Sangandaan by Emmie Z. Joaquin, Editor-in-Chief

Ang singsing

Maikling kuwento ni Emmie Z. Joaquin

Ang mga tauhan at mga pangyayari sa kuwentong ito ay kathang-isip lamang at hindi tumutukoy sa anumang tunay na tao o sitwasyon.

 

Mula sa aking pagkakaupo ay nagtama ang paningin namin ng lalaking kapapasok pa lamang sa waiting room.

“Kilala ko siya,” naisip ko, “Saan nga ba? At kailan?”

Lumapit siya sa receptionist at pagkatapos ay naupo sa dulong silya. Binawi ko na ang aking tingin at binalingan ko sina Ching at Brenda na wala pa ring tigil ang kuwentuhan at nakihalo na muli ako sa aming chikahan.

Sa aking pagkakaupo’y nakatalikod ako sa lalaking bagong dating subalit nanatiling nakapaskel sa aking isip ang kaniyang mukha dahil talagang napakapamilyar sa akin ng kaniyang mukha.

“Mrs. Brenda Garces,” tawag ng receptionist, “kayo na po ang kasunod na pasyente ni Doctor.”

Naiwan kami ni Ching sa waiting room nang tumayo si Brenda patungo sa kuwarto ng doktor. Lumipat ako ng upuan upang masipat kong mabuti ang lalaking iyon. Nagtamang muli ang aming paningin. Yumuko ako agad. Tila may kumalabog sa aking dibdib. Sa pagkakataong iyon, parang bombilyang umilaw sa aking gunita ang nakaraan. Naalala ko na kung sino ang kamukha niya.

Nagkakilala kami ni Bobby noong 1980 sa isang high school meet. Manlalaro ng basketball si Bobby at ako naman at ang aking barkada ay kasama ng cheering squad.

Sa una pa lang naming pag-uusap ay nagkahulugan na kami ng loob. Sa simula pa lang ay hindi na kami maubusan ng kuwento. Pagdating sa bahay, tumatawag agad siya upang makipagkuwentuhan. Hindi pa ako pinapayagang tumanggap ng dalaw noon kung kaya hindi siya nakaakyat nang pormal sa aming bahay. Guwapo si Bobby. Matangkad, mestisuhin, magandang magdala ng damit. Subalit hindi lang kagandahang panlabas ang dahilan ng pagkahulog ng aking loob sa kaniya. Siya’y mabait, magalang at hindi mayabang katulad ng ibang mga basketball superstars sa campus noon.

Ang alam ko lang noon, dumadalas ang kaba ng aking dibdib kapag nakikita ko siya. Sa aking murang gulang, wala pang ibang lalaking nakaapekto sa akin nang tulad niya.

Panay ang tukso sa akin ng ibang members ng cheering squad namin. Napansin nilang mula nang magkakilala kaming dalawa, panay na ang hang-out nina Bobby at kaniyang mga kaibigan sa may resto na malapit sa gym kung saan kami namang mga babae’y nagtatagpo bago magpractice.

Inimbita ako ni Bobby sa JS prom at siyempre, pumayag naman ako. Nang kami ay nasa party na, biglang naglabas si Bobby ng isang singsing. May isang batong amethyst na napapaligiran ng maliliit na diamante. “Mahal kita, Mila. Sana isuot mo itong singsing na ito kung mahal mo rin ako,” bulong niya habang kami’y nasa may veranda sa labas ng dance hall.

Walang pagsidlan ang aking galak ng mga sandaling iyon. Mabilis kong isinuot ang singsing at sa oras na iyon, ako na yata ang pinakamaligayang teenager sa buong mundo.

Naging masaya ang aming relasyon hanggang sa graduation niya sa high school. Palagi kami sa lakaran at disco kasama ang barkada. Paminsan-minsan ay nakakalusot ako sa aking mga magulang at nakakapanood kami ng sine nang kaming dalawa lamang. Maginoo si Bobby. Kahit kailan ay hindi niya ako pinilit gawin ang hindi dapat sa aming pagmamahalan.

