Published on

Maikling Kuwento ni Nestor S. BarcoSimangot

Ni Nestor S. Barco

“WALA ka bang napapansin sa ina ng nobya?”

“Mayroon nga, e. Laging nakasimangot.”

Nagtawanan ang mga babae sa katabing mesa.

“Kung tutuusin, dapat siyang matuwa, di ba?”

“Talaga! Mayaman ang napangasawa ng anak n’ya.”

“Hindi kaya me nakaaway?”

“Bakit naman dito pa ititiyempo ‘yon?”

Nagtawanan uli ang mga ito.

“Bakit nga kaya?”

DINIG na dinig ni William ang pag-uusap ng mga babae sa katabing mesa. Nang sulyapan niya kanina, nabilang niyang apat ang mga ito. Hindi niya kakilala ang mga ito.

Magkakalapit ang mga mesa dahil napakaraming bisita. Enggrande ang kasalan na ginanap ang reception sa clubhouse ng sikat na subdibisyon sa lungsod nila. Sa nasabing subdibisyon nakatira ang pamilya ng nobyo. Ang mga pamilya ng nobyo at nobya ay parehong nakatira sa nasabing lungsod.

Wala siyang kausap dahil nagpunta sa washroom ang misis niya. Malamang na may nakahunta na naman ito kaya hindi pa nakababalik, naisaloob niya. Ganoon ang misis niya. Kapag may pinupuntahan sila, lagi itong may nakakausap. Matandain ito. Kilala pa nito ang mga kaklase sa elementarya kahit pa tatlumpu’t tatlong taon na ang nakararaan nang magtapos ang mga ito at may apo na sila sa kanilang panganay, na babae. Dalawa ang anak nila. Wala pang asawa ang bunso, na lalaki naman. Palabati ang misis niya. Laging nakangiti. Mahilig itong makisalimuha sa kapuwa. Maunawain ito sa kapuwa. Napapansin niyang marami rin namang magiliw sa misis niya.

Kasama nilang mag-asawa na dumalo sa kasalan ang bunso pero humiwalay ito ng upuan dahil may nakita itong kakilala. Ang nakasama nila sa mesa ay isang lalaki at isang babae na sa tingin niya ay mag-asawa dahil palagay na palagay sa isa’t isa ang kilos ng mga ito.

Habang wala pa ang misis niya, nililibang niya ang sarili sa panonood sa paligid at sa pakikinig sa usapan ng mga babae sa katabing mesa.

Halu-halo ang mga bisita: may mayaman, may mahirap; may kilala, may di-kilala. Kaya marahil doon ito ginanap sa halip na sa isang hotel o resort, naisaloob niya. Madaling mapuntahan ng mga bisita.

Malamang na ang pamilya ng nobyo ang may bisita sa alkalde, mga konsehal, mga negosyante at mga kilalang propesyunal. Maralita ang pamilya ng nobya. Ang ama ng nobya ay karpintero at ang ina ay labandera. Hindi nila kasalimuha ang mga bisitang ito. Ngayon nga lamang nakaranas ang mga ito na magkaroon ng ganito kalaking okasyon. Masasabing okasyon din ng mga ito ang kasalan dahil nga pamilya sila ng nobya. Binabati sila ng mga bisita na kinabibilangan din ng mga barangay chairman, mga kagawad at pati mga barangay tanod sa barangay ng nobyo at barangay ng nobya at mga kamag-anak, kaibigan, kakilala at pati mga dating kaklase ng magkabilang panig.

Mayaman ang pamilya ng nobyo. Ang ama nito ay kilalang negosyante. Ang nobyo ay civil engineer. Ito ang namamahala sa construction business ng pamilya nito. Bunso ito sa tatlong magkakapatid. Parehong may pamilya na ang dalawang nakatatanda nitong kapatid, na parehong babae.

Pinsang-buo ng misis niya si Mercy, ang ina ng nobya. Ang biyenan niyang lalaki ay nakatatandang kapatid ng ina ni Mercy. Magkaklase pa ang dalawa. Kaya magkalapit na magkalapit si Mercy at ang misis niya. Nakapagtapos nga lamang ng kolehiyo ang misis niya samantalang si Mercy ay tumigil ng pag-aaral pagkatapos ng haiskul. Naigapang ng mga biyenan niya ang pag-aaral ng kaniyang misis.

Tiyak na hindi alam ng apat na babae sa katabing mesa na kamag-anak ng misis niya ang pinag-uusapan ng mga ito. Disin-sana’y hininaan ng mga ito ang mga boses.

Siya man, napansin din niyang laging nakasimangot si Mercy. Nagtataka rin siya kung bakit. Sa tingin din niya, dapat ay masaya ito. Dapat pa nga ay magdiwang. Wala talaga siyang makitang dahilan upang sumimangot ang pinsang-buo ng misis niya.

Nakatitiyak na ang anak nito, si Joy, ng maginhawang buhay.

Sa tingin naman niya, kahit hindi inhinyero at mayaman ang lalaki, magugustuhan pa rin ito ni Joy. Kahit saan daanin, hindi lugi ang anak ni Mercy sa naging mister nito. Ang lalaki ay beinte-sais anyos. Beinte-dos naman si Joy.

