseng pagpapaliwanag sa isyu sa pagitan ni Nora Aunor at ng INC. Tanggap namin ang panghihingi niya ng paumanhin. Pinatawad na namin siya.”

Ang sinabi nitong pagpapatawad sa Superstar ay hindi para sa mga miyembro ng INC sa pangkalahatan, personal lang nitong opinyon ang kaniyang sinabi, bilang miyembro ng kanilang sekta.

Dalawang paksa lang ang sinasabing pinakasensitibo sa mundong ito—relihiyon at pag-ibig. Saan man makarating ang argumento ay walang nananalo at natatalo dahil ang pananampalataya pa rin ang nangingibabaw at ang tibok ng puso.

Sa susunod sigurong maimbitahan ang Superstar sa kahit anong okasyon na may kaugnayan sa relihiyon ay may leksiyon na siyang natutuhan. Hindi na niya uulitin ang pagpansin na parang paninira na rin sa ibang relihiyong tinutukoy niya, lalo na kung may bago siyang gustong aniban, magmamarka na ang karanasang inabot niya sa susunod.

Mocha Uson ­– Nanumpa na sa MTRBC at nangakong ibang-iba na siya ngayon

Kamakailan lang, isang hapon, may one-on-one interview si Mocha Uson sa Reaksyon, pero nakiusap siya sa isang staff ni Luchi Cruz-Valdes kung puwede muna siyang dumaan ng Cristy Ferminute.

Nagpasintabi naman muna si Tita Cherry Bayle, ang aming boss sa Radyo Singko, kung maluwag sa aming kalooban ang personal na pagdalaw ng bagong board member ng MTRCB sa aming programa.

Walang kagatul-gatol kaming sumagot ng oo. Walang pagdadalawang-isip ang aming tugon. Bukas na bukas ang pintuan ng Cristy Ferminute para kay Mocha Uson.

Sa aming mga kolum ay hindi namin siya pinepersonal, nagiging reaksiyonaryo lang kami sa kaniyang mga sinasabi, pareho kaming may karapatang pumuna sa aming mga kakulangan at pagmamalabis.

At hindi puwedeng ang boses lang namin ang naririnig sa pagpitik sa kaniya, kailangang maging parehas ang laban, may boses din si Mocha Uson na dapat nating bigyan-daan.

Ilang minuto lang ay nasa studio na siya ng CFM, pagod dahil katatapos lang niyang manumpa sa Palasyo bilang bagong board member ng MTRCB, pero nakangiti siya at maaliwalas ang kaniyang hitsura.

Bago pa namin nasimulan ni kapatid na Ronnie Carrasco ang pagtatanong ay inangkin muna ni Mocha ang himpapawid. Kaniyang-kaniya ang entablado.

Ang unang mga salitang lumabas sa kaniyang bibig, “I love you, Nanay Cristy, mahal na mahal ko po kayo, dumaan po ako dito sa inyo para magpasalamat.”

Ramdam namin ang sinseridad ng kaniyang mga sinabi, hindi iyon ang unang pagkakataong pinuri namin si Mocha Uson sa kapasidad niyang magpakumbaba, kahit magkaiba ang aming pananaw tungkol sa maraming isyu ng bayan.

“Karapatan n’yo pong pumuna, kalayaan n’yo po iyon, kung paanong ako naman po ay reaksiyonaryo rin at bukas na bukas sa pagbibigay ng aking opinyon at paninindigan.

“Hindi ko po minamasana ang mga bira sa akin ng press, may espasyo po sila, puwede po ninyo akong birahin, punahin, basta ang pakiusap ko lang—sama-sama po tayo tungo sa ikabubuti ng ating bayan,” pahayag ni Mocha Uson.

At inulit niya ang pagsasabi na nagbago na siya, hindi na niya ginagawa ngayon sa entablado ang nakasanayan niyang paggiling-giling, pangdudukot sa pantalon ng lalaking kinukuha niya sa audience, ang kaniyang Mocha Girls ay nadagdagan pa ngayon ng Mocha Babes.

