
Opinions
![]() | Kailangan nga ba ng wheel alignment ang inyong sasakyan? |
Napakaraming sasakyan ang tumatakbo sa lansangan na hindi nararamdaman kung misaligned ang mga gulong hanggang hindi nakakaramdam ng pagkabig. Madalas kaysa hindi, ang karamihan ay maiisipan na kailangan na nilang magpa-align kapag may problema na sa suspension o di kaya ay sa steering components. Maiisipan din na kailangan ng alignment kapag napuna na ang kain (wear and tear) ng gulong ay di pantay, maaari sa labas lang o kaya ay sa loob.
So ang tanong ay, tuwing kailan kailangang magpa-align ng gulong? Bilang regular na preventive maintenance service, ang wheel alignment ay nirerekomendang isagawa kada taon. Bakit po? Kaya ito itinuturing na isang preventive maintenance service ay dahil nga sa pagsasagawa ng taunang wheel alignment, maaagapan ang anumang problema na maaaring manggaling sa inyong underchassis; o ang tinatawag na steering at suspension components na makakapag-misalign ng inyong mga gulong na ang resulta ay di pantay na pagkapudpod ng gulong, sirang tie rod ends o ball joint o di kaya ay shock absorbers.
Ang isa pang setback ng misaligned na mga gulong ay ang paglakas ng konsumo ng gasoline. Bakit? Kasi nga pag hindi naka-align ang mga gulong, pigil ang takbo ng sasakyan. Punahin na kapag ginaangan ang hawak sa manibela, pumapaling sa kanan o kaya ay sa kaliwa, kaya ang gagawin ay itutuwid ang manibela na di umaayon sa gulong, kaya pigil ang takbo.
Kapag tayo ay nagpapa-wheel alignment, may mga factors na tinitingnan upang malaman ang estado ng alignment ng ating mga gulong. Ano ba daw yung, TOE, yung CAMBER at CASTER, kasama ba ito sa alignment procedures? Pareho ba ang tinatawag na wheel alignment at wheel balancing? Ating bigyan ng kaunting paliwanag.
Ang wheel alignment ay kadalasan na napagkakamalang pareho ng wheel balancing. As a matter of fact, wala silang kinalaman sa bawat isa maliban sa pareho silang nakakaapekto ng “ride and handling” ng sasakyan. Ang gulong kapag out of balance, ay maaaring magdulot ng vibration at a certain speed na maaaring maramdaman sa steering wheel o di kaya ay sa upuan. Subalit kapag out of alignment, siguradong mayroong excessive wear ang gulong at problema sa steering.
1. TOE – ito ay maaaring TOE-IN o kaya naman ay TOE-OUT. Ang magiging reference natin dito ay ang mismong harapan ng gulong; yung matatanaw natin na pinakagitna kung tayo ay nakaharap sa ating sasakyan. Ituwid ang manibela mas mainam kung umaandar ang makina para hindi puwersado ang inyong steering column. Ipuwesto ito sa pinaka-gitna at patayin ang makina. Lumabas ng sasakyan at silipin kung balanse ba ang gulong o pantay ang gulong magmula sa harap ay naka in-line ba ito sa likod?
Kung ang gulong sa harap ay mas nakapaling papasok sa loob ng bahagya man o malaki ito ay tinatawag na TOE-IN at kung ito naman ay medyo nakapaling sa palabas, ito ay tinatawag na naka TOE-OUT. Posible bang ganun din ang ating gulong sa likod? Ang sagot diyan ay OO. Posibleng maging OFF ang alignment sa harap o sa likod dahil sa tinatawag na metal fatigue. Pagkakabaluktot ng bakal dahil na rin sa dinadalang bigat nito at factor na rin ang lubak sa daan at edad ng ating sasakyan. May mga tao sigurong matindi ang mata sa silipan pero iyan ay hindi nangangahulugang tama ang magiging silip niya. Mas mainam na ito ay dalhin sa alignment center. Magkaroon ng tamang alignment procedure at magkaroon ng written alignment report upang makita kung gaano ka-OFF ang angulo ng gulong sa specifications ng sasakyan.
