Published on

Cristy Fermin

   Oktubre 1 - 15, 2011

 

 
 
Camille Pratts
 
 
Erik Santos
 
 
Ruffa Gutierrez
 
 
Aga Mulach
Camille Pratts – Napakabatang nabiyuda ng dating child star

Wala talagang pinipiling panahon ang pamamaalam natin sa mundo para isauli ang hiram nating buhay. Matanda at bata, basta takdang oras na ang pumitada, sa ayaw at sa gusto ng mga nakapalibot sa atin ay wala na silang magagawa pa.

Napakabatang nabiyuda ng dating child star na si Camille Prats dahil sa maagang pagpanaw ng kaniyang asawang si Anthony Linsangan. Kung tutuusin ay ngayon pa lang dapat nagsisimula ang kanilang mga pangarap para sa kanilang pamilya pero kinailangan na nilang magkahiwalay.

Ang pagkawala ni Anthony sa edad na 31 dahil sa nasopharyngeal cancer noong Sept. 23 ay isang patotoo rin na kapag dumating na ang takdang oras ay walang nagagawa ang salapi. Ginawa nila ang lahat para maisalba ang buhay nito, pero wala ring milagrong naganap. Iyon ang katotohanan ng buhay.

Ang taos-puso naming pakikiramay sa lahat ng mga iniwan ni Anthony Linsangan. Isang mapayapang paglalakbay.

Erik Santos – Mabait, walang kuskos-balungos na artista

Maraming kababayan nating ilampung taon nang naninirahan-nagtatrabaho sa Canada ang nagbigay ng kanilang komento tungkol sa kasalukuyang isyung pinagdadaanan ng magaling na singer na si Erik Santos.

Nakarating na doon ang nangyari sa pagitan ni Erik at ng kaniyang dating manager, pati ang mga paghusgang ikinakapit sa kaniya, tulad ng pagiging sinungaling, traydor, maarte, pintasero at kung anu-ano pang kapintasan.

At maraming kababayan natin sa Canada ang lungkot na lungkot, awang-awa sila kay Erik, dahil kung sino pa ang taong nag-angat sa kaniya ang ngayo’y siya pang nagdidiin at naglalabas ng kung ano-anong kapintasan niya.

Tatlong linggo naming nakasama sa Canada sina Erik Santos, Toni Gonzaga at Eric at Tuco para sa serye ng mga shows sa Vancouver, Toronto, Winnipeg, Edmonton at Saskatoon.

Sa aming opinyon, isang linggo mo lang makasama ang tao, kahit paano’y may mapapansin ka nang kalabisan at kakulangan niya.

Huwag sabihing reporter kasi kami kaya walang ipinakitang kapintasan si Erik. Ang tatlong linggo ay napakahabang panahon na para sa isang pagpapanggap, saka walang pinipiling tao at panahon ang kanaturalan ng isang tao.

Labas ang isyu ng utang na loob na pinag-aargumentuhan nila ngayon ng kaniyang dating manager at ng opisina nitong Backroom ay gusto lang naming idepensa si Erik Santos sa punto ng pagiging diumano’y maarte, sinungaling at unprofessional.

Ni anino ng lahat ng paghusgang iyon ay hindi namin nakita kay Erik Santos mula noong makilala namin siya hanggang sa makasama na nang tatlong linggo sa ibang bansa.

Ang usapan namin ng Backroom noon ay lima hanggang anim na kanta lang ang puwedeng ibigay ni Erik Santos sa kabuuan ng bawat show. Ipinagbilin din nila iyon sa singer, pero kapag humihingi pa ng karagdagang piyesa ang ating mga kababayan ay walang pagdadalawang-isip iyon na pinagbibigyan ni Erik.

Sa meet and greet na karaniwang ginagawa ng mga Pinoy entertainers sa mga bansang binibisita nila ay wala rin kaming naging problema kay Erik. Pinagbibigyan niya ang lahat ng mga kababayan nating lumalapit sa kaniya para sa autograph signing at picture taking, wala siyang kuskos-balungos.

Kahit katiting na reklamo tungkol sa pagpapatakbo ng kaniyang career ay wala siyang nasabi, samantalang napakahaba ng panahong pinagsamahan namin nina Toni, hindi niya sinisiraan ang Backroom.

