
Opinions
(Ang mga tauhan at mga pangyayari sa kuwentong ito ay kathang-isip lamang at hindi tumutukoy sa mga tunay na tao at situwasyon)
“NAPAKATUSO talaga ng taong iyon!” naibulalas ni Rogelio Liwanag, sabay tiklop sa binabasang libro ng gobernador. “Bakit nga ba ako nagtiwala sa kaniya!”
HUMIGIT-KUMULANG limang buwan na ang nakararaan nang tumanggap siya ng tawag mula kay Governor Golem.
Naghahanda siya noong umagang iyon papasok ng pinagtuturuang pamantasan nang tumunog ang kaniyang cellphone. Nang tingnan niya, numero lamang ng cellphone ang lumilitaw ang screen. “Sino kaya ito?” naisaloob niya. Gayunman, sinagot niya ang tawag.
“Hello?”
“Si Mr. Rogelio Liwanag po ba ito?” Tinig ng lalaki ang nagsalita.
“Yes. Speaking…”
“Gusto daw po kayong makausap ni Governor Golem.”
“Okey,” sabi niya sa kausap na tiyak na tauhan ni Governor Golem. Nagtataka siya kung bakit gusto siyang makausap ng gobernador. Hindi rin niya naibibigay rito o sa mga tauhan nito ang kaniyang cellphone number. Ibig-sabihin, inalam pa nito iyon. Sabagay, sa isang gobernador na maraming nauutusan at puwedeng pagtanungan, hindi napakahirap gawin niyon. Gayunman, abala pa rin. Nag-abala ang gobernador upang alamin ang kaniyang cellphone number.
“Roger, si Governor Golem ito,” sabi ng panibagong tinig.
“Governor, bakit po?”
“Gusto ko lamang anyayahan kang mag-dinner…”
“Para saan po?”
“Kakain lamang tayo. Konting huntahan,” sagot ng gobernador. Naghintay muna mandin ito ng sasabihin niya. At nang walang marinig, idinugtong nito: “Puwede ka ba sa Sabado ng gabi? Pasusundo kita sa inyo. Doon tayo sa …” At binanggit nito ang isang sikat na restaurant sa Maynila. “Kakain lamang tayo at konting huntahan,” ulit nito.
“Sige po…” Hindi pa niya alam kung ano talaga ang sadya nito upang tumanggi agad siya.
“Shoot na tayo sa Sabado ng gabi!” sabi ng gobernador. Sumigla ang boses nito. “Padadaanan kita sa bahay ninyo alas-sais. ‘Wag kang mag-alala sa pag-uwi. Ipahahatid kita hanggang sa bahay mo.”
“Sige po.”
“ME kailangan sa ‘yo ‘yon,” sabi ng misis niya nang pag-usapan nila ang tungkol sa pagtawag ni Governor Golem. “Hindi magpapakaabala iyon kung walang kailangan sa iyo.”
“Nag-iisip nga ako kung ano,” sabi niya.
“Wala naman sigurong iniisip na masama iyon,” pagkuwa’y nasabi ng misis niya.
“Kung sa papatayin, sa palagay ko naman e napakalayo,” nasabi niya. “Alam niyang matatanong siya pag me nangyari sa akin at me nakakaalam na siya ang kasama ko. Tulad niyan, papasundo pa niya ako sa mga tauhan niya at tiyak na maraming makakakita.”
“Sabagay nga.”
“Sa Sabado, habang hindi pa ako nakakauwi, ilagay mo lagi sa tabi mo ang cellphone mo. Pag sa palagay ko e me balak silang masama, tatawagan kita para malaman nilang alam mong sila pa rin ang kasama ko. Mapipigilan tiyak ang mga ‘yun sa balak nila. Nagsisiguro lamang tayo.”
“Sige,” sabi ng misis niya.
HINDI sila malapit sa isa’t isa. Kung babasahin ang kaniyang mga libro, makikitang hindi niya gusto ang mga tulad ni Governor Golem na hindi maayos ang panunungkulan. Kaya nagtataka siya kung bakit gusto siyang makausap nito.
Pagdating ng Sabado, halos eksaktong alas-sais ng gabi ay dumating ang sundo niya. Sports utility vehicle ito na pula ang plaka. Bukod sa driver, may sakay itong isa pang lalaki.
Dinatnan na nila si Governor Golem sa restaurant. Pagkakita sa kaniya, nakangiti agad ito. Paglapit niya, tumayo agad ito at kinamayan siya. Ganoon din ang ginawa ng katabi nitong lalaki na ang pakilala sa kaniya ni Governor Golem ay PRO nito.
Umupo siya sa bakanteng silya, nakaharap sa gobernador.
Sa katabing mesa, naroon ang iba pang mga tauhan nito.
Kasunod niyon, umorder na sila ng mga pagkain.
Habang naghihintay ng pagdating ng order, wala namang binabanggit ang gobernador. Kinumusta lamang siya.
Sabagay, naisaloob niya, kung may babanggitin itong pakay sa kaniya, tiyak na pagkakain na nila.
Pagkapahinga nila matapos kumain, nagsunud-sunod na ang mga tanong ng gobernador.
