
Opinions
![]() | Matinding takot - Unang yugto |
(Ang mga tauhan at mga pangyayari sa kuwentong ito ay kathang-isip lamang at hindi tumutukoy sa mga tunay na tao at situwasyon.)
Unang yugto:
Umaga na naman. Nasa may bintana si Darla at maingat na inaayos ang mga paso ng halamang nasa may bintana. Ang bintana ay nakaharap sa likod ng bahay at malayang nasisikatan ng araw sa umaga. Mag-aalas onse na ng tanghali. Kailangang madala niya sa mailbox sa harap ng bahay ang mga ihuhulog niyang sulat. Ang apat ay mga bills o buwanang bayarin sa bahay. Ang isa ay sulat ni Miguel sa kapatid nito. Huminga nang malalim si Darla. Dinampot ang mga sobreng nasa ibabaw ng mesita. Pumikit siya. Humingang muli nang malalim.
“Kaya kong gawin ito,” malakas na usal.
Naramdaman niyang kumakabog nang malakas ang dibdib inya. Parang tumatambol sa mga tainga niya ang tibok ng puso niya. Ngunit pinilit niyang humakbang patungo sa pinto. Mabagal ang mga hakbang at pilit na pilit ngunit determinado siya sa gagawin kaya sa wakas ay narating niya ang pinto, binuksan ito, sinipat ang maikling daanan patungo sa mailbox. Walang naglalakad na tao sa daan, walang dumaraang sasakyan. Mabuti. Natahimik ang loob niya. Nagsimula siyang humakbang sa daanan patungo sa mailbox. Bawa’t hakbang ay naramdaman niyang pinanlalamigan siya ng katawan. Malapit na siya sa mailbox at siyang-siya sa sarili, hawak nang mahigpit ang mga ihuhulog na sulat.
“Hello! Good morning!” masayang tinig ang biglang nagsalita.
Sa gulat ni Darla ay nahulog ang mga sulat na dala niya at gulilat na napahawak sa dibdib. Nanuyo ang bibig niya at lumakas ang kabog ng dibdib niyang lalo.
“How are you this morning? Ang ganda ng umaga. Suwerte natin,” patuloy ng tinig.
Hindi na nakuhang pulutin ni Darla ang mga nalaglag na hawak. Sa halip ay halos magkandarapang pumihit para makabalik sa bahay.
“Hintay. Sandali lang,” pigil ng tinig sa likuran niya. Napatigil sa paglakad si Darla, matamang nakapako ang tingin sa pinto ng bahay. Mangani-nganing kumaripas na siya ng takbo. Naramdaman niyang namumuo ang pawis sa noo niya.
“Mrs. Leynes, may dinaramdam ba kayo?”
Nang marinig ni Darla na tinawag ng tinig ang pangalan niya ay mabilis na tinakbo ang bahay at mabilis na pumasok sa pinto. Isinara ang pinto pagdaka. Napasandal na humihingal sa likod ng pinto. Muling nagulantang sa malalakas na katok.
“Mrs. Leynes, okay ba kayo?” at tumimbre na naman ang nasa kabila ng pinto. Sumilip si Darla sa maliit na butas sa pinto at nakitang isang babaing nakauniporme ng post office ang nasa labas. Maiksi ang buhok nito. Nakasakbit ang bag ng mga sulat sa balikat. Bakit kaya hindi si Mr. Cruz ang kartero ngayon?
“Si Iris ako. Ako ang bagong kartero rito sa lugar ninyo. Okay ba kayo, Mrs. Leynes? Dinampot ko ang mga nahulog mong sulat na ilalagay sa mailbox. Bahala na ako sa mga ito.”
Napilitang buksan ni Darla ang pinto.Ang nasa harap niya ay isang babaing malaki ang kabataan sa kaniya. Nakangiti ito. Masaya ang bukas ng mukha. Sa tingin ni Darla ay puno ng sigla at lakas. At panatag ang loob sa kaniyang kapaligiran, walang mga takot. May pangingimbulong naramdaman si Darla.
