Published on

Maikling Kuwento ni Nestor S. Barco    Ang babaeng nagpakasal sa pera

(Ang mga tauhan at mga pangyayari sa kuwentong ito ay kathang-isip lamang at hindi tumutukoy sa mga tunay na tao at situwasyon) 

NAPANSIN ni Leon na may kung anong bumabagabag kay Gigi. Nagsimula ito nang laging nagpupunta sa bahay nila si Rachel.

Si Rachel ay kaibigan ng misis niya. Nasa haiskul pa lamang ang dalawa ay magkaibigan na.

Hindi niya inuusisa si Gigi tungkol sa mga bagay na personal. Pero dahil nakikita niyang lagi itong nag-iisip, napilitan na siyang magtanong:

“Bakit laging andito si Rachel?”

“Nangungutang,” sagot ng misis niya.

Dati, nakaririwasa ang pamilya ni Rachel. Maayos ang takbo ng negosyo ni Rachel at ng mister nito. Pero nabiktima ng scam si Rachel, na naging dahilan upang maghirap ang pamilya nito. Ayon kay Gigi, mahigit tatlong milyong piso ang natangay mula kay Rachel.

“Pinauutang mo?”

“Oo.”

“Oo nga. Kaibigan mo naman si Rachel. Kawawa rin iyon dahil sa nangyari.”

“Kaya lang, lumilimit ang pangungutang niya. Palaki rin nang palaki,” sabi ni Gigi. “Sabi ko sa kaniya, hindi ko siya puwedeng pautangin nang pautangin dahil pera ng buong pamilya natin ang ipinauutang ko sa kaniya. Pero makulit, e.”

Kahit si Leon ang nagpundar at nagpapatakbo ng auto supply nila, itinuturing nilang pera ng buong pamilya ang lahat ng kinikita nito. Hindi kailangang humingi sa kaniya ng pera si Gigi tuwing may pagkakagastahan ito.

“Nagbabayad ba?”

“Hindi nga, e.”

“Ang gawin mo kaya e tulungan mo na lamang siya?” suhestiyon niya. “‘Yung hindi na n’ya kailangang magbayad? ‘Yung tulong na makakaya lamang natin?”

“Susubukin ko.”

KANINANG umaga, dumating sa auto supply si Rachel.

“Kailangang malaman mo ‘to!” sabi nito. “Kawawa ka pag di mo ‘to nalaman!”

“Ano ‘yon?” tanong ni Leon.

“Pera mo lamang ang pinakasalan ng asawa mo! Alam ko ‘yon dahil lagi kaming magkausap ni Gigi noong nanliligaw ka pa lang sa kaniya. Nagtatapat siya sa akin ng nasasaloob niya. Ako pa nga ang nag-udyok sa kaniya noon na sagutin ka na kung gusto niyang guminhawa ang buhay niya.”

“Nanlalalaki ba si Gigi?” Malayang nakalalakad ang misis niya kung saan nito gusto. Hindi niya ito hinihigpitan.

“Wala akong alam doon. Malay ko. Me hinala ka ba?”

“Wala naman. Naitanong ko lang.”

“Ang tiyak ko: pera mo lamang ang pinakasalan niya.”

“Bakit ngayon mo lang sinasabi sa akin ‘to?”

“Nagmamalasakit ako sa iyo.”

“Pero sa ginagawa mo, ginugulo mo ang buhay naming mag-asawa.”

“Kailangang malaman mo ang totoo.”

“Ang alam ko, lagi kang nanghihiram ng pera ke Gigi.”

“Ngayon na lang iyon. Ayaw na nga niya akong pahiramin. Nag-aaway ba kayong mag-asawa tungkol sa pera?”

“Hindi kami nag-aaway tungkol sa pera.”

Mabuti naman! Lalakad na ako.”

Si Gigi ay dating tindera niya. Disinuwebe-anyos ito nang magtrabaho sa kaniyang auto supply. Beinte-anyos naman ito nang mapangasawa niya habang siya ay treinta-anyos na. Labindalawang taon na silang kasal. May dalawang anak.

Galing sa maralitang pamilya ni Gigi. Ni hindi nga ito nakatuntong ng kolehiyo dahil sa kahirapan. Nakaririwasa naman ang pamilya nila. Kahit noong binata pa lamang siya, may sarili na siyang negosyo – ang auto supply. Tinulungan siya ng ama niya upang makapagsimula. Si Gigi ay tumutulong pa sa pamilya nito noong nagtatrabaho sa kaniyang auto supply at maging ngayong mag-asawa na sila. Hindi naman niya ikinagagalit iyon. Nauunawaan niyang mahirap matiis ng misis niya ang pamilya nito pag nagigipit.

Hindi siya guwapo. Kaakit-akit si Gigi; maraming lalaki na nagkakagusto.

