• Krosword ni Gerry Gamurot
    Eh Kasi, Pinoy!

    Krosword

    ni Gerry Gamurot
  • Building Science by Norman Aceron Garcia
    Features

    Building Science

    by Norman Aceron Garcia

Published on

Cristy Per Minute ni Cristy FerminAbril 1-15, 2017

  Angel Locsin
 
Angel Locsin
  Liza Soberano
 
 Liza Soberano
  KC Concepcion
 
KC Concepcion
  Coco Martin
 
Coco Martin
  Piolo Pascual
 
Piolo Pascual
  Shaina Magdayao
 
Shaina Magdayao
  Mocha Unson
 
Mocha Unson
  Jim Paredes
 
Jim Paredes
  Vivian Velez
 
Vivian Velez
  Leah Navarro
 
Leah Navarro
  April Boy Regino
 
April Boy Regino

Angel Locsin – Isinuko na ang role sa Darna

Isinuko na ni Angel Locsin ang pagbibida sa seryeng Darna ng ABS-CBN. Hindi pa rin siya puwedeng gumawa ng maaaksiyong eksena, malalagay sa alanganin ang kaniyang katawan, kaya nakabukas ngayon ang libro ng network para sa pamimili ng papalit kay Angel.

Ipinaliwanag niya ang mga dahilan, unang-unang kunsiderasyon ng aktres ang matindi niyang problema sa kaniyang likod at balakang. Hindi pa rin pala maayos ang posisyon ng kaniyang mga buto sa likod at tagiliran. Hindi pa balanse at mahaba-habang panahon pa ang pagdadaanan ng aktres para sa gamutan.

Gustung-gusto niyang gawin uli ang Darna, pero kung iyon naman ang makakapalit ng pagkadelikado ng kaniyang kalusugan ay hindi niya iyon gagawin. Ipinauubaya na niya sa ibang artista ang makasaysayang role.

Mula ngayon ay mamimili na ng gagampanang papel sa TV at pelikula si Angel Locsin. Napakalaking problema ang kaniyang likod at balakang ngayon para sa mas ikasusulong pa ng kaniyang career.

Pero hindi iyon matanggap ng mga tagasuporta ni Angel Locsin, napulitika lang daw ang kanilang idolo. Ang totoo raw ay kayang-kaya namang gampanan ni Angel ang nasabing papel pero napagkaisahan lang siya.

Alam ni Angel ang totoo, alam na alam din ng mga ehekutibo ng ABS-CBN ang kawalan niya ng kapasidad na mag-Darna, maayos nilang itinawid ang announcement sa publiko.

Liza Soberano – Siya kaya ang magiging bagong Darna?

Si Liza Soberano ang pinakagusto namin sa lahat ng mga artistang pinagpipilian para gumanap bilang Darna. Ang komento ng iba ay masyado raw mestiza ang dalaga para pumalit kay Angel Locsin. Gandang-Filipina raw ang kailangan, malayo sa ganoong katangian si Liza Soberano ayon sa mga nagbibigay ng opinyon.

Pero kung babalikan natin ang mga nakaraang Darna ay hindi nagkakalayo ang kanilang mga itsura. Mula kay Rosa del Rosario, Liza Moreno, Eva Montes, Gina Pareño at Congresswoman Vilma Santos ay mapapansin na may dugong mestiza rin ang mga ito.

At kung babalikan natin ang pagkakaguhit ng nobela ni Uncle Mars Ravelo ay kapansin-pansin na mestisahin din ang bumibida. Tisay na tisay si Darna, kaya puwedeng-puwedeng gumanap si Liza Soberano bilang bagong makasaysayang karakter sa pelikula.

Sa ganda ay wala nang kuwestiyon si Liza, maging sa pag-arte ay wala nang problema sa kaniya. Wala nang kulang kung tutuusin kung ang magandang young actress ang gaganap bilang Darna.

Napakalaking karagdagan para sa dalaga ang pagganap bilang Darna. Milya-milya ang magiging layo ni Liza Soberano sa kaniyang mga kakontemporaryo kapag nagkataon.

At bakit naman hindi kung nasa kaniya naman ang mga katangiang hinahanap para sumigaw ng “Ding! Ang bato!”

KC Concepcion – Anyare sa acting career ni KC?

Sa mga pinagpipiliang personalidad ngayon na ipampapalit kay Angel Locsin para gumanap na bida sa Darna ay napapasama rin ang pangalan ni KC Concepcion pero hindi umaasa ang mga nagpapasok ng kaniyang pangalan sa pilian na siya ang mapipisil ng Star Cinema para bumida sa Darna.