Nagulat siya sa lawak ng interes nito: relihiyon, pilosopiya, sining, panitikan at kultura.
Sabagay, lahat naman yata ay gustong pasukin ng gobernador: pilantropiya, isports, sining. Kahit pa ang perang isinusuporta nito sa mga ito ay galing din naman sa kaban ng bayan. Napakahilig ng gobernador sa kasikatan.
Tulad sa kaniyang mga libro, buong sinsero niyang sinagot ang mga tanong ni Governor Golem at hinusayan niya ang pagpapaliwanag.
Bakas na bakas sa mukha ng gobernador ang kasiyahan. Mataman namang nakikinig ang PRO nito.
Hinintay niyang may banggitin ang gobernador na pakay nito. Pero sa mahigit dalawang oras nilang pag-uusap, ang ginawa lamang nito ay magtanong tungkol sa relihiyon, pilosopiya, sining, panitikan at kultura.
“Sa susunod na Sabado uli. Parehong oras,” sabi ni Governor Golem.
“Sige po,” naisagot na lamang niya. Nahihiya siyang tumanggi sa gobernador. Tatanggi na lamang siya pag labag sa kalooban niya ang gusto nitong mangyari.
Nagpa-take out pa ito ng pagkain na ipinauwi sa kaniya. Alam nitong tatanggihan niya kung pera ang iaalok nito. Hindi na niya natanggihan ang pagkaing pauwi sa kaniya dahil na-order na. Alangan namang ialok niya sa iba. Alam na alam ng mga naroon na sa kaniya ibinibigay iyon.
Tulad ng pangako ng gobernador, ipinahatid siya nito hanggang sa bahay nila.
Kahit ang misis niya ay gulat na gulat. “Hindi talaga makikita ke Governor Golem na mahilig siya sa ganoong mga bagay,” sabi nito.
Kinain nito ang pagkain na uwi niya. Kumain din ang dalawa nilang anak at ang kasambahay nila. Malinis naman iyon. At masarap.
PAGDATING ng sumunod na Sabado, ipinasundo uli siya ni Governor Golem sa bahay nila. Kumain uli sila sa nasabing restaurant. Pagkapahinga matapos kumain, sinimulan uli nito ang walang patlang na pagtatanong tungkol sa relihiyon, pilosopiya, sining, panitikan at kultura. Tulad pa rin ng dati, matamang nakikinig ang PRO nito.
Wala pa ring binabanggit na pakay nito ang gobernador.
Naisaloob niyang mabuti na rin ang mga pag-uusap nila dahil kung isasapuso ng gobernador ang mga napag-uusapan nila, gaganda ang pamamahala nito sa lalawigan nila. Kaya tulad sa kaniyang mga libro, buong sinsero niyang sinagot ang mga tanong ni Governor Golem at hinusayan niya ang pagpapaliwanag.
Nagpa-take out uli ito ng pagkain para iuwi niya. Ipinahatid uli siya sa mga tauhan nito pauwi.
Nakatatlo pang Sabado na ganoon sila nang ganoon. Pagkatapos, hindi na uli siya inanyayahan nitong kumain sa labas.
Hanggang sa nabalitaan niya na nagkaroon ng book launching ang gobernador. Kahit hindi siya inaanyayahan, okey lamang sa kaniya. Wala naman talaga siyang balak na dumikit sa gobernador.
KANINANG hapon, nagpunta siya sa bookstore. Nang makita niyang nakadispley ang libro ni Governor Golem ay bumili siya ng kopya.
Pagdating ng bahay, binasa niya.
Laman ng libro ang mga pinag-usapan nila ng gobernador. Hindi niya alam kung lihim na gumamit ito ng tape recorder o tinandaang lahat ng PRO nito ang mga pinag-usapan nila. Hindi rin niya alam kung kanino ipinasulat ng gobernador ang libro na nasa pangalan nito. Ang malinaw, ang pakay pala nito sa pakikipag-usap sa kaniya ay upang nakawin ang mga ideya niya.
Ngayon, gusto naman nitong sumikat bilang awtor, palitawin ang sarili na matalino.
“Ano ngayon ang balak mo?” tanong ng misis niya.
“Pag-iisipan ko,” sagot niya. Alam niyang mabigat na kalaban ang gobernador.
Pero habang matamang nag-iisip, unti-unti’y naging malinaw sa kaniya ang lahat.
Mabibisto at mabibisto ang pagnanakaw ng gobernador sa mga ideya niya. Ang laman ng libro nito ay laman na ng mga libro niya na matagal nang binabasa ng publiko at pinag-aaralan pa sa kolehiyo. Maging siya, itinuturo niya sa mga estudyante niya ang mga ito. Walang bago sa libro ng gobernador.
“O, ang ganda na ng ngiti mo!” pansin ng misis niya.
“Wala naman pala akong problema,” sagot niya. “Si Governor Golem ang me problema.”
Si Nestor S. Barco ay tinanghal na Makata ng Taon sa Pilipinas noong 2003. Nagsusulat siya ng mga tula, kuwento, sanaysay at artikulo. Isa siyang mamamahayag. Masusulatan siya sa nestorsbarco@yahoo.com.ph.