• Krosword ni Gerry Gamurot
    Eh Kasi, Pinoy!

    Krosword

    ni Gerry Gamurot
  • Building Science by Norman Aceron Garcia
    Features

    Building Science

    by Norman Aceron Garcia

Published on

Cristy Per Minute ni Cristy FerminMayo 1-15, 2017

  Pia Wurtzbach & Marlon in Brunei
 
Pia Wurtzbach & Marlon Stockinger sa Brunei
  Kris Aquino
 
 Kris Aquino
  Claudine Barretto
 
Claudine Barretto
  Angel Locsin & Neil Arce
 
Angel Locsin & Neil Arce
  Jaclyn Jose kasama ang apo na si Ellie
 
Jaclyn Jose kasama ang apo na si Ellie
  Andi Eigenmann kasamang anak na si Ellie
 
Andi Eigenmann kasamang anak na si Ellie
  Ara Mina, Amanda & Patrick Meneses
 
Ara Mina, Amanda & Patrick Meneses
  Maine Mendoza & Alden Richards
 
Maine Mendoza & Alden Richards
  Ai Ai delas Alas & Gereald Sibayan
 
Gerald Sibayan & Ai Ai delas Alas

Pia Wurtzbach – Naayos na ang naging problema sa Brunei

Mabuti naman at natulayan na ang problema sa pagitan ni Pia Wurtzbach at ng kababayan nating negosyante sa Brunei na si Kathelyn Dupaya. Magandang balita iyon.

Mas malaki ang mawawala sa beauty queen kesa sa negosyante kapag nagpatuloy pa ang hindi nila pagkakaintindihan. May nakaputong na korona habambuhay kay Pia samantalang kahit sa pang-barangay na paligsahan ay hindi naman sumasali si Kathelyn.

Komunikasyon lang ang gumamot sa sitwasyon. Pagpapaliwanagan. Noong una ay may kainitan pa ang pagpapalitan ng salita ng magkabilang kampo pero pasasaan ba’t lalamig din naman ang kanilang ulo.

Kapag pride na kasi ang umiral ay walang posibilidad ang pagkakasundo, pero kapag isinuko na iyon, siguradong sorry na ang maririnig sa magkabilang bakod.

Pamilyar sa amin ang pangalan ng sinasabing Pinay businesswoman sa Brunei na nakaengkuwentro ni Pia Wurtzbach. Ang misis ni April “Boy” Regino na si Madel ang nagkuwento sa amin kung gaano kabait itong si Kathelyn Dupaya.

Kinuhang mag-show sa Brunei ang Idol Ng Bayan dalawang taon na ang nakararaan. Nalaman daw ni Kathelyn na ooperahan sa mata si ABR, kaya bukod sa talent fee nito ay nagbigay pa ng tulong si Kathelyn, malaking halaga iyon na nakatulong sa operasyon ni April Boy.

Anak-mahirap daw si Kathelyn, salat na salat sa buhay, kaya nang magkaroon siya ng magandang kapalaran ay parang buslong butas ang kaniyang bulsa sa pagtulong sa mga nangangailangan.

Maraming artistang pinapupunta sa Brunei si Kathelyn Dupaya. Siya ang sagot sa plane ticket, siya rin ang bahala sa hotel accommodation, may pocket money pa siyang ibinibigay.

Bongga rin siyang magbayad sa mga artistang pinagso-show niya sa Brunei, spoiled ang mga ito, dahil binibigyan pa niya ng mga branded na regalo ang mga personalidad.

Gusto nga palang linawin ni Madel na hindi sa casino madalas na nananalo si Kathelyn Dupaya at ang kaniyang mister kundi sa lotto.

Hindi raw marunong magsugal ang mag-asawa, hindi raw sila nagka-casino, pero hindi sila pumapalya sa pagtaya sa lotto.

Pero nagkaayos man ang kampo nina Pia Wurtzbach at Kathelyn Dupaya ay hindi na mabubura sa utak ng mga nakasaksi sa kanilang pagpapalitan nang maaanghang na salita. Lalo na sa reklamo ni Kathelyn na nang imbitahan daw kasi niya ito ay bitbit ng beauty queen ang buong pamilya ng kaniyang boyfriend na si Marlon Stockinger. At may kasama pa silang mga kasambahay

Ikinasama rin ng kaniyang loob ang pagtawag sa kaniya ng scammer ni Pia, idagdag pa ang sinabi diumano ng beauty queen na fake naman ang Hermes bag na iniregalo sa kaniya, kaya ang hamon ni Kathelyn Dupaya noon ay ipa-check ang uri ng branded bag na iniregalo niya para magkaalaman na.

