
Opinions
By Nestor S. Barco
Ang mga tauhan at mga pangyayari sa kuwentong ito ay kathang-isip lamang at hindi tumutukoy sa mga tunay na tao at sitwasyon.
“LAGI ka na lang nakakabit sa akin!” paninita niya sa nakababatang kapatid.
“Sumasama lang naman, a!” pangangatwiran ni Vivian. Dalawa lamang silang magkapatid.
“Ayoko nga, e!”
“Kaibigan ko rin naman si Victor, a!”
“Ako ang kaibigan ni Victor. Nakikisali ka lang!”
Biglang sumigaw si Vivian. “Inay, eto po si Kuya, o!”
Inis na inis siya. Gusto niyang tuktukan ang nakababatang kapatid. Pero dumating na ang kanilang ina.
“Ano na naman ba ‘yon?” tanong nito.
“Si Kuya po, ayaw akong isama!”
“Lagi ka na lang nakakabit sa akin, e!”
“Sumasabay lang ako pagpunta kina Victor.”
“O, iyon lang naman pala, e. Ba’t ba di mo isama ang kapatid mo?”
“‘Kakahiya po na kasama ko pa si Vivian doon,” pangangatwiran niya.
“Anong nakakahiya? Nakakausap ko ang mommy ni Victor. Gusto pa nga raw nila na anduon kayo ng kapatid mo. Me kalaro si Victor, nasa bahay lamang. Nakikita nila. Hindi sila nag-aalala.”
Napilitan siyang isama si Vivian. Susunud-sunod lamang ang nakababatang kapatid patungo sa bahay na iyon na limang bahay ang pagitan sa bahay nila. Alam nitong galit siya.
Pagkakita sa kanila, pinapasok sila ng katulong nina Victor.
Nakangiti agad ang mommy ni Victor.
“Punta na kayo sa playroom. Andoon si Victor,” sabi nito.
Napakaraming laruan ni Victor sa playroom. Napakagaganda. Mamahalin ang mga iyon. Wala silang ganoong mga laruan sa bahay nila. Mayaman palibhasa sina Victor.
Wiling-wili silang magkapatid sa bahay na iyon. Habang naglalaro, hindi nila namamalayan ang pagdaan ng mga sandali.
Namalayan na lamang nila na tinatawag sila ng mommy ni Victor.
“Magmiryenda muna kayo,” yakag nito.
Tumayo silang tatlo upang kumain.
Masarap ang kanilang miryenda. Spaghetti, toasted bread at iced tea. Espesyal ang mga iyon. Hindi ganoong uri ng spaghetti, toasted bread at iced tea ang kinakain nila sa bahay nila.
Kapag inaabot sila ng oras ng pagkain sa bahay na iyon ay pinakakain na sila. Malimit silang mananghalian doon. Kung ano ang kinakain ng pamilya nina Victor, ganoon din ang kinakain nilang magkapatid. Masasarap lagi.
Kung minsan, nakakasama pa silang magkapatid kapag namamasyal ang pamilya nina Victor. Nakararating tuloy silang dalawa sa magagandang lugar at nakakakain sa mamahaling restawran na hindi nila mapupuntahan at mapapasok kundi sa kagandahang-loob ng mga magulang ng kanilang kalaro.
Sa kanilang magkapatid, siya ang unang kaibigan ni Victor. Sila ang magkasing-edad. Pareho rin silang lalaki. Gusto lang talagang sumama lagi sa kaniya ng nakababatang kapatid sa bahay na iyon.
IYON ay labimpitong taon na ang nakararaan.
Ngayon, may-ari na si Vivian ng bahay na iyon. Mag-asawa na si Victor at ang nakababata niyang kapatid. Kung ano ang pag-aari ni Victor, pag-aari na rin ng kapatid niya. Tiyak namang kay Victor mapupunta ang bahay na iyon. Solong anak ang bayaw niya. Kaya masasabing may-ari ng bahay na iyon ang kapatid niya.
Kung dati ay nagpupunta lamang doon si Vivian, ngayon ay doon na ito nakatira. Pagkatapos ng honeymoon, doon na pinatira ng mga magulang ni Victor ang bagong mag-asawa.
Puwedeng sabihing employer niya ngayon ang nakababatang kapatid. Empleado siya ng pamilya ng kaniyang bayaw. Kay Victor din mapupunta ang negosyong itinayo ng ama nito. Sa kasalukuyan, tumutulong na sa ama ang kaniyang bayaw sa pamamahala sa negosyo.
Magkasintahan pa lamang sina Victor at Vivian, nagtatrabaho na siya roon. Binata pa siya noon.
Pagkatapos niya ng pag-aaral, inalok siya ni Victor na sa ama na nito magtrabaho. Tutal, naghahanap naman talaga siya ng mapapasukan.
Ngayong bahagi na ang kapatid niya ng pamilyang iyon, alam niyang lalong tumatag ang kalagayan niya sa trabaho.
Gayunman, pinaghuhusay pa rin niya ang pagtatrabaho.
Kahit noong hindi pa mag-asawa sina Victor at Vivian ay pinaghuhusay na niya ang pagtatrabaho. Nahihiya siya sa mga magulang ni Victor.
