Published on

Maikling Kuwento ni Nestor S. BarcoAng manugang na mahilig magkulong sa kuwarto

(Ang mga tauhan at mga pangyayari sa kuwentong ito ay kathang-isip lamang at hindi tumutukoy sa mga tunay na tao at situwasyon) 

LIMANG araw nang pinag-iisipan ni Aling Mining kung bakit laging nagkukulong sa kuwarto ang kaniyang manugang at ang kaniyang anak. Nauunang pumasok ng kuwarto ang kaniyang manugang at sumusunod naman ang kaniyang anak.

Pinag-uusapan kaya siya ng mga ito?

Nagtatalo kaya ang manugang niya at ang anak niya dahil sa pagtigil niya sa bahay ng mga ito?

ISANG linggo pa lamang sa Maynila si Aling Mining. Bihira naman siyang lumuwas ng Maynila. Una, nahihirapan siya sa biyahe. At ikalawa, ayaw rin naman niyang maging pabigat sa kaniyang mga anak na nasa Maynila.

Pero nagtampo siya sa kaniyang asawa. Hindi nito napagbigyan ang kahilingan niyang bumili ng mga bagong baso, plato, kutsara at tinidor na matagal na niyang pinapangarap. Kabebenta pa lamang nila ng kanilang alagang baboy. Ang sabi ng kaniyang asawa ay luho lamang ang iniisip niya. Kailangang itabi ang pera para gamitin sa mahalagang kailangan. Ano pa bang mahalagang kailangan ang iniisip nito? naisaloob niya. Hindi pa ba mahalaga ang mga bagay na makapagpapaligaya sa kaniya?

Kaya nag-alsa-balutan siya mula sa Northern Samar.

Una siyang tumuloy sa bahay ng anak niyang si Precy, ang panganay. Ang asawa nito ay may puwesto ng gulay sa palengke. Si Precy ay nag-aasikaso ng bahay at dalawang maliliit na anak.

Tuwang-tuwa ito pagkakita sa kaniya. Nagyakap sila. Agad nitong ipinaghanda siya ng makakain.

Habang kumakain, ikinuwento niya sa anak ang nangyari sa probinsiya. Sinabi niyang titigil muna siya sa bahay ng mga ito. Ewan niya pero parang namutla ang kaniyang anak pagkarinig niyon.

Pagdating ng hapon, nakita niyang sinalubong agad ng anak niya ang asawa nito. Halatang nagpapaliwanag. Nakita niyang napasimangot ang kaniyang manugang na hindi agad siya napansin.

Magalang naman ang pakikitungo sa kaniya ng manugang. Kaya lang, napuna niyang parang tumutuntong sa numero ang kaniyang anak. Ipinakikisama nito nang husto sa asawa ang pagtigil niya sa bahay ng mga ito.

Kinabukasan ng hapon, hindi alam ng kaniyang manugang at ng kaniyang anak na nasa likod bahay siya, nagpupunas doon ng naalikabukang mga kasangkapan, nang marinig niya ang pag-uusap ng mga ito.

“Hanggang kelan ba rito ang nanay?” tanong ng manugang niya.

“Hindi ko alam,” sagot ng anak niya. “Bakit?”

“Itinatanong ko lang. Alam mo na, gastos!”

“Gastos? Ga’no lang naman ba ang kinakain ng nanay?”

“Kain lang? Hindi ba umiinom ang nanay? Binibili ang tubig. Naliligo. Hindi ba binibili ang sabon at shampoo? Nanonood ng TV. Hindi ba binabayaran ang koryente?”

“Hindi ko alam na kinukuwenta mo pala lahat.”

“Natural! Alam mo naman na mahal ang mga bilihin. Mahina naman ang benta ko.”

Nanliit si Aling Mining sa kaniyang mga narinig. Wala siyang kibo nang pumasok ng bahay. Wala rin siyang kibo nang kumain sila ng hapunan.

Pagkakain, hindi siya nanood ng telebisyon na kumokonsumo ng koryente. Hinugasan niya ang mga pinagkanan. Naglinis siya ng kusina. Tinumbasan niya ng pagtatrabaho ang mga oras na itinigil niya sa bahay na iyon.

Kinabukasan ng umaga, nasa palengke na ang kaniyang manugang, ay nagpaalam siya sa anak.

Umiiyak ang anak. “‘Nay, mahina lamang ang kita namin ngayon kaya ganoon si Blas. Pagpasensiyahan mo na lamang.”

“Nauunawan ko. Pero tutuloy na rin ako. Ayoko namang ako pa ang dahilan ng pag-aaway ninyong mag-asawa.”

Hindi na rin siya pinigilan ng anak.

AYAW naman niyang sumuko agad sa asawa. Kaya hindi pa siya umuwi ng probinsiya. Nagtuloy siya sa bahay ng anak na si Elsie, sumunod sa panganay. May maliit na talyer sa harap ng bahay ang asawa nito. Si Elsie ay nag-aasikaso ng bahay at nag-iisa pa lamang nitong anak na mahigit isang taong gulang pa lamang.