“Wala akong dinaramdam. Salamat sa pagpulot mo sa mga sulat ko.” Isasara na sana ni Darla ang pinto nang muling nagsalita ang kausap. “ May itatanong sana ako sa inyo kung puwede.”
“Ano ‘yon?” atubiling tanong ni Darla.
“Itatanong ko sana kung ano ang sikreto ninyo.”
“Napamaang na bigla si Darla “ Sikreto?” Isasara na sana niya ang pinto ngunit maagap na nagwika si Iris.
“Ang sikreto kung paano ninyo napapamulaklak ang mga African violets ninyo. Tuwing magtatanim ako o bibili ng nakalagay na sa paso, nalalanta lang.”
Muling sinuri ni Darla ang maayang mukha ng kausap. Mukhang mabait ito at masayahin. Ibinukas ni Darla ang pinto.
“Gusto mo bang pumasok sandali?” narinig ni Darlang sinabi niya.
“Nakangiting pumasok si Iris. Ibinaba ang mabigat na bag sa lapag. Sinenyasan niya itong sumunod sa kaniya. Ipinakita niya ang mga African violets na iba’t ibang kulay ang mga bulaklak na nasa magkakaparehong laking paso. Ang nakikita lamang mula sa kalye ay ang ilang nasa may bintana sa harapan. Sa may bintana sa likod ng bahay naroon ang karamihan sa mga alaga niyang halaman.
Tuwang-tuwa si Iris. “Bakit ba ako, hindi makabuhay ng mga ito? Baka naman may sikreto kayong maihahati sa akin.”
“Sikreto?” gimbal na usal ni Darla.
“Sikreto ng pag-aalaga sa mga African violets, tulad ng mga ito,”
“May oras ka ba?”
Tumingin si Iris sa relo niya. Napailing. “ Marami pa akong ididiliver na mga sulat. Puwede ba hong pagkatapos ko, bumalik na lang ako rito?” pakiusap ni Iris.
“Daratnan mo ako rito. Hindi naman ako aalis.”
“Ayan. Para maisulat ko ang mga sasabihin ninyo,” ani Iris. Mabilis itong nagpaalam at mabilis na umalis para gawin ang trabaho niya.
Nang makaalis si Iris ay naramdaman ni Darla na naninikip ang dibdib niya. Pinagpapawisan siya nang malapot. Ginawa niya ang mga breathing excercises niya. Bumuti-buti ang pakiramdam niya. Ngunit habang hinihintay niya ang pagbalik ni Iris ay sinabi niya sa sarili na hindi na marahil ito babalik. Mas maraming mga ibang taong mas masarap kausapin at paggugulan ng oras kaysa sa kaniya. Magaan ang dugo niya kay Iris. At isa pa ay bihira ang nakakausap niya. Nangungulila siya sa pakikihalubilo sa kapuwa. Ang totoo, kahit ninenerbiyos siya ay gusto niyang bumalik ito at makita niya ang masayang mukha.
Halos dalawang oras bago nakabalik si Iris. Habang nagmimiryenda sila ay ipinaliwanag ni Darla ang mga hakbang sa pagpapatubo ng African violets.
“Ang gusto ng mga African violets ay sikat ng araw,” patapos na wika ni Darla matapos ang mahabang paliwanag.
“Mukhang mahal na mahal ninyo ang mga alaga ninyong halaman,” pansin ni Iris.
“Sila lamang ang kapiling ko at mga kaibigan sa araw-araw,” matapat na wika ni Darla.
“Bakit, hindi ba kayo nagtatrabaho?”
“Hindi. Bago ako ikasal ay nagtrabaho ako bilang librarian. Pitong taon na ang nakalilipas. “
Napansin ni Iris ang litrato ni Darla sa mesita.” Ang ganda ninyo sa natural, maganda rin sa litrato.”
