
Opinions
Ni Nestor S. Barco
10 ang bansag sa kanila. Kung minsan ay Perfect 10.
Ang 1 ay ang kaniyang boyfriend. Siya naman ang 0.
Hindi naman siya napakataba. Basta mataba lang.
Lumulutang ang pagiging mataba niya dahil payat ang boyfriend niya.
Hindi naman parang tinting sa kapayatan ang boyfriend niya. Karaniwang payat lamang.
Lumulutang ang pagiging payat nito dahil mataba siya.
Malamang na nabuo sa isip ng mga nakakakita ang larawan ng numerong 10 dahil lagi silang magkasama.
Hindi magkalayong 1 at 0 ang tingin sa kanila kundi magkatabing 1 at 0. Kaya 10.
Hindi niya matiyak kung binansagan silang Perfect 10 dahil magkasundung-magkasundo sila o panunuya ang bansag na iyon dahil malayo ang mga katawan nila sa tinatawag sa mass media na Perfect 10.
Ten at Perfect Ten ang bigkas sa bansag sa kanila.
ISANG taon na silang magkasintahan ni Vince.
Nararamdaman niyang kahit ang mga magulang at mga kapatid niya ay umaasang magkakatuluyan sila ng boyfriend.
Kapag isinasama naman siya ni Vince sa bahay ng mga ito, ramdam na ramdam niyang welcome siya sa pamilya nito.
Kahit ang mga kakilala nila, binibiro na sila kung kailan sila magpapakasal.
Ang totoo, pinag-uusapan na rin nila ni Vince ang pagpapakasal.
Puwedeng-puwede na naman talaga. Nasa hustong gulang na sila, nagtapos na ng pag-aaral at parehong nagtatrabaho na.
Tumitiyempo na lamang sila.
Hindi niya nagugustuhan ang bansag sa kanila na 10. O Perfect 10.
Lalong nauungkat ang pagiging mataba niya.
Katulad sa ibang babae, ayaw niyang mataba siya.
Gusto niya’y balingkinitan siya. Mas maganda kung payat.
Nakikita niya sa TV, Web, malalaking pahayagan, makikintab na magasin at billboards na payat ang mga modelong nagsusuot ng mga usong damit.
Nakikita niya kahit sa anime na napakaliliit ng baywang ng mga bidang babae.
Halos lahat yata ng mga kakilala niyang babae ay gustong payat sila.
Marami siyang kakilalang babae na binabantayan talaga ang kanilang timbang.
Lalo niyang ginustong magpapayat nang mabalitaan at mapatunayan niyang binansagan sila ng ilang kakilala nila ng 10 at Perfect 10.
Ilang beses na rin niyang sinubukang magpapayat. Kahit noong hindi pa sila nagkakakilala ni Vince.
Pero lagi siyang nabibigo.
Noong una, sinubukan niyang magpapayat sa pamamagitan ng natural na pamamaraan – diyeta at ehersisyo. Pero hirap na hirap siya sa bahaging kailangan niyang magpigil sa pagkain.
Sumunod, sinubukan naman niyang gumamit ng weight-loss pills bukod sa diyeta at ehersisyo. Pero itinigil niya ang pag-inom ng weight-loss pills dahil sa negatibong side effects.
Sinubukan din niya ang slimming tea pero nahirapan din siya sa side effects, lalo na sa malimit na pagdumi. Kaya itinigil din niya.
Diyeta at ehersisyo na lamang uli ang ginagawa niya.
Hindi pa niya kinokonsidera ang liposuction. Alam niyang tiyak na kokontrahin siya ng mga magulang niya at ni Vince.
Gayunman, ipinangako niya sa sarili na magtatagumpay na siya ngayon.
Susubukin uli niya ang slimming tea bukod sa diyeta at ehersisyo.
Baka naman kayanin na niya.
“HINDI naman kailangang payat ka. Importante e wala kang sakit. Baka sa kagustuhan mong pumayat e kung ano naman ang mangyari sa iyo,” paalala ng boyfriend.
Kumakain sila sa labas. Masarap ang pagkain. Pero hindi halos siya tumitikim.
“‘Wag kang mag-alala, iingatan ko ang sarili ko,” tugon niya.
“Sige.”
Sa totoo lang, nahihirapan na siya sa ginagawang pagpapapayat.
Unang-una, lagi siyang napapadumi. Okey lang sana kung nasa bahay o opisina siya. Malapit ang toilet. Pero kung minsan, sinusumpong siya habang nasa biyahe.
Bago umalis ng bahay, nakakailang balik siya sa toilet. Iniiwasan niyang sumpungin siya kung kailan nasa biyahe siya o nasa isang okasyon.
