Published on

Maikling Kuwento ni Nestor S. BarcoAng tanga ko! Ang tanga ko talaga!

By Nestor S. Barco

ANG tanga ko! Ang tanga ko talaga!

Ganyan ang malimit kong masabi sa aking sarili kapag binabasa ko ang kalalathala ko pa lamang na akda. O akda kong kapagwawagi pa lamang sa timpalak.

Isipin na lamang! Limampu’t limang taon na akong nagsusulat ng mga kuwento at nobela pero lagi pa rin akong nakakikita sa mga akda ko ng mga bahaging hindi ako nasisiyahan. Mga bahaging sa tingin ko ay kailangang baguhin. May kailangang tanggalin o idagdag.

Nag-iingat naman ako. Pinaghuhusay ko naman ang pagsusulat ko.

Katulad na lamang sa tumatakbo kong nobela sa isang diyaryo… Mas angkop na hindi ipinagbili agad ng ama ng pangunahing tauhan ang lupa nila sa probinsiya. Pero nailathala na ang bahaging iyon. Kailangang ituloy ko ang nobela sa diyaryo nang naibenta na ang lupa. Titingnan ko ang remedyong magagawa ko pag inilibro na ang nobela.

Kung tutuusin, hindi na ako dapat nakaliligta pa na tulad niyon. Dalawampu’t walong nobelang dugtungan na ang nailalathala ko. Lima sa mga ito ay tumanggap ng parangal. Mahigit isaandaang maiikling kuwento naman ang nailalathala ko na. Walo sa mga ito ay nanalo sa Palanca. Kahit sa mga okasyunal kong artikulo at sanaysay, nakakikita ako ng mga bahaging sa tingin ko ay kailangang baguhin makaraang mailathala ang mga ito. May mga pangungusap na sa tingin ko’y tinanggal o binago ko sana. O nakaiisip ako ng pangungusap na idinagdag ko sana.

Kapag inililibro ang mga akda ko, marami pa rin akong ineedit kahit nanalo na ang ilan sa timpalak.

Kapag nalimbag na, ayoko munang basahin ang libro. Saka ko na ito binabasa. Inihahanda ko muna ang sarili ko. Kinakabahan akong makakita uli ng mga bahaging hindi ko magugustuhan sa kabila ng pangyayaring nagkaroon ako ng panibagong pagkakataon upang irebisa ang mga akda ko bago ilibro.

Tinatandaan ko naman ang mga palpak ko. Pinipilit kong huwag nang maulit. Pero lagi pa rin akong nakakikita ng palpak sa mga sinusulat ko.

Kapag nakakikita ako ng palpak, ilang araw akong nalulungkot. Sinasabi ko sa aking sarili na dapat pinasadahan ko pa ang aking akda para nakita ko ang mga kailangan pang baguhin.

Kabisado na ako ng misis ko. Nalulungkot siya pag nakikitang nalulungkot ako dahil nakakita na naman ako ng bahaging hindi ako nasisiyahan sa kalalathala o kapananalo pa lamang sa timpalak na akda ko. Kahit ang dalawang anak namin, alam nilang mahalaga sa akin ang aking pagsusulat. Hindi nila ako ginagambala kapag nagsusulat ako. Bumabawi naman ako sa kanila pag hindi ako nagsusulat. Noong maliliit pa sila, kinakalaro ko sila. Nang lumaki na sila, kinakausap ko sila. Ipinapasyal ko. May sariling mga pamilya na sila ngayon, nakabukod na sa aming mag-asawa.

Inaalo ko ang misis ko. Sinasabi ko sa kaniyang nangyayari naman talaga sa mga manunulat ang ganoon. Maraming manunulat na hindi nasisiyahan sa akda nila.

Totoo naman ang sinasabi ko. Ang American classic na Walden; or, Life in the Woods ay paulit-ulit na nirebisa ni Henry David Thoreau. Nagkaroon ito ng walong draft sa loob ng sampung taon bago nailathala noong 1854. Nang malala na ang kaniyang sakit hanggang sa maging bed-ridden siya, ginugol ni Thoreau ang nalalabing mga taon ng kaniyang buhay sa pagrebisa sa mga akda niyang di pa nalalathala, partikular ang The Maine Woods at Excursions. Pinepetisyon din niya ang mga publisher upang iimprenta ang revised editions ng A Week on the Concord and Merrimack Rivers at Walden.