“Iyon pong mga pictures ko na ayon sa kanila’y malalaswa, seven years ago pa po iyon! Napakatagal na panahon na po ng mga pictures na iyon, pero ngayon pa lang nila inilalabas.

“Iba na po ako ngayon, hindi ko na ginagawa ang dating act ko sa stage. Nagbago na po ako at sana’y bigyan nila ako ng pagkakataong mapatunayan ko naman ang magagawa ko sa ibang linya,” pagdidiin ni Mocha.

Joshua Phillip – Sa poder ni James Yap at Michela nag-Bagong Taon

Sa ospital nag-Bagong Taon ang mag-inang Kris Aquino at Bimby dahil mataas ang lagnat ni Bimby, at nang-aabala naman ang ubo at sipon ng aktres-TV host. Kung kaya sa poder nina James Yap at Michela Cazzola tuloy nagdiwang ng Bagong Taon si Joshua Phillip.

Maraming natuwa, lalo na’t ramdam na ramdam ang sinserong pagmamahal ng basketbolista kay Josh, pero marami ring nalungkot at nagtatanong.

Bakit sa piling ni James nag-New Year si Josh, bakit hindi sa poder ni Phillip Salvador, samantalang ang action star ang tatay ni Josh?

Bakit mas madalas pang nakakasama ni Josh si James Yap na stepdad lang nito, bakit hindi nito nakakasama si Kuya Ipe, nasaan nga kaya ang problema? Matindi pa rin ba ang hidwaan sa pagitan ng aktor at ni Kris?

Sa mga pagkakataong nakakasama namin si Kuya Ipe ay nag-uusap sila ni Josh sa telepono. Kumakanta pa nga sila ng Ten Little Indians. Ilang taon na ang nakararaan iyon, bata pa si Josh, ewan lang kung hanggang ngayo’y regular pa rin ang kanilang komunikasyon.

Sasabihin ni Josh sa kabilang linya, “One, little two, little three, little Indians,” sasagot naman si Kuya Ipe, “Four, little five, little six, little seven, little Indians.”

Nakakaaliw silang pakinggan habang kumakanta, pero nakakalungkot din, dahil hanggang telepono lang ang kanilang pag-uusap.

Pero sa pagkakaalam namin ay hindi naman ipinagdadamot ni Kris si Josh sa kaniyang tatay, nalalaman na lang namin na nagkita ang mag-ama, kaya ibinabalita ni Kuya Ipe na mas malaki pa raw ang size ng paa ni Josh kesa sa kaniya.

Baka naman may mahalagang trabaho lang si Kuya Ipe noong Bagong Taon. Sa pagkakaalam kasi namin ay siya ang nagiging kinatawan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mahahalagang okasyong hindi nito personal na napupuntahan.

Napakaraming selebrasyong hindi nadadaluhan ni Pangulong Digong, si Kuya Ipe ang nagpupunta, baka naging abala ang aktor kaya kay James Yap nagdiwang ng Bagong Taon si Joshua.

Pero totoong kapuri-puri ang ipinararamdam na pagmamahal ni James kay Josh, bibihira ang step father na ganoon, nakakayang mahalin ang batang hindi naman kaniya kundi bahagi lang ng kanilang nakaraan ni Kris.

Kunsabagay, kahit sino naman ang tanungin natin ay laganap ang mga papuri para kay James, maraming humahanga sa kaniya. Mga kapuwa nito basketbolista, mga tagahanga nito, lahat ay isa lang ang sinasabi.

Walang kayabang-yabang si James Yap. May mabuting puso si James. Hindi lumaki ang ulo ni James Yap kahit pa sikat na sikat na ito.

At alam iyon ni Kris Aquino.

