
Opinions
![]() |
![]() |
Kung saan ka maligaya,
|
Maikling kuwento ni Emmie Z. Joaquin
Ang mga tauhan at mga pangyayari sa kuwentong ito ay kathang-isip lamang at hindi tumutukoy sa anumang tunay na tao at sitwasyon.
“…And our Grand Prize Winner… to win one million pesos in cash and an international recording contract… Gilbert Mendez!”
Halos hindi magkamayaw ang mga tao sa Araneta Coliseum nang ipahayag ng mga emcees ang nanalo sa Pop Music Festival. Pati miyembro ng orchestra ay pumapalakpak na nagtayuan habang pumapasok sa entablado si Gilbert. Patakbo at patalon halos ang kaniyang ginawa patungo sa mga emcees upang abutin ang kaniyang tropeo. Nakaharap na siya sa mikropono ay hindi pa rin tumitigil ang sigawan ng mga manonood. Kitang kita ko sa kaniyang ngiti ang tunay na ligaya sa mga sandaling iyon. Kung puwede lang sigurong huwag nang matapos ang palakpakan.
Mahusay na kompositor si Gilbert. Kinakapatid ko siya at kababata pa. Pareho kaming nag-iisang anak ng aming mga magulang na magkakaibigang matalik. Ninong at Ninang ko ang Mommy at Daddy niya. Ninong at Ninang din niya ang Mama at Papa ko.
Maliliit pa kami ay kapansin-pansin na ang kaniyang hilig sa pagkatha ng musika at awit. Kapag naglalaro kami, ako ang nagdadrama at tumutula, siya naman ang kumakanta at tumutugtog. Tuwing weekend ay nagdadalawan ang aming pamilya at lagi kaming may maliit na palabas para sa aming mga magulang. Tawag sa amin ni Papa ay operetang putol-putol ni Maestro Gilbert at ni “Diva” Becky.
Hanggang nang mag-high school ay si Gilbert pa rin ang aking laging kasama. Pagkagaling namin sa klase, tutuloy kami sa kanila at iparirinig niya sa akin ang kaniyang ginagawang komposisyon. Hangang-hanga ako sa kaniya sa pagtugtog ng piano at gitara.
Kadalasan ay isinasangguni niya sa akin kung maganda ang titik na inilapat niya sa musika. May oras namang ako ang nagbibigay sa kaniya ng tula at ito’y lalapatan niya ng himig.
Para sa akin ay maganda ang boses niya pero para sa kaniya ay “average” lang daw at hindi niya tatangkaing umawit nang solo. Teenagers pa kami ay nakikita na ang pagiging “perfectionist” niya. Iisa lang ang pinanghihinayangan niya – hindi ako marunong kumanta.
“Pambihira ka naman. ang ganda-ganda mo, pero, boses mo – ngi. Mag-enrol ka nga sa voice, may talent ka naman ah,” tukso niya sa akin palagi. At ito’y sasagutin ko ng kurot at kiliti hanggang mahulog siya sa suwelo sa katatawa.
Mahilig din akong kumanta, kaya lang nasisiraan ako ng loob tuwing sasabayan ko siya dahil alam kong hindi nga ganoon kagandang pakinggan ang pag-awit ko. Sa isang banda, kaya siguro kami magkasundo ay pareho kaming “perfectionist” kung tutuusin.
Malapit na kaming magtapos ng high school nang makakuha ng kontrata si Gilbert sa isang recording company para sa mga artist nito.
Malaking blow-out sa isang Japanese restaurant ang ibinigay ni Ninong Fred para kay Gilbert. Sa wakas, sabi niya’y pakikinabangan na nila ang napakamahal na piano at music lessons na ipinundar nila para sa kaisa-isang anak. Pati naman si Ninang Lori ay walang humpay ng pagpapakita sa lahat ng pirmadong kontrata. Hiyang hiya naman si Gilbert sa may sulok dahil sa ginagawang pagmamagaling ng mga magulang.
Sa U.P. College of Music nakakuha ng full scholarship si Gilbert at ako naman ay sa Ateneo de Manila University kumuha ng B.S. Mathematics. Bagama’t iisang lugar ang aming ginagalawan, hindi na masyadong madalas kaming magkita. Subalit kapag may bago siyang komposisyon, tinatawagan pa rin niya ako upang iparinig iyon at kunin ang aking opinion tungkol sa awit.