Bilin din sa kaniya ng mga magulang na pagbutihin niya ang pagtatrabaho.
Maayos ang pasuweldo sa kaniya roon at maayos ang trato sa kaniya. Kaya lalo niyang naipasyang paghusayin ang pagtatrabaho.
Maayos naman talagang magpasuweldo sa mga empleado ang pamilya nina Victor. Maayos din ang trato sa mga iyon.
Noon pa man, maganda na ang pakita sa kaniya sa bahay na iyon. Gayunman, ramdam na ramdam pa rin niya ang pagkakaiba ngayong bahagi na ng pamilyang iyon ang kaniyang kapatid.
Napaayos ang kaniyang kalagayan sa nangyari sa kapatid.
Pagpupunta niya sa bahay na iyon, mag-isa o kasama ang misis niya at iisa pa nilang anak, ay pinagbubuksan agad siya ng pinto ng mga kasambahay (dati’y katulong ang tawag). Nakangiti agad ang mga magulang ni Victor, lalo na ang kaniyang bayaw at ang kaniyang kapatid.
Kapag namamasyal ang mag-anak ng kapatid, malimit na niyayakag silang mag-anak. Pati ang kanilang mga magulang. Lagi silang kakabit.
“Kuya, kami na ang bahala sa gastos,” sinasabi pa ni Vivian.
“Kayo ang bahala,” isinasagot niya.
TALAGANG napaayos ang kalagayan sa buhay ng kaniyang kapatid sa pag-aasawa nito. Gayunman, hindi siya nagtataka na nagkatuluyan sina Victor at Vivian.
Nang malaon, hindi na niya sinita si Vivian. Hinayaan na lamang niya ang nakababatang kapatid na sumama nang sumama sa kaniya sa bahay nina Victor. Silang tatlo ang magkakalaro.
Binatilyo na sila ni Victor, sumasama pa rin sa kaniya si Vivian sa bahay na iyon. Kung minsan, mag-isa na itong nagpupunta roon. Palibhasa’y iba na ang hilig nila ni Victor noon, mag-isa na lamang naglalaro si Vivian sa playroom. Kung minsan, kausap ito ng mommy ni Victor.
Nagkaroon din naman sila ni Victor ng iba pang mga kaibigan. Pero silang dalawa ang matalik na magkaibigan. May kaibigan din namang ibang batang babae ang kapatid pero wili pa rin ito sa bahay nina Victor.
Binata na sila ni Victor ay lagi pa rin nilang kasama si Vivian, na dalagita na noon. Si Victor mismo ang nagsabing isama nila si Vivian sa mga lakad nila dahil nakakaawa naman ito kung maiiwan. Marunong na noong magmaneho si Victor at may sarili nang SUV. Tuwang-tuwa naman ang nakababatang kapatid. Nakapamamasyal ito. Kumakain sa labas. Tiyak namang papayagan ito ng mga magulang nila dahil kasama siya. Hindi niya ito pababayaan.
Hanggang sa maging dalaga si Vivian. Isang araw, nagpaalam sa kaniya si Victor na liligawan nito ang kaniyang kapatid.
“Okey lang,” sagot niya. Ang totoo, gusto pa nga niya si Victor para kay Vivian.
Wala namang tumutol nang maging magkasintahan ang dalawa. Sa tingin niya, natuwa pa ang mga magulang niya. Kapag si Victor nga naman ang napangasawa ni Vivian, nakatitiyak ang mga ito ng maginhawang buhay para sa kanilang anak. Kilala rin naman nila ang ugali ni Victor at ng mga magulang nito. Hindi maaapi si Vivian.
Ang bilin lamang ng magkabilang partido, tapusin ng dalawa ang pag-aaral.
Nakapagtapos naman ng pag-aaral ang mga ito. Nakapagtapos si Victor ng BSC in Management. BS in Food Technology naman si Vivian.
Pero pagkatapos na pagkatapos ng pag-aaral, nagpakasal na ang dalawa. Naunahan pa siya.
Siya ang bestman.
Pagkatapos ng reception, nagtuloy na sa honeymoon ang dalawa.
Pag-uwi ng mga ito, buntis na si Vivian.
Ang panganay nito ay nasundan agad.
Ang pangalawa ay nasundan din agad.
Tatlo na ang anak ng mga ito.
Tuwang-tuwa ang mga biyenan ng kapatid niya. Gayundin ang mga magulang nila.
Nagagamit na naman ni Vivian ang pinag-aralan nito kahit nasa bahay lamang at abala sa tatlong anak. Ito ang namamahala sa pagkain ng mag-anak nito, kasama na ang mga biyenan nito. Pati nga ang kaniyang pamilya at ang mga magulang nila ay nakakatikim ng nasabing mga pagkain. Hindi niya alam kung balang-araw ay magtatayo ang kapatid ng negosyong may kinalaman sa pagkain.
WAKAS
Si Nestor S. Barco ay tinanghal na Makata ng Taon sa Pilipinas noong 2003. Nagsusulat siya ng mga tula, kuwento, sanaysay at artikulo. Isa siyang mamamahayag. Masusulatan siya sa nestorsbarco@yahoo.com.ph.