Published on

Maikling Kuwento ni Nestor S. BarcoAng kuwento tungkol sa nurse

By Nestor S. Barco

Ang mga tauhan at mga pangyayari sa kuwentong ito ay kathang-isip lamang at hindi tumutukoy sa mga tunay na tao at sitwasyon.

“ME problema ba si Carol?”

“Hindi ko alam,” sagot ng misis niya. “Bakit?’

“Parang malungkot.”

“Umiral na naman ang pagiging manunulat mo.” Nakangiti ang misis niya.

“Baka lang ‘kako meron. Magkausap kayo kahapon.”

“Tungkol lang sa pagdaan ng trak ng basura ang pinag-usapan namin.”

“Hindi kaya nag-break up sila ng boyfriend niya? O me nangyari sa pamilya nila?”

“Inihahatid pa naman siya ng boyfriend niya. Noong isang araw lamang, me kapatid siya na dumalaw. Me dalang prutas. Nagtatawanan pa nga sila. Baka naman pagod lang…”

“Parang malungkot talaga, hindi pagod lang,” giit niya.

“Ganoon ba? Wala talaga akong alam,” sabi ng misis niya.

Hindi na siya kumibo.

Ipinagpatuloy ng misis niya ang pagluluto.

SI Carol ay isang nurse. Nakatira ito sa boarding house sa tapat ng bahay nila. Taga-Alfonso ito, isang upland town sa Cavite. Nakatira ito sa lungsod nila dahil nagtatrabaho ito sa isang ospital na malapit sa kanila.

Hindi sila magkaibigan. Madalang silang mag-usap. Nagbabatian lamang sila pag nagkakasalubong sila. Ang misis niya ang malimit nitong makausap.

Gayunman, malapit ang loob niya kay Carol na ang trabaho ay mag-alaga ng mga maysakit.

Humahanga at naaawa siya sa mga nurse at iba pang malalaki ang naitutulong sa kapuwa pero maliliit lamang ang kinikita at kulang sa pagkilala. Maliit lamang ang suweldo ng mga nurse sa Pilipinas, hindi tulad sa mauunlad na bansa na malalaki ang suweldo ng mga ito. Mahirap pa naman ang trabaho ng nurse.

Nababagbag ang kalooban niya kapag nakikita niya ang mga ito sa cafeteria ng ospital na nagtitipid sa pagkain at nababalitaan niyang nagtitiis umupa ang mga ito sa maliliit na kuwarto.

Ngayong nakikita niyang malungkot si Carol, lalo niyang naisip ang halaga at kalagayan ng mga nurse sa Pilipinas.

NAIPASYA niyang sumulat ng kuwento tungkol sa nurse. Ipakikita niya ang halaga at kalagayan ng mga nurse sa Pilipinas.

Alam niya, hindi komo magkasama si Carol at ang boyfriend nito ay nangangahulugang wala na ngang problema ang dalawa. Puwedeng nagkakatampuhan ang mga ito. O talagang nagkakalabuan na.

Hindi rin komo nagtatawanan ang pamilya nina Carol ay nangangahulugang wala nang problema ang mga ito. Nagtatawanan pa rin ang mga pamilya kahit may problema ang mga ito.

Puwede rin namang wala talagang problema si Carol sa boyfriend nito at wala ring problema ang pamilya nito.

Hindi niya alam kung ano talaga ang nangyayari sa buhay ni Carol.

Sa ano’t anuman, baka ikatuwa ni Carol kahit man lamang ang pangyayaring may nagpapahalaga sa propesyon nito.

NANG matapos ang kuwento, inilathala niya ito sa community newspaper ng kaibigan niyang publisher.

Naglalathala rin siya ng mga kuwento sa kilalang lingguhang magasin sa Pilipinas, na higit na malawak ang sirkulasyon kumpara sa community newspapers. Tumatanggap din siya ng bayad mula sa nasabing lingguhang magasin. Nahihiya siya na kunan pa ng bayad ang kaibigan niya. Kaya sinasabi niyang libre na ang kaniyang mga akda na inilalathala sa community newspaper nito.

Gayunman, matagal bago mailathala ang akda sa lingguhang magasin. Bumibilang ng mga buwan. Kung minsan ay inaabot pa ng isang taon o higit pa.

Sa community newspaper ng kaibigan niya, kapag ini-email niya ngayon, mailalathala na ang kuwento sa susunod na linggo. Lingguhan ang community newspaper nito.

Gusto niyang mailathala agad ang kuwento upang mabasa na ni Carol.

Pinabigyan niya sa misis niya ng kopya ng community newspaper na kinalalathalaan ng kuwento si Carol.

“Sinabi kong me kuwento roon tungkol sa nurse,” sabi ng misis niya. “Nagulat nga. Babasahin daw niya agad.”

Sa kaniyang sarili, nahiling niyang magustuhan sana ni Carol ang kuwento.