Nakakabalita siya ng mga babaeng nagpakasal sa lalaking hindi nila gusto, gayundin ng mga lalaking nanligaw sa babaeng hindi nila gusto, upang makaahon mula sa kahirapan at matulungan ang pamilya nila.

“NAGPUNTA kanina sa auto supply si Rachel,” banggit niya kay Gigi. Tapos na silang kumain ng hapunan. Nanonood sila ng TV. Nag-aaral ang dalawang anak. Naroon na ang tutor ng mga ito. Ang kasambahay nila ay naghuhugas sa kusina ng mga pinagkanan. Walang nakaririnig sa pag-uusap nila.

“Bakit daw?” Hinagilap ni Gigi ang remote control. Hininaan ang TV.

“Me ipinagtapat siya sa akin.”

“Na ano?”

“Tungkol sa pagpapakasal mo sa akin…”

“Tungkol sa pagpapakasal ko sa ‘yo?”

“Oo,” sagot niya. “Maghapon ko itong pinag-isipan kung sasabihin ko sa iyo o hindi. Naisip kong dapat kong sabihin sa iyo.”

“Ano iyon?”

“Sabi ni Rachel, pera ko lamang ang pinakasalan mo!”

“Grabe talaga ang babaeng iyon,” naibulalas ni Gigi. “Alam mo bang noong dakong huli’y nagpapasaring na ‘yan na me ibubulgar sa ‘yo pag hindi ko siya pinautang? Bina-black mail na niya ako.”

Iyon pala ang bumabagabag kay Gigi sa nakalipas na ilang araw, naisaloob ni Leon. “Napag-isip-isip kong palayain ka. Magpasya ka.”

“Ano ba ang sinasabi mo?” tanong ng misis niya.

“Puwede tayong magpa-counsel sa church o kumunsulta tayo sa abugado o kung gusto mo, puwede tayong manahimik na lamang at patuloy na magsama sa iisang bubong kahit para sa mga bata na lamang. Hindi ka obligadong ipagkaloob ang katawan mo sa akin.”

Nakatungo si Gigi. Nang mag-angat ng ulo, lumuluha ito.

“Galit ka ba sa akin?” tanong nito. “Oo, inaamin ko na noon e ganoon ang ginawa ko. Pero hindi mo ba ako puwedeng patawarin?”

“Hindi ako galit sa iyo.”

“E bakit ganyan ang sinasabi mo?”

“Mahal kita kaya gusto kitang palayain, magpasya ka kung ano ang gusto mong mangyari. Naaawa ako sa iyo na nakikisama ka sa akin dahil napipilitan ka lamang. Ibinibigay mo lagi sa akin ang katawan mo pero wala kang pagmamahal sa akin.”

“Mahal na mahal na kita,” sabi ni Gigi. “Natutunan na kitang mahalin. Kung ako ang pagpapasyahin mo, gusto kong nagsasama tayo bilang mag-asawa. Nagsisiping!”

“Sigurado ka ba? Baka napipilitan ka lamang?”

“Sigurado ako. Hindi ako napipilitan lamang,” sagot ni Gigi. “Mahal na mahal kita. Gusto kong magsama tayo habambuhay. Gusto kong nagsisiping tayo!”

Napangiti siya. Napangiti na rin si Gigi.

“Hayaan mo,” dagdag ni Gigi, “kung kulang pa, dadagdagan ko pa ang pagpapakita sa iyo para talagang maramdaman mo kung gaano na kita kamahal!”

Hinagilap niya ang kamay ni Gigi. Naghawak-kamay sila. Sumandig ito sa balikat niya.

“Hindi ko akalain na magkakaganoon si Rachel,” pagkuwa’y sabi ni Gigi, magkahawak-kamay pa rin sila. “Nagsimula lang iyon noong mabiktima siya ng scam. Parang gusto niyang makabawi agad kaya kaming mga kaibigan naman niya ang inuutangan niya. Sapilitan na ang pangungutang niya kahit hindi siya sigurado kung makakabayad siya.”

“Nakakalungkot ang nangyari ke Rachel.”

“Oo nga, e.”

NANG gabing iyon, napakainit ng pagtatalik nila.

Laking pasasalamat ni Leon na natutunan siyang mahalin ni Gigi, hindi nito kailangang habambuhay na makisama sa lalaking hindi nito mahal.

Naroon pa ang pangako na lalong magiging matamis ang pagsasama nila.


 

Si Nestor S. Barco ay tinanghal na Makata ng Taon sa Pilipinas noong 2003. Nagsusulat siya ng mga tula, kuwento, sanaysay at artikulo. Isa siyang mamamahayag. Masusulatan siya sa nestorsbarco@yahoo.com.ph.

Have a comment about this story? Send us your feedback