Published on

Cristy Fermin

   Nobyembre 16 - 30, 2011

 

 
 
Ruffa Gutierrez
 
 
John Lloyd Cruz & Shaina Magdayao
 
 
Ramgen Revilla
 
 
Ramon Revilla Sr.
 
 
Coach Freddie Roach, Manny Pacquiao & Buboy Fernandez
JLC at ShainaTapos na ang relasyon

Isang source na malapit kina John Lloyd Cruz at Shaina Magdayao ang diretsong nagsabi sa amin na tapos na ang relasyon ng dalawa at si John Lloyd ang nang-iwan kay Shaina.

Matagal na palang nagkakaroon ng problema ang magkarelasyon. Palagi na silang nag-aargumento, hanggang sa ang kanilang pagtatalo ay nauwi na sa pagbibigay ng espasyo sa bawat isa.

May inaayos silang problema sa bawat isa, attitude ang sentro ng problema, hindi lang si JLC ang may dapat ayusin kundi silang dalawa ni Shaina.

Pakiramdam ng aming kausap ay nakakaawa si Shaina dahil masyado raw makasarili si John Lloyd. Kung tutuusin daw ay na kay Lloydie ang mas malaking bulto ng problema, pero ipinasa nito sa dalaga, at saka nagsabing kailangan muna nilang maghiwalay para makapag-isip-isip sila.

“Noong mangyari iyon, parang natauhan si Shaina. Siguro, naisip din niya na nakalimutan na pala niyang mahalin ang sarili niya mula noong maging boyfriend niya si Lloydie.

“Masyado siyang tumutok sa relasyon nila, may mga times pa nga na pati ang mga friends niya, e, nagrereklamo na at nagtatampo sa kaniya, dahil puro si Lloydie ang priority niya,” kuwento ng aming impormante.

Mula noong umalis si Shaina papuntang Amerika hanggang ngayon ay hindi pa sila nagkakausap, ang komento ng aming source, “Mas kailangan namang hanapin ni Lloydie ang sarili niya kesa kay Shaina!”

Ramon Revilla Sr. – Dinaramdam nang husto ang pagkawala ni Ramgen

Tatlong linggo na ngayong pinagpipistahan ng buong bayan ang pagkakapaslang kay Ramgen Revilla. Iba-ibang bersiyon na ng kuwento ang ating narinig at nabasa, pero hanggang sa mga oras na ito ay wala pang linaw kung sino talaga ang gumawa ng krimen.

May mga saksing lumutang, sina Joseph at Ramona diumano ang idinidiin. Masakit mang tanggapin ay mismong mga kapatid ni Ramgen ang itinuturo ng mga ito na utak sa pagpaslang.

Tumututol siyempre ang ina ni Ramgen. Hindi raw magagawa ng kaniyang mga anak ang pumatay, hindi raw nito pinalaki ang kaniyang mga anak para pumatay.

Pero nagiging personalan na ngayon ang laban. Sa halip na ang intindihin ni Genelyn Magsaysay ay ang sentruhan ang hustisyang hinihingi nila para kay Ramgen ay si Senador Bong Revilla ang binibira nito. Ang ginagamit nito ay Facebook at Twitter at pagpapainterbyu kaliwa’t kanan.

Bakit daw pinayagan ni Senador Bong Revilla na hulihin ang kaniyang anak? Senador pa naman daw siyang naturingan, pero hindi niya man lang natulungan ang kaniyang kapatid sa ama.

Hanggang ngayon ay binibira pa rin ni Genelyn ang aktor-pulitiko, pero hindi na sumasagot si Senador Bong. Nagdesisyon ang unang pamilya na huwag nang magsalita para sa kanilang ama na hindi kagandahan ang situwasyon ngayon.

Kuwento sa amin ni Princess Revilla, “Palaging umiiyak si daddy, hindi rin siya makakain, iniintindi niya hanggang ngayon ang pagkamatay ni Ram. Iyak siya nang iyak.

“Ikinukuwento namin sa kaniya na mayroon nang mga abogado si Ram, na may nag-aasikaso naman sa kaso, pero matindi ang pakiramdam niya na may nangyayaring iba,” kuwento ni Pepes.

Hindi pinapanood ng telebisyon ngayon ng magkakapatid ang matandang Revilla. Wala ring mga pahayagan sa tabi nito. Hanggang maaari ay gusto nilang magkaroon na ng katahimikan ng kalooban ang dating senador dahil makasasama sa kaniya ang pag-iintindi.

Wala pa sa katanghalian ang istoryang ito na nagmistula nang tele-serye ang dating. Nakakalungkot lang isipin na kung saan-saan na napupunta ang kuwento. Nakalilimot na yata ang iba sa kanila na hanggang ngayo’y naghahanap pa rin ng hustisya ang pagkapaslang kay Ramgen.

