
Opinions
![]() | Masarap na sarsa, maligayang Pasko |
Ang mga tao at mga pangyayari sa kuwentong ito ay kathang-isip at hindi tumtukoy sa mga tunay na tao o situwasyon.
Nanunuot sa buto ang ginaw. Ang hangin ay nakakadagdag sa baba ng temperatura. Madilim na madilim ang langit. Salamat na lamang at hindi madulas ang daan. Wala pang alas otso ngunit parang hatinggabi na. Inut-inot ay nakarating si Rina sa maliit na Mini Mart na puntahan ng mga tao kapag may mga biglaang kailangang bilhin at pag alanganin na ang oras. Patakbong pumasok sa loob ng Mini Mart si Rina. Pinagkiskis ang mga kamay na may guwantes para mapag-init ang mga iyon kahit paano.
“Brrrr. Parang isang blokeng yelo ang pakiramdam ko sa katawan ko,” nasabi niya sa lalaking nasa likuran ng counter.
“Ang tapang mo para lumabas sa ganitong panahon,” nakangiting wika ng lalaki.
“Kailangan lamang kasi. Naghahanap ako kasi ng trabaho,” bigla niyang naibulalas sa kaharap.
“Hanggang ngayong gabi?” tanong nito.
“Inabot ng gabi sa paghihintay sa huling nag-interview sa akin. Saka nagpunta pa ako sa planta. Kinuha ang huling suweldo, nakipagkuwentuhan sa mga dating kasama. Nagsara kasi ang plantang pinagtatrabauhan ko. Walang sabi-sabi, walang separation pay, last pay check lang.”
“Wrong timing. Magpapasko pa naman,” puno ng simpatiya ang tinig ng lalaki.
Nagkibit ng balikat si Rina. Pagkatapos ay tinungo ang mga aisles at kinuha ang mga kailangan niyang bilhin. Dinala sa counter.
“Ngayon, naalala ko na kung saan kita nakita. Sa Parent Teacher conference ng high school na pinag-aaralan ng pamangkin ko. Substitute father ako dahil biyuda ng kapatid kong namatay ang kaisa-isa kong pamangkin na parang natatandaan ko ay kaklase ng anak mong babae.”
Ngumiti si Rina sa lalaki. “Oo nga. Ipinakilala ka pa sa akin ng hipag mo. Denny ang pangalan mo.”
“Tama. At your service,” anito at yumuko pa kay Rina.
Dali-daling binayaran ni Rina ang mga pinamili. Lihim niyang sinulyapan kung may wedding ring ito. Wala naman. Binata siguro. Hindi naman presko kaya pumanatag ang loob ni Rina. Aalis na sana si Rina nang magwika ito.
“Kung gusto mo, iwan mo sa akin ang telephone number mo. Madalas ay may mga nagpapasabi sa akin ng mga job openings. Ipaaalam ko sa iyo kung may mga job prospects,” inabutan ng maliit na papel at lapis si Rina. Isinulat naman ni Rina ang pangalan niya at numero ng telepono.
“Anong klaseng trabaho ba ang hinahanap mo?” Nag-aalala ang tinig ng kaharap.
“Hindi ako nakatapos ng unibersidad. Ang mga naging trabaho ko ay sa pabrika o sa planta.”
“Alam mo, lahat ng mga nangyayari sa buhay natin ay may magandang dahilan. May mas magandang trabahong naghihintay sa iyo. At oo nga pala, Rex ang pangalan ko. Ako ang may-ari ng Mini Mart na ito.”
Dahil magkaibigan si Eve, ang labintatlong gulang niyang anak at si Loren, ang pamangkin ni Rex, nahuhulaan na ni Rina na marahil ay alam ni Rex na biyuda na siya. May bumangga sa kotse ng asawa niya. Nang idating ito sa ospital ay patay na. Walang insurance ito at wala silang naiipong pera. Sino ang mag-aakalang mamamatay si Ted?
Dalawang taon nang binabalikat ni Rina ang pagpapatakbo ng buhay nilang mag-ina. Salamat at wala siyang problema kay Eve. Matalino ito at huwarang estudyante. Mataas ang ambisyon. Ang pangarap nito ay matulungan ang ina at maging maginhawa ang buhay nila. Pag nakatapos na raw siya at nakapagtrabaho ay hindi na maghahanapbuhay ang ina. Masuwete si Rina sa anak.
