Published on

Usapang Auto 

 Pagre-reset ng stereo at command start


Talakayin natin ang mga modernong electronics na nakakabit sa ating mga sasakyan na pagkaminsan ay nagbibigay ng problema sa atin.

Kapag nagkaroon ng tinatawag na power interruption ang ating sasakyan, may mga ilang components ng sasakyan ang unang-unang naaapektuhan. Ito ay ang car stereo at command starter. Bigla na lamang di gagana pag balik ng power ng sasakyan.

Ang mga makabagong sasakyan ay humihingi ng security code ang mga car stereo. Ito ay built-in feature ng mga modernong sasakyan laban sa malaganap na pagnanakaw ng stereo. Ang sistema ay nangyayari sa sandaling ang stereo ay mawalan ng supply ng kuryente. Kung sakaling ito ay muling susuplayan ng power dito na papasok ang paghahanap nito ng code na kadalasan ay ibinibigay sa inyo kung kayo ang bumili sa dealership at kung hindi naman ay may paraan upang inyong malaman ang code nito.

Everytime na mawawalan ng supply ng power ang inyong sasakyan, maging ito ay dahil sa namatay ang baterya o di gumana ang alternator, kahit anong pangyayari na magdudulot ng power interruption sa inyong electrical system ay magti-trigger ng paghingi ng code ng stereo.

Ano ba ang dapat gawin upang maiwasan ito?

Maglagay tayo ng backup power na karaniwan ay ikinakabit sa ating cigarette lighter socket. Iwasan lamang na mapadikit sa ground o sa anumang metal na bahagi ng sasakyan ang positive terminal ng baterya o ang pulang kable. Kapag nakakabit na ang back up power saka palang tayo puwedeng magtanggal o magpalit ng baterya. Ang pagre-reset ng car stereo ay karaniwang walang bayad kung ito ay dadalhin sa dealership. Kung minsan, maaari rin na itawag lang sa kanila at kayo ay hihingian lang ng impormasyon ng katibayan na nasa inyo ang sasakyan at hindi ang stereo lang. May proseso sa paglalagay ng security code at iyon ay kanila ring ituturo sa inyo. Subalit kung kayo ay may oras din lang, mas makabubuti na dalhin na lang sa dealership.

Maliban sa car stereo, ang command start ay isa pa sa mga naaapektuhan ng power interruption ng ating sasakyan. May mga sasakyan na may kalumaan na ay pinakakabitan pa rin ng command start. Sa aking palagay ay makabubuti na sabihin sa kung sino man ang gumagawa ng sasakyan na ang inyong sasakyan ay may nakakabit na command start. Bakit? Dahil marami sa atin na kapag ibinigay ang susi sa mekaniko ay mismong susi lang ng sasakyan ang iniaabot kaya nga hindi inaasahan na ito ay may command start o kaya naman ay hindi talaga alam ang posibilidad na mangyayari sa puntong magkaroon ng power interruption. Pagkaminsan naman ay talaga lang nalilimutan. Makabubuti na sila ay abisuhan na, “May command start po ang aking sasakyan” o ipaliwanag na lang sa kanila ang maaaring mangyari kapag hindi nalagyan ng back-up power ang sasakyan.

May proseso rin siyempre kung paano ito ituwid. Kung kayo mismo ang nagpakabit nito, mainam na ito ay ibalik sa mismong nag-install at ito ay kanilang ire-reprogram lang at hindi rin po kayo magbabayad. Ngunit kung ito ay nabili na may command start, possible pa ring dalhin sa mga command start installer. Subalit, maaaring magkaroon ng minimal charge sa reprogramming.

Have a comment on this article? Send us your feedback