
Opinions
By Nestor S. Barco
Ang mga tauhan at mga pangyayari sa kuwentong ito ay kathang-isip lamang at hindi tumutukoy sa mga tunay na tao at sitwasyon.
HINDI mapakali si Oscar. Kinakabahan siya. Kung maaari lamang, gusto niya ay kinabukasan na ng hapon upang tapos na ang pinangangambahan niya.
Nakaharap siya sa bukas na TV sa salas pero wala sa palabas ang isip niya.
Inuulit-ulit niya sa kaniyang sarili na wala siyang dapat ikabahala. Tutal, sa ospital gagawin iyon. At surgeon ang magsasagawa. Sakali mang medyo masakit, tiyak namang ligtas ang kaisa-isang anak. O napakaliit ng panganib. Noong araw nga, pukpok lamang iyon at sa ilog lamang ginagawa.
Gayunman, susugatan ang anak. Kaya hindi niya maialis sa sarili ang mag-alala.
Lumapit sa kaniya ang anak.
“Daddy, masakit po ba ‘yon?” tanong nito. Halatang kinakabahan ito.
“Anak, medyo masakit pag tinuturukan ng pampamanhid. Pero makakaya mo naman,” tugon niya. Pinipilit niyang maging kalmado upang lumakas ang loob ng anak.
Tatangu-tango ang anak. Gayunman, nakita niyang nag- iisip pa rin ito.
Sabagay, sa nababalitaan at nakakausap niya mismo, lahat ng batang lalaki o binatilyo ay kinakabahan tungkol doon.
Siya nga mismo ay kinabahan din noon. Naiinggit pa nga siya noon sa mga batang lalaki na ginawan na niyon habang sanggol pa lamang dahil wala nang problema ang mga ito.
“Hindi ba delikado ‘yon?” tanong ng misis niya.
“Hindi naman. Noong araw nga, pukpok lamang. At sa ilog lang ginagawa,” tugon niya.
Napatawa ang misis niya. “Ikaw ba, pukpok lamang?”
“Sa klinika na ako.”
“A…”
Idinagdag pa niya upang lalong bigyan-katiyakan ang misis niya:
“Wala pa naman akong alam na namatay doon. Kahit sa pukpok lamang.”
Napangiti ang misis niya. Nakita niyang nabawasan ang pag-aalala nito.
GALING silang mag-anak sa surgeon. Ipinasuri nila ang anak. Labindalawang taong gulang na ito.
Ayon sa surgeon, handa na ang anak para isagawa iyon.
“I-schedule na po natin,” suhestiyon niya. Ayaw niyang magtagal pa. Lalo lamang humahaba ang pagdurusa ng anak.
“Puwede pong bukas.”
“Ano pong oras?” tanong niya.
“Eleven a.m. po. Dito na rin po tayo magkita sa clinic.”
“Okey po,” sabi niya. May negosyo sila kaya hawak nilang mag-asawa ang oras nila.
Kinausap ng surgeon ang anak. “Paliligo mo bukas, linisin mong mabuti ‘yan.”
“Opo,” sagot ng anak.
Bago sila umalis, tinanong nila ang sekretarya kung magkano ang babayaran.
“Five thousand po,” tugon nito.
“Okey. Salamat,” sabi niya.
Sobra-sobra pa roon ang inilaan nilang halaga. Maraming-marami pang natira para sa pagbili nila ng ireresetang gamot. Naghanda talaga sila. Enero pa lamang, napag-usapan na nilang mag-asawa na dadalhin nila sa surgeon ang anak pagdating ng summer vacation. Tamang-tama iyon upang magkaroon ng sapat na panahon ang anak sa pagpapagaling bago magbukas uli ang mga klase.
Nakikita niyang bagama’t kinakabahan, gusto na rin ng anak na isagawa iyon. Ayaw siguro nitong nahuhuli sa usapan nilang magkaklaseng lalaki.
ANG isa pang pinangangambahan niya ay kung paano niya makakayanang samahan ang anak habang isinasagawa iyon. Nangangamba siyang baka mahilo siya pag nakita niya ang pagbuka ng sugat at paglabas ng dugo mula sa anak.
Natatandaan pa niyang sinamahan siya noon ng isa sa mga nakatatanda niyang kapatid sa klinika ng duktor. Kaharap ang kapatid habang isinasagawa iyon. Nakahiga siya. Nalalaman lamang niya ang nangyayari mula sa pag-uusap ng duktor at ng kapatid niya dahil sa kisame siya nakatingin. Narinig niya nang ipakita ng duktor sa kapatid niya ang nalikhang sugat.
Nagpaplano pa lamang sila noon ng pagpunta sa surgeon ay naiisip na niya ito. Kung minsan, iniisip niyang ang misis na lamang niya ang pasamahin sa anak. Tutal, marunong naman itong magmaneho. Puwedeng ang dalawa na lamang ang magpunta sa ospital.