Manny Pacquiao – Hindi raw siya si Superman

“Hindi naman ako si Superman!” iyon ang sagot ng Pambansang Kamao sa isang interbyu dahil sa pagkadismaya ng ating mga kababayan sa laban nila ni Juan Manuel Marquez noong isang araw.

Harang! Luto! May daya! Ganoon ang naging reaksiyon ng mga Mexicano, maging ng mas nakararami nating kababayan, dismayado sila sa naging resulta ng laban nina Marquez at Pacman.

Pero ang katwiran ni Manny Pacquiao, “Hindi naman kasi ako si Superman. Natural lang na paminsan-minsan, may makakalaban din akong malakas talaga, iyong bibigyan ako ng magandang laban!

“Ang mahalaga, ginawa ko ang lahat ng makakaya ko at awa naman ng Panginoon, nanalo tayo. Sino ba naman ang may gustong magpabaya para matalo? Gusto ko siyempre maging proud ang mga kababayan ko, kaya ginawa ko ang lahat-lahat,” pahayag pa ni Pacman.

Marami kaming mata sa MGM Grand Garden Arena, kani-kaniyang text sila habang nakasalang kami sa Paparazzi Showbiz Exposed (unang tatlong rounds lang ang live naming napanood at noong hapon na namin pinanood ang kabuuang laban), sila ang nagpaparating sa amin ng mga kaganapan salas Vegas.

Text sa amin ni kaibigang Vangie Caperal-Aleemi na dumayo pa salas Vegas mula sa Virginia para lang manood ng laban ni Pacman, “Dumaan kanina si Jinkee Pacquiao, ang ganda-ganda niya ngayon, bagay kay Jinkee ang short hair niya!”

Sa interbyu naman kay Coach Freddie Roach ay inamin ng trainer ni Manny na hindi ito kumbinsido sa ipinakita ng kaniyang alaga, sinabi ng coach ni Pacman, “The results could have gone either way!”

Puwede raw na sumobra ang kanilang training, ang dating anim na linggo kasi ay naging dalawang buwan. At puwede ring naapektuhan si Pacman ng kung anu-anong personal na kontrobersiyang kumakalat dito tungkol sa relasyon nila ni Jinkee.

Napakahirap ng kalagayan ni Pacman. Napilatan na siya sa kanang kilay, bumusarga na ang kaniyang nguso, pero hindi pa rin aprubado ang mga kababayan natin sa kaniyang pagpapakitang-gilas.

Sa tanong kung magtutuos pa uli sila ni Marquez para magkaalaman na talaga kung sino ang mas mabangis sa kanilang dalawa, ang mabilis na tugon ng Pambansang Kamao, “Its (sic) depends on my promoter.”

Kapag napapanood naming nagsasalita ng King’s language si Pacman ay isang katotohanan ang umuukilkil sa aming isip. Napakaparehas talaga ng Diyos.

Buboy Fernandez – Matapat na alalay ng pambansang kamao

Nakakuwentuhan namin sa telepono si Buboy Fernandez, ang assistant trainer ni Manny Pacquiao. Ikinuwento niya sa amin ang naganap noong aksidenteng nagkauntugan sina Pacman at Juan Manuel Marquez at pumutok ang kanang kilay ni Manny.

Itinago pala niya iyon kay Pacman. Hindi niya sinabi kung gaano kalaki ang sugat, pasimple lang niyang sinabihan si Pacman ng, “Mababaw lang ang cut, wala ‘yan.”

Pero noong matapos ang laban at magpunta na sila sa ospital ay sinabihan siya ni Manny, “Bay, sabi mo, maliit lang itong sugat ko. Malaki, a! Kita pala ang buto!”

“Alam mo kasi, matindihan ang laban nila ni Marquez, kaya ang kailangan, wala kang idadagdag na stress sa manok mo. Nakita ko ang sugat, sumisirit ang dugo, pero hindi ako ang magsasabi noon, last person ako at si CoachFreddie Roach na magsasabi noon kay Manny,” katwiran ni Buboy.

Ilang dekada na ang kanilang pinagsamahan ni Pacman, puro papaya at dahon ng malunggay pa lang noon ang sahog ng tinola ay magkasama na sila, pero hanggang ngayon na meron nang sahog na manok ang kanilang tinola ay maganda pa rin ang kanilang samahan.

“Tama iyong sinabi ni Bob Arum sa interview ng CNN na Manny is a genuine person. Maganda talaga ang puso niya, maawain siya, saka hindi siya mayabang,” papuri ni Buboy Fernandez sa kaniyang manok.

Pabalik na sa Los Angeles ang tropa ngayon, ilang araw pa silang mananatili doon, pagkatapos ay uuwi na rin sila sa Pilipinas dahil iniintindi ni Pacman ang mga nabimbin nitong trabaho sa Mababang Kapulungan Ng Kongreso.