Ang manugang ang unang nakakita sa kaniya. Hindi naman ito napasimangot. Sumaya pa nga ang mukha. Nagmano pa ito sa kaniya kahit siya na mismo ang naglapit ng kamay niya sa noo nito dahil may langis ang kamay nito at hindi mahawakan ang kamay niya.

Tuwang-tuwa si Elsie pagkakita sa kaniya. Niyakap siya. Ipinaghain.

Habang kumakain, ikinuwento niya sa anak ang nangyari sa probinsiya pero hindi na niya ikinuwento ang nangyari sa bahay ng kapatid nito. Ayaw niyang siya pa ang magkuwento ng hindi maganda tungkol sa mga anak. Sinabi niyang titigil muna siya sa bahay ng mga ito.

“Oo, ‘Nay,” sagot ng anak. Tuwang-tuwa pa mandin ito sa narinig.

Pero bakit laging nagkukulong sa kuwarto ang manugang at ang anak? Tulad ba ni Blas ay nagagalit si Obet sa pagtigil niya sa bahay ng mga ito, hindi lamang ipinakikita sa kaniya, kaya napipilitan si Elsie na amu-amuin ito? Kinukuwenta ba rin nito ang gastos sa pagtigil niya sa bahay ng mga ito?

NASA kuwarto uli ang mag-asawa. Naroon din ang apo niya pero natitiyak niyang tulog o pinadedede ito. Kung hindi, nasa salas sana ito, karga ni Elsie.

Kumakabog ang dibdib, naipasya niyang lumapit sa nakasarang pinto at idinikit doon ang tainga upang mapakinggan kung ano ang pinag-uusapan ng dalawa.

Lalong kumabog ang dibdib niya sa narinig.

Humahalinghing ang anak, dumadaing sa sarap. Nagtatalik ang mag-asawa!

Lumayo na lamang siya. Nang magkasarilinan sila ng anak ay kinausap niya ito:

“Anak, sinusuyo mo ba ang asawa mo dahil sa pagtigil ko rito?”

“Pa’nong sinusuyo?”

“Ibinibigay mo lagi sa asawa mo ang katawan mo para hindi siya magalit sa pagtigil ko rito!”

“‘Nay, ano ba ang pinagsasabi mo? Mag-asawa kami. Kung me nangyayari man sa amin, pareho namin kagustuhan ‘yun.”

“E, ba’t laging pumapasok ng kuwarto ang asawa mo at sumusunod ka naman?”

“‘Nay, nahihiya naman siguro ‘yung tao na nilalambing ako sa harap mo,” sagot ng anak. “‘Nay, wala akong problema ke Obet. Maligayang-maligaya ako sa kaniya. Wala ka ring dapat alalahanin sa kaniya. Puwede kang tumigil sa amin hanggang gusto mo.”

“Salamat,” nasabi na lamang niya. Maliwanag na sa kaniya ang lahat.

BAKIT nga ba siya makikipagtikisan sa asawa niya? Nadadamay pa tuloy ang mga anak nila. Dadalawin lamang muna niya ang tatlo pang anak na nasa Maynila rin at pagkatapos ay uuwi na siya. Wala pang asawa ang mga ito at stay-in sa pinagtatrabahuhan.

“‘Nay, talaga bang pauwi ka na?” tanong ni Elsie. “Nag-aalala ang manugang mo. Baka raw nagtatampo ka kaya ka uuwi agad. ‘Wag mo na lamang pansinin ang pagkukulong namin sa kuwarto. Naipaliwanag ko na naman sa iyo.”

Sa kaniyang sarili, natutuwa pa nga si Aling Mining na laging nagkukulong sa kuwarto ang anak niya at ang manugang niya. Ibig-sabihin niyon, nagkakasundo ang mag-asawa. Maligaya ang kaniyang anak sa piling ng asawa nito.

“Anak, hinding-hindi ako nagtatampo. ‘Wag kayong mag-isip ng ganoon. Gusto ko na lang talagang umuwi.” Pag-uusapan nilang mag-asawa kung anuman ang magiging problema pa nila. Hindi na niya dadaanin sa paglalayas. Dapat ay maligaya rin silang mag-asawa, tulad ni Elsie at ng kaniyang manugang, hindi nagtatampuhan, naisaloob niya.

“‘Nay, kung gusto mo na talagang umuwi, tanggapin mo na lamang ang pabaon ni Obet.” May iniabot ito na pera.

“Oo, ba!” sabi niya sa anak nang tanggapin niya ang pera. “Baka isipin n’yo pa na nagtatampo ako pag tinanggihan ko ‘yan.” Napatawa siya.

Napatawa rin ang anak.

Talagang hindi siya nagtatampo dahil nakangiti pa siya nang magpaalam sa manugang nang pauwi na siya.

NAGBIBIYAHE, sabik na sabik na siyang makabalik ng bahay niya.

Si Nestor S. Barco ay tinanghal na Makata ng Taon sa Pilipinas noong 2003. Nagsusulat siya ng mga tula, kuwento, sanaysay at artikulo. Isa siyang mamamahayag. Masusulatan siya sa nestorsbarco@yahoo.com.ph.

Have a comment about this story? Send us your feedback

More Articles ...