Published on

Vicky Cabrera

    Tagalog noon, pinalitan ng Pilipino –
     ngayon naman ay Filipino na
     may bagong Alpabeto pa

 
Ang wika ay salamin ng bayan at siyang bumibigkis tungo sa pagkakaisa ng mga mamamayan. Ang kaisipang ito ay isinaad ni Manuel Luis Quezon, ang tinaguriang Ama ng Wikang Pambansa. Siya ang nanguna upang pagbuklurin ang mga Pilipino sa pamamagitan ng isang wikang pambansa. Ang wikang pambansa na nabuo ay batay sa Tagalog sa bisa ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134 na nilagdaan niya noong Disyembre 30, 1937.

Bakit Tagalog? Tagalog ang sinasalita ng higit na nakararaming Pilpino, lalo na sa Maynila at karatig bayan, na sentro ng edukasyon, kalakal, hanapbuhay, pulitika, agham, at industriya. Sa ganitong dahilan napagpasyahan ng lupon ng mga mananaliksik ng wika na ibatay sa Tagalog ang wikang pambansa. Mabilis itong itinuro sa iba’t ibang paaralan sa bansa sa loob ng 20 taon.

Noong ika-13 ng Agosto, 1959 ay nilagdaan naman ni Jose E. Romero, Kalihim ng Edukasyon at Kultura, ang Memorandum Pangkagawaran Blg. 7 tungkol sa paggamit ng Pilipino, bilang pagtukoy sa wikang pambansa. Layunin ng pagapapalit ng Tagalog sa Pilipino ang maitimo sa isipan ng mga Pilipino ang pinakakatangian ng ating pagkabansa. Bukod dito, ang Tagalog ay isa lamang sa mga wika sa Pilipinas at ang patuloy na tawagin ito bilang wikang pambansa ay hindi makapagbibigay ng magandang impresyon sa iba pang mga wikang umiiral sa bansa.

Ang paggamit ng Pilipino bilang wikang pambansa ay mahigpit na ipinatupad sa buong bansa. Ngunit dahil sa patuloy na pag-unlad ng pamumuhay at pakikipag-ugnayan, hindi lamang sa kapuwa Pilipino kundi gayundin sa iba’t ibang lahi, ang impluwensya ng iba’t ibang wika sa buong mundo ay hindi maitatanggi. Ang paggamit ng wika ay hindi dapat limitahin. Kailangan itong payabungin at papagyamanin upang makaagapay sa mga pagbabago at mapabilis ang pakikipag-ugnayan at pakikipagtalastasan. Nasa ganitong direksyon ang ating wika nang magkaroon ng pagdaragdag ng mga titik sa dating abakadang Pilipino na may 20 titik (A, B, K, D, E, G, H, I, L, M, N, NG, O, P, R, S, T, U, W, Y). Nang iminungkahi ang patakarang bilinggwal sa bansa noong 1977, naragdagan ang mga titik ng alpabeto. Mula sa 20 titik ay naging 31 ang mga ito. Nairagdag dito ang mga titik C, CH, F, J, LL, Ñ, Q, RR, V, X, at Z. Hinango ang ilang titik sa wikang Kastila at Ingles dahil na rin sa malaking impluwensya ng mga ito sa kabuhayan at kultura ng bansa.

Nang manungkulan ang yumaong Pangulong Cory Aquino at magkaroong muli ng pagbabago sa kalagayan ng wika, ang Konstitusyon ng 1987 ay nagtadhana sa Batasang Pambansa na gumawa ng hakbang tungo sa paglinang at pormal na pagpapatibay ng isang wikang pambansa na tatawaging Filipino. Ayon kay Komisyoner Francisco Rodrigo, “Itong Filipino ay hindi isang bagong katha o kakathaing lenggwahe. Ito ay batay sa Pilipino. Palalawakin lamang ang saklaw ng Pilipino. Kaya nga’t ang Pilipino ay batay sa Tagalog, at ang Filipino ay batay sa Pilipino.”

Kasunod ng pagbabagong ito ay ang pagbabago rin ng alpabeto. Ngayon, ang bagong alpabetong Filipino ay binubuo ng 28 titik (A, B, C, D, E, F, G, H, I, J, K, L, M, N, Ñ, NG, O, P, Q, R, S, T, U, V, W, X, Y, at Z). Gayunman, ang mga titik-banyaga na isinama sa bagong alpabeto ay gagamitin lamang sa:

Pantanging pangngalan (Proper Noun). Halimbawa: Cezar, Joaquin, Quezon, Canada, Czechoslovakia
Wikang katutubo (native language). Halimbawa: azan, hadji, masjid
Wikang banyaga na walang ganap na katumbas sa wikang Filipino. Halimbawa: french fries, coach, brochure, clutch

Sa paggamit ng iba pang salita, may tuntuning dapat sundin:

Hangga’t maaari ay itumbas ang mga salitang Ingles sa kaukulang salin nito sa Filipino. Halimbawa:

 

ability
skill
rule
community

=
=
=
=
kakayahan
kasanayan
tuntunin
pamayanan
 
Sa panghihiram ng salita na mayroon sa Ingles at Kastila, ang unang gagamitin ay sa Kastila. Iniaayon din sa
   bigkas ng salitang Kastila ang pagbaybay sa Filipino. Halimbawa:

Ingles
check
chair
cheese
pencil
Kastila
cheque
cilla
quezo
lapiz
Filipino
tseke
silya
keso
lapis

Kung walang katumbas sa Kastila o kung mayroon man ay maaaring hindi maunawaan ng nakararami, hiramin
  ang katawagang Ingles, kung saan ay may pagbasa at pagbaybay na pareho sa Filipino. Halimbawa:

Ingles
reporter
editor
salami
Filipino
reporter
editor
salami

Maaaring gawing batayan sa pagsasalin ang simulaing: Kung ano ang bigkas ay siyang baybay. Halimbawa:

Salitang banyaga
meeting
nurse
doctor
computer
Filipino
miting
nars
duktor
kompyuter

 

Katumbas na titik-banyaga sa Filipino:


C = K
C = S
CH = TS
CH = S
F = P
J = H
J = S
LL = LY
LL = Y

Ñ = NY
Q = K
RR = R
V = B
X = KS
X = H
Z = S

marca
cine
fecha
chinelas
café
juez
jugar
calle
cebollas
señora
tanque
carrera
voces
taxi
raxa
lapiz
=
=
=
=
=
=
=
=
=
=
=
=
=
=
=
=
marka
sine
petsa
sinelas
kape
huwes
sugal
kalye
sibuyas
senyora
tangke
karera
boses
taksi
raha
lapis
 

Mayaman ang ating wika at patuloy ang paraan ng pagpapadalisay at pagpapayaman dito. Hindi ito mapipigil sapagkat patuloy rin ang pagbabago at pag-unlad ng buhay. Samakatuwid, dapat tayong maging handa at laging bukas ang kaisipan sa anumang pagbabagong nagaganap at maaaring maganap pa!

Si Vicky S.A. Cabrera ay isang Guro sa Filipino sa Tyndall Park Community School sa Winnipeg.

 

Have a comment on this article? Send us your feedback