
Opinions
![]() | Paano ka nagmamaneho ngayong winter? |
Sampung taon ka nang nagmamaneho, “Pro” pa nga ang license mo galing sa Pilipinas. Sabi ng marami, kapag kaya mong magmaneho sa ‘Pinas, kaya mong magmaneho kahit saang sulok ng mundo. Pero sa ‘Pinas, walang yelo sa daan.
Tunay nga na kakaiba ang pagmamaneho sa mayelong daan ng Canada. Ang mga driving experts ay nagkaka-isa sa mga importanteng bagay na dapat isa-alang alang kapag nagmamaneho tuwing winter. Sabi nila, may tatlong bagay na dapat pagtuunan ng pansin: (1) visibility o iyong pagkakaroon ng malinaw na pagtanaw sa dinadaanan; (2) tire traction o ang pagkakaroon ng tamang gulong na may sapat na kapit sa kalye at (3) ang estilo ng pagmamaneho. Ating unawain ang mga nabanggit at ating ikumpara ang style ng ating pagmamaneho sa mga ito.
Alam kong marami ang sasang-ayon na ang dalawang bagay na nagpapahirap at malaking challenge sa pagmamaneho tuwing winter ay kapag may reduced visibility at kapag madulas lalo na kung kulang sa traction ang gulong na nakakabit sa ating sasakyan. Subalit wala naman tayong choice dahil kahit halos zero ang visibility natin sa daan at kulang na sa traction ang ating mga gulong, kailangan pa rin nating lumabas at magmaneho, di ba? Ang tanging bagay na maaaring makatulong ay kung paano tayo nagmamaneho at kung tama ba ang ating driving attitude upang salungain ang mga hamon na iyon.
Anu-ano ba ang mga bagay na nakaka-apekto sa visibility sa daan?
Hindi lang kapag foggy masama ang visibility sa daan. Apektado na visibility bago pa man tayo sumakay ng sasakyan. Halimbawa, kailangang linisin ang snow na namuo sa ating windshields bago tayo umalis. Huwag kalilimutan ang inyong windows, labas at loob; maging ang ating mga mirrors at wipers, sa harap at kung mayroon, sa likod. Linisin ang yelong namuo sa wiper blades at sa mga singit-singit ng wiper arm dahil kapag ito ay pinilit na paandarin ng nakadikit pa ang yelo ay siguradong masisira ang wiper arm o kaya ay ang wiper motor. Gayon din ang wiper nozzles (ito ang rubber na may butas na nilalabasan ng inyong windshield washer fluids sa harapan ng wiper. Kung ito ay barado ng yelo, walang lalabas na fluid upang linisin ang windshield kahit na may fluid na laman ang inyong reservoir. Siguraduhin na ang mga headlights at hood ay natanggalan din ng snow. Iwasang magmaneho nang nasa recirculation mode ang inyong heater control. Paano ito? Karaniwan sa mga sasakyan, may dalawang image sa inyong heater control. Ang arrow ng isa ay galing sa labas at ang isa ay paikot lamang. Ito ang tinatawag na recirculation mode na ginagamit kapag bukas ang air conditioning unit ng sasakyan. Subalit kapag ganitong winter, ang heater control ay kailangang nasa outside air o vent mode upang di mag-fog sa loob ng sasakyan. Kapag ang control ay nasa recirculation mode, ang hangin na umiikot lamang sa loob ng sasakyan ay nagdadagdag ng humidity sa loob mula sa snow na inyong dala sa loob ng sasakyan at sa inyong sariling hininga. Ang increased na humidity ang isang dahilan ng frost sa mga bintana at windshield na hindi kayang ma-clear ng defroster ng sasakyan.
Ang pangalawang bagay na kritikal sa winter driving ay ang pagkakaroon na tamang lapat o traction ng gulong.
Karaniwang sinasabi na ang manibela o steering wheel na ating hawak ay ang tanging bagay na nagko-kontrol ng ating pagmamaneho. Maaaring ito nga ang hawak natin sa loob ng sasakyan subalit ang unang contact ng sasakyan sa daan ay ang ating mga gulong. Ang lahat ng control na ating ginagawa sa pamamagitan ng ating steering wheel, brakes at accelerator ay nakasalalay sa apat na gulong na sumasayad sa daan. Ito ay dinidiktahan ng tinatawag na traction o friction na nabubuo sa pagkakaroon ng contact sa daan.