Kris Aquino – Ano ang role sa Crazy, Rich Asians?

Habang inaayos pala ni Kris Aquino ang proyektong gagawin niya sa Hollywood ay pansamantala niyang ipinagkatiwala si Josh sa yaya nito. Isang buwan na palang nasa Hinigaran, Negros Occidental ang panganay ni Kris.

Kuwento ng aming assistant na si Japs Gersin ay hindi ito ang unang pagkakataong nagbakasyon nang matagal sa kanilang bayan si Josh. Sobrang lapit kasi nito sa kaniyang yaya. Iniiyakan ni Josh ang bawat pag-uwi ni Yaya Anna sa Negros.

Nagtatanungan ngayon ang marami kung ano na, finally, ang magiging role ni Kris sa gagawin niyang pelikula sa Warner Bros. May nakuha na kasing bida, may natitira pang dalawang mahalagang papel sa Crazy, Rich Asians, alin kaya doon ang masusungkit ng TV host?

Sabi ni prop na naging abala nitong mga huling linggo, “Sigurado na iyon! Iyong role ng crazy ang mapupunta kay Kris! Hindi na niya kailangang umarte, just be herself na lang ang peg niya!”

Malaki man o maliit ang papel na mapupunta kay Kris Aquino ay natupad ang kaniyang pangarap na makapasok sa mundo ng Hollywood na inaasinta ng lahat ng mga artista sa buong mundo.

Claudine Barretto – Kailangang mag-diet at magbawas ng timbang

May mga kaibigan kaming nakakita kay Claudine Barretto sa isang kilalang grocery store. Kasama ng aktres sa kaniyang pag-iikot ang mga anak nila ni Raymart Santiago.

“Maganda pa rin si Claudine, ang tunay na ganda talaga, hindi naitatago. Pero may problema siya. It must be the reason kung bakit hindi pa siya napapanood ngayon sa movie or sa TV,” banggit ng isa naming kaibigan.

Malaki pa rin daw ang katawan ni Claudine. Sa madaling salita, mataba ang aktres, kailangan muna niyang magpaliit nang husto para hindi siya maging katawa-tawa sa harap ng mga camera.

“Ang braso niya, malalaki. Ang hips niya, sobrang laki rin. Ang mga hita niya, e, nagmumura. Di ba, nag-diet na siya dati? Naglabas pa nga siya ng mga pictures noon na payat na siya, di ba?

“Pero ang laki-laki pa rin niya. Maganda siya, totoo iyon, pero ang body niya, parang kalahati lang ng katawan niya ang bulto ni Gretchen.

“Sayang, ang dami-dami nang lumalampas na projects sa kaniya. Mag-diet na sana siya nang husto para makabalik na siya,” sabi pa ng aming kausap.

At may hirit pa ang kasama nito, “Paano naman siya papayat, e, puro pampataba ang mga laman ng cart niya? Grabe, puro carbo, kaya mahihirapan nga siya pumayat!”

Angel Locsin at Neil Arce – Sila naman ang mag-steady ngayon

Hindi lang sila lantarang umaamin pero malaki ang posibilidad na nagkakaigihan na ngayon sina Angel Locsin at Neil Arce. Hindi naman kasi si Angel ang klase ng babaeng ipinaglalantaran sa buong mundo ang mga nangyayari sa kaniyang pakikipagrelasyon.

At wala namang problema kung sila na nga dahil malinis ang kanilang kartada. Malaya na si Angel na magmahal at malaya na rin si Neil sa paghihiwalay nila ni Bela Padilla.

Mas maganda na para kay Angel ang ganitong kuwento, tutal naman ay nagbigay na ng pahimakas ang producer na si Mr. Arce, ano raw kaya ang susunod na kahahantungan ng kanilang pagkakaibigan na pitong taon na ngayon?

Palaging kinukuwestiyon ng mga kababayan natin kung bakit puro mga tibo ang palaging kasa-kasama ngayon ni Angel kahit saan. May multiple choice pa nga silang ibinibigay. Kundi raw karelasyon ng tibo ang magandang aktres ay siya mismo ang tibo.

