Published on

Maikling Kuwento ni Nestor S. BarcoGinto

By Nestor S. Barco

Ang mga tauhan at mga pangyayari sa kuwentong ito ay kathang-isip lamang at hindi tumutukoy sa mga tunay na tao at sitwasyon.

“MATAGAL ko nang hindi nakikita si Gaspar,” sabi ni Mario.

“Oo nga. ‘Asan kaya?” tanong ni Val.

“Baka naghuhukay na naman ng ginto,” sagot ni Bong.

“Malamang,” sang-ayon ni Mario.

“Walang kasawa-sawa ang taong ‘yan,” sabi ni Val.

“Ilang taon na ba siyang naghuhukay ng ginto?” tanong ni Mario.

“Hindi pa ako nag-aasawa, naghuhukay na ‘yan. Teka… labingwalong taon na akong kasal. Nasa dalawampung taon nang naghuhukay ‘yan,” sagot ni Bong.

“Dalawampung taon! Napakatagal na niyon,” sabi ni Val.

“Ayaw pa ring tumigil,” sabi ni Mario.

“Umaasa pa rin talagang makakahukay ng ginto!” sabi ni Bong.

SI Gaspar na pinag-uusapan ng mga kapitbahay namin ay isang pedicab driver. Ni hindi siya ang may-ari ng pedicab. Nakikilabasan lamang siya. Nagtrabaho na rin siya bilang panadero. Bilang kargador. Ang misis niya ay labandera. Ang tatlong anak nila ay may-asawa nang lahat. Nakabukod na sa kanila ang mga ito.

Nakatira si Gaspar at ang misis niya sa isang maliit na bahay na nakatirik sa loobang minana ng magkakapatid nina Gaspar mula sa kanilang mga magulang. Lahat silang limang magkakapatid, tatlong lalaki at dalawang babae, ay nagtayo ng bahay roon.

Katulad sa kanilang mag-asawa, simple ang pamumuhay ng mga anak ni Gaspar. Lahat ng mga ito ay nagtatrabaho sa pabrika. Hindi nakapagtapos ng kolehiyo ang mga ito. Hanggang sa high school lamang naipadala ng mga magulang. Hindi pa nahuhukay ni Gaspar ang gintong inaasahan niyang magpapayaman sa kaniya.

Nasanay na kaming bigla-biglang nawawala si Gaspar nang dalawa hanggang tatlong buwan. Kung minsan, mas matagal pa. Kapag ganoon, ipinalalagay naming naghuhukay siya ng ginto.

Apat katao silang magkakasama sa paghuhukay. Kung saan-saan sila nakararating. Umaabot sila hanggang Tarlac. Sa paniniwala nila, nagbaon din ng kayamanan doon ang mga Hapon noong panahon ng giyera. Kung saan-saang lugar nanggaling ang tatlong kasama niya. Si Gaspar ay taga-Cavite.

Basta nakakuha ng financier, naghuhukay sila ng ginto. Malaki rin naman ang gastos sa paghuhukay. Ang balita namin, daan-daang libong piso, depende sa tagal ng paghuhukay.

Walang suweldo ang mga tagahukay. Libreng kain lamang sila. Magkakapera sila kapag nakahukay na ng ginto. Magpaparte-parte sila sa mapagbibilhan ng ginto. Pinakamalaking parte ang sa financier, na nagkakaloob ng mga gamit sa paghuhukay at sumasagot sa gastos sa buong panahon ng paghuhukay, kasama ang pagkain ng mga naghuhukay. May parte rin ang may-ari ng lupang pinaghuhukayan nila.

Ilang beses nang naaksidente si Gaspar sa paghuhukay. Nariyang tamaan siya ng piko sa mukha. Naroong mabagsakan siya ng timbang may lamang lupa.

Hinanting na rin siya ng financier na pinangakuan niyang siguradung-siguradong may mahuhukay silang ginto pero wala naman pala.

Nademanda na rin siya, pati ang kaniyang mga kasama, dahil minsan, natumba ang pader sa tabi ng pinaghuhukayan nila. Minsan naman, tumagilid ang bahay sa katabing lote ng pinaghuhukayan nila.

Buhay pa rin nga hanggang ngayon si Gaspar. Malaya pa rin. Nagbibiyahe pa rin ng pedicab. At naghuhukay pa rin ng ginto tuwing may financier.

Ganito ang sinasabi ng misis niya: “Sabi ko, kung makakahukay siya ng ginto, dapat matagal na siyang nakahukay. Ideretso na lamang niya ang pagbibiyahe para dere-deretso ang kita niya. Nagagalit pa sa akin.”

Ganito naman ang sinasabi ng kaniyang mga anak: “Kahit anong awat ang gawin namin, ayaw talagang paawat ni Tatay. Kaya hinahayaan na lamang namin.”

Ganito naman ang sinasabi ng mga kakilala: “Gaspar, hindi kaya nahukay na ang lahat ng ginto? Baka wala ka na talagang mahuhukay.”

“Mayroon pa ‘yan,” sagot ni Gaspar, ngingiti-ngiti lamang.