Kapag ang daan ay madulas, halimbawa’y kung nag-freezing rain, o kaya naman ay biglang tumaas ang temperatura at natunaw ang yelo, maaaring humina ang traction ang mga gulong. Ano ang solusyon? Winter tire? Sa totoo, malaking tulong ang naka-winter tire ang sasakyan subalit malaki rin ang nagagawa ng estilo ng pagmamaneho ng driver kalakip ang kaniyang driving attitude. Ang estilo ng pagmamaneho ay kinakailangang naaayon sa condition ng panahon at kalsada.
Maaaring okay ang visibility at traction ng gulong ng sasakyan subalit kung ang estilo ng pagmamaneho ay di akma sa winter condition, malaki pa rin ang panganib na magkaroon ng aksidente sa kalye.
Paano nga ba ang tamang pagmamaneho kapag winter?
Isang bagay lamang ang dapat tandaan sa paraan ng pagmamaneho tuwing winter, ito ay ang maayos na pagmamaneho, o pagiging suwabe o smooth sa lahat ng kilos at sa pagma-maneobra.
Mayroon akong isang customer na bumisita sa shop. Hindi winter tire ang kaniyang mga gulong pero bago naman ang mga iyon. Sabi niya, pinatanggal daw niya ang ABS connection niya dahil hindi naman nakakatulong sa pagpe-preno ng kaniyang sasakyan. Ayaw daw niyang huminto sa mga 4-way stop dahil hirap itong umandar kapag galing sa stop, dumudulas daw ang gulong niya. Noong natanggal ay hindi na raw ganong madulas ang gulong niya.
Tanggapin natin na talagang madulas ang snow at ito ay nakakabawas ng traction ng gulong. Ang madaliang puwersang ikinakarga sa gulong, galing man sa pabarabarang paggalaw ng steering wheel, o madiin at mapuwersang tapak sa accelerator o brake pedals, ay siguradong magiging dahilan ng sliding o slipping ng gulong. Kaya nga kailangan na suwabe o smooth sa lahat ng kilos. Kapag tatapak sa accelerator mula sa pagkakatigil, isipin na may itlog na maaaring mabasag sa ilalim ng pedal kapag tatapak. Makatutulong rin ng malaki ang tinatawag na environmental scanning sa pagmamaneho. Ano ‘yun? Alamin ang nasa kapaligiran upang maging alerto sa anumang padating na situwasyon. Halimbawa ay kapag malapit na sa traffic light, kung sa tantiya ay di na aabutin ng green light, i-shift na sa “neutral” ang inyong kambiyo at maghalf-brake na upang bumagal na ang acceleration ng sasakyan. Mas mainam na makasanayan natin tuwing winter na kung tayo ay hihinto, malayu-layo pa lang ay ilagay sa neutral ang gear upang hindi na makadagdag ng tulak ang ating transmission sa paghinto. Pansinin natin na kapag inilagay natin sa D (Drive) ang ating kambiyo at nilargahan ang preno, ang sasakyan ay bahagya nang umuusad dahil engaged na ang transmission sa makina. Hindi naman mahirap makasanayan dahil sa mga floor shift, itutulak mo lang ang kambiyo paabante nang walang dapat pindutin at nasa neutral ka na; at kung ilalagay naman sa Drive ay hilahin lang ang kambyo na wala ring pipindutin at nasa drive ka na. Ang sinasabi kong pipindutin ay ang shifter button na karaniwang nasa kaliwang gilid o unahan ng shift knob. Kung ang kambiyo ay nasa column ng steering ay wala rin dapat pindutin. Sa ganito, hindi na kailangang maglagay ng puwersa sa inyong preno upang tumigil sa tamang oras. Ligtas ka na, at sa kalaunan ay makakatipid ka pa sa paggamit ng iyong brake pads.
Ang pagkakaroon ng mahinahon at courteous na attitude sa pagmamaneho ay isang bagay na makatutulong ng malaki upang maging ligtas sa pagmamaneho ngayong winter. Lagi nating isa-isip na hindi dahil may right-of- way tayo igigiit natin ang ating sasakyan. Maging conscious tayo sa ating paligid at magkaroon ng presence of mind sa pagmamaneho upang maging handa sa mga pagsubok sa daan na ating susuungin. Karamihan sa atin ay laging nagmamadali. Natural lang ang gayon dito, di ba? Subalit huwag nating kalimutan ang kasabihang “haste makes waste”. Sa ating pagmamadali at pagiging impatient, mas malamang na tayo ay maaksidente o maka-aksidente, at mas maaabala sa ating pang-araw-araw na pamumuhay.
Ang maayos na sasakyan at maayos na pagmamaneho ang siyang garantiyang malalayo tayo sa mga panganib ngayong winter.