Marami na ang nanliligaw sa akin. Ikinukuwento ko lahat kay Gilbert. Ewan ko kung bakit, parang wala akong magustuhan sa kanila. Ang isip ko ay okupado ng pag-aaral at parang wala sa plano ko ang makipag-steady habang hindi pa ako graduate. Si Gilbert naman ay wala pa ring ipinakikilala sa akin. Alam kong maraming nagkakagusto sa kaniya lalo na sa mga magagandang singers na iginagawa niya ng kanta. Kapag tinatanong ko kung may napupusuan na siya, lagi niyang sinasabing mayroon na pero hindi pa siya sigurado.
Marahil ay masyado na akong pamilyar sa ugali ni Gilbert, sa kaniyang pagiging malihim at pribado kahit noong mga bata pa kami, kung kaya hindi naman ako nagtataka kung hindi man niya sabihin sa akin kung sino nga ang nagugustuhan niya.
Isang gabi, galing kami sa recording studio, bigla na lang niya akong tinanong kung bakit hindi pa ako nakikipag-boyfriend. “Ewan ko, wala akong magustuhan sa kanila, puro sila corny,” sagot ko sabay kibit ng balikat. “Teka, ikaw, sino ba ‘yung sinasabi mong gusto mo?” balik tanong ko sa kaniya.
“Masyado kang usisera, one of these days, ipapakilala ko sa inyo,” nakangiting sabi niya sa akin. “Gusto ko lang pag nagsabi ako, sigurado na!”
“Sige na, sabihin mo na, secret natin. In the first place, kanino ko ba naman sasabihin pa? Hindi naman ako iba sa iyo,” pilit ko naman. Hinintay ko ang sagot – pero, wala – dedma – dead air kung baga.
“Tara sa Roxas Boulevard, kain tayo ng barbecue,” sabay U-turn at tinaasan ang volume ng radio sa kotse. Sinabayan namin ang mga kanta. Sa ganito namin madalas pinapalipas ang oras kapag magkasama kami.
Nagtapos na kami pareho ng kolehiyo. Natanggap ako sa isang malaking bangko sa Makati at mabilis na tumaas ang puwesto ko sa trabaho. Si Gilbert naman ay isa nang sikat na composer at record producer. Palagi siyang bumibiyahe sa States dahil sa recording. Malakas siyang kumita at marami siyang kontrata sa mga advertising agency sa paggawa ng mga jingles ng sari-saring produkto.
Palibhasa’y nag-iisang anak, sa malaking bahay pa rin nakatira si Gilbert kasama ng kaniyang mga magulang. Ako naman ay pinayagan nang bumukod kung kaya may sarili na akong condo, malapit sa bangkong pinapasukan ko. Nagkikita pa rin nang regular ang aming mga magulang kung kaya sa kanila na lang ako nakikibalita kung ano ang nangyayari sa buhay ni Gilbert.
Matagal-tagal na ring hindi kami nagkakasama ni Gilbert. Nang huli kaming magkita ay noong hindi sinasadyang nagkasalubong kami sa Ayala at nagkayayaang mag-lunch. Tila wala pa rin siyang balak mag-asawa subalit parang nagpaduda siya sa akin na may ka-relasyon siya. Hindi ko na siya inusisa kung sino at ano dahil parang ayaw niyang pag-usapan namin ang tungkol sa romansa o anumang personal tungkol sa buhay niya. Ako naman noon ay kalalabas lang sa isang masalimuot na relasyon. Sakit lang ng ulo at sama ng loob ang naidulot sa akin ng aking ex-boyfriend. Ikinuwento kong lahat iyon kay Gilbert kung kaya ang kuwentuhan namin ng araw na iyon ay tungkol lang sa akin at hindi sa kaniya. Gayon pa man, kahit bihira na kaming magkita ni Gilbert, palagay pa rin ang loob ko sa aking kababata at siya pa rin ang aking itinuturing na matalik na kaibigan.
Isang araw ay nakilala ko si Benjie na creative artist sa isang advertising agency. Kilala niya si Gilbert. Nagtaka ako nang pabiro niyang sabihin sa akin na, “Suko ako kay Gilbert at Joy sa hilig mag-good time!” at idinagdag pa niyang pag may oras siya ay madalas siyang sumabit sa lakad nina Gilbert at Joy. Nang malaman niyang kinakapatid at kababata ko si Gilbert, naramdaman kong parang biglang tumikom ang kaniyang bibig at wala na akong narinig sa kaniya tungkol sa aking kinakapatid.
