Published on

Cristy Per Minute ni Cristy FerminAgosto 16-31, 2022

    andrea b
 
Andre Brillantes
  carla a
 
Carla Abellana
  vhong n
 
Vhong Navarro
  Deniece Cornejo
 
Deniece Cornejo
  bayani a
 
Bayani Agbayani
  cherie gil
 
Cheri Gil
  isko m
 
Isko Moreno
  jeric r
 
Jeric Raval
  willie r
 
Willie Revillame
  luis m
 
Louis Manzano
  lolit s
 
Lolit Solis

Andrea Brillantes – Isa na namang pangarap ang natupad

Isang pangarap na naman ni Andrea Brillantes ang natupad. Palibhasa’y lumaki siya sa iskuwater, ang New York ay naririnig lang niya at napapanood sa telebisyon, kundi man nababasa sa mga magasin.

New York, Cubao lang ang alam niya, hindi ang “the city that doesn’t sleep,” hindi ang Big Apple.

Pero ngayon, dahil sa pag-aartista niya ay narating na niya ang New York at hindi lang ‘yon, nakapagtanghal pa siya doon kasama ang mga kapuwa niya artista ng Star Magic.

Nakakatuwang-nakakaawa ang aktres habang kinukunan ang kaniyang sarili sa iba-ibang lugar sa New York. Paretrato siya nang paretrato. Umiiyak siya.

Bigla kasing nagbalik sa kaniyang alaala ang kaniyang buhay noong nakatira pa sila sa iskuwater, wala nga siyang kama, sa sahig lang siya natutulog.

Napakahirap ng kanilang buhay, masuwerte nang makumpleto nila ang tatlong beses na kain sa isang maghapon, kaya siya napapaiyak.

Siguro’y mapapahagulgol si Blyhte kapag nakakita na siya ng snow. Mas iiyakan niya ang niyebe, ang yelo na ang alam lang niya ay sangkap sa halo-halo, pero tinatapakan at pinaglalaruan na niya.

Tama. Hindi nga hadlang ang kahirapan sa katuparan ng ating mga pangarap. At hindi krimen ang pangangarap. Libre lang ‘yon, walang matrikula, natutupad nang wala tayong puhunan kundi ang pagsisikap.

Carla Abellana – Doktor pala ang dating boyfriend

Hindi sadya kung paano namin nakilala ang dating boyfriend ni Carla Abellana. May sinadya lang kami sa Diliman Doctors Hospital, malapit sa puso namin ang ospital na ito, tulad din ng Marikina Valley Medical Center.

Sa pakikipagkumustahan namin sa mga anak-anakan naming doktor ay may nagbulong sa amin, kasamahan nila ang dating boyfriend ni Carla Abellana, na bestfriend naman ni Meryll Soriano.

Nakilala namin si Dr. Reg Santos. Hindi siya mukhang doktor, maikukumpara siya sa mga artista at modelo, guwapong-guwapo ang doktor.

Magkaklase sila ni Carla sa OB Montessori sa Greenhills, naging magkarelasyon sila nang mahigit na dalawang taon, hanggang sa nagkani-kaniyang landas na sila pero nanatiling magkaibigan.

Mataas ang posisyon ni Dr. Reg Santos sa Diliman Doctors Hospital, dati siyang naka-assign sa emergency room pero mas malaking oportunidad ang ibinigay sa kaniya, magkasama sila ng anak-anakan naming si Dr. Lani Ancheta.

Pangiti-ngiti lang si Dr. Reg kapag binibiro namin, hindi siya masalita, pero ramdam naming nalulungkot siya sa mga kuwentong nagsasangkot kay Carla Abellana at kay Tom Rodriguez.

Nagugulat na lang daw siya, napakarami kasing lumalabas na mga kuwento tungkol sa hiwalayan nina Carla at Tom, parang ayaw niyang paniwalaan ang mga kuwento.

Napakaliit nga ng mundo. Sa isang simpleng pagdalaw sa mga anak-anakan naming doktor ay nakatalisod pa kami ng kuwento. Biro namin kay Dr. Reg Santos, siguradong gumagaling agad ang kaniyang pasyente, dahil napakaguwapong doktor ang nag-aasikaso.

