
Opinions
By Nestor S. Barco
HINAHANGAD ni Martin na tanghalin siyang bayani.
Kung pagbabatayan niya ang napapanood sa TV, napakikinggan sa radyo, nababasa at napapanood sa Web at nababasa sa pahayagan, ang itanghal na bayani ang nagbibigay-kaganapan sa pagkatao at nagbibigay-kabuluhan sa buhay ng isang tao.
Gusto rin niyang magkaroon ng kabuluhan ang kaniyang buhay.
Gusto rin niyang lumikha ng kasaysayan.
SI Martin ay 25-anyos, binata at guro. Nagtuturo siya sa pampublikong hayskul sa lungsod nila.
May girlfriend na si Martin – Mr. Garcia kapag pormal ang tawag. Isa rin itong guro sa pinagtuturuan niyang paaralan.
Hindi pa sila nagpapakasal nito dahil kumukuha pa siya ng master’s degree. Tumutulong din siya sa pamilya. Isa pa, hindi pa naman masasabing nagkakaedad na sila upang magmadali sa pagpapakasal. Ang kaniyang girlfriend ay 22-anyos.
Ang ama ni Martin ay tsuper ng pampasaherong dyip. Ang ina niya ay nag-aasikaso ng bahay nila. Noong nag-aaral pa siya, naghugas siya ng sasakyan upang may pambaon at pambili ng mga kailangan sa paaralan. Hindi siya nagbayad ng matrikula dahil iskolar siya. Hindi hadlang ang lumang damit at sapatos upang ipagpatuloy niya ang pag-aaral. Malimit, nagtitiis siya ng gutom sa paaralan.
Ngayon, tinutulungan naman niya ang mga nakababatang kapatid na makapagtapos din ng pag-aaral. Tumutulong din siya na matugunan ang mga pangangailangan sa bahay. Siya ang panganay sa kanilang limang magkakapatid. Bago kumuha ng master’s degree, hinintay muna niyang makapagtapos ng kolehiyo ang kapatid na sumunod sa kaniya, babae. Sa kasalukuyan, nagtatrabaho na ito sa Makati City at tumutulong na rin sa kanilang pamilya.
Hindi malaki ang suweldo ng guro kaya tipid na tipid siya. Hindi tuloy niya mayakag kumain sa mamahaling restawran ang girlfriend o mabigyan ito ng magandang regalo. Hanggang sa fast food restaurant lamang sila kumakain. Hanggang pitaka lamang ang naireregalo niya sa girlfriend.
Nauunawaan naman siya ng girlfriend. Sinabihan pa nga siya nitong magkaniya-kaniyang bayad na lamang sila sa kantina ng paaralan. Kung minsan, nagbabaon pa ito ng pagkain. Nalilibre na siya ng tanghalian. Malaking tipid sa kaniya iyon.
“Sige, tulungan mo muna ang pamilya n’yo. Kailangan nila ng tulong mo. Saka, para rin naman sa atin pag nakapagtapos ka ng Master’s,” sabi pa nito.
Kapag nakapagtapos na rin ng pag-aaral, nagtatrabaho na at tumutulong na rin sa kanilang pamilya ang pangatlo sa kanilang magkakapatid, puwede na silang magpakasal ng kaniyang girlfriend. Nakamit na rin niya sa panahong iyon ang kaniyang master’s degree.
Alam din naman ni Martin na kinikilala ang serbisyo ng mga guro sa sangkatauhan. Gayunman, isa lamang siya sa marami, katulad lamang sa napakaraming overseas Filipino workers, na tinatawag na mga bagong bayani, na hindi na pinapansin ang pagiging bayani bilang mga indibiduwal.
Gusto niyang magkaroon ng sariling identidad, iyong ipinakikita ang kaniyang mukha at binabanggit ang kaniyang pangalan sa TV, radyo, Web at pahayagan.
Naaawa siya sa mga magsasaka, mangingisda, tsuper, empleado, obrero at iba pang karaniwan ang hanapbuhay, maging sa mga kapuwa-guro niya. Mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga ito sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao. Pero bilang mga indibiduwal, hindi itinatampok ang mga ito sa TV, radyo, Web at pahayagan.
May kasamang awa ang paghanga niya sa mga siyentipiko, duktor at iba pang tahimik na gumagawa pero malaki ang naiaambag sa kapakanan ng marami. Hindi kilala ang karamihan sa mga ito. Kung may nakikilala man, kakaunti lamang ang mga nakakikilala palibhasa’y hindi laging itinatampok sa TV, radyo, Web at pahayagan.