Pero kinakabahan din ang misis niya.
At inaasahan ng anak na sasamahan niya ito. Na siya ang magpapalakas ng loob nito.
Saka, napakahalagang pangyayari ito sa buhay ng anak. Baka magtampo ang anak kung pababayaan niya ito sa pagkakataong ito.
Mahal na mahal niya ang anak. Naipasya niyang alang-alang sa anak, lalakasan niya ang kaniyang loob.
MAAGA silang nag-ayos kinabukasan. Gusto nilang dumating nang mas maaga kaysa pinag-usapan. Hindi na baleng sila ang maghintay, huwag lang ang surgeon. Gusto talaga nilang matuloy na iyon para matapos na. Baka hindi pa iyon matuloy kung mahuhuli sila ng pagdating. Hindi nila natitiyak ang daloy ng trapiko.
Wala pang alas-10:30 ay naroon na sila. Alas-11:30 nang dumating ang surgeon. Kaya bale mahigit isang oras silang naghintay. Sa napakabagal manding pagdaan ng bawat minuto, naglalaro ang anak ng games sa tablet computer. Nililibang ang sarili.
“Handa ka na ba?” bati ng surgeon sa anak nila, nakangiti.
Tumango ang anak.
Tumuloy muna sa klinika nito ang surgeon. Ikalawang pasyente nito ang nasa loob nang kausapin sila ng sekretarya nito.
“Pumanhik na po kayo sa O.R. Tuunan n’yo ang buzzer para me lumabas. Sabihin n’yo na pasyente kayo ni Dr. Medenilla.”
Kumabog ang dibdib niya. Parang pelikula na pinanonood niya silang mag-anak habang naglalakad sila sa pasilyo hanggang sa pumapanhik na sila ng hagdan.
Gayunman, tiniyak niya sa kaniyang sarili na sasamahan niya ang kaniyang anak kung kinakailangan.
Mahal na mahal niya ang anak. Lalakasan niya ang loob para rito.
INAASAHAN sila sa O. R. complex. Pinagbihis ng gown ang anak.
Nakahinga siya nang maluwag nang sabihin ng nurse:
“Ang puwede po lamang sa loob e ang pasyente.”
Hindi na masasabi ng anak na pinabayaan niya ito. Kailangang mag-isa lamang ito, nurse na mismo ang nagsabi.
Hindi na kumibo ang anak. Dinala nito ang tablet computer dahil sinabi ng nurse na ibinilin ng surgeon na puwede itong dalhin upang may mapaglibangan ang anak habang isinasagawa iyon. Kumaway pa sa kanila ang anak bago sumama sa nurse.
“Kinakabahan ako,” sabi ng misis niya.
“‘Wag kang kabahan. Mamaya lang, tapos na ‘yan. Alam na alam ng surgeon ang gagawin,” sabi niya.
Hindi na kumibo ang misis niya. Pagkuwan, sinabi nito:
“Manalangin tayo.”
“Sige.”
“Ako na ang mangunguna,” sabi pa nito.
Idinalangin nilang maging ligtas ang anak at mapanatag ang loob nito.
Pagkatapos nilang manalangin, pinag-usapan nila ang tungkol sa anak mula sa pagiging sanggol hanggang sa lumalaki na ito.
Nalaman na lamang nilang tapos na nang lumabas ang surgeon.
“Nagpapahinga na po lamang ang pasyente. Mamaya, lalabas na,” sabi nito.
“Dok, salamat po. Salamat po,” sabi nilang mag-asawa. Ngiting-ngiti sila.
Binigyan sila nito ng reseta. Binilinan ng mga gagawin.
Pagkaalis ng surgeon, nagpasalamat silang mag-asawa sa Diyos.
NGUMITI ang anak pagkakita sa kanilang mag-asawa paglabas nito ng operating room. Nakabalik na siya noon sa waiting area matapos magbayad.
Kahit nasa mukha ang sakit at pagod, halatang masaya ang anak dahil tapos na. Magpapagaling na lamang ito.
Kahit may nakita siyang dugo nang suriin nilang mag-asawa ang anak, hindi siya nahilo.
Para ngang kakayanin na niya kahit kaharap pa siya habang tinutuli ang kaniyang anak.
NAPAKASAYA nilang mag-anak nang lumabas sila ng ospital.
Naisaloob pa niyang nagsisimula na talaga ang pagbibinata ng anak.
WAKAS
Si Nestor S. Barco ay tinanghal na Makata ng Taon sa Pilipinas noong 2003. Nagsusulat siya ng mga tula, kuwento, sanaysay at artikulo. Isa siyang mamamahayag. Masusulatan siya sa nestorsbarco@yahoo.com.ph.