Vhong Navarro – Muling binuksan ang kasong rape laban sa kaniya

Sa isang panahon na ang akala ni Vhong Navarro ay tapos na ang kaniyang problema ay hindi pa pala. Muling nabuhay ang mga kasong rape at acts of lasciviousness na ihinain laban sa kaniya ng modelong si Deniece Cornejo sa Taguig City Prosecutors Office noong 2014.

Pinatibay na ‘yon nang tanggihan ng Department Of Justice ang hiling ni Deniece Cornejo para sa petition for review dahil sa kawalan niya ng kredibilidad. Naglabas ng resolusyon ang DOJ noong April 30, 2018 at July 14, 2020.

Patuloy na dininig ang kaso sa Court Of Appeals, hanggang sa noong July 21 ay binaligtad ng CA ang desisyon ng DOJ, inatasan ng Court Of Appeals ang piskalya ng Taguig na kasuhan ng rape at acts of lasciviousness si Ferdinand “Vhong” Navarro.

Matindi ang emosyon ng abogado ni Deniece na si Attorney Ferdie Topacio, tandang-tanda pa nito ang inabot na kahihiyan at pagdududa ng marami sa kaniyang kliyente, parang lumabas pang ang actor-dancer ang naging biktima.

“She was a victim two times over. First, of sexual assault, second, trial by publicity. She was painted as the culprit and Mr. Navarro as the innocent victim. Ms. Cornejo now stands vindicated,” mula kay Attorney Ferdie Topacio.

 Bayani Agbayani – Nakaladkad sa kasong rape ni Vhong Navarro

Wala namang kinalaman si Bayani Agbayani sa muling pagbuhay sa mga kasong isinampa ni Deniece Cornejo laban kay Vhong Navarro pero nakakaladkad ang pangalan ng komedyante.

Mababasa ang mga posts na nagsasabing karma raw ‘yun ni Vhong, dahil kapag umaatake ang kaniyang kasamahang si Vice Ganda sa It’s Showtime ay hindi man lang niya binabawal ang kaniyang co-host, kinakampihan pa.

“Ayan tuloy, nabulabog ang buhay mo, may kaso ka na naman, kasi, panay-panay ang bira n’yo ni Vice Ganda sa mga kapuwa n’yo artista!” sabi pa ng isa.

May nagbanggit pa sa pangalan ni Bayani Agbayani na wala raw namang masamang sinabi, pero inupakan nila agad sa show, kaya na-karma si Vhong.

Kung tutuusin ay emosyon na lang ‘yun ng mga bashers, pero alam din nila na walang kinalaman ang mga isyu sa mga kasong haharapin ni Vhong, ang rape at acts of lasciviousness na isinampa laban sa kaniya ng modelo noong 2014 pa.

Pero siyempre, hindi naman papayag ang kampo ni Vhong na basta na lang siya husgahan nang nakaupo, ilalaban nila ang kaso tutal naman ay hindi pa ‘yun final and executory.

Ang pinagtataka lang ng marami ay bakit hindi raw nagkaroon ng pagkakataong makapag-usap ang magkabilang panig. Sa tagal na ng panahong lumipas ay wala man lang bang nagtulay para sa kanilang pagkakasundo?

Si Attorney Ferdinand Topacio ang abogado ni Deniece Cornejo, palaban ang abogadong ito, pero gusto naming malaman ng marami na may pinakamalambot ding puso si Attorney Ferdie.

Ilang beses na naming napatunayan ‘yun, palagi itong nagtutulay sa kaniyang mga kliyente at sa kanilang kalaban, peacemaker si Attorney Topacio.

Wala itong pakialam kung magkakasundo na ang magkabilang panig at hindi na ito kikita, ang mahalaga para sa kaniya ay ang matagpian ang gusot at magkaroon ng kalinawan ang mga nagbabanggaang kampo, ganoon ang pagkakilala namin sa matapang na abogado.