Parang okey lang na kasali ang pangalan ni KC sa mga tinatanggap na suggestion ng production, pero walang ingay iyon, parang basta napasali lang ang kaniyang pangalan.

Mula noong mag-umiyak si KC sa isang talk show tungkol sa paghihiwalay nila ni Piolo Pascual ay mukhang umiyak na rin ang kaniyang career. Wala siyang nagawang project sa ABS-CBN magmula noon.

Napakalaking problema ba ang nagawa ni KC nang dahil sa kaniyang paghagulgol sa ere? Gaano ba kalaki ang naging epekto noon na hindi kagandahan para sa career nilang dalawa ni Piolo?

Pero bukod doon ay natatandaan din namin ang naging problema sa kaniya ng produksiyon dahil sa pag-alis-alis niya ng bansa. Pang-umaga ang kaniyang show noon, hindi kagandahan ang rating ng programa, kaya pinalitan na lang.

Kunsabagay ay parang hindi na naman seryoso si KC sa kaniyang pag-aartista. Parang mas gusto na lang niyang magpabalik-balik sa London at sa Pilipinas. Hindi naman nasasayang ang kaniyang panahon dahil maraming kababayan natin ang kaniyang natutulungan bilang National Ambassador Against Hunger of the United Nations’ World Food Programme.

Sayang lang dahil bagay rin kay KC Concepcion ang role. Maganda siya, may puhunan nang pangalan, saka pareho sila ng karakter ni Darna na tumutulong sa mga nangangailangan.

Tanong ng isang source sa amin, “Bakit po hindi na binibigyan ng project ng Star Cinema at ABS-CBN si KC, iyon ba ang naging parusa sa kaniya ng paghagulgol niya on the air?

“Mula po kasi noon, e, nawalan na ng project si KC sa network, maiisip mo tuloy na pinarusahan siya sa mga sinabi niya tungkol sa prized possession ng station na si Piolo Pascual,” komento ng aming kausap.

Coco Martin – Patuloy pa rin ang seryeng Ang Probinsyano

Sa pinakahuling kuwentong nakarating sa amin ay hindi pa muna tatapusin ang halos dalawang taon nang Ang Probinsiyano na pinagbibidahan ni Coco Martin. Kumpirmadong nagkaroon ng planong tapusin na sana ang palabas pero kumontra ang mga kababayan natin.

Kaya pala sa teaser nila ay mayroon nang maririnig-mapapanood, “Huwag kayong mag-alala, mahabang-mahaba pa ang ating pagsasamahan,” bilang tugon sa hiling ng mga Pinoy na pinasasaya ng serye gabi-gabi.

Magastos ang pagbubuo ng bawat episode ng serye. Sa maaaksiyong eksena pa lang nila ay parang naiimadyin na namin kung gaano katindi ang gastos ng produksiyon.

Pero kayang-kaya namang bawiin iyon ng ABS-CBN sa mga patalastas na karga ng Ang Probinsiyano, siksik na siksik sila sa commercials, magkano ang bawat ad placement kapag primetime ang isang programa?

Napakalakas ng karisma sa publiko ni Coco Martin, kuhang-kuha niya ang panghalina sa ating mga kababayan ng idolo niyang si FPJ, bagay na bagay niyang gawin ang mga pinagbidahang pelikula ng Hari Ng Aksiyon dahil hindi nagkakahuli ang pagmamahal sa kanila ng manonood.

Bakit ba lumulutang ang husay sa pagganap ni Arjo Atayde? Dahil iyon sa pang-aapi nito kay Ricardo Dalisay, ganoon din ang kinaiinisang magaling na premyadong aktor na si Tito Eddie Garcia, ang ama ni Agot Isidro sa kuwento.

Nahuli ni Coco ang pulso ng masang Pinoy. Ang pagiging modelo niyang pulis, ang matinding pagmamahal niya sa kaniyang pamilya, ang paghihimagsik sa pakikipaglaban kapag siya ang nasa tama.

Malaking atraksiyon din sa serye ang mapagmahal niyang lolang si Manang Inday (Susan Roces), ang hindi pang-iiwan sa kaniya ni Yassi Pressman bilang karelasyon, at ang mga bibong bata na sina Awra, Onyok at Paquito na maraming pakakainin ng alikabok sa galing magsiarte.