Ngayong may nauugnay nang lalaki sa kaniya, kahit paano’y mababawasan ang mga nagtatanong kung ano ba ang totoong kasarian ni Angel Locsin, mababalanse ni Neil Arce ang kuwento.

At may karapatang lumigaya si Angel Locsin. Walang makapipigil noon para sa kaniya. Kung busilak naman ang intensiyon ng producer sa dalaga ay walang problema.

Kilalang-kilala na nila ang isa’t isa, pareho pa silang mga anak ng sining, walang masama kung sila na nga ngayon.

Umamin man sila o hindi ay nand’yan na ang mga palatandaan—maligaya sila sa isa’t isa.

Jaclyn Jose ­­– Dakilang ina ng isang palalong anak

Nakakaawa si Jaclyn Jose. Pati siya ay inuupakan na rin sa social media ngayon dahil sa sobrang pagtalak ng kaniyang anak na si Andi Eigenmann. Hindi raw maayos ang ginawang pagpapalaki ni Jaclyn sa kaniyang anak.

Masakit ang paghusgang iyon para sa isang ina na ginawa naman ang lahat-lahat para sa kaniyang supling. Mag-isa niyang pinalaki si Andi, patay-katawan sa pagtatrabaho ang aktres para maibigay ang mga pangunahing pangangailangan ng kaniyang anak, pero siya pa ang sinisisi ngayon ng marami.

Binigyan nang sapat na panahon ni Jaclyn ang paglaki ni Andi. Dahil siya ang gumaganap na tatay at nanay ng kaniyang anak ay napakahirap ng kaniyang pinagdaanan.

Pero hanggang sa paggabay at pangangaral lang naman ang magagawa ng isang magulang. Hindi niya hawak ang saloobin ng kaniyang anak, hindi na kasalanan ng isang nanay na hindi naman nagkulang na lumaking ganyan ang kaniyang produkto.

Kahit naman si Jaclyn ay halos sumuko na noon kay Andi na lumaking palalo. Kaya nga lang ay hindi niya naman matiis ang kaniyang anak, siya pa rin ang pumapagitna sa mga laban nito, siya pa nga ang nasisisi sa bandang huli.

Napakasuwerte ni Andi sa kaniyang ina. Kung iba-ibang nanay lang si Jaclyn, sa sobrang tigas ng ulo ng kaniyang anak ay baka pinabayaan na lang niya ito, pero magkarugtong nga kasi ang kanilang pusod.

Kaya ayun si Jaclyn, ipinagtatanggol pa rin ang kaniyang anak, binibigyan pa rin niya ng katwiran si Andi kahit pa lihis na sa katwiran ang mga pinagsasasabi nito.

Ganoon ang nanay. Handang ipagtanggol ang kaniyang anak. Handang ibuwis ang kaniyang buhay para lang hindi masaktan ang sanggol na dinala niya nang siyam na buwan sa kaniyang sinapupunan.

Andi Eigenmann – Punumpuno ng poot ang puso

Kung makapagsalita naman ng basura si Andi Eigenmann, para namang pagkasama-sama na ng mag-inang Laarni Enriquez at Jake Ejercito, kung makapagbitiw siya ng salitang walang puso ang pamilya Estrada ay parang wala nang bukas pa.

Ano na naman ba ang nangyayari kay Andi? Naging libangan na lang niya ngayon ang upakan nang upakan si Jake, kapag kulang pa sa kaniyang panukat ang mga bira niya ay idinadamay na niya ang pamilya Estrada, paano siya magiging maligaya kapag ganyan na punumpuno ng poot ang puso niya?

Sayang ang panahong ginugugol niya sa pakikipag-away sa ama ng kaniyang anak na si Ellie. Gagastos pa raw siya ngayon para sa lawyer na kukunin niya, hirap na hirap na nga raw siya sa pagsuporta kay Ellie, dahil hindi naman nagbibigay ng sustento si Jake para sa kanilang anak?

Ang lahat ng inirereklamo ngayon ni Andi ay puwede naman kasing naiwasan kung nagbigay lang siya ng panahon para makipag-usap kina Laarni at Jake.