“Noon ko pa kuha iyan. Malaki na ang ipinagbago ko,” malungkot na wika ni Darla.
“Di paano ninyo pinalilipas ang mga araw ninyo? Buti pa kayo, retired na. Ang sarap. Hindi katulad ko, laging may dalang mabigat na bag at lakad nang lakad. Parang nagsusukat ako ng daan araw-araw.”
“Nang makita ko kayo kangina, maghuhulog kayo ng mga sulat sa mailbox. Nagulat kayo nang tawagin ko ang pangalan ninyo. Alam ko ang mga pangalan sa mga mailbox ng bahay-bahay, kung nakalagay ang apelyido ng pamilya Nakalagay ang Leynes sa mailbox ninyo. Huwag kayong magagalit, bakit parang nabigla kayo nang may makitang tao at bumalik kayo agad sa loob ng bahay? Nakakagulat ho ba ang boses ko?” at nagtatawa si Iris.
“Hindi iha,” mahinang sagot ni Darla.
“Pasensiya na kayo, usisera ako. Dapat hindi ako magtatatanong nang ganito. Kaya lang, magaan ang dugo ko sa inyo. Gusto kong maging magkaibigan sana tayo.”
“Kahit malaki ang tanda ko sa iyo?”
“Walang diprensiya ang edad sa pagkakaibigan,” ani Iris.
“Kahit na sabihin ko sa iyong takot akong lumabas ng bahay dahil, dahil may may agrophobia ako?”
Napangunot ang noo ni Iris. Hindi mawari kung ano ang sinabi ng kausap.
“Ang agrophobia ay isang kondisyong psychological. Malaking takot ang sumasaklot sa akin kung lalabas ako ng bahay,” pagtatapat ni Darla. Aywan kung bakit nasabi niya ang kondisyon niya kay Iris na noon lamang niya nakilala.
“Hanggang sa mailbox lang ako nakakaabot. Kangina ay hirap akong makarating doon. Kalagitnaan na ako nang magsalita ka. Nabigla ako kaya nabitiwan ko ang mga sobre.”
Biglang inalihan ng takot si Darla at nagsisi kung bakit pa siya pumayag na makipag-usap kay Iris.
“Sorry ho. Hindi ko gustong buklatin ang mga bagay na wala akong pakialam,” ani Iris.
“Ako naman ang nagsabi sa iyo. At saka isa pa, bumubuti-buti na ang kalagayan ko. Dati talagang kahit sa labas ng pinto hindi ko magawa. Parang mamamatay na ako sa takot. Naninikip ang dibdib ko at pinagpapawisan ako. Malaking progreso sa akin ang nakalabas ako ng pinto ngayong umagang ito.”
“Baligtad tayo. Ako naman, bihirang maglagi ng bahay. Mamamatay ako pag hindi ako nakalabas. Pagkatapos ng maghapong paghahatid ng mga sulat sa bahay-bahay, lagi pa ako sa mga party at sayawan. Pagsasayaw ang ligaya ko sa buhay,” nagtatawang wika ni Iris.
Nang magpaalam si Iris ay sinundan pa ng tanaw ni Darla sa bintana. Mabilis ang lakad nito at masigla ang imbay ng mga kamay. Napabuntong-hininga si Darla. Noong bata pa siya ay puno rin siya ng sigla at lakas. Hindi nga lamang siya mahilig pumunta sa mga party.
Nang gabing iyon habang naghahapunan sila ay ibinalita ni Darla sa asawa ang karanasan niya ng umagang iyon.
“Nakaabot ako sa mailbox.”
Ngumiti si Miguel sa asawa. “Umiigi ka na. Mabuti naman.”
Si Miguel ay may sariling maliit na kompanya ng construction. May mga gabing hindi nakakauwi ito pag may tanggap na malaking kontrata. Sa opisina niya ay may hide away bed at doon ito natutulog pag inabot ng gabi ang ginagawa. Alaga lamang niya sa tawag ang asawa pag hindi siya nakakauwi.
