
Opinions
![]() | Mga tips para sa malamig na panahon |
Isa ka ba sa mga nagpa-tow nitong mga nakaraang araw? Malaki na naman ang kinita ng mga towing companies. Napakalamig na naman ng ating dinaranas na temperatura at kung ating mapapansin ay kabi-kabila na naman ang mga tumitirik sa lansangan. Ito ay sa kadahilanang ayaw na mag-start at kung minsan naman ay ayaw na ring mag-shift ng ating mga transmission.
Napakaraming maaari nating pag-usapan sa aspetong ito. Karamihan sa mga ayaw mag-start sa sasabihin kong problema, 90 porsiyento ay problema ng baterya at ang kanilang mga starter. Marami ang nagsasabing, “kahapon lang ay ayos pa yan ngunit ngayon ay biglang-bigla na ayaw nang mag-start.”
Tandaan natin na ang mahinang baterya sa matinding lamig ay hindi na basta nag-iimbak ng kaniyang lakas sa mas mahabang panahon kung ikukumpara sa panahon na di gaanong kalamigan. Lalo na nga at kung ang ating mga makina ay frozen din. May mga pagkakataon na ang mga bakal ay nagkakapitan sa isa’t isa sa tindi ng lamig at kinakailangan ng mas malakas na baterya upang maipaikot nito ang starter sa mas mahabang panahon kung hindi man makuha sa isang redondohan o cranking.
Sa matinding lamig na ito, mas makabubuti na synthetic oil ang gamitin dahil sa kapasidad nito na salubungin ang tindi ng lamig na hindi magbabago nang malaki ang labnaw nito upang padulasin ang kasu-kasuan ng makina sa napipintong pag-andar.
I-plug ang inyong mga block heater bilang suporta sa init na kailangan ng ating makina. Muli kong sasabihin na 2 hanggang 4 oras lang natin i-plug ang mga block heater upang tumagal ang buhay nito at makatipid tayo ng kuryente. Iminumungkahi kong gumamit ng timer upang masunod ang apat oras na pagsaksak ng block heater at hindi rin maabala ang inyong pahinga kung kayo ay gigising pa upang isaksak ang plug ilang oras bago gamitin ang sasakyan.
Kung mainit na ang tubig ng inyong makina, paandarin man ito ay hindi na kayo kailangang mag-antay nang matagal upang maramdaman ang init ng buga ng hangin sa loob ng sasakyan. Kung ayaw uminit ang ating temperature at walang masyadong init, i-pacheck ang thermostat. Huwag gumamit ng fail safe na klase. Mas makakabuti yung ordinaryo lang dahil mas delay siyang magbukas upang umikot ang tubig, ang dulot ay mas mainit na hangin sa loob ng sasakyan.
May mga naglalagay ng harang sa harap ng kanilang mga grills. Ayos din iyon kung ang ating mga sasakyan ay hindi naman mag-o-overheat. Ang thermostat ang dapat na nagko-control ng temperatura ng ating mga tubig sa makina, malamig man o mainit ang panahon. Ang “stuck-open” na thermostat ay magdudulot na tuluy-tuloy na pagdaloy ng tubig mula sa radiator papuntang water pump, papuntang makina. Ang resulta sa winter ay; ayaw mag-init na makina, walang heater at ang kasunod ay check engine indicator na nakailaw. Ang “stuck-closed” na thermostat naman ay nagdudulot ng hindi pagdaloy ng tubig kahit na mainit na ang tubig ng makina. Winter man o summer, overheating ang resulta niyan na mas masama po kaysa sa stuck open. Posibleng tumirik kayo at masira rin ang inyong mga makina.
May mga sasakyan na may mga nakahiwalay na mga oil coolers, pang-makina, pang-transmission at pang-power steering. Oil coolers po ang tawag sa mga ito. Paano na kung minus 40-ish na? Makabubuti pa rin kaya sila o makakasama na? Kung hindi nagbibigay ng problema ay ayos lang po. Subalit kung ito ay magiging problema na, halimbawa ay pagkafrozen ng linya ng langis dahil sa mga ikinabit na oil coolers, pag putok ng mga linya ay makabubuti na ipatanggal muna ninyo ngayong winter dahil magdudulot ito ng masama kaysa mabuti.
Pahapyaw na pagtalakay tungkol sa oil coolers – para saan ba ito at anong buti ang naidudulot nito? Ang pagpapanatili ng mababang temperatura ng ating mga oil, transmission, makina o power steering ay mainam po talaga dahil namiminimize nito ang oxidation sa mga langis. (Iyan ay ang paghalo ng tinatawag na pawis sa langis na sumisira sa ating mga mga makina, transmission at iba pa.)
Subalit sa napakalamig na temperatura, tulad ng ating mga naranasan nitong mga nakaraang araw, mas malamang ay pagkafrozen ng mga tubo nito ang sanhi ng pagputok ng mga linya o tubo, pagkaubos ng oil at pagkasira ng ating sasakyan. Walang pagkakaiba yan sa ating mga gulong na pangarera na hindi natin puwedeng gamitin kapag winter dahil hindi uusad ang ating sasakyan dahil dudulas lamang ito.
Maging maalam tayo sa mga bagay na puwede at hindi para sa ating sasakyan upang mas lalo nating mapangalagaan ito. Ilagay ang pinakamagandang klase ng langis sa ating mga sasakyan dahil ito ang magpapahaba ng buhay nito. Maging maingat sa pagmamaneho at dumistansya nang husto upang maging ligtas tayo.