Published on

Usapang Auto 

  Karaniwang maling paniniwala tungkol sa sasakyan

 Kung mayroong tinatawag na fiction at non-fiction sa mga libro, mayroon din katapat sa mga sasakyan. Ito ay ang mga “myth” o sabi-sabi na inaakalang totoo kahit na walang solidong basehan. Ating pag-usapan ang ilan sa kanila.

1. MYTH: Ang warranty ng ating sasakyan ay magiging valid lamang kung ang maintainance ay gagawin sa dealer.

FACT: Hindi totoo ito. Ang mga tinatawag na maintenance services (tulad ng oil change, transmission flush, brake fluid flush, power steering flush, differential fluid flush, coolant o radiator flush, tune-up, brake pads/shoes replacement) ay maaaring gawin sa labas ng dealer. Ito ay kikilalanin ng dealer hangga’t mayroon kayong resibo at record sa inyong maintenance logbook (karaniwang kasama sa turnover procedure ng inyong sasakyan) at katunayan na ginawa ng isang qualified technician at hindi lamang si pare o ninon gang gumawa nito;


2. MYTH
: Puwede gamitin ang ordinaryong sabon o hugasan ng kahit anong sabon ang aking sasakyan.

FACT: Hindi. Kailangang gumamit ng shampoo na para sa sasakyan lamang dahil ang ibang detergent soap ay may chemical compound na nakakagasgas at nakakasira ng pintura at nakakaalis din ng kintab nito.


3. MYTH: Sobrang advance na ang automotive technology ng sasakyan ngayon kaya hindi ko na kailangan pang i-maintain ang aking sasakyan.

FACT: Mali. Kahit anong unlad ng technology ng sasakyan, kailangan pa rin nito ng maintenance. Ito ay dahil sa mga normal wear and tear ng sasakyan bunga ng ating paggamit. Ang wear and tear ng sasakyan ay batay sa gamit at sa weather condition na sinusuong nito. Ang sasakyang hindi maintained ay kumukunsumo ng halos 50% karagdagang fuel at halos 50% mas mataas ang carbon monoxide kaysa mga well maintained na sasakyan. Ito ay nakakasama rin sa ating kapaligiran at kalusugan.


4. MYTH: Tanging engine oil at gasolina lamang ang mga fluids na dapat kong alalahanin sa aking sasakyan. Hanggat regular akong nagpapa-oil change, well maintained ang sasakyan ko.

FACT: Hindi lamang engine oil at gasolina ang mahalaga sa ating sasakyan. Maliban sa engine oil, ang isa pang oil na mahalaga ay ang transmission oil (para sa mga naka-automatic)

Kahit kondisyon ang makina ng sasakyan pero marumi naman ang transmission fluid, may epekto ito sa takbo ng sasakyan. Bukod dito ang ilan pang mahahalagang fluids ay ang brake fluid, antifreeze o coolant ng radiator, nandiyan din ang power steering fluid, ang differential o transfercase fluids sa mga 4X4, at ang huli ay ang ating windshield washer fluid.


5. MYTH: Winter lang naman mas nasisira ang mga sasakyan. Pagdating ng summer ay wala nang problema.

FACT: Ang sira ng sasakyan ay hindi namimili ng panahon. Ang sasakyan ay karaniwang nagkakaproblema sa mga panahong “severe” ang kundisyon tulad ng winter o kaya ay summer. Kapag summer, mas madaling mag-overheat ang mga makina ng sasakyan. Ito ang pinaka-kaaway ng makina ng sasakyan. Kapag nag-overheat ang sasakyan, ang mga cylinder wall at piston ay nagagasgas, possible rin na pumutok ang mga gaskets at seals na maaaring ikasira ng makina.


6. MYTH: Wala namang kabig, hindi ko kailangang magpa-wheel alignment. Bago pa nga ang gulong ko.

FACT: Hindi kailangang hintayin pang kumabig ang sasakyan bago ipa-align. Bago man ang gulong mo kung hindi naka-align, may epekto pa rin sa kain ng gulong at maging sa iyong mga steering at suspension components. Ito ay sa dahil sa “pigil” ang takbo ng sasakyan kapag di naka-align. At dahil pigil ang takbo, malakas rin sa gasoline dahil sa kailangan ng mas mabigat na puwersa para umandar ang sasakyan. Minsan isang taon ay kinakailangan ang wheel alignment, bago man o luma ang sasakyan mo.


