Published on

Sheryll

 Pag-iimpok para sa pag-aaral

Napaka-importante sa atin ang edukasyon. Maraming mga magulang ang nagsisikap na maigi matustusan lang ang pag-aaral ng kani-kanilang mga anak. Marami ring mga kabataan ang nagsasakripisyong pagsabayin ang pag-aaral at pagtrarabaho upang makamit lang ang minimithing diploma o certificate. Sa bawat paglipas ng taon, nahaharap tayo sa isang katotohanan na ang matrikula o tuition fee sa mga universities at colleges ay papataas na nang papataas. Mahalaga na malaman natin ang mga options na available upang mapaghandaan natin ang mga gastusin ng post-secondary education ng ating mga anak. Ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod:

RESP (Registered Education Savings Plan)

Ito ay isang account na puwedeng i-open ng mga magulang para sa kanilang anak; o mga lolo’t lola para sa kanilang mga apo; o kahit na kaibigan o kamag-anak para sa isang bata. Beneficiary ang tawag sa taong tatanggap ng pera sa account na ito at subscriber naman ang tawag sa taong nagbukas ng account. Magandang paraan ito ng pag-iimpok para sa pag-aaral ng mga bata dahil hindi lamang ang mga lolo, lola, o magulang ang nag-co-contribute o naglalagay ng pera sa RESP kundi, maging ang Canadian government ay tumutulong din na mapalago ang pera sa pamamagitan ng pagbibigay ng grant (Canada Education Savings Grant at/o Canada Learning Bond) Ang perang ilalagay sa account na ito ay invested din at lumalago nang walang tax. May tatlong uri ng plan: family plan, individual plan at group plan. Kung interesado sa produktong ito, pumunta sa mga RESP providers (financial institutions tulad ng bank at credit unions, maging mga group plan dealers at financial service providers). Bago magbukas ng RESP account, siguraduhing makipag-usap sa RESP provider tungkol sa mga detalye ng RESP, kung mayroon bang fees, limits, penalties, mga requirements at kung ano ang nararapat na uri ng RESP ang angkop sa inyong sitwasyon.

Canada Government Student Loan

Ito naman ay isang programa ng gobyerno na nagbibigay ng pagkakataon sa mga estudyante ng post-secondary institution na umutang ng perang panggamit sa kanilang pag-aaral. Walang repayment o pagbabayad na kailangan habang nag-aaral. Ang bawat estudyante ay kinakailangang mag-apply at ma-satisfy ang mga criteria tulad ng: pagiging Canadian citizen, permanent resident o protected person; nagpapakita ng tunay na financial needs; at makapag-maintain ng scholastic standard. May mga ilang probinsya rin sa Canada na may iba’t iba pang karagdagang criteria. Alamin ang iba pang detalye dito sa pamamagitan ng pagbisita sa website: http://www.hrsdc.gc.ca

Student Line of Credit

Ang Student line of credit naman ay pinagkakaloob nga mga Financial Institutions sa mga estudyante upang matulungan sila, hindi lamang sa kanilang mga tution fee at books, kundi pagpapautang na puwede ring gamitin sa pagbili ng computer, living expenses, at kung anu-ano pa. Mas malawak ang puwedeng pag-gamitan ng line of credit na ito, ngunit ang pagbabayad ay magsisimula sa oras na gamitin na ang funds. Ang minimum payment dito ay interest lamang habang nag-aaral. Kinakailangan ding mag-apply dito at subject din ito for approval. Kadalasan, ang mga magulang ay kinakailangang suportahan ang application ng isang estudyante (co-signers) upang mabigyang ng approval ang isang student line of credit application.

Life-long Learning Plan

Ang Life-long Learning Plan naman ay para sa mga taong may perang naipon sa kanilang RRSP (Registered Retirement Savings Plan) at nais mag withdraw upang may magamit sa pansariling training at education o pambayad sa tuition fee ng asawa o common law partner. Ang isang Life-long Learning Plan (LLP) student ay puwedeng mag-withdraw ng hindi hihigit sa $10,000 kada taon mula sa kaniyang RRSP. Ito ang annual maximum limit. Ang pag-withdraw sa RRSP ay walang penalty, pero kapag nakatapos na ang estudyante sa pag-aaral ay magsisimula na itong ibalik ang pera sa RRSP (repayment). Ang required payment ay kadalasan 1/10 ng perang na-withdraw sa RRSP. Walang itong interest. Ibig sabihin ay kung nag-withdraw ka ng $10,000 mayroon kang hindi hihigit sa sampung taon upang ibalik ang perang ito sa iyong RRSP nang walang interest. Para sa anumang katanungan o karagdagang impormasyon, tawagan: 1-800-959-8281

Totoong hindi maliit ang perang kailangan sa pagkuha ng post-secondary education, ngunit kung ang pag-iimpok ay sisimulan nang maaga at kung aalaming maigi kung anu-ano ang mga available options, maiiwasan natin ang pagkakaroon ng financial stress balang araw. Simulan ang RESP contributions habang maaga. Marami ring mga grants, scholarship, at cash awards ang binibigay sa mga estudyanteng kakikitaan ng husay sa academic, extra-curricular activities at leadershp skills. Sa pamamagitan ng time management, posible rin na mapagsabay ng isang estudyante ang pag-aaral at pagtatrabaho. Samakatuwid, maraming mga options ang nasa ating mga palad upang ang minimithing edukasyon ay maisakatuparan.

Disclaimer: Ang impormasyong naisulat ay upang makapagbigay ng karagdagang kaalaman lamang. Kung kayo ay nangangailangan ng financial advice sa mga paksang nabanggit sa artikulong ito, kumonsulta sa mga qualified financial advisors.

(This article was printed in the October 1, 2007 issue of the Pilipino Express.)

Sheryll D. Zamora is a graduate of the University of Winnipeg with a Bachelor of Arts degree in Economics and Political Science. She has completed the Canadian Securities Course, Personal Financial Planning Course and Wealth Management Technique. She has earned her Financial Management Advisor designation from Canadian Securities Institute and is currently working as a Financial Advisor/Investment Consultant at TD Canada Trust, Portage West Branch. Email the author at zamors2@tdbank.ca or call 204-988-2402 ext 237.

Have a comment on this article? Send us your feedback