So, matatagalan pa ang Ang Probinsiyano, huwag nang malungkot ang mga kababayan nating nakikiusap sa ABS-CBN na huwag munang tapusin ang magdadalawang taon nang seryeng gabi-gabi nilang niyayakap ang kuwento.

Piolo Pascual – Walang duda! Pinakaguwapo pa ring aktor

Sa unang pagkakataon na napanood namin ang full trailer ng Northern Lights, A Journey To Love ay nakuha na noon ang aming atensiyon. Mga eksena sa bundok ng yelo ang nakita naming tinutukan sa trailer.

Walang pagbabago ang itsura ni Piolo Pascual, anuman ang sabihin ng iba ay siya pa rin ang may hawak ng trono bilang pinakaguwapong personalidad ngayon, nagkakaedad na pero makisig na makisig pa rin si Papa P.

Gustung-gusto ng mga kababayan natin ang mga ganoong eksena na bagong-bago sa kanilang paningin. Sa New Zealand kinunan ang pelikula, ang kapareha ng aktor ay ang magaling umarteng si Yen Santos, mukhang maganda ang pelikula dahil nakaaarte rin ang batang lalaking kaeksena ni Piolo.

Masayang-masaya si Mother Lily Monteverde sa muling paggawa ng proyekto ni Piolo sa kaniyang produksiyon, hindi pa ganyan kasikat noon ang aktor nang gawin nila ni Joyce Jimenez ang I Think I’m In Love, tama si Mother Lily sa pagsasabing napakalayo na nga ng narating ni Piolo Pascual.

Mapang-imbita ang trailer ng Northern Lights, bukod sa magandang pagmasdan ang bundok ng niyebe ay maganda ang kuwento ng pelikula, siyempre’y malaking kunsiderasyon din ang kaguwapuhan ng papa ng bayan na hindi lang basta guwapo kundi may maipagmamalaki ring acting.

Shaina Magdayao – Limang taon na raw ka-date ni Papa P?

Bakit kaya kahit paulit-ulit na at panay-panay ang pagsasabi ni Piolo Pascual na limang taong na silang nagde-date ni Shaina Magdayao ay parang wala namang bumibili sa kaniyang mga sinasabi?

May punto rin naman kasi ang mga nagtataas lang ng kilay tungkol sa kuwento, ang kanilang komento, “Si Piolo naman, parang pinalalabas niyang ipinanganak kahapon ang mga taga-showbiz!

“Sino ba naman kasi ang maniniwala na sa tagal ng panahong sinasabi niya, e, wala man lang nakaalam ng sinasabi niya? Sa showbiz pa?

“E, kahit nga simpleng pagsasama lang sa mall ng dalawang artista, e, pinagpipistahan na, iyon pa kayang five years nang pagde-date nila ni Shaina ang hindi man lang matunugan ng mga usisero?

“Kahit nga picture nila habang nagde-date sila, e, wala namang lumalabas! Maitatago ba naman nila iyon? Ano ba namang drama ‘yan!” sabi ng kaibigan naming propesor.

At wala rin namang kinukumpirma ang aktres, kahit ang kapatid nitong si Vina Morales na puwedeng magkuwento ay wala rin namang ibinabahagi sa publiko, kaya talagang maraming nagdududa sa mga sinasabi ni Piolo.

Napakahaba ng panahong sinasabi niya, hindi biro-biro ang limang taon nilang pagde-date na hindi naman lumalabas, kaya hindi mapipigil ng aktor ang pagdududa ng mga kababayan natin sa kaniyang press release.

Sundot pa ni prop, “Five years na pala silang steady date. Sa tagal na iyon, e, wala pa ring exact definition ang relasyon nila? Ano ito, lokohan?”

Mocha Uson – Wala na sa DZRH at pati sa Twitter

Sinuspinde ang programa sa radyo ni Mocha Uson. Napingasan ng isang pangil ang tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa pagrereklamo ng marami sa pagpapakawala niya ng kung anu-anong salita laban kay Vice-President Leni Robredo.

Tinanggap ni Mocha ang suspensiyon, nauunawaan daw niya ang naging desisyon ng kaniyang istasyon, pero sa kaniyang blog ay paulit-ulit niyang pinanindigan ang pagtawag ng bobo kay VP Leni.

Wala raw siyang dapat bawiin. Wala rin daw siyang dapat sabihan ng sorry, dahil hindi magbabago ang kaniyang opinyon na bobo ang ikalawang tagapamuno ng ating bayan.

