Sangandaan by Emmie Z. Joaquin, Editor-in-Chief

Sugal na pag-ibig

Maikling kuwento ni Emmie Z. Joaquin

Ang mga tauhan at mga pangyayari sa kuwentong ito ay kathang-isip lamang at hindi tumutukoy sa anumang tunay na tao o sitwasyon.

 

“Naku, ang itim! Sunog na naman ang sinaing mo!” pabirong reklamo ni Monching kay Rita nang makasandok siya ng tutong mula sa kaldero.

“Sabi ko naman sa ‘yo, bumili na tayo ng rice cooker,” balik naman ni Rita sa asawa.

“Huwag kang mag-alala, pag natapos ko ang pagkakabit ng wiring sa bahay ni Mang Pepe, papalitan na natin yung nasirang rice cooker natin,” nakangiting sagot ni Monching sa asawa.

“Eh, tinapay na lang muna ang kainin mo, magsasaing ulit ako,” ani Rita sabay abot kay Monching ng pandilimon na binili niya sa panaderya ni Ching pagkagaling niyang maghatid ng mga tinahi sa ibayo.

Pagod na pagod na si Rita nang hapong iyon subalit hindi niya maipahalata kay Monching. Pinilit niyang tahiing lahat ang mga telang ipinadala ni Mrs. Ramos kagabi dahil gusto niyang makasingil ng pambayad para sa taong lumalakad ng papeles ni Monching sa recruiting agency.

Dalawa na ang anak nilang mag-asawa. Matagal din bago nasundan si Jun-Jun dahil apat na taon ding nagtrabaho sa Saudi si Monching at pinilit nilang huwag makabuo ng bata tuwing uuwi ito upang magbakasyon.

Mabait na asawa si Monching at palagi ang padala niya ng pera kay Rita noong malakas pa ang kita niya. Sinamampalad nga lang na nagsara ang pinagtatrabahuhan sa Saudi at napauwi ang lahat ng empleyado nang wala sa oras. Kung sana’y nagtagal pa ng mga dalawang taon man lang, sana’y nakaipon pa sila kahit kaunti.

Said na said ang ipon nilang mag- asawa lalo na nang magbuntis si Rita sa bunsong si Dolly. Hirap ang kaniyang pagbubuntis at na-caesarian pa siya. Sa ospital lang napunta ang naitabi nilang pera. Nang bumalik sa Maynila ay nag-apply na yata sa lahat ng construction companies si Monching subalit dahil hindi siya tapos ng kolehiyo, kahit maganda ang work experience niya sa Saudi, hindi siya matanggap-tanggap sa magandang puwesto na may mataas na sahod. Kung saan-saan na siya ini-refer ni Kuya, ang panganay na kapatid ni Monching, subalit wala pa rin.

Hirap sila lalo na’t dalawang bata ang inaalagaan. Masiste ang bunso, iyakin at sakitin si Dolly. Si Jun-Jun naman ay sobrang likot at kailangan ay laging binabantayan dahil mahilig lumabas sa may kalsada. Gayon pa man, maligaya silang apat kahit na maraming kulang.

“Tao po!”

Pinapasok niya si Aling Elvie na siyang magdadala ng papeles sa recruiting agency. Dali-daling kinuha ni Rita ang pera sa bulsa. Binilang niya sa harapan ng bisita, “Ayan, Aling Elvie, dalawampung libong piso ho ‘yan, siguro naman eh tama na muna ‘yan para sa lalakad doon sa loob,” at ipinasok ulit ni Rita sa envelope ang hawak na pera.

“Oy, naku, kung hindi sa akin; hindi tatanggapin ang twenty-thousand pesos noong contact ko sa loob. Dapat, eh, treinta’y singko mil kaya lang sinabi kong wala kayong pera talaga. Gusto ko lang talagang makatulong sa inyo!”

Napansin ni Rita na masama na ang tingin ni Monching sa mataray na bisita kung kaya dali-dali niyang pinalakad na ito at baka kung ano pa ang masabi ng asawa.

“Rita, mahigit na fifty-thousand pesos na ang nakukuha niya sa atin,” malumanay na sabi ni Monching, “Duda ako. Baka lokohan na ‘yan.”

