Published on

Maikling Kuwento ni Nestor S. BarcoHika

By Nestor S. Barco

Ang mga tauhan at mga pangyayari sa kuwentong ito ay kathang-isip lamang at hindi tumutukoy sa mga tunay na tao at sitwasyon.

“ANO?” tanong ni Henry sa misis niya makaraan nitong matamang pakinggan sa pamamagitan ng stethoscope ang likod ni Wilmer, bunso nila. Dalawang beses na nitong ni-nebulize ang anak nila.

“Me wheeze pa rin,” sagot nito, malungkot.

“Lumakad na tayo,” sabi niya.

“Oo,” tugon ng misis niya.

Pinaandar niya ang kotse. Kinuha ang bitbit na bag ng misis niya. Akay nito si Wilmer. May laman ang bag na ilang damit nito at ng anak. Nagsisigurado sila na may baong damit sakaling kailangang i-confine sa ospital ang bunso.

“D’yan muna kayo. Babalik din agad kami,” bilin ng misis niya sa dalawa nilang anak. Nanonood na ng TV ang mga ito, tapos nang maggawa ng assignment. Alas 8:30 na ng gabi.

“Opo,” sagot ng dalawa.

Kung iko-confine ang anak, siya ang babalik ng bahay. Ang misis niya ang magbabantay kay Wilmer.

Nagpunta sila sa emergency room ng ospital na malapit sa kanila.

Binati agad sila ng guard. Namumukhaan na niya ito. Namumukhaan na rin niya ang staff ng ER.

Kakaunti ang pasyente. May nurse agad na lumapit sa kanila upang itanong kung bakit sila naroon. Ipinaliwanag ng misis niya na nakadalawang Ventolin nebules na sila pero naroon pa rin ang wheeze ng anak.

Pagkatapos mag-fill up ng form, lumabas na siya dahil isang bantay lamang ang pinapayagan sa ER. Ang misis niya ang naiiwan doon dahil ito ang nakakaalam sa mga itatanong ng residente. Natimbang na ang anak. May nakaipit na thermometer sa kilikili nito. Kung minsan, kapag nagpupunta sila sa ER, kinukuha rin ang bilis ng pintig ng pulso ng anak.

Sa waiting area makalabas ng ER, nanalangin siya habang nakaupo at nakatungo: “Diyos ko po, Diyos ko po, huwag po Ninyong pababayaan ang aming anak…” Tumayo siya, sumilip sa ER. Pinakikinggan ng residente ang likod ng anak niya. Naglakad siya upang kumalma ang dibdib niya. Sumilip uli siya sa ER. Nine-nebulize na ang anak niya. Umupo uli siya. Mayamaya, tumayo uli siya, naglakad. Umupo uli. Mayamaya, tumayo uli, naglakad. Nang sa tantiya niya ay ubos na ang nebule, sumilip uli siya sa ER. Nine-nebulize pa rin ang anak nila. Alam niya, pangalawang nebule na iyon. Kinabahan siya na baka matindi ang sumpong ng hika ng anak niya. Umupo uli siya. Nanalangin uli. Mataimtim. “Mahabaging Diyos, pagalingin po Ninyo ang anak namin…”

Kahit anong oras, basta sinumpong ng hika ang anak ay itinatakbo nila ito sa ospital kapag nakadalawang nebule na sila at hindi pa rin nawawala ang wheeze nito. Bilin ng pediatrician na kapag ganoon, kailangan nang itakbo sa ospital ang anak nila. Doon ito patuloy na i-nebulize. Kailangan ding masuri ang anak. Baka kailangan itong i-confine. Malimit pa namang sa gabi kung sumpungin ito ng hika.

Kahit may hika ang anak, gusto nilang maranasan nito ang pagiging bata. Ayaw nilang nakawin ng sakit nito ang pagiging bata nito. Kaya pinapayagan pa rin nila itong maglaro sa loob at labas ng bahay nila. Ipinapasyal pa rin nila. Pinakakain pa rin nila ng gusto nito, huwag lamang ang mga pagkaing napatunayan nilang nagpapaubo rito.

Iniingatan na lamang nila nang husto ang anak. Kapag sa palagay nila ay pagod na ito, inaawat na nila ito sa paglalaro. Kapag lumalabas ito ng bahay, nakikiramdam sila sa amoy ng paligid. Pinakikiramdaman nila kung maalikabok. Kapag namamasyal sila, lagi silang may baong portable nebulizer at nebules sa kotse. Lagi rin silang alerto na i-nebulize o itakbo sa ospital ang anak kung kinakailangan. Kapag umubu-ubo na ito, pinakikinggan na agad ng misis niya ang likod nito. Lagi silang may reserbang nebules. Nagbibihis na sila at naghahanda ng ilang damit kapag hindi nawala ang wheeze nito sa unang nebule pa lamang. Tinitiyak niyang lagi silang may pera. Nag-iiwan siya ng pera sa misis niya pag pumapasok siya ng trabaho.