7. MYTH: Masama pa ang may ABS (Anti-Lock Brake System) kaya dapat ipatanggal na lang ito.

FACT: Sandali lamang, ang safety feature na ito ay dumaan sa masusing pagsasaliksik ng mga dalubhasa sa automotive. Bago rin ito na-implement at pinayagan ng iba’t-ibang bansa ay napatunayan na ito ay nakakatulong upang mas maging ligtas ang pagmamaneho. Kung sinasabi ng ibang mekaniko na ito ay masama, siguro dahil sa hindi lamang nila kabisado o hindi tausang naiintindihan ang prinsipyo ng ABS.


8. MYTH: Wala naman akong nararamdaman na diprensiya ng sasakyan, bakit ko dadalhin sa pagawaan? Hahanapan lang ng sira ang sasakyan ko ng mga mekaniko para pagkitaan lang ako.

FACT: Hindi kinakailangang hintayin na may maramdaman sa sasakyan bago dalhin sa pagawaan. Dito pumapasok ang preventive maintenance na tinatawag. Sabi lang ba ito ni Ron o ng kung sinuman na mekaniko ninyo? Hindi, sabi ito ng inyong service manual galing sa Manufacturer. May mga nakatalaga na mga maintenance services na kailangan na isagawa sa sasakyan kapag umabot na ng mga nakatakdang mileage ang sasakyan. Kaya lamang ito nanggagaling sa akin o sa inyong mekaniko ay kapag na-miss ninyong gawin kaya kayo ay may nararamdamang mga sintomas sa inyong sasakyan. Ang mga preventive maintenance services na ito ang makakapagligtas sa atin sa mas malaking repair bills. Mas maaga nating makikita ang problema mas makakaiwas tayo sa mas komplikadong repair.


9. MYTH: Nakailaw ang “check engine light”, sigurado, Oxygen sensor lang yan. Tanggalin lang ang polo ng baterya at mawawala na ang ilaw.

FACT: Bahagyang totoo at hindi. Totoo at posible na ang ‘check engine light’ ay nanggagaling sa faulty oxygen sensor. Subalit ito ay isa lamang sa mga maaaring dahilan. Napakaraming puwedeng panggalingan ng check engine light. Maaring sa engine mismo, exhaust, o kaya ay transmission. Hindi safe na i-assume na laging oxygen sensor ang dahilan. Yung pagtatanggal ng polo ng baterya, maaaring mawala subalit may mga klase ng check engine na on and off o intermittent ang tawag. Dahil ito sa pagkakaroon ng cycle ng pagbasa ng computer ng sasakyan ng mga errors o defective codes, kaya minsan ay nawawala hanggat hindi nito nararating ang bilang ng indication upang umilaw muli.


10. MYTH: Ang paggamit ng synthetic engine oil ay masama sa mga seals at gaskets ng makina. Kaya dapat regular oil lang.

FACT: Pawang walang basehan ang ganitong paniniwala. Tanging ang full synthetic oil lamang ang makaka-withstand sa anumang klaseng temperature dahil sa unique viscosity nito o yung timpla ng lapot ng langis na hindi lumalapot ng husto kapag sobrang lamig, at hindi naman lumalabnaw ng husto kapag sobrang init. Very stable ang viscosity ng synthetic oil. Ang mga engine walls at iba’t-ibang internal components ng makina ay naproprotektahan ng synthetic oil upang di magkaroon ng pre-mature wear and tear dahil sa very critical na initial cranking period. Sa palagay ninyo, bakit ang mga matitibay na European cars ay nawawalang bisa ang warranty kapag hindi synthetic oil ang ginagamit sa lahat ng components ng sasakyan nila? Mapa-engine, transmission, differential, power steering fluid, puro synthetic oil ang gamit nila.

Sana ay nakapulot kayo ng karagdagang kaalaman sa ating mga napag-usapan. Sana ay nabigyan ko kayo ng tamang paliwanag at makatotohanang basehan upang huwag pakinggan ang mga maling pananaw na ating naririnig tungkol sa ating mga sasakyan.

Have a comment on this article? Send us your feedback.