“Sino kaya si Joy?” Ito ang katanungan lagi sa aking isipan mula nang araw na naibida iyon sa akin ni Benjie. Pareho kaming malapit nang mag-31 taong gulang. Magsisinungaling ako kung itatanggi kong paminsan-minsan, dahil sa panunukso ng aming mga magulang, iniimagine ko na hindi na rin masama kung kami ni Gilbert ang magkakatuluyan. Tuwing sasagi sa isip ko ito, ay natatawa ako dahil alam kong parang magkapatid lamang ang aming pagtitinginang dalawa. Bukod doon, malabo na talaga dahil baka seryoso na sila ng girlfriend niya. “Joy? Josephine siguro ang buong pangalan ng Joy na iyon. May kilala ba akong Joy?” madalas ay naitatanong ko sa aking sarili.
May pagkakataong itinatanong ko kay Gilbert kung kailan ipakikilala sa akin si Joy. Pero tulad nang dati, ang malihim kong kinakapatid ay ngumingiti lang at sasabihing, “Huwag kang mainip, malapit na.”
Alam naming lahat na sumali si Gilbert sa Metropop at alam rin naming gusto niyang manalo dahil bukod sa malaki ang cash prize ay may recording contract pa. Ito ang pinakamalaking festival sa bansa at big time lahat ang nagsisali.
Nagulat na lamang ako noong nakaraang linggo nang biglang tumawag si Gilbert sa bahay at inimbita kaming lahat na panoorin ang music festival sa Araneta Coliseum. Sabi pa niya, “Pagkatapos ng show, ke manalo, ke matalo ako, lalabas tayong lahat for dinner at may announcement akong gagawin.” Nagmamadali siya sa telepono kaya ni hindi ko naitanong man lang kung ano ang announcement. Katulad ko ay excited din ang aking Mama at Papa dahil alam nilang mahalaga ang gabing iyon para kay Gilbert.
Alam kong ang aming mga magulang ay umaasa na kami ni Gilbert ang magkakatuluyan balang araw. Madalas akong tuksuhin ni Papa kay Gilbert. Kapag nakikipag-boyfriend ako, napakatabang ng trato nila sa sinumang umaakyat ng ligaw sa amin. Alam kong iyon ay dahil ang manok nita para sa akin ay si Gilbert. Minsan ay napikon ako sa tukso ni Papa. Iyon ay noong katatapos ko pa lamang makipag-break sa aking ex-boyfriend na si Joey. “Iniiyakan mo iyang si Joey, eh, mukhang lalamya-lamya naman, pa-pretty boy, pretty boy lang,” nanunudyong sabi ni Papa. “Mukhang lampa – ang layo kay Gilbert!”
Minahal ko rin si Joey subalit talagang aminado siyang siya’y habulin ng babae kung kaya bago lumala ang aking sama ng loob ay pinutol ko na ang relasyon naming dalawa. “Gilbert kayo nang Gilbert, eh, hindi ko naman boyfriend si Gilbert!” reklamo ko. “Aba, eh, hindi masama,” nakangisi pang sabi ni Papa na lalo kong ikinapikon noon.
“Punung-puno ang Araneta Coliseum nang gabing iyon. Ang lalaki ng premyo at puro sikat pa ang mga performers. Bukod doon, televised nationwide ang palabas. Magagaling at establisadong mga composers ang maglalaban-laban at mga sikat na singers ang interpreters na aawit ng kanilang komposisyon. Kung mananalo, ito na ang break na hinihintay ni Gilbert, ang makilala ang kaniyang mga komposisyon sa buong mundo.
Umiiyak sa tuwa si Ninang Lori at, si Ninong Fred, kahit na may rayuma, ay talon nang talon sa pagkapanalo ni Gilbert sa festival. Nang mahimasmasan na kaming lahat ay naghanda na kaming pumunta sa dinner kasama si Gilbert.
Maliit lang ang private function room na inireserba ni Gilbert. Pito ang upuan Sa mesa. ‘‘Hmmm… may isang extra seat, baka si Joy,” naisip ko.
Nasa kaliwa ako ni Gilbert sa mesa. Kumpleto na kami subalit bakante pa rin ang extra seat sa kanang tabi ni Gilbert. Nang mag-offer siya ng toast ay sinabi niyang may sorpresa siya sa aming lahat. “Mom, Dad, Ninong, Ninang, Becky, I am 31 years old. Wala na akong mahihiling pa sa buhay na ito. I thank you all for your support. Gusto kong ipakilala sa inyo ngayon ang taong gusto kong makasama sa habang buhay. Sana’y maunawaan ninyo kami at sana’y matanggap ninyo siya,” matalinghagang sabi ni Gilbert habang nakatayo para sa toast.