Ilang araw pa lang nang nagpista ang nagpapaseksing singer sa pagtawag ng tanga kay VP Leni, marami nang reklamo ang tinanggap ng DZRH. Bakit daw nila pinapayagan ang kanilang radio anchor na si Mocha na basta na lang pagmumurahin at maliitin sa himpapawid ang pangalawang pangulo? Kailangan na raw bigyan ng leksiyon ang mga ginagawa ng singer-blogger at Board Member ng MTRCB.

Natuloy ang indefinite suspension. Hindi na maririnig ang programa ni Mocha Uson, sinagot niya sa kaniyang blog ang ipinataw na parusa sa kaniya ng istasyon.

Totoong sumosobra na ang lakas ng loob ni Mocha sa pagbibitiw ng mga salitang hindi hinihingi sa himpapawid. Dapat ay tinatalian din ni Mocha ang kaniyang dila paminsan-minsan dahil hindi lang naman ang kaniyang mga kaalyado ang nakikinig sa kaniya.

At kailangang nasa wastong paraan ang pagkontra. Hindi niya kailangang tawaging tanga ang pulitikong inaayawan niya. Sa posisyon na posisyon na lang ni VP Leni Robredo, kung isinusuka man niya ang ginawa nitong pahayag na nasaksihan ng buong mundo, ay nag-iwan man lang sana siya nang kahit kaunting pagrespeto.

Pabayaan na lang sana niya sa mga pulitiko ang pagbabangayan. Itinuturing na kasing lona ng boksing ng mga ito ang himpapawid, lisensiyado man sila o hindi ay huwag na sanang gayahin iyon ni Mocha Uson.

Milyun-milyon naman ang kaniyang mga tagasubaybay sa social media, nailalantad niya naman doon ang kaniyang mga hinaing, doon pa lang ay panalo na si Mocha sa kagustuhan niyang marinig ang kaniyang posisyon.

Sinuspinde na ang kaniyang Twitter account kamakailan, ngayon naman ay sinuspinde na rin ang kaniyang radio program, huwag na sanang hintayin pa ni Mocha Uson na lahat ng paraan ng pakikipagkomunikasyon niya sa kaniyang mga ka-DDS ay mawala nang lahat.

Walang masama sa pagiging transparent, iyon ang kailangan natin ngayon mula sa mga nagseserbisyong pulitiko sa ating bayan, pero anumang sobra ay kailangan nang kalusin.

Lumilihis na si Mocha Uson sa kagandahang-asal, lumalabis na siya sa kailangan lang, kailangan niyang timplahin nang maraming beses ang tabas ng kaniyang dila kapag nasa harapan na niya ng mikropono at tumitipa na sa harapan ng kaniyang makina.

Matalino si Mocha Uson, walang duda iyon, pero ang katalinuhan kasi kapag nagagamit sa hindi tamang paraan ay nagiging kabobohan na.

Lalong walang masama sa pagkakaroon ng lakas ng loob, iyon ang gumigiya sa ating paninindigan, pero kapag sumosobra na ang lakas ng loob ay tinatalo noon ang ating mga hangarin.

Konting asim at konting tamis, iyon naman ang reyalidad ng buhay na alam naming kapadung-kapado ni Mocha Uson, dahil ipinanganak siyang wala sa talampakan ang kaniyang utak.

Mga KSP – Politika ang trip! Jim Paredes, Leah Navarro, Mocha at Vivian Velez

Hindi lang si Mocha Uson ang umaani ng mga pamba-bash ngayon, pati ang binigyan ng titulo noon bilang Miss Body Beautiful na si Vivian Velez ay palagi ring binubusog ng masasakit na salita ngayon sa social media, pareho lang ang kanilang isinisigaw.

Gusto nilang bumaba sa posisyon si VP Leni Robredo. Nagmamaasim din si VV, pero mas maaanghang ang pinakakawalang pahayag ni Mocha kesa sa kaniya. Uso lang kaya ito o dinidibdib talaga ng mga artista ang pagiging aktibo sa pakikihalo sa mundo ng pulitika?

Sa kabilang ibayo ay nandoon sina Jim Paredes at Leah Navarro, sa mga tagasuporta naman ng kasalukuyang pangulo ay maingay na maingay sina Mocha at Vivian Velez, mukhang ibinibigay na talaga nila ang mahalaga nilang oras sa pakikipaglaban.

At kung mapapansin ay hindi sila abala sa kanilang nililinyahang career. Hindi na kumakanta sina Jim at Leah, si Mocha naman ay hindi na masyadong aktibo sa kaniyang grupo, at si Vivian Velez ay pasulput-sulpot na lang sa pag-arte sa telebisyon.

