
Opinions
(Ang mga tauhan at mga pangyayari sa kuwentong ito ay kathang-isip lamang at hindi tumutukoy sa mga tunay na tao at situwasyon)
“TINUSOK ng bolpen ang mga mata!”
“Hiniwa ng blade ang tiyan!”
“Pinagpapalo ng libro ang ulo!”
“Pinakain ng ruler!”
“Isinabog ang mga notebook at libro!”
“Winarak ang uniporme!”
“Galit na galit ang pumatay!”
“Pangatlo na si Raffy sa pinapatay sa school natin!”
“Lahat e tinusok ng bolpen ang mga mata!”
“Hiniwa ng blade ang tiyan!”
“Pinagpapalo ng libro ang ulo!”
“Pinakain ng ruler!”
“Isinabog ang mga notebook at libro!”
“Winarak ang uniporme!”
“Iisa ang pumapatay!”
“Talagang malupit!”
“At matinik!”
“Hindi mahuli ng mga pulis!”
Nakikinig lamang si Vincent sa pag-uusap ng mga kaklase niya. Hindi siya sumasabad dahil malamang na pagtawanan na naman siya ng mga ito pag nagsalita siya. Lagi siyang niloloko sa paaralan nila. Malimit na pinagtatawanan. Pinipitik ng malalaking kaklaseng lalaki ang kaniyang mga tainga. Binabatukan siya ng mga ito. Pinapatid. Itinutulak. Inaagaw ang kaniyang bolpen at ruler. Itinatago ang kaniyang notebook at libro. Pinagpapahiran ng maruming kamay ang kaniyang uniporme. Dinidikitan ng papel na may kung anu-anong nakasulat, tulad ng “Gago Ako!” at “Umutot Ako!” ang kaniyang likod.
“Naku! mag-iingat ka, Vincent,” sabi ni Abner. “Baka ikaw ang isunod ng killer!”
Tawanan ang mga kaklase nila. Sabi pa ng mga ito:
“Tutusukin ng killer ng bolpen ang mga mata mo!”
“Hihiwain ng blade ang tiyan mo!”
“Papaluin ng libro ang ulo mo!”
“Pakakainin ka ng ruler!”
“Isasabog ang mga notebook at libro mo!”
“Wawarakin ang uniporme mo!”
Ngumingiti lamang si Vincent. Alam niya, natatakot ang mga kaklase niya, lalo na ang mga lalaki, sa killer. At dahil natatakot ang mga ito, sa kaniya ipinapasa ang takot. Pero hindi siya natatakot sa killer. Ang mga kaklase niya ang dapat matakot sa killer na galit na galit sa mga nang-aapi ng mga kaklase nila, lalo na ng maliliit na tulad niya.
Natigil na lamang ang pag-uusap ng mga kaklase niya tungkol sa killer nang pumasok na sila ng silid-aralan.
Habang nagtuturo ang kanilang guro, naaalala ni Vincent ang pinatay na tatlong mag-aaral na lalaki.
Matangkad si Raffy. Halos hanggang tainga lamang siya nito. Malimit nitong pinipitik ang kaniyang mga tainga. Binabatukan siya nito. Pinapatid. Itinutulak. Inaagaw ang bolpen at ruler niya. Itinatago ang notebook at libro niya. Pinagpapahiran ng maruming kamay ang kaniyang uniporme. Dinidikitan ng papel na may kung anu-anong nakasulat, tulad ng “Gago Ako!” at “Umutot Ako!” ang kaniyang likod. Tandang-tanda pa niya nang mapasubasob siya makaraang patirin ni Raffy. Pumutok ang nguso niya noon. Sa halip na tulungan, marami sa mga kaklase ay pinagtawanan pa siya. Maraming takot kay Raffy. Sa pila, iniiwasan nilang masanggi ito dahil tiyak na batok ang aabutin nila. Pati mga babae ay niloloko nito. Kahit makagalitan ng teacher ay saglit lamang itong tumitigil. Itinutuloy pa rin nito ang mga kalukohan. Takot lamang ito ay kina Jules at Joey. Kaya kung ano ang gawin ng dalawa ay nakikigaya ito.
Hindi matangkad si Joey pero matipuno ang katawan nito. Kumpara kay Raffy, mas malimit nitong pitikin ang kaniyang mga tainga. Mas malimit na batukan siya. Mas malimit din kung patirin siya nito. Itulak. Agawan ng bolpen at ruler. Mas malimit na itago ang notebook at libro niya. Mas malimit na pagpahiran ng maruming kamay ang kaniyang uniporme. Dikitan ng papel na may kung anu-anong nakasulat, tulad ng “Gago Ako!” at “Umutot Ako!” ang kaniyang likod. Malimit siyang makagalitan ng mama niya dahil malimit siyang magpabili ng bolpen. Marami ring takot kay Joey. Nambabatok din ito kapag nasanggi sa pila. Pati mga babae ay niloloko nito. Hinihila nito ang buhok. Kahit makagalitan ng teacher ay saglit lamang itong tumitigil. Itinutuloy pa rin nito ang mga kalukohan. Takot lamang ito ay kay Jules. Kapag nakatayo na sa pila si Jules, hindi na ito makalapit.