Malamang naman, mahal talaga ng nobyo si Joy. Kusa nitong pinakasalan ang nobya. Hindi ito napikot. Wala siyang nababalitaang buntis na ang anak ni Mercy. Sisikapin ng lalaki na maging maligaya ang asawa.

Sino rin ang makapagsasabi? Baka mapaayos ang kalagayan sa buhay ng buong pamilya ng pinsang-buo ng misis niya, sabihin mang hindi nila hinangad iyon sa pag-aasawa ni Joy. Hindi nakagugulat kung bigla na lamang mabigyan ng manugang ni Mercy ng hanapbuhay ang mister nito. Hirap sa buhay ang pamilya ng pinsang-buo ng misis niya. Apat ang anak ng mag-asawa. May asawa na ang panganay, na lalaki, at ang pangalawa, na babae. Ikinasal naman ngayon si Joy, na lagi pa namang nag-aabot sa mga magulang tuwing araw ng suweldo. Ang bunso, lalaki, ay kapagtatapos pa lamang ng kursong bokasyunal. Naghahanap pa lamang ito ng trabaho. Hanggang haiskul lamang ang natapos ng dalawang nakatatanda. Nagtapos si Joy ng basic computer course sa vocational school. Naikuwento ng misis niyang ang gusto talaga nitong kuning kurso ay nursing. Kaya lang, hindi makakaya ng mga magulang nito ang gastos.

Sinulyapan niya si Mercy sa kinauupan nito. Wala na pala ito roon. Saan kaya ito nagpunta? naisaloob niya.

Tuwang-tuwa noon ang misis niya nang malamang nakatakda nang ikasal ang pamangkin nito sa lalaking iyon.

“Akalain mo nga naman! Biglang ganda ang buhay ng pamangkin ko,” sabi nito. Dagdag pa nito: “Malamang, nakita ni Engineer ang magagandang katangian ni Joy.”

Malamang nga, naisaloob niya. Dalawang taon nang nagtatrabaho si Joy sa opisina ng napangasawa nito. Tiyak na kilalang-kilala na siya nito. Ang pamangkin ng kaniyang misis ay clerk sa opisina ng nobyo.

Maya-maya, dumating ang misis niya.

“Ang tagal mo,” sabi niya.

“Pila sa washroom. Me nakahunta akong kaklase ko sa elementary. Nang pabalik na ako rito, nakasalubong ko naman si Mercy. Nag-usap din kami. Sinabihan ko pa nga siyang iwasan ang pagsimangot. Hindi maganda ‘yon. Mukhang nakinig naman,” paliwanag ng misis niya.

Tumangu-tango siya bilang pagsang-ayon sa ginawa ng misis niya. Tiyak na marami, kundi man lahat, na nakapapansin sa pagsimangot ni Mercy. Sa tingin niya, may naiinis at may nagtatawa sa pinsang-buo ng misis niya, tulad ng mga babae sa katabing mesa na tahimik na ngayon. Puwedeng nagsawa na ang mga ito sa pag-uusap tungkol kay Mercy o narinig ng mga ito na nakausap ng misis niya si Mercy.

Ipinasya niyang sa bahay na lamang niya usisain ang misis niya. Mahihirapan silang mag-usap nang masinsinan pag ganitong maraming taong nakapaligid sa kanila. Interesado siyang malaman kung bakit nakasimangot ang pinsang-buo nito gayong, sa tingin niya, tiyak na maraming magsasabing dapat pa nga itong magdiwang.

“ME nakaaway ba si Mercy?” tanong niya sa misis niya nang nasa bahay na sila. Kasabay na rin nilang umuwi ang kanilang bunso, na nasa kuwarto na nito.

“Wala,” sagot ng misis niya.

“Me kinainisan?”

“Wala rin.”

“Ha! E, bakit lagi siyang nakasimangot?”

“Nahihiya lang siya na masabing tuwang-tuwa siya sa nangyari sa anak n’ya.”

“Ha?”

“Oo. Nang kinausap ko siya, sabi n’ya: ‘Alangan namang tumawa ako nang tumawa. Baka lalong sabihin ng mga bisita na tuwang-tuwa ako dahil mayaman ang napangasawa ng anak ko.’”

“Bakit, hindi ba siya natutuwa na mayaman ang napangasawa ng anak n’ya?”

“Siyempre, natutuwa.”

“Gano’n naman pala, e!”

“Me damdamin din ‘yon, nahihiya. Hindi lang talaga n’ya malaman ang gagawin kaya siya nakasimangot.”

“Kaya lang, malamang na hindi alam ng mga nakakita ke Mercy kung bakit siya nakasimangot.”

“Oo nga, e. Ikaw, alam mo na ngayon.”

“Oo.”

WAKAS

Si Nestor S. Barco ay tinanghal na Makata ng Taon sa Pilipinas noong 2003. Nagsusulat siya ng mga tula, kuwento, sanaysay at artikulo. Isa siyang mamamahayag. Masusulatan siya sa nestorsbarco@yahoo.com.ph.