Magastos ang laging pagpunta sa duktor, lalo sa kaso nila na malimit tumakbo sa ER. May maintenance pang Seretide ang anak. Hindi naman sakop ng PhilHealth ang konsulta sa duktor at gamot ng anak dahil sa hika. Ipinapasyal pa nila sa shopping mall ang anak, pinakakain kung saan nito gusto at ibinibili ng laruan upang hindi ito malungkot dahil sa sakit nito. Kapag itinatakbo nila ito sa ER, ibinibili nila ito ng pagkain pag-uwi nila. Siyempre, may gastos din ang dalawa pang anak, na parehong nag-aaral na. Buti na lamang, walang hika ang mga ito. May hinuhulugan pa silang bahay at lupa. Kahit mas malaki ang suweldo niya kaysa karaniwang empleado, nararamdaman pa rin nila ang lakas ng gastos. Hindi na nga siya gumagamit ng kotse upang makatipid sa gasolina at maintenance. Isa pa ring dahilan ay upang may magagamit na sasakyan ang misis niya kapag kailangang itakbo sa ospital si Wilmer at nasa trabaho siya.

Naaawa sila sa anak tuwing susumpungin ito ng hika. Lagi silang nangangamba na baka sumpungin ito ng hika. Nababasa at nababalitaan nilang may namamatay dahil sa matinding sumpong ng hika.

Dati, nagtatrabaho ang misis niya. Gayunman, nag-resign ito upang matutukan ang pag-aalaga sa bunso nila. Tutal, hindi naman malaki ang suweldo nito. Nag-alis sila ng kasambahay upang makabawas sa gastos. Ang misis na niya ang gumagawa ng mga gawaing-bahay.

SUMILIP ang misis niya. May hawak itong charge slip.

Sa nabasa niya sa mukha nito, hindi mako-confine si Wilmer. Kailangan lamang ituloy ang pag-nebulize. Ine-nebulize si Wilmer tuwing ikaapat na oras sa loob ng dalawang araw. Pagkatapos, tuwing ikaanim na oras hanggang sa ganap na mawala ang wheeze nito.

Gayunman, gusto niyang makatiyak. Nagtanong pa rin siya:

“Okey na ba raw? Puwede tayong umuwi?”

“Oo.”

“Salamat sa Diyos!” bulalas niya.

Kinuha niya ang charge slip. Malugod siyang nagbayad sa cashier.

Bago umuwi, dumaan muna sila sa kilalang drugstore na nakabukas 24 na oras. Bumili sila ng dagdag na Ventolin nebules. Bumili na rin sila roon ng pagkain ng bunso. Ibinili na rin nila ng pagkain ang dalawa pang anak. Sa umaga na lamang kakainin o babaunin sa paaralan ng dalawang anak ang uwi nilang pagkain dahil matutulog na ang mga ito. Malamang na kinabuksan na rin kainin ng bunso ang binili nila para rito.

Magdamag na namang halos walang tulog ang misis niya. Mababaw rin lamang ang magiging tulog niya. Mararamdaman niya pag nine-nebulize ang anak dahil magkakasama sila ng kuwarto.

Gising pa ang dalawang anak pag-uwi nila. Nanonood pa rin ng TV na mahina ang sound.

Nagsabon silang tatlo ng kamay. Binihisan ng misis niya ng pantulog ang bunso nila. Nagbihis din ito ng pantulog. Nagbihis na rin siya ng pantulog.

Pagkatapos, inihanda ng misis niya ang tutulugan ng dalawang anak.

Nakaupo sa sopa ang bunso nila. Malungkot ito. Pasulyap-sulyap lamang, hindi nanonood, sa nakabukas pa ring TV.

Tinabihan niya ito.

“Daddy, salamat po sa inyo ni Mommy,” sabi ng anak.

“Bakit?”

“Sa pag-aalaga po.”

“Anak, aalagaan ka talaga namin dahil anak ka namin.”

Nag-isip ito. Mayamaya, bigla nitong sinabi:

“Daddy, sana po iba na lang ang naging anak n’yo ni Mommy!”

“Ha! Bakit?”

“Para po hindi na kayo nahihirapan sa pag-aalaga. Para po hindi na kayo nalulungkot”

Nasa tabi na nila ang misis niya. Nakatayo.

“Anak, hindi baleng mahirapan kami ng Mommy mo. Aalagaan ka pa rin namin. Di ba, Hon?”

“Oo,” sagot ng misis niya.

“Hindi po kayo magsasawa?”

“Hindi!” sagot niya.

“Ako pa rin po ang gusto ninyong anak?”

“Kahit pa me pagkakataon kaming magpalit ng anak, ikaw pa rin ang pipiliin naming. Ikaw ang anak namin,” sabi niya.

“Talaga po?”

“Oo,” sagot niya.

Ngumiti ang anak. “Daddy, Mommy, pipilitin ko pong gumaling. Lalabanan ko po ang hika ko. Para po hindi na kayo nahihirapan. Para po hindi na kayo nalulungkot. Mahal na mahal ko po kayo.”

Nakita niyang nangingilid ang luha sa mga mata ng misis niya.

Niyakap nila ang anak. Yumuko ang misis niya upang mayakap ang bunso nila.

Yumakap din sa kanila ang anak. Ang kanang kamay ay nasa kaniya. Ang kaliwa naman ay nasa misis niya.

WAKAS

Si Nestor S. Barco ay tinanghal na Makata ng Taon sa Pilipinas noong 2003. Nagsusulat siya ng mga tula, kuwento, sanaysay at artikulo. Isa siyang mamamahayag. Masusulatan siya sa nestorsbarco@yahoo.com.ph.