Pero mukhang huli na ang posibilidad ng pagkakasundo, nasa kainitan na naman ang tunggalian ng kampo ni Vhong at kampo ni Deniece, nakapanghihinayang.

Abangan na lang natin kung ano ang kahihinatnan ng utos ng Court of Appeals na kasuhan ng Taguig Prosecutors office si Vhong Navarro ng rape at acts of lasciviousness.

Cherie Gil – Matapang na hinarap ang kaniyang pagpanaw

Napakatapang na hinarap ni Cherie Gil ang pagtatapos ng kaniyang buhay. Ayon sa malalapit niyang kaibigan, nang tapatin na siya ng mga espesyalistang gumagamot sa kaniya sa New York kung gaano na lang kaigsi ang kaniyang itatagal ay natural lang na maging malungkot siya, iniyakan ‘yun ng aktres.

Pero sa halip na magmukmok at sisihin ang Diyos at kahit sino ay binuksan ni Cherie ang kaniyang puso sa pagtanggap sa maaaring maganap anumang oras.

Pinaghandaan ni Cherie ang kaniyang pag-alis. Inayos niya ang mga pinaghirapan niyang ipundar sa tagal ng panahon ng kaniyang pag-aartista.

Hindi niya pinagdamutan ang kaniyang sarili, kinain niya kung ano ang kaniyang gusto kahit pa kung minsan ay nawawalan siya ng panlasa, araw-gabi siyang nagdarasal para humingi ng tawad sa kaniyang mga pagkakamali bilang tao.

Ang cleansing, ayon kay Cherie, ay hindi lang sa pisikal. Kailangang malinis na malinis ang ating isip at puso sa pagharap sa Panginoon.

Napakalaking tulong kay Cherie ng kaniyang mga magulang na Kristiyano. Sama-sama silang nagdarasal at kumakanta pa nga para sa Panginoon.

Puwedeng sabihin na bago ipinikit ni Cherie ang kaniyang mga mata ay nilinis na niya ang kaniyang puso. Nakapanghingi na siya ng tawad sa Diyos at sa mga taong nasaktan niya sadya man o hindi.

Sabi ni Direk Franie Zamora, “Hindi na siya pinahirapan, naging maigsi lang ang sakit na ipinaramdam sa kaniya. Ang iba, mga taon ang binibilang kapag may cancer. Si Cherie, wala pang isang taon. Pinadali lang ang mga sakripisyo niya.”

Noong isang gabi, kasama ang kaibigan nila ni Cherie na si Mary Anne Gomez at iba pa, ay nagkita-kita sila sa bahay ng direktor.

“Nagluto ako para sa kanila. Walang katapusan ang mga kuwentuhan namin tungkol kay Cherie. May time na naghahalakhakan kami. May oras naman na bigla na lang kaming nag-iiyakan sa pag-alala sa kaibigan namin.

“Sama-sama naming kinanta ang I Love You, Boy na pinasikat niya. May isang kandila kami sa mesa. Haay, masakit! Napakasakit mawalan ng isang tapat at tunay na kaibigang tulad ni Cherie.

“Iba si Cherie! Hindi niya ipinaramdam sa amin na iba siya kaysa sa amin. Ang galing-galing niyang artista, sikat siya, pero never naming na-feel na nakakaangat siya kesa sa amin.

“Noong malaman namin ang pinagdadaanan niya, nakiusap siya na amin na lang ‘yun, huwag na naming ilalabas. And we did. Marami kaming naririnig, pero hindi kami nagsasalita.

“Napakahirap noon para sa amin, lalo na kay Mary Anne na siyang aligaga sa lahat-lahat tungkol kay Cherie. Hindi pa siya nakakaiyak nang todo hanggang ngayon.

“Hindi pa nagsi-sink-in sa kaniya ang pagkawala ng kaibigan namin. Napakasakit noon para sa kaniya,” mahabang kuwento ni Direk Franie.

Sa New York ike-cremate ang mga labi ng pumanaw na aktres. Wala pang tiyak na panahon kung kailan iuuwi ng pamilya Eigenmann ang kaniyang abo dito sa Pilipinas.