Kahit panay ang pag-iisip niya kung paano tatanghaling bayani, hindi niya pinababayaan ang kaniyang pagtuturo. Gusto talaga niyang matuto ang mga kabataan para sa kapakanan ng mga ito.
Hindi rin niya pinababayaan ang kanilang pamilya. Gusto niyang mapaayos ang kalagayan ng mga ito.
Hindi rin niya pinababayaan ang kaniyang girlfriend. Gusto niyang maging masaya ito.
Kahit ang kaniyang kalusugan ay hindi niya pinababayaan.
Hindi rin niya ipinagsasabi kahit kanino ang hangarin niyang tanghalin siyang isang bayani – kahit sa kaniyang pamilya o sa kaniyang girlfriend.
Sa isip niya, magugulat na lamang ang mga nakakikilala sa kaniya kapag itinampok na siya sa TV, radyo, Web at pahayagan bilang bayani.
MAKARAAN ang matamang pag-iisip, ayaw na niyang maghangad na tanghalin siyang bayani.
Ayaw niyang magkaroon pa ng digmaan, maraming taong mamatay, maraming taong mahirapan, maraming bata na hindi makamit ang ganap na potensiyal para lamang tanghalin siyang bayani.
Ayaw niyang may kapuwa siya na manganib pa ang buhay sa bagyo, lindol o sunog para lamang tanghalin siyang bayani.
Tunay ang pagmamalasakit niya sa kaniyang kapuwa.
Bukas din naman ang kaniyang isipan na hindi lahat ng nagliligtas ng kapuwa ay naghahangad lamang na tanghaling bayani. Nangyari na ito sa kaniya noong bata pa siya. Iniligtas niya ang isang kapuwa-bata na muntik nang malunod habang naliligo sa ilog. Hinila niya ito patungo sa pampang. Ang nasa isip lamang niya noon ay iligtas ang kapuwa-bata, wala nang iba pa. Ni hindi pa nga niya pinapansin noon ang salitang bayani. Kahit nang lumaki na sila, hindi niya itinuring iyon na napakalaking utang na loob ng kaniyang kapuwa-bata. Lalo namang hindi na niya babanggitin iyon ngayon dahil napakatagal na niyon. Malinis pa noon ang ilog at sa ilog naglalagi ang mga bata.
Bukas din naman ang kaniyang isipan na puwedeng pinaghuhusay ng isang tao ang ginagawa, na nakatutulong at nagbibigay-kaligayahan sa marami, dahil gusto lamang talaga nitong paghusayin ang anumang ginagawa, hindi ang pangunahing dahilan ay upang tanghaling bayani. Siya nga, kahit hindi bigyan ng pagkilala, paghuhusayin pa rin niya ang pagtuturo. Bukod sa nagmamalasakit siya sa kaniyang mga estudyante, gusto rin naman niyang mapaghusay ang anumang ginagawa. Kaya nga kumukuha siya ng master’s degree. Binabalak din niyang tumuloy sa pagkuha ng doctorate upang tumaas pa ang kaniyang posisyon at makapag-ambag sa larangan ng edukasyon.
Bukas din naman ang kaniyang isipan na puwedeng nagmamalasakit lamang talaga ang isang tao kaya tumutulong sa kapuwa nito, hindi ang pangunahing dahilan ay upang itampok sa TV, radyo, Web at pahayagan bilang bayaning matulungin sa kapuwa. Kahit tipid na tipid, marunong din naman siyang tumulong sa kapuwa sa abot ng kaniyang makakaya kapag sa tingin niya ay talagang kailangan. Gayunman, hindi na niya ipinamumukha sa mga tinutulungan niya ang kaniyang pagtulong. Ayaw niyang mahabag pa sa sarili ang mga ito.
Ang ayaw niya ay ikatuwa pa niya ang bagyo, lindol, sunog, kahirapan o kahit digmaan upang maitanghal lamang siya sa TV, radyo, Web at pahayagan bilang bayani.
Mahihiya siya sa kaniyang sarili kung ganoon siya.
Hinding-hindi niya gagawing tuntungan ang pagdurusa ng kapuwa upang tingalain siya bilang bayani.
Iniibig niya ang kaniyang kapuwa gaya ng pag-ibig niya sa kaniyang sarili*.
WAKAS
Si Nestor S. Barco ay tinanghal na Makata ng Taon sa Pilipinas noong 2003. Nagsusulat siya ng mga tula, kuwento, sanaysay at artikulo. Isa siyang mamamahayag. Masusulatan siya sa nestorsbarco@yahoo.com.ph.