2. CAMBER- ito naman po ay ang tinatawag na tindig ng gulong pero ang sinisilip dito ay ang pinakatuktok at pinakailalim ng goma. Ang gawin ninyo ay tumindig sa harapan ng sasakyan na makikita ninyo ang dalawang gulong at silipin ang gulong ng driver side, kung ang tuktok ng gulong ay nakahilig papasok sa sasakyan ang tawag dito ay NEGATIVE CAMBER. At kung ang tuktok naman ay nakahilig palabas ng sasakyan ang tawag dito ay POSITIVE CAMBER. Ganun din naman para sa passenger side na gulong ang dapat silipin. Ano ba muna ang epekto ng maling camber ng ating gulong. Kapag naka positive camber, ang gulong ay nakakalbo ang labas na bahagi nito, at kung naka negative naman ang camber ang loob na bahagi naman ang nakakalbo dito. Hindi balanse. Kung ang gulong naman ay nakakalbo ang gitnang bahagi ang ibig sabihin ay over inflated ang goma o sobra sa hangin ang ating gulong. Ang adjustment po ng camber ay isinasagawa habang nakasalang sa alignment machine dahil sa ito ay may iba’t ibang specs na mismong nakatala sa loob ng computer ng alignment machine. (Para sa mga makabagong machine). Ang adjustment ay ginagawa sa strut kung ito ay McPherson strut at karaniwan naman sa upper arm ng suspension sa mga nakacoil spring o torsion bar.
3. CASTER- Ito ay ang angulo kung saan ang pinaka-gitna – kung saan tumatawid ang isang tuwid na linya magmula sa lower balljoint papunta sa upper balljoint o sa strut kung ito ay McPherson. Ito ang tinatawag na steering pivot. Para itong planet Earth na may north at south pole kung saan umiikot ang mundo. Ganito rin ang principle ng caster. Ito nga lang ay may kaukulang degree o angle na nakatala depende sa manufacturer’s specs. Karaniwang hindi adjustable sa mga kotse, van o SUV. Ibig sabihin kung ito ay may problema sa caster kailangang may palitan na piyesa na nabaluktot na maaring mula sa isang insidente o aksidente. Pwedeng ikumpara ito sa caster wheel ng ating mga shopping cart. Hindi ba’t madali itong iliko dahil ito ay nagpapivot kung ikaw ay liliko. Ang axis nito ay nakapuwesto sa harapan at ang gulong ay nasa likuran ng axis, ito ay tinatawag na POSITIVE CASTER. Sa mga sasakyang luma na walang power steering karaniwang set-up ng caster ay positive para mas magaang iliko ang sasakyan. Gaya ng sinabi ko ang set up ng caster ay mahalaga sa pagbira natin ng sasakyan o pagliko, at bitiwan ang manibela ay parang dumederetsong kusa ulit ang manibela, ito ay dahil sa caster. Ipaling mo pabaligtad ang gulong ng shopping cart at itulak paabante, pansinin ang mangyayari, babalik sa dating puwesto ang gulong. May mga sasakyan na naii-adjust ang caster at karaniwan ay mga trucks. Sa mga sasakyan na minsan ay mahirap bawiin ang manibela, malamang na may problema ito sa caster. Naka negative caster po kayo.
Naging thrust na ng inyong lingkod na magbahagi ng kaunting kaalaman tungkol sa pangangalaga ng sasakyan. Ito po ay umiikot sa dalawang mithiin: Una, upang tulungan na magkaroon ng malawak na pang-unawa ang mga kababayan natin upang sila ay maging on top sa maintenance ng kanilang sasakyan at di maloko ng mga mapagsamantalang nagmemekaniko; Pangalawa, naniniwala ang inyong lingkod na walang dadali sa isang lehitimong mekaniko tulad ko na magpaliwanag ng mga problema ng sasakyan sa isang “informed” na motorist. Dahil ang isang informed na motorist ay nauunawan ang mga complexities ng ilang problema ng sasakyan maging ito ay basic understanding o in-depth man. Nagiging madali para sa akin ang magdiagnose at magpropose ng solution sa problema ng sasakyan dahil wala sa defensive mode ang customer (na maaaring mag-isip na pineperahan lang ng mekaniko).
Nais ko pong magpasalamat sa mga sumusuporta sa atin pong community service na ito. Nawa po na ang bawat artikulo na ating inilalabas ay kapulutan ng kaunting kaalaman. Atin pong tandaan “the less you know, the more you pay” sa larangan ng Automotive.