
Opinions
![]() |
|
Pumapatak na naman ang puting-puti na yelo mula sa itaas. Di na talaga mapigil, winter na naman. Suot ng boots, tatlo-tatlong sweater, toque, gloves at lahat ng pampainit ng katawan. Sigurado ang mga misis, nag-stock na ng mga gamot sa sipon, ubo, flu atbp. Pagiging handa para sa pagdating ng malamig na klima. Maging sa sasakyan man ay kailangang maging handa upang tayo ay hindi makaranas ng mga problema sa sasakyan sa kalagitnaan ng umaapaw na snow sa daan. Nanaisin ng sinuman na maging dependable o maaasahan ang ating mga sasakyan sa darating na winter. Ano ba ang mga bagay na kailangan nating tingnan para maihanda natin ang ating mga sasakyan?
Mayroon po tayong apat na tips para sa paghahanda ng ating mga sasakyan:
1. I-check ang mga fluids ng ating mga sasakyan.
Anu-ano ba ang mga fluids na ito? Unang-una ay ang tinatawag na antifreeze. Napaka-importante ng role ng fluid na ito. Pini-prevent na “antifreeze” ang pagkakabuo ng likido na dumadaloy sa ating makina, radiator at mga hose. Ang “Antifreeze” rin ang pumipigil ng pagkakaroon ng “engine corrosion.”
Sunod dito ay ang Engine Oil. Sa mga panahong ito ay kinakailangang nagpapalit na ng langis ng makina. Kung di na bago ang sasakyan, kailangan na matapos ang kada 3,000 kilometro ay nagpapalit na. Napag-usapan natin last issue ang kahalagahan ng langis at ang mga magagandang bagay na makukuha natin sa paggamit ng synthetic oil kumpara sa conventional oil. Kinakailangan nating subukan upang ating mapatunayan ang mga pagbabago nating makikita sa paggamit ng synthetic oil.
Ang pangatlo ay ang “windshield washer fluid.” Siguraduhin na puno ang reservoir o lalagyan ng ating windshield washer fluid. Huwag hintayin na pumatak na ang snow, tumigas na sa ating mga windshield at pagkadaka at pinindot natin ang windshield washer button ay walang lumalabas at di mahugasan ang ating windshield. “Disaster” yan!
2. Bisitahin ang baterya ng ating mga sasakyan.
Kailan ka huling nagbukas ng hood at nag-check ng iyong baterya? Kung nakaraan na ang 3 taon mula ng nagpalit ka ng baterya. Kinakailangan mo ng ipa-check ang status at health ng iyong baterya. Hindi tulad ng MTS o Rogers ang mga baterya na may notice muna bago ma-cut ang serbisyo. Ang baterya, basta-basta na lang. Kaya kailangan ay ipa-check na huwag hintayin na mamatay na lang. Tingnan ang mga polo ng baterya kung maraming ribaba o residue ng corrosion; ang mga koneksyon ay mahigpit. Linisin upang masiguro na di papalya kapag nag-start ng sasakyan.
3. I-check ang mga gulong kasama na ang spare tire.
Kailangan ko ba ng winter tires? Hindi naman necessary na magpalit ng winter tires. Kung All-Season ang gamit na gulong, siguraduhin lamang na makapit ang grip nito. Paano natin malalaman? Kapag hindi kumapit ang gulong kapag nag-brake ng madiin sa madulas na daan, kailangan na magpalit. Subalit kung may extra namang budget ay mas makabubuti na magpalit ng winter tires para sa mas safe na pagmamaneho kung winter.
4. Samut-saring mga bagay na maliit man subalit maaaring makapagbigay ng sakit ng ulo pag di pinansin.
Hindi mo siguro gugustuhin na manigas sa lamig sa labas ng auto mo dahil di ka makapasok at na-frozen ang key cylinder mo di ba? Ano ang dapat gawin? Tulad ng ating payo dati, huwag itapon ang stirrer na galing sa kapeng binili sa Tim Horton’s, magagamit mo itong pang-ihip sa key cylinder ng auto mo pag na-froze. Ang mainit na hangin galing sa iyong hininga ay makatutunaw sa pag-freeze ng iyong key cylinder. Kung di naman stirrer at ikaw ay naninigarilyo, painitan ang inyong susi sa inyong lighter o match saka ninyo ipasok ang susi sa key cylinder at ipihit ng dahan-dahan.
Ang mga naninigas na mga hinges ng mga pinto ay pahiran ng petroleum jelly o grease para magkaroon ng maluwag na paggalaw.
Siguraduhin din na ang inyong windshield wipers ay di yung kumakayod na parang gustong mag-drawing sa inyong windshield. Palitan bago mangyari ito. Dahil kapag hindi, magkakayod kayo sa gitna ng makapal na yelo.
Huwag kalimutan mag-imbak ng mga sumusunod sa inyong auto: Flashlight, jumper cables, air pump, tubig (hindi lang pang-inom kundi pangbuhos sa bateryang ayaw umandar).
Kung medyo tinotoyo ang inyong defroster o heating system, ipa-check kaagad sa inyong mekaniko. Huwag hintayin na pumatak na ang snow, kung hindi ay maninigas kayo sa loob ng inyong auto.
Maliban sa mga nabanggit natin na mga tips para sa pagwi-winterize ng inyong auto, pakiramdaman natin ang mga dinadaing ng ating mga sasakyan. Lagi po nating binabanggit na gamitin ang ating paningin, pang-amoy, pandinig at pakiramdam sa ating mga sasakyan. Makinig sa mga tunog na naririnig habang namamaneho. Huwag po nating ipagsawalang bahala at baka ito ang maging sanhi ng mas malaking problema na tiyak na hindi natin magugustuhan. Kung may naririnig na kakaibang lagutok patingnan kaagad sa inyong mekaniko. Hindi mainam na drive lang ng drive, laging makiramdam. More than anybody else, tayong nagmamaneho ang nakakakilala sa ating sasakyan, sa galaw at performance lalo na kung matagal na nating gamit ito. Walang iniwan yan sa ating asawa at mga anak, sa tagal nating magkakasama alam na natin kung may tampo sa atin ang ating asawa kahit hindi pa magsalita, kilos pa lang alam na natin. Gayon din sa ating anak nung sila ay mga sanggol pa lamang, sa tono ng iyak nila alam na natin na sila ay may dinaramdam.
Constant maintenance ang kailangan sa ating mga sasakyan upang lagi nating maasahan at di tayo ilagay sa alanganin anumang oras. Sana ay naihatid ko sa inyo ang mensahe ng kahalagahan ng maintainance ng ating mga sasakyan lalo na ngayong parating ang winter. Doble ang trabaho na kanilang ginagawa. Mas mahirap uminit ang makina, mas mahirap mag-circulate ang langis, mas mahirap huminto. Hindi nila kailangan ang labis na alaga kundi yung tama lang. Maging wise, sasakyan natin ay i-winterize.