Tila walang narinig si Rita at ipinagpatuloy na lang ang paghuhugas ng bigas upang magsaing muli. Para sa kaniya ay tapos na ang usapan tungkol doon para sa hapong iyon.

Hindi pa natatagalan mula nang makausap ni Monching si Richard, isang balikbayang kaibigang matalik ng Kuya ni Monching. Nagbida ito nang nagbida kung gaano kasarap mamuhay sa Canada at kung gaano kasagana ang kaniyang pamilya roon. Sa wari ni Rita’y tila nainggit si Monching dahil noong araw ay mas mahirap ang buhay ni Richard kumpara sa kanila.

Dati’y masigasig si Monching na ipalakad kay Aling Elvie ang mga papeles niya subalit mula nang makausap si Richard ay napansin niyang parang inis na kay Aling Elvie ang asawa.

“Ano, Rita, pumayag na tayo sa offer ni Richard, alam mo namang pansamantala lang iyon,” samo ni Monching kay Rita pagkaalis ni Aling Elvie.

Ayaw sana ni Ritang pag-usapan ang alok ni Richard. Pinigilan niyang magpakita ng inis dahil ayaw niyang masira na naman ang hapon nilang dalawa.

Malaki ang utang na loob ni Richard kay Kuya. At nang malaman niya ang nararanasang kahirapan ni Monching ay may inialok siya kay Kuya bilang pagganti sa mga kagandahang-loob na ipinakita sa kaniya noong araw na siya ang nangangailangan. May alam na paraan si Richard upang makapunta si Monching sa Canada. Kapag nandoon na si Monching ay madali na raw makasusunod ang mag-iina.

“Paano naman daw, aber?” tanong ni Rita kay Monching noong unang sinabi sa kaniya ang plano.

“Nang sinabi ko na hindi pa tayo kasal, puwede raw niya akong paisponsoran sa kumare niya sa Canada. Pakakasalan ko ‘yung babae pero may unawaan na magdidiborsyo kami agad pagkaraan ng dalawang taon,” wika ni Monching kay Rita sabay akbay sa kaniya, “walang mamamagitan, walang sex.”

Napailing si Rita. “At ano naman ang utang na loob sa atin ng babaeng iyon upang isakripisyo niya ang kaniyang buhay upang guminhawa lang tayo?”

“Siguradong walang sabit dahil kakilala niya ang babaeng iyon. At – ano ‘kamo ang kapalit?” patuloy ni Monching, “Imbis na bayad tayo nang bayad kay Aling Elvie, pako-konswelohan na lang natin ng $5,000 iyung babaeng taga-Canada. Gagarantiyahan daw niyang walang sabit. Okey na rin kay Kuya ‘yung offer.”

Nagsawalang-kibo na lamang si Rita. Alam niyang kapag tinutulan niya ay lalong maiinis sa kaniya ang kuya ni Monching.

Palibhasa’y maagang naulila, at dahil panganay si Kuya, siya ang halos tumayong ama at ina ng tatlong magkakapatid. Bunso si Monching kung kaya hanggang tumanda na at magkapamilya ay parang nakakabit pa rin ang pusod nito sa kaniyang kapatid na matanda. Retired na si Kuya sa Army at maganda naman ang kabuhayan. Matagal rin bago natanggap ni Kuya si Rita. Hindi nakatapos ng kolehiyo si Monching dahil nabuntis si Rita kay Jun-Jun noong magnobyo pa lang sila. Pareho silang estudyante at batang bata pa.

Subalit kahit matagal na silang nagsasama at lumalaki na ang mga bata, nararamdaman pa rin ni Rita ang inis sa kaniya ng mga kapatid ni Monching. Noon pa sila dapat nagpakasal. Panay ang kulit ng nanay ni Rita na magpakasal na sila kahit sa huwes man lang. Sa dami ng problema at inintindi, napasaisantabi nila ang planong iyon at hindi rin naman sinesegundahan ng mga kapatid ni Monching ang hiling niyang magpakasal na sila.