Nababawasan naman ang timbang niya.
Pero malayo pa rin ang katawan niya sa katawan ng mga modelong nakikita niya sa TV, Web, malalaking pahayagan, makikintab na magasin at billboards.
Malaking-malaki pa rin ang baywang niya kumpara sa baywang ng mga bidang babae sa anime.
Nawawalan na siya ng gana sa sarili. Kahit pa naroon sa tuwina ang suporta ng kaniyang pamilya, pagmamahal ng boyfriend at pagkagiliw ng mga kakilala.
Naging matamlay siya.
“Me problema ka ba?” tanong ng boyfriend.
“Wala naman. Baka pagod lang ako,” sagot niya.
“Sabi ko naman sa iyo, huwag mong piliting magpapayat kung nahihirapan ka. Parang nanghihina ka na.”
Narinig niya ang sinabi ni Vince pero desidido talaga siya ngayon na pumayat.
Titiisin na niya ang side effects.
Titigil lamang siya kung talagang mamamatay na siya.
Nahihirapan na rin siyang maintindihan ang sinasabi ng mga kausap.
Natatamad na siyang makipag-usap.
Parang walang laman ang utak niya dahil sa matinding pagdidiyeta niya.
Naaapektuhan na pati performance niya sa trabaho.
“Baka magkasakit ka na dahil sa pagpapapayat mo,” paalala ng ina niya.
“Haggard na haggard ka nang tingnan,” puna ng ama niya.
“Ate, matanda ka nang tingnan,” obserbasyon ng bunsong kapatid.
Humaharap naman siya sa salamin kaya nakikita rin niya ang mga iyon.
Gayunman, itinuloy pa rin niya ang pagpapapayat.
Ayaw niyang 0 ang tingin sa kaniya. Gusto niya ay 1.
Gusto niyang maging simpayat ng mga modelong nakikita niya sa TV, Web, malalaking pahayagan, makikintab na magasin at billboards.
Gusto niyang magkaroon ng maliit na baywang na tulad ng mga bidang babae sa anime.
Hanggang sa mahilo siya sa opisina.
Umayos naman ang pakiramdam niya makaraang tingnan siya sa clinic.
Nagpasundo siya sa boyfriend, na nasa trabaho rin noon, upang tiyak na makakauwi siya nang ligtas at maayos.
“HINDI mo dapat sobrang pinilit na magpapayat. Alam mo namang kahit ano ang anyo mo, tanggap pa rin kita. Kahit mataba o payat. Mahalaga e ikaw iyon,” sabi ng boyfriend.
Nasa bahay na sila. Ramdam na ramdam niya ang pag-aalala nito.
Ang nasa bahay pa lamang nila ay ang kanilang kasambahay. Nasa opisina pa ang kaniyang ama, ina at kapatid na sumunod sa kaniya. Nasa pamantasan pa ang pangatlo at ang bunso.
Nakikita niyang alalang-alala rin sa kaniya ang kanilang kasambahay.
Naniniwala naman siya sa sinabi ng boyfriend. Siya man sa kaniyang sarili, kahit mataba o kahit payat si Vince, mamahalin pa rin niya ito. Ang mahalaga, si Vince pa rin iyon.
“Pasensiya ka na, ha?” sabi niya.
“Lagi naman kitang inuunawa. Basta huwag mo nang uulitin ang sobrang pagpapapayat, ha?”
“Opo!” pabiro pero sinsero niyang sagot.
Napangiti si Vince.
Napangiti rin siya, nangingilid ang mga luha sa kaligayahan.
“Wala ka namang dapat baguhin sa sarili mo. Ipinagmamalaki kita kahit noon pa,” sabi nito.
Ni katiting wala siyang pagdududa sa sinabi ng boyfriend.
Mapalad sila ni Vince, naisaloob niya.
Kahit ano pa ang anyo ng isa’t isa, magmamahalan pa rin sila.
Perfect 10 sila sa isa’t isa.
Bakit nga ba hindi niya nakita agad iyon? nasabi niya sa sarili.
NAKATAKDA na ang kanilang kasal.
Mapili pa rin siya sa pagkain.
Lagi pa rin siyang nag-eeheersisyo.
Pero hindi na para magpapayat.
Gusto niyang maging malusog.
Gusto niyang humaba ang kaniyang buhay upang maging matagal ang pagsasama nila ni Vince nang habang nabubuhay.
WAKAS
Si Nestor S. Barco ay tinanghal na Makata ng Taon sa Pilipinas noong 2003. Nagsusulat siya ng mga tula, kuwento, sanaysay at artikulo. Isa siyang mamamahayag. Masusulatan siya sa nestorsbarco@yahoo.com.ph.