Ayon pa rin kay Direk Franie, “Sa last will and testament ni Cherie, meron siyang mga habilin. Ayaw naming mauna ni Mary Anne, gusto naming manggaling sa pamilya niya kung anu-ano ‘yun.

“Pero kung kilala nga namin si Cherie, mas gusto niyang dito dalhin ang mga abo niya, mahal niya ang bayan natin, naiinip nga siya kapag nasa ibang bansa siya.

“Kapag nasa ibang country siya, sinasabi niya na uwing-uwi na siya, hindi siya kumportable sa labas ng Pilipinas. Pero iba naman siyempre ‘yung noong mag-asawa na siya.

“Kailangan na niyang magbuo ng pamilya, kailangan silang magkasama ni Renee (Rogoff) at ng mga anak nilang sina Bianca at Raphael. Ibang-iba ‘yun,” kuwento ni Direk Franie.

Hanggang ngayon ay hindi pa nabubura sa aming alaala nang magkaroon ng tsunami sa Thailand. Inabutan doon si Cherie. Napakatapang pa niyang kinunan ang pagngangalit ng dagat at ang malalaking alon.

Ganoon katapang si Cherie Gil.

Isko Moreno – Nabugbog daw sa Paris, France?

Ano raw? Si dating Mayor Isko Moreno, binugbog daw sa Paris, France, napuruhan daw ang politikong natalo sa panguluhan noong nakaraang halalan?

Papayag ba naman ang dating mayor na basta na lang siya masaktan? Hindi puwedeng mangyari ‘yon, sanay sa rambol ang aktor-politiko, laki siya sa Tondo.

Nagliliwaliw ngayon sa Europa ang buong pamilya ni dating Mayor Isko. Ang lagay nga naman, Lotlot na nga naman siya sa nakaraang eleksiyon, magmumukmok pa ba naman siya?

Puwedeng may nagtangkang mambudol sa kaniya, pero siya pa ba naman ang sasampolan ng mga manloloko, samantalang lumaki siya sa isang kapaligiran na sangdamakmak ang mga nambubudol?

Natakot siguro ang mambubudol dahil kasama ni Yorme ang matatangkad niyang anak na lalaki at poporma rin siyempre ang kaniyang misis na black belter pala.

Ayon sa mga anak-anakan naming matagal nang naninirahan-nagtatrabaho sa iba-ibang bansa sa Europa (Spain, Belgium, Netherlands, Norway, Germany, Finland at iba pang mga bansa) ay nangu’n talaga ang mga taong hindi mo aakalaing masasama pala ang balak dahil sa kanilang gayak.

“Makakakita ka ng taong naka-suit, akala mo manager ng isang malaking kompanya, pero mandurukot pala! Huwag kang magpapadala sa mga ganoong porma!” sabi ng aming kaibigan.

Sa Paris din nadukutan ang isang kaibigan naming abogado, guwapong-guwapo raw ang kaniyang nakasabay sa mataong kalye, pagkapa nito sa kaniyang wallet ay wala na.

Ang nakaporma at guwapong nakasabay nito ay wala na, humalo na sa karamihan, kaya hindi na nito nahabol. Ganoon ang galawan sa Europa, nagkalat ang mga mandurukot, kaya kailangang mag-ingat ang mga turista.

Jeric Raval – May disiotsong anak sa iba’t ibang babae

Punumpuno ng rebelasyon ang interbyu ni Ogie Diaz kay Jeric Raval. Ngayon lang namin nalaman na may disiotsong anak pala ang action star sa iba-ibang babae.

Suwabeng magkuwento si Jeric Raval, ang pambatong action star ng Octoarts Films ilang dekada na ang nakararaan, hinubaran niya ang kaniyang sarili sa naturang panayam.

Hindi raw naman siya matatawag na isandaang porsiyentong responsableng ama, pero wala siyang napabayaang anak, ipinagpapasalamat niya rin na naging maayos ang samahan nila ng mga babaeng nakarelasyon niya.