“Ano, mahal, pumayag ka na,” samo ni Monching sa kaniya. “Habang maliliit pa ang mga bata; ‘kataon na iyon, pag malaki-laki na sila, eh, nasa Canada na tayo. Kailangan na nating magdesisyon kasi pauwi na si Richard sa isang linggó sa Winnipeg.”

Umupong muli si Rita sa tabi ni Monching. Hinawakan ang makalyong kamay ng asawa. Kita na rin ang hirap sa mukha ni Monching pero magandang lalaki pa rin ito kung ikukumpara sa iba. May kakaibang kirot sa puso ang naramdaman ni Rita. Wala pa mang nangyayari ay parang nagseselos na siya. Hindi yata kaya ng kalooban niya ang palakarin si Monching at pag-asawahin ng iba, kahit na para sa papel lang.

“Ewan ko. Marami akong nababalitaan na hindi na nagka-kabalikan ang gumagawa nang ganiyan, paano naman kami ng mga anak mo?” halos paiyak na tanong ni Rita.

“Huwag kang mag-alala, bahala kami ni Kuya. Siya raw ang sasagot sa ibabayad nating $5,000 doon sa babaeng magpapakasal sa akin; siya na rin ang aako sa pagpapa-process at sa pamasahe, pati raw baon. Si Richard naman ang bahala ng umayos doon sa kaibigan niyang babae,” siguradung-siguradong sagot ni Monching.

Napatayo si Rita at tiim-bagang na sinabi, “Ikaw ang bahala, si Kuya ang sasagot, si Richard ang bahala. Nakakalimutan ba ninyo na bukod sa aming tatlo ng mga anak mo ay may isa pang taong sangkot sa usapang ito? Ano bang klaseng babae ang basta papayag na lang sa kasal-kasalang pinaplano ninyo?”

“Magtiwala ka sa akin, Rita. Mahal ko kayong mag-iina. Hindi rin ako komportable sa gagawing ito pero gusto ko lang mapabuti ang buhay natin at ang kinabukasan ng mga bata,” alo sa kaniya ni Monching.

Lumipas ang walong buwan. Sa Ninoy Aquino International Airport.

“Susulat ka nang madalas. Huwag mong pababayaan ang sarili mo. At ang lamig doon, lagi kang magsusuot ng makapal (hu, hu, hu),” halos hindi makahinga si Rita sa higpit ng yakap ni Monching.

“Magpapadala ako ng pera. Ingatan mo ang sarili mo, ang mga bata lagi mong ipapakita sa kanila ang litrato naming mag-aama nang hindi nila ako makalimutan. Sandali lang ang dalawang taon, makikita mo,” sabay halik sa kaniyang labi ni Monching.

Alam ni Rita na matagal-tagal ding hindi niya madarama ang init ng halik at yakap ng asawa. Parang kinukurot ang kaniyang puso. Nakita na niya sa facebook ang larawan ng babaeng pakakasalan ni Monching pagdating sa Canada. Malaki ang selos na nararamdaman niya dahil may itsura naman ang babaeng iyon. Maritess ang pangalan ng babae. Hanggang ngayon ay nahihirapan si Ritang maintindihan kung bakit pumayag itong magpakasal kay Monching sa halagang $5,000 lamang.

Sumapit ang Pasko at Bagong Taon. Maraming laruan ang mga bata. Maraming pagkain sa kanilang hapag-kainan. Masagana ang laman ng kanilang fridge at maraming padalang kung anu-ano sa door to door na kahon si Monching. Pati ang kaniyang Kuya at Ate ay sagana rin sa door to door na padala nito.

Matagal-tagal na ring hindi nagpupuyat si Rita upang manahi. Tumatanggap pa rin siya ng tahi pero dahil may sustentong nanggagaling kay Monching, hindi na niya kailangang magpakahirap, kung ano lang ang kaya, iyon ang ginagawa niya.

Hindi naman nagkukulang si Monching. Madalas mag-text at tumatawag sa telepono tuwing may mahalagang okasyon sa pamilya. Noong una ay panay ang tingin ni Rita sa facebook ni Monching at nababasa niya ang mga posting ni Monching na nami-miss niya ang mga naiwan niya sa Pilipinas. Alam niyang silang mag-iina ang tinutukoy kahit walang sinasabing pangalan si Monching. May mga posts si Monching na kasama si Maritess at sapat na iyon upang umiyak na naman siya dahil sa selos at sama ng loob.