Pagdating niya sa bahay ay sumalubong agad ang masarap na amoy ng niluluto ni Eve. Bata pa ay tumutulong na ito ng pagluluto. Alam niya kung ano ang inihanda ng anak; spaghetti. Masarap gumawa ng sauce ng spaghetti si Eve. Natutuhan sa cooking show sa telebisyon.
“Nandito na ako, Eve,” malakas na wika ni Rina habang naghuhubad ng coat.
“May balita ako sa iyo, Ma.”
“Sana magandang balita. Ano ‘yon?”
“Tumawag ang Tito Nestie. Mamamasko raw sila ng Tita Lettie rito. Hindi ba magandang balita?”
Parang may bumikig sa lalamunan ni Rina. Ang kapatid niya ay executive ng isang malaking kompanya. Nakapagtapos sa tulong niya, na nagparaya para makatapos sa unibersidad ang isa sa kanilang magkapatid. Sa tiyaga at sikap ay tumaas nang tumaas ang posisyon sa kompanya. Kahit alok nang alok ng pera sa kaniya ang kapatid ay hindi tumatanggap si Rina. Mataas ang pride niya. Kaya niyang buhayin ang anak.
“Ma, hindi kayo kumikibo. Is something wrong?”
“Nagsara ang planta, anak. Walang sabi-sabi. Pagkakuha ko ng huling suweldo, naghanap na ako agad ng panibagong trabaho. Wala naman akong nakita. Ngayon pang magpapasko. Paano ang ihahanda natin sa Pasko? Ayokong malaman ng Tito Nestie mo na wala akong trabaho.”
“Huwag kayong mag-alala, Mommy. Tuwing mamamasko naman dito ang mga iyon, maraming dalang pagkain.
“Oo nga. Makakaraos din tayo sa kapaskuhang ito, maghihigpit nga lamang tayo ng sinturon, meaning, magtitipid tayo at mag-iingat sa paggasta.”
“Gamitin natin ang naiipon kong kaunti, Mommy,” alok ni Eve.
“Hindi pa naman sayad ang bulsa ko. Tiyak na maraming trabaho riyan dahil magpapasko. Kahit ano ay papasukan ko.”
Dalawang linggo na lamang ay magpapasko na. Gumawa ng shopping list si Rina. Salad, manok at pancit. Iyon lang ang kaya nila. Nag-apply siya sa unemployment ngunit hindi pa dumarating ang tseke. Pagkabayad niya ng mortgage, ilaw, tubig at gas ay umunti na ang nakadeposito sa bangko. Samantala’y hindi nagkulang ng paghahanap ng trabaho si Rina. Pag pinanghihinaan siya ng loob ay inaalala niya ang sinabi ni Rex na may mas mabuting trabahong naghihintay sa kaniya.
Nakakaligalig na hindi niya mawaglit sa isip ang mukha nito. Pinagalitan niya ang sarili at ipinaalalang wala siyang alam tungkol dito. Isa pa ay binata iyon marahil samantalang isa siyang biyuda. Kung ilang beses na siyang napadaan sa Mini Mart para bumili ng magasin at diyaryo. Nagkukuwentuhan silang kaunti lalo na’t hindi busy sa Mini Mart. Ang nasa isip ni Rina ay ang ngiti nito. Hindi pa niya nakitang seryoso. Laging may ngiti para sa lahat.
Isang umaga, tumunog ang telepono. Nagulat si Rina pagka’t ang masayang boses ni Nestie ang sumagot sa kaniya.
“Mahal kong Ate, narito lang ako sa lugar ninyo, on business. Nangungumusta.”
“Nestie, sa Pasko, simple lang ang handa ko, ha?”
“Huwag kang maghanda, Ate. Kami ang magdadala ng pagsasalu-saluhan natin. Pero tumawag ako ngayon dahil nakakailang-araw na akong kumakain ng hotel food. Alam mo bang natatakam akong kumain ng litsong kawali mo at siyempre, ang espesyal na sarsa ng litson mo. Palagay mo ba Ate, puwede mo akong maipagluto sa hapunan mamaya? O short notice ba? Busy ka ba sa trabaho?”
“Kayang-kaya. Umaga pa lamang naman ngayon. Sige. Dito ka maghapunan mamaya.” Naisip ni Rina na mura lamang naman ang liyempo ng baboy at ang mga gamit paggawa ng sarsa na siya lamang ang marunong na tinuruan ng yumao nilang ina.
