
Opinions
![]() | Ang ating relasyon sa ating sasakyan |
Aantayin pa ba natin ang pagtindi ng lamig upang sabihin sa ating sarili na dapat nating ihanda ang ating sasakyan sa pagdating ng matinding below zero?
Dapat nga lang siguro na bigyan natin ng atensyon at oras ang ating sasakyan para kaya nitong harapin ang matinding lamig at gayundin ay mabigyan tayo sampu ng ating pamilya ng proteksyon laban sa lamig habang tayo ay nasa labas ng ating mga tahanan.
Minsan, nakatatawang isipin na karamihan sa atin na nagmamay-ari ng sasakyan ay walang kamalay-malay kung ano ang mga pangangailangan ng ating mga sasakyan. Para din iyan sa mga taong malalapit sa atin o ang ating mahal sa buhay. Inaalam natin kung kailan ang kanilang kaarawan, mga espesyal o memorableng araw ng kanilang buhay, at iyan ay ating tinatandaan. Kung sa sasakyan, nararapat na malaman natin kung kailan ang scheduled Oil change at ilan pang fluids na kinakailangan na palitan o i-flush sa tamang time interval. Kung upod na ang sapatos ng ating anak, dapat ay palitan upang di magkakalyo, kalbong gulong naman ang sa sasakyan na dapat palitan. Kapag may sakit ang ating mahal sa buhay dinadala kaagad natin sila sa ospital o doktor, sa mekaniko naman kung may nararamdam tayong diperensya ang ating sasakyan. Kung tayo ay may annual check up, may regular tune-up naman ang sasakyan. May konting pagkakaiba ang aking nakikita at iyan ay sa aspetong ang ating sasakyan ay sunud-sunuran lang sa atin, kahit saan natin ito dalhin hindi tatanggi sa atin, at kapag pinagsawaan ay puwedeng palitan o ipagbili.
May mga nagsasabi na kapag ikaw ay may sasakyan para ka ring may isa pang anak na pinag-aaral at sinusustentuhan. Ito ba ay tamang halimbawa upang ating ilarawan ang ating sasakyan? Hindi ko pwedeng sabihin na sila ay isang alalahanin o pabigat sa atin, sa kadahilananang sila ay ating kabalikat sa ating pang araw-araw na gawain. Generally speaking, ang ating mga sasakyan ay kasama natin sa paghahanap buhay, pagba-bonding ng pamilya kapag naglo-long drive at ating tanging proteksyon sa panahon ng taglamig. Kung ating binigyan ng importansiya ang mga pangangailangan ng ating sasakyan, hinanda sa pagsagupa sa matinding lamig, tayo ay may peace of mind sa tuwing gagamitin natin ang ating sasakyan. Kung pina-check up ang heating system, charging system at sinalinan ng synthetic oil ang ating makina, at pina-tune up ang ating sasakyan, sigurado na tayo ay makakatikim ng mainit at mapayapang paggamit ng ating sasakyan. Pareho rin sa pamilya, kung binibigyan natin ng atensiyon ang pangangailangan ng ating pamilya, sa mas malamang sa hindi, init ng pagmamahal at kapayapaan ang ating makakamit.
Sa atin pong mga tagasubaybay, bumabati po ang inyong lingkod ng Maligayang Pasko at Manigong bagong taon. Marami pong salamat.
E-mail Ron at feedback@pilipino-express.com