Alam ng mga taga-Viva ang kuwento. Ilang ulit nang nakipag-usap ang dating aktres kay Boss Vic del Rosario para humingi ng appointment na magkausap-usap sila ni Andi, maaaring tumugon naman si Boss Vic sa hiling ni Laarnie, pero nangyari ba iyon?

Hindi siya nakipagkita sa gitna, ni konting panahon ay hindi siya nagbigay para kina Laarni at Jake dahil busy raw siya, pagkatapos ngayong naghain ng petisyon si Jake para sa joint custody nila kay Ellie ay kung anu-ano ang ikinakatsang niya na para bang kaawa-awa siya.

Kung pinagbigyan niya ang pakiusap ng mag-ina, di sana’y wala na silang problema, di sana’y hindi na siya magagastusan ngayon as pambayad sa abogado niya?

Ito rin ang sigaw niya noon laban kay Albie Casino, ipinaaako niya noon sa aktor na ito ang ama ng bata, maraming salamat na lang sa resulta ng DNA test nina Jake at Ellie dahil nagkaroon na ng katahimikan ang buhay ng bagets.

Kahit ilang beses pang magpalit ng karelasyon si Andi Eigenmann ay hindi siya magiging maligaya. Hanggang punumpuno ng galit ang kaniyang dibdib ay magiging mailap sa kaniya ang maligaya at may katahimikang buhay.

Mayor Patrick Meneses at Ara Mina – Hiwalay na pero magkaibigan pa rin

Kundi mo alam ang kuwento ng relasyon nina Mayor Patrick Meneses at Ara Mina ay maliligaw ka sa mga pinakahuling pangyayari sa kanilang buhay. Magdududa ka rin na baka nga nagkabalikan na sila.

Pero kung kabisado mo ang naging takbo ng kanilang relasyon, lalo na ang naging dahilan ng pakikipagkalas ng pulitiko sa aktres, ay hindi mo bibigyan ng kahit anong kakaibang pakahulugan ang pagsasama nila noong nakaraang Semana Santa sa Brunei.

Sa kabila ng nangyari sa kanilang relasyon ay pinanatili nina Mayor Patrick at Ara ang pagkakaibigan para sa kanilang anak na si Amanda.

Malayang nahihiram ni Mayor Patrick ang kanilang anak, hindi siya nagkukulang sa pagtupad sa mga obligasyon para sa bata, maayos ang naging pag-uusap nila ni Ara tungkol kay Mandy.

Walang pagbabalikang naganap, pero napasaya nina Mayor Patrick at Ara ang kanilang anak, naniniwala sila na kapag nakikita ng bata ang kaniyang mga magulang na nagkakasundo ay maayos ang paglaki nito.

Ganoon lang iyon. Para sa bata ang naging pagsasama nila nang ilang araw, walang ibang dahilan iyon kundi ang kapakanan ng kanilang anak, walang nangyaring pagbabalikan.

Malinaw iyon.

Alden Richards at Maine Mendoza – Mismong taga-GMA7 pa ang naninira sa Aldub

Tustado na ang creative consultant ng GMA-7 na kumumpirmang flop ang serye nina Alden Richards at Maine Mendoza noong una pero medyo tumaas na rin ang rating nang ipasok sa istorya si Thea Tolentino.

Ay, nag-royale rumble ang mga fans ng AlDub, pinupog-kinuyog nila si Suzette Doctolero, ang nagsabing flop ang serye, kaya kumbaga sa tinapay ay sa tustadong mamon na maikukumpara ngayon ang empleyado ng Siyete.

Hindi nga naman iyon maganda sa pandinig, lalong hindi masarap sa panlasa na mismong taga-GMA-7 pa ang kumumpirmang mababa ang rating ng serye noong una, sino pa ang maniniwala sa pag-aangat ng mga fans nina Alden at Maine sa loveteam kung ganyan na mismong empleyado ng network ang nangdadaot sa kanilang mga idolo?

Galit na galit sa kaniya ang mga tagasuporta nina Alden Richards at Maine Mendoza dahil sa pagbabando niya na flop ang serye ng AlDub.

Hindi na bago ang kuwentong ito. Si Suzette Doctolero rin ang nagbulgar noon nang pagkadiin-diin na ham actor si Aljur Abrenica. Hindi raw kakulangan sa istasyon ang isang banong umarteng aktor.