Natural lang para sa isang singer o artista ang paghahanap kapag sa palagay nila’y hindi umuusad ang kanilang karera. Hindi krimen ang magtanong sa kanilang manager. Hindi katrayduran ang pagtatanong.

Nakilala naming marespeto si Erik. Hindi nagsasalita nang talikuran, kaya mahirap para sa amin ang maniwala na nagsalita siya ng kung anu-anong paninira tungkol sa Backroom.

Kung sakali mang meron siyang mga disgusto, natural lang iyon. Wala na bang karapatang maghanap-magtanong ang isang personalidad tungkol sa ginagawang pamamalakad ng kaniyang manager sa career niya?

Sabi ng isang kaibigan namin mula sa Winnipeg, “Napakabait ni Erik, isa siya sa mga singers na nagpunta dito na talagang minahal ng mga kababayan natin dahil sa maganda niyang ugali.

“Marami nang nagpuntahang Pinoy singers dito na pag-alis, e, puro pintas ang maririnig mo mula sa mga kababayan natin, kabaligtaran ni Erik na parang ayaw na nilang pauwiin,” komento nito.

Sana’y malampasan ni Erik Santos ang matinding pagsubok na ito sa kaniyang propesyonal na buhay, “this is the moment” sabi nga ng kaniyang ipinanalong piyesa sa Star In A Million, isang araw ay lilipas din ito.

Ruffa Gutierrez – Nakasama ang dalawang ex na si Aga at Zoren sa show

Nagkalaglagan noong isang Linggo nang hapon sa Paparazzi Showbiz Exposed ang aming mga kasamahang sina Zoren Legaspi at Ruffa Gutierrez. Walang kaplanu-plano iyon, walang script, basta ipinanganak na lang ang laglagan noong malaman ni Ruffa na makakasama namin nang live si Aga Muhlach.

Sabi niya noong commercial break pa, “Alam mo ba, ang daming nag-tweet sa akin kanina, dalawang ex ko raw ang makakasama ko today sa show.”

Noong mapansin ni Ruffa na nagtatanong ang aming mga mata ay bigla niyang sinabi, “Di ba, naging kami ni Aga? Sumingit siya habang mag-boyfriend kami ni Zoren!”

Iyon lang ang naging ugat ng laglagan. Nagpaalam kami kay Ruffa noong nakaere na kami kung puwede naming banggitin ang kaniyang rebelasyon. Pumayag naman ang aktres-beauty queen. Iyon na! Nagkabukingan na sila ni Zoren.

Sabi ni Ruffa, “Di ba, kayo rin naman ni Gretchen, naging kayo?” Sabi naman ni Zoren, “Natatakot nga ako noon, dahil ipinagluluto pa ako ni Gretchen sa house niya, eh, nandoon pala si Joey Loyzaga!”

Pagkatapos nina Ruffa at Aga ay nagkapalitan sila ng kapareha, nagbalikan sina Ruffa at Zoren, si Gretchen naman ang napunta kay Aga. Sina Gretchen at Joey Loyzaga pa rin noon.

Kuwento ni Ruffa, “One time, nakasama namin si Tita Amalia Fuentes in a dinner. Sabi niya, ‘Naku, si Aga, may isinamang babae sa bahay niya, one week silang hindi lumalabas, nasa kuwarto lang silang dalawa!’”

Habang nanonood sa dressing room si Aga ay isa lang ang nasabi ng guwapong host ng Pinoy Explorer, “Ako ang minahal ni Ruffa, ako ang pinakaminahal niya. Pag itinanggi niya iyon, magwo-walkout ako!”

Ang hirit naman ni DJ Mo Twister, puro kuripot daw ang nakarelasyon ni Ruffa, kuripot si Zoren at balitang-balita rin ang kakuriputan ni Aga Muhlach.

Aga Muhlach – May bagong TV show, Pinoy Explorer, sa TV5

Sadya kaming naglaan ng panahon para matutukan namin ang unang programa ni Aga Muhlach sa TV5, ang Pinoy Explorer, at hindi naman nasayang ang aming panahon dahil kapaki-pakinabang talagang panoorin ang programa.