“Kung hindi ka inatake ng paninikip ng dibdib, baka puwede ka nang pumasyal sa doktor para magpa-check-up,” malumanay na mungkahi ni Miguel.
“Huwag muna. Hindi ko pa kaya. Kailangan ko pa ng kaunting panahon. Bayaan mo, pag kaya ko na ay sosorpresahin kita sa opisina mo.” ani Darla.
Kinabukasan ay kinatok siya ni Iris matapos na maihatid nito ang mga sulat sa area niya. Nagkuwentuhan sila. Nagtawanan. Malayang nasasabi ni Darla kay Iris ang mga nararamdaman niyang mga takot at pangamba. Maunawain ito at matiyagang makinig. Higit sa lahat ay masayahin, laging nakikita ang mga mabubuting bagay sa ano mang situasyon.
Halos araw-araw ay dumadaan sa kaniya si Iris. Pag wala itong panahon ay hinahanap-hanap niya. Tama ito nang sabihin sa kaniyang walang kinalaman ang edad sa pagkakaibigan. Mahalaga si Iris sa kaniya pagka’t ito lamang ang kaibigan niya. Sa pagdaraan ng mga taon ay isa-isang nawala ang mga dati niyang mga kaibigan. Kasalanan naman niya pagka’t pinabayaan niyang makapangyari sa buhay niya ang takot sa kung anu-anong bagay, lalo na sa pag-alis sa bahay. Ang loob ng bahay lamang ang tanging nagbibigay sa kaniya ng damdaming siya ay panatag at ligtas.
Isang umaga ay inabangan niya sa may bintana si Iris. Kumaway lamang ito ngunit sinenyasan niyang dumaan.
“Pagkatapos mo, daanan mo rito ang isang maliit na handog ko sa iyo,” ani Darla.’
“Wala akong oras ngayon o bukas,” ani Iris.
“Isang minuto lang. Iaabot ko sa iyo, pagkatapos, umalis ka na.”
Nang dumaan si Iris ay isang pasong maliit ng African violets ang iniabot ni Darla.
Napapalakpak sa tuwa si Iris.
“Hintayin mo ako bukas pagdaan ko. May magandang ideya ako,” anito at sumibad nang paalis.
Kinabukasan, sabik na inabangan ni Darla ang kaibigan. Sa halip na makatapos ng paghahatid ng sulat ay kumatok ito bago magsimula ng paghahatid.
“Ang ideya ko ay ito. Paghahatid ko ng sulat dito sa paligid, isasama kita, Darla.”
“Ha?” namutlang bigla at nanlamig agad si Darla. “ Ano ang sinasabi mo, Iris?”
“Kaysa pagkahatid ko ng mga sulat at saka tayo magkuwentuhan, di ba mainam na nagkukuwentuhan na tayo habang nililibot ko itong lugar ninyo?”
Natarantang bigla si Darla. “Naku. Hindi. Hindi ko kayang lumabas lagpas ng mail box.”
“Kaya mo. Nasa isip mo lang lahat. Hindi kita pababayaang madismaya sa kalye. Alam mo naman ako, makuwento. Malilibang ka sa akin. Malilimutan ko rin ang bigat nitong dala kong bag. Pareho tayong makakapagtulungan. Nakabihis ka na naman. Dali na at gahol ako sa panahon.”
Hindi na binigyan ni Iris ng panahong mag-isip si Darla. Hinila na ang kaibigan. Matapos masarhan ang pinto ay lumakad na sila. Noon lamang lumagpas ng mailbox at lumakad sa daan si Darla.
Magamot kaya ang kondisyon ni Darla?
Ano pa ang maaari niyang gawin para matulungan niya ang kaniyang sarili?
Ano pa’ng mahalagang papel ang gagampanan ni Iris sa buhay ni Darla?
ITUTULOY...
(This aricle was printed in the November 1, 2008 issue of the Pilipino Express.)