“ANG ganda po ng kuwento ninyo,” sabi ni Carol nang magkita sila. Ngiting-ngiti ito.

“‘Buti naman, nagustuhan mo,” sabi niya.

“Alam po ninyo, sinipag uli akong magtrabaho nang mabasa ko ang kuwento ninyo. Parang tinatamad na nga po ako.”

“Bakit ka naman tinatamad?”

“Me pasyente po kasi na napakasungit pati ang bantay.”

“Iyon ba ang dahilan kaya parang malungkot ka?”

Napatawa ito. “Opo. Napuna rin po pala ninyo.”

Napatawa rin siya. “Oo. Akala ko nga, me problema ka sa boyfriend mo.”

“Wala po.”

“Wala ring problema ang pamilya ninyo?”

“Wala rin po.”

“Kung iyon lamang ang problema mo, ‘wag mo na lamang pansinin ‘yon. Baka nahihirapan lang ang pasyente at naaawa naman sa kaniya ang pamilya niya.”

“Iyon lang po ang problema ko. Opo, naiisip ko rin po ngayon na baka nahihirapan lamang ang pasyente at naaawa naman sa kaniya ang pamilya n’ya.”

“Bahagi na lang siguro ng trabaho mo ‘yon.”

“Oo nga po,” sabi nito, “hindi ko na lang po papansinin ‘yon.” Idinugtong nito: “Alam n’yo po, ipinabasa ko rin sa mga kasamahan ko ang kuwento n’yo?”

“Talaga! Ano ang sabi nila?”

“Nagandahan po sila. Tuwang-tuwa po. Sinipag pong magtrabaho.”

Nagkatawanan sila.

Nang sumunod na mga araw, natutuwa siyang makitang masigla si Carol.

Naalala rin niya ang sinabi nitong natuwa at sinipag ding magtrabaho ang mga kasamahan nito makaraang mabasa ang kaniyang kuwento. Naisaloob niyang kung sinisipag magtrabaho ang mga ito, lalong huhusay ang pag-aalaga ng mga ito sa mga pasyente.

BILANG manunulat, may pagkakataong nalulungkot din siya.

Hindi niya natitiyak kung napahahalagahan ang mga sinusulat niya.

Malungkot din ang magsulat, na laging nag-iisa. Kaya nga kung minsan, sa coffee shop siya nagsusulat upang marami siyang nakikitang mga tao.

Marami rin siyang dinanas na hirap noong nagsisimula pa lamang siya. Naranasan niyang tanggihan ng publikasyon ang akda niya.

Gayunman, hilig talaga niya ang pagsusulat. Kaya ipinagpapatuloy niya ito.

Hanggang sa regular nang nalalathala ang mga akda niya sa mga pahayagan at magasin.

Nananalo rin siya sa mga timpalak.

Gayunman, hindi pa rin siya mabubuhay sa pamamagitan ng pagsusulat.

Nagtuturo siya sa kolehiyo. Nagtuturo naman sa high school ang misis niya. May dalawang anak sila. Nasa second year sa high school ang panganay, babae, at nasa grade five sa elementary naman ang bunso, lalaki. Noong maliliit pa ang mga ito, kumuha sila ng isang kamag-anak niyang babae upang mag-alaga sa mga ito habang nagtuturo silang mag-asawa. Nagpupunta ito sa bahay nila sa umaga at umuuwi sa hapon. Ito lamang ang sinusuwelduhan nila. Hindi na sila kumuha ng kasambahay upang magkasya ang kinikita nila. Silang mag-asawa ang gumagawa ng mga gawaing-bahay. Ngayong malalaki na, wala nang yaya ang dalawang anak. Wala pa rin silang kasambahay. Silang mag-anak ang gumagawa ng mga gawaing-bahay upang makaluwag sila sa gastusin.

Alam niya, kahit hindi siya mabubuhay sa pamamagitan ng pagsusulat, kahit hindi niya alam kung napahahalagahan ang mga sinusulat niya, magpapatuloy pa rin siya sa pagsusulat.

Pero ngayon, lalo siyang ginanahang magsulat.

Sumigla siya. Napansin ito ng misis niya.

“Masaya ako pag nakikita kitang masaya. Lalo pag nakikita kitang nagsusulat. Alam ko namang kaligayahan mo ang magsulat,” sabi nito.

“Bakit?” Alam na niya ang sagot pero nagtanong pa rin siya. Gusto niyang laging marinig iyon.

“Alam mo na, mahal kita,” sagot ng misis niya.

Hinalikan niya ito sa labi, na malugod nitong tinanggap.

WAKAS

Si Nestor S. Barco ay tinanghal na Makata ng Taon sa Pilipinas noong 2003. Nagsusulat siya ng mga tula, kuwento, sanaysay at artikulo. Isa siyang mamamahayag. Masusulatan siya sa nestorsbarco@yahoo.com.ph.