Kitang kita ko ang pagtataka sa mga mata ng lahat. Palagay ko, ako rin ay medyo nagtataka sa klase ng “speech” na ito ni Gilbert. Hinugot ni Gilbert ang hininga sabay sabing, “Hindi na ako magpapatumpik-tumpik pa Mom, Dad, Ninong, Ninang, Becky I want you all to meet Joy…”
Para kaming binagsakan ng isang toneladang bato nang pumasok sa pinto si Josemari Ricafort, ang guwapong singer na siyang nag-interpret ng ipinanalong kanta ni Gilbert sa Metropop. Ang Joy palang gusto kong makilala noon pa ay hindi isang “Josephine” kundi isang “Josemari,” isang lalake rin tulad ni Gilbert. Nakabibinging katahimikan ang naghari. Hindi matinag-tinag ang titig ng aking Mama at Papa kay Joy. Si Ninong Fred at si Ninang Lori naman ay halos maubusan ng hininga sa gulat. Ako naman, matapos kong magbuntung-hininga ng maraming beses, pinaghari ko ang aking “poise” at ako na ang unang-unang tumayo at kumamay kay Joy.
“At last nagkakilala na rin tayo, Joy. Matagal ko nang hinihiling kay Gilbert na ipakilala ka sa akin,” sabay hila sa kaniya at iminuwestra kong umupo na siya sa bakanteng silya. Hindi rin makapagsalita si Joy. Nakakailang ang situwasyon. Palagay ko’y mas gusto na niyang umalis at tumakbo nang mabilis palayo sa aming lahat.
“Alam mo ang tungkol dito, Becky?” parang nagtatampong tanong agad sa akin ni Ninong Fred.
“Hindi alam ni Becky ang lahat, Dad,” agaw ni Gilbert. “Alam kong malalaman at malalaman din ninyo kaya bago ninyo malaman mula sa iba, ako na ang nagsabi ngayon.”
“Anak, bakit ni hindi mo man lang sinabi sa amin noon pa na ganito ka pala?” sabi ni Ninang Lori kay Gilbert.
“Mommy, hindi ko alam kung ano ang magiging reaksyon ninyo ni Daddy kaya minabuti kong nandito rin ang mga Ninong kapag nagtapat ako sa inyo. At sa totoo lang, hindi pa rin naman kami sigurado ni Joy sa isa’t isa noon, kaya – I am sorry kung nabigla kayo. Sana ay matanggap ninyo kami. Ninong, Ninang, Becky?” samo ni Gilbert sa aming lahat.
Pati mga magulang ko’y hindi halos makapagsalita. Napansin kong panay ang inom ng tubig ng Papa at Mama ko.
“Ok, kain na tayo, nagugutom na ako. Umorder na tayo at matagal-tagal ding magluto dito,” pinipilit kong ibalik sa normal ang situwasyon bagama’t alam kong mahirap para sa lahat.
Dumating na ang aming order. Nagkainan. Kami lang tatlo: si Gilbert, si Joy at ako ang nag-uusap. Dedma ang laro namin, alam ko. Kunwari ay OK lang ang nangyayari. Pero alam ko, disoriented ang isip ng lahat na nakapaligid sa mesa ngayon.
Nabigla rin ako. Malungkot ako dahil kumpirmado na para sa akin na hindi talaga kami magkakatuluyan ni Gilbert kahit na paminsan-minsan ay umaasa akong sana ay siya na nga. Mahal ko si Gilbert at marahil, dahil puro kunsumisyon ang mga naging ex-boyfriends ko, nagbabakasakali akong baka siya na nga ang gusto ng Dios para sa akin. At siguro, dahil komportable ako sa kaniya kaya naiisip ko noon na kung liligawan niya ako, eh, sasagutin ko siya. Bukod sa malapit na magkakaibigan ang aming mga magulang, pakiramdam ko noon ay mahal niya ako. Kung sabagay, tama naman ako, mahal niya ako bilang kapatid at matalik na kaibigan. Marahil sa susunod na pagkakataon, magiging matino na ang aking relasyon dahil burado na sa isip ko ang pagbabakasakaling kami ni Gilbert ang para sa isa’t isa.
Sa isang banda, inilagay ko sa aking isipan na hindi ko dapat pabayaan ang aking best friend dahil ngayon pa lang nagsisimula ang “tunay na buhay” ni Gilbert at ni Joy. Wala na silang dapat itago. Higit kailanman, ngayon niya ako kailangan. Masaya na rin ako para sa kanilang dalawa. Hindi sila mapagkunwari at – “Eh, ano ba, basta kung saan sila maligaya, iyon ang mahalaga.”
Ang maikling kuwentong ito ay akda ni Emmie Z. Joaquin at unang nailathala sa Hiyas Magazine, Volume 2, no. 6, April-May issue, 1999, Winnipeg, Manitoba.