
Opinions
![]() |
Hindi lahat ng Pilipino ay mahirap |
Naging mainit na isyu ang nakaraan nating article tungkol sa mahiwagang babae et al (at iba pa). Maraming salamat sa mga nag-email, tumawag at sa mga naka-kuwentuhan ko sa malls at sa bus. Diumano, sa Steinbach naman nag-ooperate ang mahiwagang babae and gang. Kung hindi ninyo nabasa ang nakaraan nating article ay pakibisita po ang ating website.
Napasarap kami ng kuwentuhan ni Kuya Charlie Del Rosario nang magkita kami sa Wal-Mart. Siyempre, tampok sa usapan namin ang isinulat ko kamakailan. Hanggang sa kung saan-saan na nauwi ang aming sharing ng opinyon. Siyempre tungkol sa buhay Pinoy sa Winnipeg umikot ang masarap naming kuwentuhan.
Isa sa mga magandang puntos na sinabi ni Kuya Charlie ay ang impression ng ibang lahi sa economic condition ng Pilipinas na associated sa tingin nila sa mga Pilipino. Totoo ba na ang unang impression ng Canada o ng iba pang bansa sa Pilipino ay mahirap? Kapag sinabi bang Pilipino ay katumbas ito sa salitang poor? Totoong napakaraming mahirap na Pilipino pero hindi lahat ng Pilipino ay masasabi nating mahirap.
Usapin ito ng malaking economic gap sa pagitan ng mayaman at mahirap. Maraming factors ang naging dahilan kung bakit ganito ang naging kalagayan ng ekonomiya sa Pilipinas. Una na siguro ang corruption na tila naging kultura na sa Pilipinas maging sa pampubliko at pribadong sektor.
Pero hindi naman ito nangangahulugan na wala nang pag-asa ang Pilipinas o ang mga Pilipino. Hindi rin tayo papayag na mananatiling mahirap ang karamihan sa ating mga kababayan. At hindi rin tama na patuloy na maging impression ng ibang lahi sa Pilipino ay mahirap. Naniniwala tayo sa pagbabago. At ginagawa natin ang pagbabago kahit na malayo tayo sa Pilipinas.
Ang totoo, hindi masasabing mahirap ang mga migranteng Pilipino dito sa Canada partikular dito sa Winnipeg, lalung-lalo na ang mga provincial nominees dahil required sila na may pera bago sila maisyuhan ng visa bilang mga permanent residents.
Bagama’t puwedeng mag-issue ng affidavit of financial support ang mga sponsors ng mga provincial nominees ay tiyak na mayroong dalang baon ang bawa’t isa sa kanila.
Bukod sa perang dala ng mga migrante, may mas mahalaga pa silang regalo para sa gobyerno ng Canada. Ito ang kanilang edukasyon at karanasan.
Libo-libong professionals ang nag-migrate dito sa Winnipeg. Libo-libong ex-Saudis ang pumunta dito na may bitbit na pera, husay, karanasan at expertise sa iba’t ibang larangan. Base dito, sasabihin mo bang mahirap ang Pilipino?
Isa pa, wala akong nabalitaang Pilipino na pumasok sa Canada bilang refugee.
Kahit ang first wave ng mga Pilipino dito sa Winnipeg ay puro professionals. Katunayan, mga doktor, narses at guro ang marami sa kanila.
Mahalagang bigyan ng tuon ang maling impression tungkol sa Pilipino. Kapag kasi nanatiling mahirap ang tingin ng ibang lahi sa Pilipino ay makaka-apekto ito sa pangkalahatang image natin, sa workplace at sa relationship natin sa iba’t ibang lahi.
Hindi tayo makakapayag na ma-bully ang mga Pilipino dahil sa maling impression na tayong lahat ay mahirap, mahina at kuntento na sa maliit na suweldo dahil mahirap daw tayo. Hindi tayo papayag na hindi parehas ang mga polisiya sa ating workplace. Hindi tayo papayag na madehado ng mga mapagsamantala.
Gamitin at ipaglaban natin ang ating mga karapatan bilang mga mamamayan ng Manitoba. Tandaan natin na araw-araw tayong pinakikinabangan ng gobyerno dahil sa ating sipag, talino at perang dinala at patuloy na ini-aambag sa Manitoba.
Isa pa, patuloy nating kalampagin ang gobyerno ng Manitoba at Canada para i-recognize ang ating mga pinag-aralan. Simple lang naman ito – pero bakit ginagawa nilang komplikado. Kapag doktor ang profession mo sa Pilipinas dapat doktor ka rin dito sa Canada. Anyway, tatalakayin ko ito sa mga susunod nating issue. Gusto ko lang mangalampag sa mga mahuhusay nating MPs at MLAs.
Ang Pilipino Express ay laging nagtatampok ng pride ng Pinoy community dahil naniniwala kami sa galing at husay ng Pilipino. Dapat ito ang maging impression ng iba, kapag sinabing Pilipino.
Pilipino means rich in culture, talents, skills and wealth.
Si Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata- Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).