Mukhang tama ang komento ni prop dahil ang kaniyang sabi, “Pansinin n’yo lang. ang mga umeepal sa politics, iyong mga nakikisawsaw, eh, mga personalities na hindi gaanong busy sa kanilang profession.

“In short, wala silang pinagkakaabalahan, kaya for want of exposure na nakasanayan na nila, ayan sila ngayon, bisi-bisihan sa pakikisawsaw sa mundo ng pulitika.

“Kahit nga naman wala silang career, eh, nakikita pa rin sila, napag-uusapan, nabibigyan sila ng moment sa pinaggagagawa nilang pagsigaw. Exposure lang ang kailangan nila, iyon lang ang nakikita ko sa mga artistang nakikisali sa mga rally,” madiing komento ni prop.

Kopyang-kopya namin iyon. Maaasahan ba nating makihalubilo sa mga ganoong pagkilos ang mga artistang wala na halos tulog at pahinga sa sobrang dami ng trabaho?

Mayroon man silang minamanok na pulitiko ay magkakasya na lang sila sa piping pagsuporta, sa malayuang paghanga, kesa sa pakikisali sa mga kilos-protesta.

Hindi natin iniaalis sa kanila ang kalayaang makapagpahayag ng kanilang damdamin, karapatan nila iyon. Pero hindi rin nila masisisi ang mga kababayan nating nagsasabi na kaya lang sila nagsisisigaw sa social media at nakikipagmartsa sa kalsada ay dahil kulang sila sa pansin o KSP.

April “Boy” Regino – Binigyan ng magandang tribute ng A.S.A.P.

Tinext kami ng isang kaibigan, habang nanonood daw ito ng A.S.A.P. ay kami ang kaniyang naaalala, dahil binibigyan ng tribute ng variety show si April “Boy” Regino.

Nakakapangilabot para sa isang singer na tulad ni April Boy ang handugan ng ganoon kagandang pagkakataon. Lahat ng mga piyesang pinasikat niya ay kinanta ng mga sikat na performers, ang dami-dami palang kantang pinasikat ang tinaguriang Idol Ng Bayan, sinasabayan ng audience ang kaniyang mga kanta.

Milagro ang ginawa ng mundo ng musika para kay April “Boy” Regino, d’yan siya yumaman. Sa pamamagitan ng mga kantang baduy sa panlasa ng iba nag-ugat ang lahat-lahat ng kung anumang materyal na bagay na mayroon ngayon ang kaniyang pamilya.

Kumita siya nang milyun-milyon sa pagsu-show sa mga probinsiya. Milyunan din ang bayad sa kaniya sa kampanya, malaki rin ang nakukuha niyang royalty sa benta ng kaniyang mga plaka.

Pero sa kalagitnaan ng kaniyang popularidad ay sinubok ng kapalaran ang kaniyang katatagan. Nagkasakit si April Boy na halos kumitil na ng kaniyang buhay.

“Ikalawang buhay ko na po ang hawak ko ngayon. Pinagaling pa rin po ako ni Lord. May mga kailangan pa po siguro akong dapat gawin, hindi pa tapos ang misyon ko sa buhay, kaya binigyan pa Niya ako ng second chance.

“Malabo pa rin po ang paningin ko. Nakakabanaag po ako, pero kailangang malapit na malapit sa mukha ko ang kaharap ko para kahit paano, eh, makita ko siya.

“Mas malakas na po ang katawan ko ngayon. Puro dasal lang po kaming mag-anak, saka ang mga pamilyang malapit sa amin, talagang Diyos lang po ang tanging pag-asa natin,” kuwento ng Jukebox King tungkol sa kaniyang sitwasyon.

At aliw na aliw ang mga kababayan natin dahil halos plakado ang boses ni April Boy at anak nila ni Madel na si JC. Sa Amerika na namamalagi ang kanilang mga anak na sina JC at Charmaine dahil maganda ang trabaho ng magkapatid sa bansa ni Uncle Sam.

“Araw-araw naman po ang communication namin, nagtse-check sila sa daddy nila, kailangang nagkakausap sila everyday,” kuwento ni Madel.

Nakakatuwa si Madel, ang dakilang misis ng Jukebox King, idol ang tawag nito sa kaniyang mister. Iyon na ang kaniyang nakasanayan, hindi na nito mabago ang tawag kay April Boy, mahirap nga namang basta-basta tanggalin ang anumang nakasanayan na natin.

Have a comment on this article? Send us your feedback