Una, hindi namin naramdaman kay Aga ang paninibago sa bagong istilo ng show na ginawa niya. Cool na cool ang guwapo at magaling na aktor sa kaniyang pagho-host, parang dati na niyang ginagawa ang ganoong klase ng show.

Ikalawa, napaka-educational ng Pinoy Explorer, mga dinosaur at t-rex ang una niyang tinutukan dahil ang unang destinasyon nila ay ang Wyoming kung saan dinadayo ang isang lugar tungkol sa mga higanteng creature na ilang beses nang ginawang pelikula sa iba-ibang bansa.

Maganda ang pagkakasulat ng script, ang editing, pati ang direksiyon ng Pinoy Explorer ay binusisi talaga ni Direk Rowell Santiago. Nasa tamang panahon ang pagpasok ni Aga sa ganitong klase ng show dahil ang mga bata ngayon ay lulong sa panonood ng mga programang may magandang nagagawa sa kanilang edukasyon.

“Masaya ako sa ganitong klase ng show dahil malaya akong nakapagtatrabaho sa ibang bansa. Walang nakakakilala sa akin, kaya puro trabaho lang talaga ang gagawin ko.

“Kapag sobra ang lamig, nasa kotse lang ako, kapag nakikita ko naman ang mga bulubunduking lugar na gustong-gusto ko, namamasyal ako. Masarap!” paglalarawan ni Aga sa kaniyang mga unang karanasan sa pagbubuo ng kaniyang programa.

Kitang-kita natin ang kaligayahan sa mukha ng aktor, wala kang makikitang pag-aalinlangan sa ginawa niyang desisyon, masaya si Aga Muhlach sa paglipat sa TV5, The Happy Network.

Lorna Tolentino – Napakaganda pa rin at 50

Sa gitna ng sumisipol at humahaginit na lakas ng hangin ay tuloy na tuloy pa rin ang pagpirma ng kontrata ni Lorna Tolentino sa TV5 noong Martes nang hapon.

“Ang akala ko nga, e, ipagpapaliban na muna ang contract signing dahil malakas ang bagyo, pero hindi raw, tuloy na tuloy pa rin, sabi ng mga taga-TV5,” simulang pahayag ni Lorna nang mainterbyu namin sa contract signing.

Nandoon siyempre ang president eng TV5 na si Attorney Ray C. Espinosa, Bobby Barreiro at Perci Intalan, kasama naman ni LT ang kaniyang manager na si Manay Lolit Solis.

One year contract ang pinirmahan ni Lorna. Ang unang proyekto niya ay angGlamorosa, isang serye na tumatalakay sa usong-uso ngayong pagpaparetoke ng mukha at katawan ng mga kababaihan.

“Nagpalipas lang ako nang isang buwan bago ako pumirma. Gusto ko naman munang magpahinga, magkaroon ng time para sa amin ng mga anak ko,” sabi ni LT.

Ikinuwento niya sa amin na madalas palang matulog sa musoleo ni Rudy Fernandez sa Heritage Park ang kanilang mga anak na sina Rap-Rap at Renz. Gusto raw nakikita ng magkapatid ang pagsikat ng araw doon, pero siya ay hanggang madaling-araw pa lang nakaranas na mamalagi doon.

“Noong gumagawa ng thesis si Renz, doon siya natulog nang one week. Tahimik nga naman kasi, walang umaabala sa kaniya. Si Rap-Rap naman tumatagal din doon nang three days. Gustong-gusto nila doon dahil tahimik at maganda ang place,” dagdag na kuwento ni Lorna.

Malapit na niyang simulan ang Glamorosa kung saan makakasama rin niya ang isa pang alaga ni Manay Lolit na si Tonton Gutierrez. Sa kaniyang edad na singkuwenta ay napakaganda pa rin ni Lorna Tolentino.

 
 

Para sa mga karagdagang hot na hot at maiintrigang showbiz chika, panoorin n’yo kami sa Juicy araw araw at Paparazzi tuwing linggo. Mapapanood n’yo kami at ang iba pang shows ng TV5 Kapatid Network tulad ng Willing Willie sa www.kapams.tk, www.pinoychannel.tv, www.kapatid.tk at www.dapekenoypi.tk

Have a comment on this article? Send us your feedback