“Kailangang ipakita sa ibang tao na tunay silang mag-asawa dahil baka matsismis daw na ‘for convenience’ lang ang kasal at maging sanhi pa iyon upang maipa-deport si Monching.” Iyon ang paliwanag kay Rita ni Kuya nang mapansin nitong nag-iinit si Rita tuwing makikitang tila sweet na sweet si Monching at Maritess sa mga larawang nasa facebook.

Nang tumagal ay biglang nag-alis si Monching ng facebook.

“Abala sa hanapbuhay ko ang facebook na iyan kaya tinanggal ko na!” sabi sa kaniya ni Monching nang nagtanong siya. Kaya mula noon ay sa text na lang sila nag-uusap o sa telepono.

Tinitibayan niya ang tiwala sa asawa. Umaasa siyang talagang tutuparin nito ang pangako sa kanilang mag-iina. Minsan ay dinadalaw siya ng duda dahil alam niyang legal ang kasal ni Monching kay Maritess. Alam niyang wala na siyang habol kung sakaling magbabago ng isip si Monching dahil hindi sila kasal. Natatakot si Rita dahil sa papeles ni Monching na naisumite sa Canadian Embassy sa Pilipinas, inilagay roon ang pangalan ni Jun-Jun at Dolly bilang mga dependent na anak sa pagkabinata. Siniguro ni Kuya na maayos ang lahat ng dokumento ni Monching. Sa kabila ng lahat, kahit na sagana silang mag-iina, takot na takot siya sa posibilidad na maaagaw sa kaniya si Monching.

Magdadalawang taon nang nasa Canada si Monching. Inihahanda na ni Rita ang sarili sa pangakong nalalapit na ang pagkuha sa kanilang mag-iina ni Monching. Maraming gabing napapanaginipan niya na kayakap niyang natutulog si Monching. Umiiyak na lamang siya sa pangungulilang nadarama.

Rrrrring! Rrrrring! Rrrrring!

Schedule ng tawag ni Monching kung kaya halos magkandarapa si Rita sa pagkuha ng kaniyang cell phone.

“Hello!” hingal na sagot ni Rita at umaasang ang maririnig sa kabilang linya ay boses ni Monching.

“Hello, Rita, ano kumusta na kayo diyan? Si Richard ito!”

“Nasaan si Monching, bakit ikaw ang tumawag?” usisa niya.

“Hindi siya puwede kaya ako na lang pinatawag muna. May pinuntahan silang handaan ni Maritess at mamaya pang hapon matatapos, eh, baka ka raw mainip ng paghihintay. Anyway, natanggap mo na raw ba yung ipina-door to door niyang kahon?”

Masamang-masama ang loob ni Rita subalit pinilit pa rin niyang sagutin nang maayos ang tanong, “Oo, mabilis ngayon, pati ‘yung pera, natanggap na namin.”

“Bilin nga pala ni Monching, bayaran mo na raw ang matrikula ni Jun-Jun mula sa padala niyang iyan at sa isang linggo raw siya magpapadala ng dagdag. O, sige, may lakad pa ako, kumusta na lang, babay!” sabay klik ng telepono.

Napahagulgol si Rita sa sama ng loob. Sa kauna-unahang pagkakataon ay pumalya si Monching sa nakaugaliang pagtawag sa telepono. Hindi malaman ni Rita ang gagawin.

Nang humapon na ay tumawag na si Rita sa Canada, kay Monching.

Matagal-tagal ding kumiriring ang telepono sa bahay ni Monching bago may sumagot. Alam ni Ritang madaling-araw pa lang sa Winnipeg.

“Hmmm… hello?” antok na antok ang boses ng babaeng sumagot kay Rita.

Alam niyang si Maritess iyon subalit walang gana si Ritang makipagkumustahan sa babaeng nagpakasal sa ama ng kaniyang mga anak. Hinanap ni Rita si Monching. Hindi na nagtanong si Maritess kung sino siya at tinawag nito si Monching.