Sa hindi maiwasang dahilan, nag-immigrate ang pamilya ni Bobby sa Canada. Sinabi na niya sa akin ang planong iyon ng kaniyang mga magulang. lyon na rin marahil ang dahilan kung bakit parang walang katiyakan ang aming relasyon. Hindi siya nangako sa akin ng kahit ano para sa kinabukasan. Palagi lang niyang sinasabi noon na, “Masyado pa tayong bata, sana kahit tumanda na tayo’y mahal mo pa rin ako. Huwag mo akong kakalimutan, ha, Mila?”

Masakit para sa akin ang pag-alis ni Bobby. Subalit, tulad niya, ako’y isang teenager pa rin noon. Bago siya umalis patungong abroad, isinauli ko sa kaniya ang singsing.

“Hindi yata tama na isuot ko itong singsing kung wala ka na,” lumuluhang sinabi ko kay Bobby noon.

“Kung tayong dalawa talaga, balang araw, babalik ang singsing na ito sa iyong daliri,” sabi naman niya.

Nangako kami sa isa’t isang madalas na magsusulatan. Subalit nagdaan ang ilang taon, dumalang nang dumalang ang mga sulat hanggang nawala na ang komunikasyon. Noon ay wala pang e-mail, text, facebook o skype.

Lumipas ang panahon. Nag-asawa na ako at nagkaroon ng tatlong anak. Masaya ang aming pamilya nang biglang naaksidente si Cris at sa gulang na 34 ay nabiyuda na ako. Ibinuhos ko na lang ang aking oras sa pagpapalaki ng mga bata at negosyo. Maganda ang aking kinikita sa aking import-export business na sinimulan naming mag-asawa noon at malaki ang naiwang life insurance ni Cris kung kaya maginhawa ang naging buhay naming mag-iina,

Hindi na ako nag-asawa kahit may ilan din namang nanligaw sa akin. Nang natapos na sa unibersidad ang tatlo kong anak at nagsibukod na, paminsan-minsa’y pumapasok pa rin sa isip ko ang aking first love na si Bobby.

“Mrs. Mila Cortez, kayo na po ang kasunod kay doktor,” tawag ng receptionist.

Medyo nagulat ako nang marinig ko ang aking pangalan. Tapos na si Brenda sa pagkonsulta sa doktor. Ako naman.

Palapit na ako sa pintuan nang biglang tumayo ang lalaking kamukha ni Bobby.

“Mila?” sabi niya.

Napahawak ako sa aking dibdib.

“Bobby?” balik-tanong ko naman.

“Oo, kumusta ka na?” tanong niya.

Sasagutin ko pa sana siya nang siya na rin ang nagmuwestra na tumuloy na ako sa silid ng doktor. “Paglabas mo, mag-usap tayo, ha?”

Tumango na lang ako dahil parang biglang naumid ang aking dila sa pagkakataong iyon.

Kasama ko ang aking mga kaibigan at kasosyo sa negosyo kung kaya naman ipinakilala ko lang sa kanila si Bobby bilang isang dating kaibigan at naghanda na kaming umalis sa klinika. Lumapit si Bobby sa akin at nagtanong kung paano niya ako matatawagan. Parang walang anuman na inilabas ko ang aking business card at iniabot sa kaniya. Ewan ko kung nahalata ako ni Brenda at Ching dahil pakiramdam ko ay nanginginig ang aking kamay nang iniabot ko ang card kay Bobby.

“I’ll call you,” nakangiting sabi niya. “Sure, after six mamaya, nasa bahay na siguro ako,” sagot ko naman.

Matagal rin kaming nagkuwentuhan ni Bobby sa telepono nang gabing iyon.

“Mila, teenagers pa lang tayo nang huli tayong magkita! Ano na ang mga nangyari sa buhay mo?” excited na tanong niya sa akin.

Ikinuwento ko ang lahat ng natatandaan kong mahahalagang pangyayari sa aking buhay, pati na ang pagkamatay ni Cris at pagbubuhos ko ng loob at oras sa mga bata at negosyo.