Hindi namin alam kung may basbas ng kaniyang mga bossing ang mga pinakakawalang salita nitong si Suzette. Mahirap kasing intindihin na mismong may posisyon pa sa network na tulad niya ang maglalabas ng mga komentong kontra sa kanilang mga artista.

Nakakaawa si Suzette Doctolero sa pang-uupak sa kaniya ng mga tagasuporta ng AlDub. Hindi lang basta hinihiling ng tropa na bigyan ng leksiyon ng network si Suzette, ipinatatanggal pa nila, dahil wala raw malasakit sa mga programa at artista ng kanilang istasyon ang creative consultant.

May katwiran naman ang grupo sa kanilang sigaw, hindi bale nang manggaling ang kumpirmasyon sa ibang tao o network, huwag lang sa mismong nagtatrabaho sa istasyong pinagpapalabasan ng serye ng phenomenal loveteam.

Ang pagpapakatotoo ay may pinipiling panahon at sitwasyon. Kung wala itong masasabing positibo tungkol sa serye ay mas magandang nagtikom na lang sana ito ng bibig dahil hindi magandang tingnan na ang mismong pinagmumulan ng biyayang ikinabubuhay nito ang malalagay sa alanganin.

Respetuhan lang naman ‘yan. Kung ayaw ni Suzette Doctolero sa AlDub ay walang kahit sinong makapamimilit sa kaniya. Pero puwede nitong respetuhin ang bakurang nagbuo-nagbalangkas ng serye para kina Alden at Maine.

Ai Ai delas Alas – Ikakasal na sa isang taon kay Gerald

Wala na nga sigurong paglagyan ang kaligayahan ngayon ni Ai Ai delas Alas. Wala na siyang mahihiling pa sa nakapagandang takbo ng kaniyang career. Maging ang kaniyang lovelife ay makinis ang takbo, tanggap ng kaniyang mga anak si Gerald Sibayan, ito pa nga ang itinuturing niyang lucky charm.

Pagkatapos ng masalimuot niyang pinagdaanan sa pakikipagrelasyon ay pinremyuhan naman siya ngayon ng panahon. Wala na siyang nakikitang hadlang para sa pagpapakasal nila ni Gerald.

“Masarap kasing kasama ang taong hindi ka lang mahal kundi naiintindihan ang buong pagkatao mo. Marami rin namang tiniis si Ge. Iyong mga pangmamaliit lang sa kaniya noon ng ibang tao, e, enough na para sumuko siya kung tutuusin, di ba?

“Pero tiniis lang niya iyon, ang palagi lang naming pinag-uusapan, e, laban lang, anyway, kaming dalawa lang naman talaga ang nakakaalam kung ano ang nararamdaman namin para sa isa’t isa.”

Sa susunod na taon na ang pagpapakasal ng Philippine Comedy Queen na si Ai Ai delas Alas at ng mag-aapat na taon na niyang boyfriend na si Gerald Sibayan.

Sa mga susunod na buwan ay magiging busy na sila sa paglilista ng mga kukunin nilang ninong at ninang at ng bubuo sa kanilang secondary sponsors. Ngayon pa lang ay mayroon nang mga pangalang lumalabas na kukuning ninong at ninang nina Ai Ai at Gerald.

Nababanggit ang mga pangalan nina Bossing Vic Sotto, Tony Tuviera, Boy Abunda, Congresswoman Vilma Santos, Sharon Cuneta at Marian Rivera.

Malapit na uling patunayan ni AiAi delas Alas ang kaniyang magic sa takilya. Inspirasyon niya si Gerald Sibayan at ang kaniyang mga anak sa pagtatrabaho niya nang sabayan sa telebisyon at pelikula.

Malapit na ang Our Mighty Yaya, may ginagawa pa siyang pelikula ngayon para sa Cineko Productions, dalawang TV shows ang umookupa sa kaniyang panahon.

“Wala akong nararamdamang pagkabagot, kahit ang physical na hirap, wala akong napi-feel. Masarap magtrabaho kapag maganda ang mga nangyayari sa paligid mo,” tanging nasabi ng Comedy Concert Queen.

Pinagpalang babae. Sabi nga, ang magagandang bagay sa mundo ay sabay-sabay na nangyayari para sa isang pusong busilak, ipinaaangkin namin iyon kay Ai Ai delas Alas.

Have a comment on this article? Send us your feedback