Kris Aquino – Nakipagkita kay Mayor Herbert pero wala lang

So, muling nagkita nga sina Mayor Herbert Bautista at Kris Aquino kailan lang. pero wala raw kinalaman iyon sa dating tamis ng kanilang pagmamahalan.

Mabilis na nilinaw ng mayor ng Kyusi na hindi sila nagkabalikan, nanghingi lang daw ng tulong si Kris para sa permit ng bago niyang papasuking negosyo, pinagbigyan lang siya ni Mayor Bistek.

Nag-usap lang sila habang kumakain, nagbalitaan tungkol sa mga pinakahuling pangyayari sa kanilang buhay, pero labas sa kanilang usapan ang anggulo ng pag-ibig.

Parang nabababawan lang ang marami sa naging dahilan ng kanilang pagkikita. Business permit lang, kailangan pa raw ipanghingi ng tulong ni Kris?

Sabi ng isang nakausap namin, “E, puwede namang pumila na lang sa City Hall ang isang staff ni Kris para makakuha sila ng permit, di ba? Bakit kailangan pa nilang magkita ni Mayor Herbert?

“Ano ito, palakasan? Para padaliin ang pagkuha ng business permit? Parang ang babaw naman ng reason na ibinibigay nila kaya sila nagkita uli,” nakataas ang kilay na komento ng aming kausap.

May katwiran ang katwiran. Oo nga naman. Marami namang staff si Kris Aquino na puwedeng mag-asikaso sa kaniyang kailangan. May accountant din ang aktres-TV host na puwedeng mag-apply ng kaniyang business permit.

Pero bakit kailangan pa niyang makipagkita kay Mayor Herbert nang dahil lang doon?

Sharon Cuneta – Nagkamaling tinawag si Jed Madela nang Jedda

Sa isang letra lang ng pagkakamali ay puwede nang maging dahilan para upakan ang kahit sino sa social media. Hindi sinasadya ang pagkakamali, hindi intensiyonal, aksidente lang.

Jeddy ang tawag ni Sharon Cuneta kay Jed Madela. Magkaibigan sila, magkatrabaho, kaya hindi kakikitaan ng malisya ang pagkatawag niya nang Jedda sa singer noong batiin niya ito ng Happy New Year.

Honest mistake. Namali lang siya ng pindot sa makina. Pero ginawa nang malaking isyu iyon ng mga mahilig makisawsaw sa kahit anong isyu.

Gagawin ba naman iyon nang sadya ng Megastar? Ipapahiya ba naman niya si Jed sa publiko nang ganoon na lang? Isang letra lang ang nagkamali, inuupak-upakan na si Sharon, hindi ba puwedeng nagkamali lang naman siya sa pagpindot dahil hindi naman siya perpekto?

May kuwento kami. Nangyari na ang ganyan sa amin noon. Nagpadala kami ng text sa isang lalaking personalidad na pinagdududahan ang kasarian.

Sa simula ng mensahe kami nagkamali, sa halip na anak, anal ang naipadala namin. Kumabyos ang daliri namin sa pagpindot, sa halip na K, tumatlong pindot kami sa keypad, kaya L ang lumabas.

Gusto sana naming bawiin ang aming pagkakamali, pero hindi na namin ginawa, dahil mas lulutang ang impresyon na pati kami’y naniniwala sa pagdududa ng marami sa kaniyang gender.

Nangyayari talaga ang ganoon, lalo na kapag nagmamadali tayo, kapata-patawad ang ganoong kakulangan at hindi dapat ituring na isang krimen at sadya.

Jedda ang nai-type ni Sharon sa halip na Jeddy, malaking kasalanan ba iyon? Kailangan na bang husgahan ang pagkatao ng Megastar dahil lang sa isang simpleng pagkakamali?

Kung si Jed Madela nga, hindi nagalit, hindi ito nag-isip ng kung ano, ang mga nakikisawsaw pa kaya sa isyu ang may karapatang humusga kay Sharon Cunea, anobayen?

Have a comment on this article? Send us your feedback