Parang sinaksak ng patalim ang puso ni Rita nang marinig niya sa telepono ang tila naalimpungatang pag-ungol ni Monching mula sa pagkakagising. Katabi lang nang sumagot ng telepono, katabi sa higaan. Gustung-gusto na niyang i-off ang hawak na cellphone subalit nagtimpi siya kahit namamalisbis na ang mga luha sa kaniyang pisngi.

“Hello, Rita, bakit? Ang aga-aga pa,” tila walang anumang sabi nito.

“Umuwi ka na, Monching, kahit na mahirap lang tayo rito, umuwi ka na (hu, hu, hu),” samo ni Rita sa kaniya.

“Rita, kailangang mag-usap tayo. Ibababa ko muna ang telepono. Mamaya, tatawag ako sa iyo, puwede ba?” Walang nagawa si Rita kundi pumayag sa hiling ni Monching. Hindi pa man ay parang may masamang kutob na siya kung ano ang sasabihin ng lalaking minahal niya, itinuring na asawa, at ama ng kaniyang dalawang anak.

Makalipas ang isang oras ay may kumatok sa pintuan ni Rita. Si Kuya. Tulad nang dati, may pasalubong kay Jun-Jun at Dolly ang kanilang Tiyo. Nang nalilibang na ang mga bata sa paglalaro ay pinaupo siya nito sa may sala at may inilabas na sobre.

“Noon ko pa gustong sabihin sa iyo ang lahat, Rita,” sabi ni Kuya habang inilalabas ang mga larawan sa sobre.

Natigagal si Rita sa mga nakitang larawan na inihelera ni Kuya sa mesa. Isa roon ay kitang-kita ang magandang ngiti ni Monching at si Maritess naman ay may kalong na sanggol na siguro’y kapapanganak pa lamang. Christmas card iyon na ipinadala ni Monching sa kapatid. Ang iba nama’y mga baby pictures.

“Hindi nagkulang sa inyong mag-iina ang kapatid ko, Rita,” sabi ni Kuya. “Sana’y maunawaan mo ang sasabihin ko sa iyo ngayon.”

Manhid na manhid ang pakiramdam ni Rita sa pagkakaupo. Narinig niya ang lahat ng sinabi ni Kuya. Kung paanong sa simula ay talagang balak ni Monching na kunin silang mag-iina at pasunurin sa Canada pagkatapos diborsyohin si Maritess. Kung paanong nagsikap si Monching na makakuha agad ng trabaho at halos walang pahinga ito sa paghahanapbuhay upang makapagpadala ng sustento sa kanila. Narinig din ni Rita ang sinabi ni Kuya na nang lumaon ay nagkakilala nang husto si Maritess at si Monching at dahil marahil sa nadaramang pangungulila ni Monching, nahulog siguro ang loob nito sa babaeng iyon hanggang magkaunawaan at mabuntis ito ng kapatid.

“Tutal, legal naman ang kanilang kasal, alam nilang walang masama sa ginawa nilang dalawa, sorry, Rita.”

Parang namuo ang dugo sa utak ni Rita. Sumakit ang kaniyang ulo at halos masuka siya sa naririnig mula sa kapatid ni Monching. Nagsasalita pa si Kuya subalit parang nabingi na siya, wala nang pumapasok sa kaniyang tenga. Hindi siya makapagsalita sa tindi ng galit at hinanakit sa lalaking minahal niya mula nang nasa high school pa lang sila at naging ama ng kaniyang dalawang anak.

“Tinawagan ako kanina ni Monching upang sabihing oras na upang malaman mo ang lahat. Mahal na niya si Maritess at nagsimula na sila ng pamilya roon. Mahal niya ang mga bata at gusto sana niyang kunin sila dahil mas mabibigyan sila ng magandang kinabukasan kung doon sila palalakihin,” dagdag pa ni Kuya.

Humahagulgol na si Rita at nanginginig ang buong katawan sa galit at sama ng loob. Ni hindi niya makuhang magsalita. Awang-awa siya sa sarili dahil pakiramdam niya’y ni wala man lang siyang makuhang simpatiya mula sa kapatid na panganay ni Monching.

Maya-maya’y nakapagsalita na rin siya. “Kailan mo pa alam ito, Kuya?”