Itinuturing si Franz Kafka na one of the most influential authors of the 20th century. Noong nabubuhay pa siya, hindi siya nasisiyahan sa mga nasulat niya. Kaunti lamang ang nailathala niyang akda noong nabubuhay pa siya. Nang mamamatay na siya, ibinilin niya sa kaniyang kaibigan at literary executor na si Max Brod na sunugin ang kaniyang mga manuskrito. Buti na lamang, hindi ito sinunod ni Brod. Kung nagkataon, hindi nabasa ng mundo ang mga akda ni Kafka.

Si Raymond Carver ay notable writer ng huling bahagi ng 20th century. Malaki ang naiambag niya sa muling pagsigla ng American short stories noong 1980s. Nailathala na sa libro, nirerebisa pa rin ni Carver ang kaniyang mga kuwento. Kung minsan, binabago pati titulo. Kung nasisiyahan na si Carver sa pagkakasulat ng kaniyang mga akda, hindi na niya irerebisa pa ang mga iyon.

Marami pang manunulat na walang kapaguran sa pagrebisa ng kanilang mga akda. Ibig-sabihin, hindi pa sila nasisiyahan sa pagkakasulat ng kanilang mga akda kaya patuloy nilang nirerebisa ang mga ito. Isa sa kanila ang huling ginawaran ng Nobel Prize for Literature na si Alice Munro.

May mga kakilala rin akong magagaling na manunulat na Pilipino na patuloy na nirerebisa ang kanilang akda kahit pa nailathala na o nanalo na ito sa timpalak. Hindi nila gagawin iyon kung nasisiyahan na sila sa pagkakasulat ng kanilang akda.

Kahit paano, nakaluluwag ng kaloobang isiping hindi ako lamang ang manunulat na nakararanas nito.

Gayunman, gusto ko pa ring paghusayin ang aking pagsusulat. Mas mahusay ang pagkakasulat ng akda, mas gusto ko. Hilig ko na rin lamang ang pagsusulat, gusto kong paghusayin na ito.

Bago ko isumite sa publikasyon o ilahok sa timpalak ang isang akda, maraming beses ko muna itong binabasa.

Pero nakakikita pa rin ako sa mga akda ko ng mga bahaging hindi ako nasisiyahan makaraan itong mailathala o manalo sa timpalak.

Tin-edyer pa lamang ako nang magsimulang magsulat. Noong bagu-bago pa lamang akong nagsusulat, ang tingin ko sa aking sarili ay napakahusay ko na. Para bang alam ko na ang lahat sa pagsusulat. Bakit nga, nalalathala ang mga sinusulat ko. Nananalo pa sa mga timpalak.

Naaawa pa nga ako noon sa mga datihan nang nagsusulat. Sa tingin ko, nag-aaksaya na lamang sila ng pagod at panahon sa kanilang mga sinusulat.

Ilan lamang sa mga datihang nagsusulat ang hinahangaan ko.

Pero habang nagtatagal sa pagsusulat, nakikita ko ang mga kahinaan ko.

Natuklasan kong marami pa pala akong kailangang matutunan.

Kaya ang nangyari, parang nagsimula uli akong mag-aral ng pagsusulat.

Hanggang sa ngayon, nag-aaral pa rin ako.

Alam ko, patuloy akong mag-aaral.

Natatawa na lamang ako kung minsan sa aking sarili kapag nakakikita pa rin ako ng bahaging hindi ako nasisiyahan kapag binasa ko uli ang akda ko. Nasasabi ko:

Ang tanga ko! Ang tanga ko talaga!

ANG nagsalaysay nito sa akin ay isang kinikilalang kuwentista at nobelista. Ang kaniyang mga akda ay mababasa sa mga popular na babasahin. Pinag-aaralan din sa haiskul at kolehiyo ang kaniyang mga akda. Sinasabi ng mga nakababasa sa kaniyang mga akda na napakahusay niyang magsulat.

WAKAS

Si Nestor S. Barco ay tinanghal na Makata ng Taon sa Pilipinas noong 2003. Nagsusulat siya ng mga tula, kuwento, sanaysay at artikulo. Isa siyang mamamahayag. Masusulatan siya sa nestorsbarco@yahoo.com.ph.