At uuwi silang matagumpay, sa kabila ng mga komentong luto ang laban, si Pacman pa rin ang hari ng lona, at hindi lang si Pacman ang nanalo kundi ang buong sambayanang Pilipino.

“Hindi na pinapansin ni Man (tawag niya kay Pacman) ang mga ganoong salita, alam niya naman kasi ang totoo na ginawa niya ang lahat para maipanalo ang laban.

“Tanggapin natin na malakas din si Marquez, sila talaga ang magka-match. Pero nanalo pa rin si Manny,” panghuling sabi ni Buboy Fernandez.

Ruffa Gutierrez – Kayang patunayan na hindi siya ang naunang nag-text

Pagkatapos ipalabas ang tatlong bugso ng panayam ni Ruffa Gutierrez sa Paparazzi Showbiz Exposed noong Linggo nang hapon ay parang nagkakaisang nag-isip ang ating mga kababayan na ang sentro ng problema ay si John Lloyd Cruz.

Sa unang pagkakataon, pagkatapos niyang manahimik nang mahabang panahon, ay binalikan at inugat ni Ruffa ang namagitang relasyon sa kanila ni John Lloyd Cruz. May timeline ang tatlong bagsak ng panayam, buhay na buhay ang mga ebidensiya ni Ruffa dahil wala siyang binurang mga mensahe sa kaniya ng aktor mula noon hanggang ngayon.

Kitang-kita ang ebidensiya na apat na buwan pala nitong pinagsabay ang pakikipagrelasyon kina Ruffa at Shaina Magdayao. Dumating pa iyon sa puntong nagkatawagan ang dalawang aktres, at doon lang nalaman ni Ruffa na dalawa pala sila ni Shaina sa buhay ni JLC.

Binanggit din ni Ruffa ang utos ng Star Magic kay John Lloyd na umiwas kay Ruffa dahil makasisira iyon sa kaniyang career. Nagkaroon ng closed door meeting sa opisina ng Star Magic sa pagitan nila ni Shaina at doon na nagdesisyon si Ruffa na humiwalay na kay John Lloyd.

Pero pagkatapos lang nang ilang buwan ay text na naman nang text at tawag nang tawag si JLC kay Ruffa. Kahit noong nasa Europe sila ni Dra. Vicki Belo ay panay-panay pa rin ang pagtawag sa kaniya ng actor. May mga ebidensiya rin doon si Ruffa.

Tuliro raw ang aktor, ayon kay Ruffa, ibig sabihi’y hindi ito masaya sa piling ni Shaina. Pero nanindigan si Ruffa na huwag nang sagutin pa ang mga text messages ni John Lloyd dahil makagugulo na siya sa relasyon nito at ni Shaina.

Kahit sa naganap na pagpapalitan nila nang maaanghang na salita noong nakaraang birthday concert ni Vina Morales ay buking na buking si Shaina. Ito pala talaga ang unang nag-text kay Rufa, “Shut up!” ang unang mensaheng tinanggap niya, mula sa mismong pribadong numero ni JLC nanggaling ang mensahe.

Marami pang ibang mensaheng sumunod pagkatapos noon, maingat na nakatabi sa telepono ni Ruffa ang mga text messages. May takdang oras at petsa kung kailan iyon ipinadala ni Shaina.

Imposible raw kasing si JLC ang nag-text sa kaniya kahit pa kay John Lloyd ang telepono, dahil habang nagaganap ang pagpapadala sa kaniya ni Shaina ng mga mensahe ay nakita niya si JLC na halos tulog na, may apat na lalaking umaalalay sa lasing na lasing na aktor noong mga sandaling iyon.

Ang hamon ni Ruffa kay Shaina ay pareho pa rin, “Kung talagang iniisip mong ako ang unang nagpadala ng message sa iyo, I challenge you to show your proof, dahil ako, mayroon!”

Eksklusibo! Ang mga text messages – Basahin sa isyung ito ng Pilipino Express

Sa pahinang ito ay mababasa ang kontrobersiyal na mga text messages. Bagama’t ang may-ari ng “J sun” cell ay si John Lloyd, sinasabing si Shaina ang siyang nag-text. Ang pangalan ng nag-text ay nakasulat upang huwag malito ang mambabasa.

Text Messages 1 Text Messages 2 Text Messages 3

 

 
 

Para sa mga karagdagang hot na hot at maiintrigang showbiz chika, panoorin n’yo kami sa Juicy araw araw at Paparazzi tuwing linggo. Mapapanood n’yo kami at ang iba pang shows ng TV5 Kapatid Network tulad ng Willing Willie sa www.kapams.tk, www.pinoychannel.tv, www.kapatid.tk at www.dapekenoypi.tk

Have a comment on this article? Send us your feedback