Nasagot na ngayon ang aming tanong kung sino ang ipinakilala niyang babae sa amin noong minsan namin siyang mainterbyu sa Cristy Ferminute.

Hindi kasi ‘yun si Alyssa Alvarez, ang naghahamon sa mga bashers at Marites na ina ng sexy star na si AJ Raval. Melody pala ang pangalan ng kaniyang kasama kung saan lumaki si AJ.

Sa tanong kung naniniwala ba siyang nagdadalantao ngayon ang kaniyang anak na si AJ ay hindi ang sagot ni Jeric. Noong makarating daw kasi sa kaniya ang balita ay tinawagan niya agad si AJ.

“Tinanong ko siya kung ano ‘yun, ang sabi niya, e, hindi raw totoo ang kuwento, pagod na pagod na raw siyang sagutin ‘yun dahil ang tagal na siyang sinasabihang buntis.

“Nasa shooting siya noong nakausap ko, may tinatapos siyang movie sa Viva, bakit siya nagsu-shooting kung buntis siya? Although mga three weeks na kaming hindi nagkikita,” paliwanag ni Jeric.

Pero hinaluan niya ng pakomedya ang kaniyang sagot sa tanong ni Ogie kung buntis nga ba ang kaniyang anak?

Sabi ng action star, “E, di maganda kung buntis nga siya! At least, hindi siya baog? Saka bakit ba pinoproblema ‘yun, ang masama, e, kung kabuwanan na, pero hindi pa rin manganak-nganak!” natatawa niyang sagot.

Hindi raw niya pinanonood ang mga pelikulang ginagawa ni AJ, naaalibadbaran daw siya, ayaw niyang makita. Alangan daw namang pumalakpak pa siya habang ipinakikita ang pagpapa-sexy at paghuhubad ni AJ?

“‘Yung sa meron na raw siyang anak dati pa, hindi rin totoo ‘yun! Ang mga pamangkin kasi niya, e, close sa kaniya. So, ‘yun siguro ang sinasabi nilang anak ni AJ!

“Pero kung meron na siyang anak dati pa, magpapakita ba naman siya ng katawan niya na ganiyan?” pagtatanggol ni Jeric sa kaniyang dalaga.

Nagkausap na raw sila nang lalaki sa lalaki ni Aljur Abrenica, ang karelasyon ngayon ni AJ, ipinaaayos daw niya ang buhay ng aktor para hindi naman masabihang disgrasyada ang kaniyang anak.

“Sinabihan ko siya na ayusin ang buhay niya, kasi, babae itong sa akin. Mabait naman si Aljur, nagkaintindihan naman kami,” kuwento pa ni Jeric.


Magaan ang kanilang kuwentuhan ni Ogie Diaz, sinasagot ni Jeric ang mga ibinabatong tanong ni Ogie sa maayos na paraan, hindi siya pikon at nagtataas ng boses.

Mayroon lang siyang iniwasang paksa, ‘yung isang nagngangalang Vanessa Raval na nagpapakilalang anak din niya, huwag na lang daw siyang tanungin tungkol doon. May isyu kasi sa pagitan nina Vanessa at AJ.

Aminado ‘yung Vanessa na gumawa ito ng isyu para sa kaniya na lang magalit ang mga bashers at hindi kay AJ pero itinatwa pa raw ito bilang kaparid ng sexy star.

Sumama ang loob ni Vanessa, ito na nga raw ang gumagawa ng paraan para malihis kay AJ ang galit ng mga kababayan natin, pero ito pa ang lumabas na masama.

Nakita ng mga tumututok sa Tik-Tok ang sabayan nilang pagsasayaw, pero ayon kay AJ ay hindi raw kasi sila lumaking magkasama, ang ibang mga kapatid daw nito ang malapit sa kaniya at hindi si Vanessa.

Sa paglipas nang mahabang panahon ay parang hindi nagkakaedad si Jeric Raval, wala siyang ipinagalaw sa kaniyang mukha, ayaw niya.