Ngayong nawawala na naman si Gaspar, ipinalalagay naming naghuhukay na naman siya ng ginto.

May naaawa at may nagtatawa sa kaniya.

Bakit nga kaya sa kabila ng maraming kabiguan, hindi pa rin niya tinitigilan ang paghuhukay ng ginto?

PAGKARAAN ng tatlong buwan, lumitaw uli si Gaspar. Nakapila uli ang ibinibiyahe niyang pedicab sa paradahan. Ibig-sabihin, kung naghukay uli siya ng ginto, wala na naman siyang nahukay.

Namayat si Gaspar. Sa tingin ko, lalong gumaspang ang dati nang magaspang niyang balat. Sa tingin ko pa, nabawasan naman nang kaunti ang pagkasunog ng balat niya sa araw. Baka sa loob ng bahay sila naghukay. Matagal na nilang ginagawa ang ganoon. Itinatago nila ang paghuhukay ng ginto.

Nakaupo siya sa dulong bahagi ng bangko sa harap ng tindahan. May dalawa pang nakaupo roon bukod sa kaniya. Tahimik siya.

Umupo ako sa tabi niya.

“Kumusta?” tanong ko.

“Eto,” sagot niya.

“Matagal kang nawala.”

“Oo, e.”

“Bakit?”

“Wala naman.. Tulad ng dati, nagbakasakaling makahukay ng ginto,” sagot niya. Kung gayon, tama ang palagay ng mga kapitbahay namin.

Hindi ko na itinanong kung ano ang nangyari dahil kitang-kita namang walang nangyari. Lumakad ang pedicab na nasa unahan ng pila. Tumayo si Gaspar, iniabante ang ibinibiyahe niyang pedicab at pagkatapos ay bumalik sa upuan. Pangalawa na siya ngayon sa pila.

“Talaga bang sa palagay mo e me mahuhukay pang ginto?”

“Mayroon pa,” sagot niya.

“Baka naman kung mayroon man e napakadalang na. Napakahirap nang mahukay.”

“Mahuhukay pa rin ‘yon.”

“Umaasa ka pa rin?”

“Oo.”

“Matagal ka nang naghuhukay.”

“Dalawampung taon na.”

“Napakahabang panahon na ‘yon. Hindi mo ba pinag-isipan din ang ibang pagkakakitaan?”

“Wala akong mataas na pinag-aralan. Wala rin akong puhunan. Sa nakikita ko, paghuhukay na lamang ng ginto ang pag-asa kong yumaman.”

Nasimulan ko na rin lamang, ipinagpatuloy ko na ang pagtatanong. “Umaasa ka pa ring yayaman?”

Bago siya nakasagot, gumalaw uli ang pila. Tumayo uli siya, iniabante ang ibinibiyahe niyang pedicab at pagkatapos ay bumalik uli sa upuan. Nasa unahan na ng pila ang ibinibiyahe niyang pedicab.

“Bata pa ako, puro hirap na ang dinanas ko,” kuwento niya, hindi direktang sinagot ang tanong ko. “Mahirap ang mga magulang namin. Bata pa kami, nag-aani na kaming magkakapatid. Naghuhugas ng sasakyan. Sa handaan lamang kami nakakatikim ng masarap na pagkain. Hindi namin mabili ang gusto naming damit. Gusto naming ipagpatuloy ang aming pag-aaral pero hindi na matustusan ng aming mga magulang.”

Tumahimik siya, parang naalala ang nakaraan. Pagkaraan ng ilang saglit, nagpatuloy siya:

“Gusto ko ring makatikim ng ginhawa. Gusto ko ring makatira sa magandang bahay. Magkaroon ng kotse. Magdamit nang maganda. Gusto ko ring kumain ng masarap. Pangarap ko ring mamasyal sa magagandang lugar… Hindi ko pa rin iniaalis sa aking sarili ang pag-asang yumaman. Kaya nga nagtitiyaga lamang muna ako sa ganitong hanapbuhay.”

Tumahimik muna uli siya bago nagpatuloy:

“Alam ko, maraming hindi naniniwala sa akin. Pero magugulat na lamang sila isang araw. Makakahukay rin ako ng ginto. Tiyaga, tiyaga lang muna sa pagpadyak…” Habang nagsasalita, nagniningning ang kaniyang mga mata.

Alam ko na kung bakit hindi pa rin niya tinitigilan ang paghuhukay ng ginto.

May sumakay sa ibinibiyahe niyang pedicab. Bumiyahe na siya.

Tinatanaw ko siya hanggang sa lumiko siya sa kanto.

Tuluyan na siyang nawala sa aking paningin.

Gayunman, nakikita ko pa rin siya sa aking isip: May lakas sa mga tuhod na padyak nang padyak ng pedicab, ipinagpapatuloy ang kaniyang buhay, habang patuloy na umaasang matatagpuan sa dako pa roon ang gusi ng ginto.

WAKAS

Si Nestor S. Barco ay tinanghal na Makata ng Taon sa Pilipinas noong 2003. Nagsusulat siya ng mga tula, kuwento, sanaysay at artikulo. Isa siyang mamamahayag. Masusulatan siya sa nestorsbarco@yahoo.com.ph.