“Masaya ang naging relasyon naming mag-asawa kung kaya naman kahit maaga siyang kinuha sa aming mag-iina, hindi nagtagal ang aking pagiging bitter tungkol sa pagkawala niya,” sabi ko. “Pati mga bata’y mababait at matatalino, wala na akong mahihiling pa sa Diyos.”

“Ikaw, how have you been?” tanong ko naman sa kaniya.

Marami ring nangyari sa buhay ni Bobby. Nang sila’y mag-immigrate sa Canada ay ipinagpatuloy niya ang pag- aaral hanggang sa siya’y maging isang engineer. Nakapagtrabaho siya sa isang malaking kompanya at palagi siyang nadedestino sa iba’t ibang lugar sa US at sa Europa. Nakapag-asawa rin siya subalit dahil sa kaniyang pagiging abala sa trabaho at dahil na rin sa palagiang paglalakbay kung saan-saan, hindi nagtagal at naghiwalay silang mag-asawa. Hindi sila nagkaanak at ngayo’y diborsyado na siya. Ngayon naman ay may branch na itatayo sa Makati ang kaniyang kompanya kung kaya mananatili muna siya sa Pilipinas nang mga tatlong taon.

Masaya ang naging kuwentuhan naming dalawa at nagkasundo kaming magkita sa labas sa kinabukasang iyon din. Hindi ko malaman kung bakit para na naman akong isang teenager na 1alabas sa unang date. Maganda at masarap na pakiramdam. Para akong nakatuntong sa ulap.

Halos tatlumpu’t apat na taon din ang nagdaan mula nang magpaalaman kaming dalawa sa isa’t isa. Hindi na ganoong kakisig si Bobby. Ang dati’y “perfect” niyang pangangatawan ay hindi na masyadong “perfect.” Mayroon na ring i1ang kunot sa kaniyang noo. Subalit matikas at guwapo pa rin siya sa aking paningin. Tuwing titingnan ko siya, nagbabalik sa aking gunita ang nakaraan at ang “17-year old” na Bobby pa rin ang nakikita ko at alam kong ako’y “in love” na muli.

May ilang buwan din kaming lumabas. Kilala na siya ng aking mga anak at mga malalapit na kaibigan. Mabait at masaya si Bobby kung kaya hindi naman nagtagal at parang kaisa na namin siya sa pamilya. Isang gabi’y may inilabas na singsing si Bobby. Nagulat ako nang makita ko ang singsing. May amethyst na bato at maliliit na diamante sa paligid. Iyon ang singsing na ibinigay niya sa akin noong high school pa lang kami.

“Di ba sabi ko sa iyo noon, balang araw, kung tayo ngang dalawa, ibabalik ko ito sa iyong daliri?”

Tulad ko, madalas din daw sumagi sa kaniyang isip ang aming nagdaang masayang kabataan. Kahit na may asawa na siya noon, ang singsing na ibinigay niya sa akin ay nakatago sa kaniyang mga personal na gamit. Hindi naman daw niya inasahang magkakabalikan pa kami dahil nagkaiba na ang aming mga landas, subalit sa kaibuturan ng kaniyang puso, nandoon pa rin daw ang pag-asang, “Baka sakali, balang araw ay magkikita pa rin kami.”

Simple lang ang aming planong kasal at honeymoon. Maraming taon ang namagitan subali’t pakiramdam namin ay parang isang saglit lamang ang nagdaan. May edad na kami subalit parang 16 at 17 pa rin ang aming pakiramdam.

Magbubukas na muli ako ng bagong chapter sa aking buhay. Mas malaki at mas mamahalin na ang bato ng engagement ring na suot ko ngayon na itatabi ko sa wedding ring namin ni Bobby. Nasaan ang unang singsing na ibinigay niya sa akin? Ah, iyon ay nakalagak sa isang magandang kahon at nakadisplay sa tabi ng aming larawang kuha noong gabi ng JS prom sa high school noong 1981. At oo nga pala, itatabi rin namin iyon sa aming wedding picture na kukunin sa kasal namin sa summer ngayong taon.

“Ang singsing” ay isang maikling kuwentong katha ni Emmie Z. Joaquin para sa Pilipino Express News Magazine.

Have a comment on this article? Send Emmie your feedback