“Nagtapat sa akin si Monching noong isang taon, nang malaman nilang buntis na nga si Maritess. Alam niyang mahihirapan siyang ipagtapat iyon sa iyo kung kaya pinabayaan na lang muna niya. At napansin mo naman na ni hindi naman siya nagkulang ng pagpapadala ng sustento, di ba?” parang panumbat pang sinabi nito kay Rita.

“Hindi ako papayag na makuha niya ang mga bata. Mga anak ko si Jun-Jun at Dolly. Kailangan ko ang sustento para sa pag-aaral at pagbuhay ko sa kanila. Sabihin mo iyan sa kapatid mo, Kuya,” umiiyak subalit matapang at taas-noong sagot ni Rita.

“Gustong kunin ni Monching ang mga bata, kung mahal mo sila’y hindi ka tututol. Huwag mo nang hayaang paratingin pa natin ito sa korte,” balik nito sa kaniya.

“Napakalaki niyang duwag. Napakahina niyang lalake. Napakarupok niya,” sabay tayô patungo sa pinto. Iminuwestra niya sa bisita na maaari na itong umalis.

Napakibit lang ng balikat si Kuya sabay bitaw ng mga katagang, “Tatawag ulit siya sa akin mamaya, Rita. Ano ang sasabihin ko sa kaniya?”

“Hindi ko kailangan ang pera niya pero kailangan iyon ng mga bata. Kung may natitira pa siya kahit na katiting na respeto man lang sa akin, hindi niya ihihiwalay sa akin ang aking mga anak. Ako ang naagrabiyado. Siya ang nagtaksil, hindi ako.”

Matagal nang nakaalis si Kuya ay nakatayo pa rin sa may bintana si Rita at nakatanaw sa malayo. Masakit ang nangyari subalit kailangan niyang lakasan ang kaniyang loob. Litong-lito siya. Hindi niya alam kung ano ang iisipin.

Napatingin si Rita sa rice cooker sa ibabaw ng mesa. Iyon ang rice cooker na binili niya noong unang nagpadala ng sustento si Monching sa kanilang mag-iina. May Play Station si Jun-Jun at halos hindi na malaman ni Dolly kung anong Barbie Doll ang lalaruin sa daming manikang padala ng kaniyang Daddy.

Palilipasin muna ni Rita ang magdamag upang makapag-isip-isip siya nang matino. Bukas, tatawagan niya ang Ninong niyang abugado at kokonsultahin niya kung ano ang puwede niyang gawin upang mapangalagaan ang kaniyang karapatan lalo na sa mga bata. Walang sobrang pera si Rita. Lahat ng padala ni Monching ay tamang-tama lang panghulog sa renta ng bahay, pag-aaral ng mga bata, pagkain at kaunting panggastos. Dahil sa malaking tiwala na tutuparin ni Monching ang pangako sa kaniya, ni hindi man lang nakaisip magtago ng ekstrang pera si Rita para sa sarili niya.

Napapailing habang marahang hinihimas ni Rita ang kaniyang noo. Sana’y isang masamang panaginip lang ang nangyayari at sana’y magising na siya. Hindi pa rin niya maubos maisip kung paano nagkaganito ang kanilang buhay. Parang napakabilis ng lahat ng pangyayari. Sino ang nagkulang? Siya ba? Nasaan ang pagkakamali?

Dapat ba niyang sisihin ang sarili dahil pumayag siyang umalis si Monching at magpakasal sa ibang babae sa Canada? Dapat ba niyang sisihin ang sarili dahil pumayag siyang isugal ang pag-iibigan nilang dalawa?

Walang makitang sagot sa mga tanong niya si Rita. Naisip lang niyang sana’y hindi na lang siya pumayag sa alok ni Richard at ni Kuya. Sana’y hindi na siya nagreklamo noong araw sa hirap na dinanas. Sana’y hindi naging taksil si Monching. Sana’y hindi siya naniwala sa pangako. Sana.

Ang “Sugal na pag-ibig” ay isang maikling kuwentong katha ni Emmie Z. Joaquin para sa Pilipino Express News Magazine

Have a comment on this article? Send Emmie your feedback