Alas singko ng hapon nang makaluto si Rina. Nag-pancit na tuloy siya. Pancit gisado ang paborito ni Nestie. Alas sais nang dumating ito. Maraming dalang pasalubong.
“Luto na ba. Ate?”
Oo. Alam mo naman ang bilis kong magluto. Eve, narito na ang Tito mo,” tawag sa anak. Rumaragasang bumaba ng hagdan si Eve at sinugod ng yakap ang tiyuhin.
“Maghain na anak at mukhang gutom na gutom ang Tito mo.”
May tumimbre sa pinto. “Wala akong alam na bibisita sa atin,” nagtatakang wika ni Rina. “Umupo na kayo at nariyan na ako.”
Si Rex ang nasa labas ng pinto.
“Rex, tuloy ka. Tuloy.”
“Hindi. Hindi siya bisita. Kapatid kong lalaki. Tamang-tama. Dito ka na maghapunan dahil bihira akong magluto ng litsong kawali at sarsa ng litson.”
“Nakakahiya naman. Hindi ako imbitado.”
“Hindi mo na kailangan ang imbitasyon. You are welcome.”
Napahinuhod si Rex. Ilang saglit lang ay masaya na nilang pinagsasaluhan ang mga niluto ni Rina.
“Hindi ko mapaniwalaan ang sarap ng litsong kawali mo, Ate.” Puri ni Nestie.
“Ang hindi ko mapaniwalaan ay ang sarsa ng litson na palagay ko ay puwede rin sa manok o isda. Kahit ano. Napakasarap!” ani Rex.
“Baka naman lumaki ang ulo ko niyan,” nakatawa at tuwang-tuwang wika ni Rina.
“Maiba ako, Rina. Kaya ako narito ay para alukin ka ng trabaho bilang kahera sa Mini Mart. Gusto mo ba?” walang ligoy na tanong ni Rex.
“Talaga? Talaga bang kailangan mo ng kahera?”
“Kailangang-kailangan kaya pakikiusapan kitang tanggapin mo ang trabaho,” nakangiting wika ni Rex.
Napadilat ang mga mata ni Nestie.” Ate, bakit hindi mo sinabi sa akin na wala kang trabaho?”
“Dahil tingnan mo, nawalan ako saglit ng trabaho. Ngayon mayroon na. Tinatanggap ko ang alok mo, Rex.”
“Ay, salamat,” ani Rex. “Pero may magandang ideya ako. Rina, bakit hindi ka gumawa ng marami nitong masarap na sarsa mo, itinda natin sa Mini Mart.”
Nagliwanag ang mukha ni Rina. “Palagay mo, mabibili?”
“Palagay ko pagkakaguluhan ng tao. Bakit hindi natin subukan?”
Napapalakpak si Eve. “Sige na Ma. Pumayag na kayo,” aniya sa ina.
“Gumawa ka nang marami at mag-oorder din kami at ang mga kaibigan namin,” susog ni Nestie.
Agad nagsimulang magtrabaho sa Mini Mart si Rina. Bilang pasimula ay naglagay sila ng mga sarsa ng litson ni Rina sa mga sadyang lalagyang plastik. Nabili agad ang mga iyon at marami pang naghahanap. Kinausap ni Rex si Rina.
“Ilunsad na kaya natin nang maayos ang sarsa mo. Para opisyal na produkto katulad ng mga nakalatang spaghetti sauce o tomato sauce. Posible. Handa akong maging kapitalista mo at partner.”
“Napakalaki na ng utang na loob ko sa iyo,” ani Rina.
“Negosyante ako. Nakikita kong may magandang hinaharap ang sarsa ng litson mo. At alam mo, Rina, nakikita ko ring may magandang hinaharap tayong dalawa kung may pitak ako sa puso mo.”
Namula si Rina. Iyon ang hinihintay niyang sabihin ni Rex.
“Pero biyuda akong may anak at binata ka,” tutol niya.
“Para sa akin ay hindi problema. Ang problema ay kung hindi mo ako mahal. May pag-asa ba akong mahalin mo, Rina?” buong pagmamahal na tanong ni Rex.
“Mayroon, Rex, mayroon. Salamat at dahil sa masarap na salsa ay magiging maligaya ang Pasko nating lahat,” galak na wika ni Rina.
WAKAS
Have a comment on this article? Send us your feedback