At marespeto siyang sumagot, walang kayabang-yabang, kaya masarap panoorin ang kanilang one-on-one ni Ogie Diaz.

Willie Revillame – Puring puri si Luis Manzano

Kapag nagkukuwentuhan kami ni Willie Revillame ay puro papuri ang maririnig sa kaniya tungkol kay Luis Manzano. Hindi ‘yon dahil sa ninang niya sa kasal ang Star For All Seasons, saludo siya sa talento ni Lucky, pati sa pagdadala nito sa kaniyang karera.

Nananalamin siguro siya kay Luis na bukas ang palad sa pagtulong sa mga nangangailangan. Nakikita siguro niya ang kaniyang sarili kay Luis na sa maagang panahon ay naglakas-loob agad na namuhunan sa pagnenegosyo.

“Natutuwa ako kay Luis, maaga siyang natutong mag-business. Saka wala siyang bisyo, very professional, kitang-kita ‘yon sa kaniya. Ganoon dapat ang mga artistang kumikita, nakatanaw sa future,” sabi ni Willie.

Malakas ang ikot ng balita na sa pagbubukas ng bagong network na pag-aari ng mga Villar, ang AMBS, na si Willie ang pinagkakatiwalaan ng pamilya ay kasama si Luis Manzano sa mga artistang ilulunsad ng bagong istasyon.

May impormasyong nakarating sa amin na ilang beses nang nagmi-meeting ang host ng Wowowin at si Luis. May posibilidad nga kaya na ang mga programang gagawin ni Luis ang kanilang inuupuan?

Hindi ‘yon imposible. Sa panahong ito na wala nang prangkisa ang ABS-CBN ay maaari nang tumanggap ng trabaho si Luis sa labas ng network.

At gustung-gusto siya ni Willie Revillame, alam niya na malaking karagdagan sa bubuksan nilang network ang actor-TV host, kaya abangan na lang natin ang mga susunod na kuwento.

Vice Ganda – May matinding pinagdadaanan?

Nakamaskara lang sila pero tao pa rin ang mga payaso. Sinumpaang tungkulin lang nila ang pagpapasaya pero tao lang din silang nasasaktan, nalulungkot at lumuluha.

Hindi namin maaaring kalimutan ang kuwento na gustung-gustong maligo sa ulan ng pinakasikat na komedyante sa buong mundo na si Charlie Chaplin.

Doon lang kasi ito nabibigyan ng pagkakataong lumuha nang hindi nakikita ng publiko. Parang si Vice Ganda. Hindi siya gustong nakikita ng manonood na nalulungkot dahil sa pinasok niyang li niya ng pagkokomedya.

Ang tingin ng iba kay Vice Ganda ay wala siyang kalungkutan, wala siyang pakiramdam, hindi siya dinadalaw ng mga paghamon at problema.

Pero tao lang din siyang tulad natin na umaaray. Hindi siya robot na de-susi. Ang kaniyang anyo ay tulad din nating binubuo ng laman, balat at buto bilang tao lang.

Pinahahalakhak niya ang publiko sa kaniyang show, sa kaniyang mga concert, pero hindi natin alam kung ano ang kaniyang saloobin. Nagpahayag siya na hindi naging madali para sa kaniya ang lampasan ang mga huling ganap sa kaniyang buhay.

Ang dami-dami tuloy nanghula kung anu-ano ang bumabagabag sa kaniya. Nagkahiwalay na ba sila ni Ion Perez? Inaatake ba siya ng kalungkutan dahil nararamdaman na niyang padausdos na ang kaniyang career?

May problema ba siyang pampamilya? Mayroon ba siyang sakit na kinatatakutan kaya ganoon na lang siya kalungkot?

Pahulaan ang kasalukuyang buhay ni Vice Ganda. Publiko ang nagbibigay ng sagot sa nararamdaman niya ngayon. Sa muli, tao lang si Vice Ganda na inuulaol ng problema, payaso man siyang itinuturing ay meron siyang pusong nasasaktan.

Manay Lolit Solis – Ilang araw nang nasa ospital

Nasa estado ng pagiging sensitibo ngayon ni Manay Lolit Solis. Sabi niya sa pinakahuli naming pagpapalitan ng text, “Ganito na talaga kapag tumatanda, marami nang nararamdaman.”

Ilang araw siyang naospital, ngayon ay sumasailalim na siya sa dialysis, wala siyang pamimilian kundi ang sundin ang payo ng kaniyang mga doktor.

Sa mga nauna naming pagte-text ay palagi niyang ipinaaalala, “Ingat palagi, Kabsat, bawal tayong magkasakit. Nagkakaedad na tayo, iba na ang panahon.”

Palaging ganoon ang kaniyang bilin, pabago-bago pa naman ang panahon, hindi naman namin alam na nagpaospital na pala siya. Hindi pa naman niya mundo ang ospital, hindi siya sanay nang nakakulong, sa buong panahon ng kaniyang buhay ay palagi siyang nasa labas.

Minsan ay ikinuwento niya sa amin na kapag alagain na talaga siya dahil sa katandaan ay pinaghandaan na niya ang pagpasok sa home care. Nasa ibang bansa kasi ang kaniyang mga anak.

“Doon na lang ako. Magastos lang talaga dahil lahat, e, babayaran mo, pero may mag-aalaga naman sa iyo. Nag-check na ako, ganoon ang plano ko,” sabi ni Manay Lolit.

Ang matinding ikinalulungkot niya ngayon ay napababayaan na niya ang kaniyang mga alagang aso. Hindi na siya nagdagdag pa ng mga alaga, nagtatandaan na ang kaniyang mga aso, noong minsan nga ay sa mismong kandungan pa niya binawian ng buhay ang isa niyang alaga.

“Naku, naiisip ko nga ‘yun, ‘no! Baka kapag nawala ako, e, buksan ni Mel ang gate namin, kaya nagtakbuhan ang mga aso ko at kung saan-saan na lang nagtakbuhan!” tumatawa pang kuwento ni Manay Lolit.

Isa lang ang palagi naming itine-text sa kaniya. Laban lang! Walang sukuan! Wala sa bokabularyo natin ang pagsuko.

Maid In Malacañang – Malaking tagumpay

Malaking tagumpay ang Maid in Malacañang. Hindi lang dito, maging sa iba-ibang bansa ay nagtatanong ang aming mga kaibigan kung kailan ipalalabas ang pelikula sa bansang kinaroroonan nila, matagal na silang nag-aabang.

Maganda ang naganap. Muling bumalik sa mga sinehan ang ating mga kababayan pagkatapos nang mahigit na dalawang taon. ‘Yon pa lang ay malaking dapat nang ipagpasalamat ng mundo ng pelikula sa Viva Films na nagprodyus ng Maid in Malacañang.”

Komento ng aming anak-anakang si Randy Balaguer na nanood na agad sa unang araw pa lang, “Blockbuster hit ang movie. Nakakakilabot. Tawa-iyak-palakpak ang reaction ng manonood. Hindi sayang ang panahon at ipinambayad namin ni Marky sa sinehan!”

Seryoso namang sinabi ng kaibigan naming propesor, “Wala akong pakialam sa usapin ng politika. Hindi ako tagasuporta ng mga Marcos. Pero ang dahilan kung bakit ko pinanood ang pelikula, e, gusto kong magkaroon ng sagot ang tanong ko noong 1986 pa.

“Ano nga kaya ang ginagawa ng pamilya noong nagbabaligtaran na ang mga kaalyado nila? Gaano kaya sila kanerbiyos noong sumisigaw na ang buong bayan para lumayas sila?

“Tanong ko ‘yon noong 1986 pa na gusto ko nang matugunan. Pinanood ko ang pelikula. Naantig ang puso ko. Totoo, wala ngang pinipiling posisyon at estado ang takot.

“Tao lang tayong ninenerbiyos kahit pa gaano katas ang posisyon natin sa pamahalaan. Tao lang tayong naiihi sa takot, nagdarasal kapag talagang nasa gitna na tayo ng kamatayan,” sinserong pahayag ni prop. – CSF