Matangkad na si Jules ay matipuno pa ang katawan. Kumpara kina Raffy at Joey, mas malimit nitong pitikin ang kaniyang mga tainga. Mas malimit na batukan siya. Mas malimit din kung patirin siya nito. Itulak. Agawan ng bolpen at ruler. Mas malimit na itago ang notebook at libro niya. Mas malimit na pagpahiran ng maruming kamay ang kaniyang uniporme. Dikitan ng papel na may kung anu-anong nakasulat, tulad ng “Gago Ako!” at “Umutot Ako!” ang kaniyang likod. Halos pamunasan na ang turing nito sa kaniyang uniporme. Hindi naman siya makaangal. Lahat silang magkakaklase ay takot kay Jules. Hari-harian ito sa pila. Walang puwedeng sumanggi. Pati mga babae ay niloloko nito. Si Maxine na crush niya ay malimit nitong silipan. Malimit na tinatapik ang puwit. Bale-wala rito kahit makagalitan ng teacher. Itinutuloy pa rin nito ang mga kalukohan.
Kapag nasa bahay ay naaalala niya ang mga nangyayari sa kaniya sa paaralan. Parang ayaw na niyang pumasok. Gusto na niyang tumigil ng pag-aaral. Kaya lang, tiyak na makakagalitan siya ng mama at papa niya. Nahihiya naman siyang ipagtapat sa mga magulang ang tunay na dahilan kaya ayaw na niyang mag-aral. Baka rin makagalitan pa siya. Pag may umaaway sa kaniya, sa kaniya pa nagagalit ang papa niya. Sinasabihan siyang hindi marunong lumaban kaya siya inaapi ng mga kapuwa bata niya.
Hindi maawat ng mga teacher at ng principal ang malalaki niyang kaklase sa panloloko sa kaniya. Maraming ginagawa ang mga ito at nagsasawa na rin sa pagsita sa mga batang nanloloko ng mga kaklase nila. Malimit pa, pag nagsusumbong sa teacher ang isang mag-aaral, sa labas naman ng paaralan siya inaabangan ng isinumbong na kaklase.
Gayunman, napatunayan niyang duwag din pala ang tatlong pinatay na kaklase.
Sumisigaw si Raffy sa sakit habang tinutusok ng bolpen ang mga mata nito. Sabog ang uhog nito habang hinihiwa ng blade ang tiyan nito. Nagmamakaawa ito habang pinapalo ng libro ang ulo nito. Tumutulo ang luha nito habang pinakakain ito ng ruler.
Sumisigaw rin sa sakit si Joey habang tinutusok ng bolpen ang mga mata nito, sabog ang uhog nito habang hinihiwa ng blade ang tiyan nito, nagmamakaawa ito habang pinapalo ng libro ang ulo nito at tumutulo ang luha nito habang pinakakain ng ruler.
Sumisigaw rin sa sakit si Jules habang tinutusok ng bolpen ang mga mata nito, sabog ang uhog nito habang hinihiwa ng blade ang tiyan nito, nagmamakaawa ito habang pinapalo ng libro ang ulo nito at tumutulo ang luha nito habang pinakakain ng ruler.
Nawala ang yabang ng mga ito nang sila naman ang pinahihirapan.
Alam niya ang lahat dahil siya ang killer. Sa galit niya, isinabog pa niya ang mga notebook at libro ng mga ito. Winarak ang uniporme ng mga ito. Inabangan niyang isa-isa ang mga ito. Nang matiyak niyang walang nakakakita, bigla niyang sinugod. Tinusok niya ng bolpen ang mga mata ng mga ito. Hiniwa ng blade ang tiyan ng mga ito. Pinagpapalo ng libro ang ulo ng mga ito. At pinakain ng ruler ang mga ito.
Walang naghihinala na siya ang killer dahil binabatuk-batukan lamang siya sa paaralan nila.
Kahit anong imbestigasyon ang gawin ng mga pulis, hindi matukoy ng mga ito kung sino ang killer.
Kung minsan, gusto na niyang ipakita sa mga kaklase niya kung paano siya magalit upang matigil na ang panloloko sa kaniya ng mga ito. Pero baka mabisto naman na siya ang killer pag nalaman ng lahat kung paano siya magalit.
Nang uwian na, nagtatawanan ang mga kaklase niya. Napuna niya na siya ang pinagtatawanan ng mga ito. Tumitingin pa ang mga ito sa kaniyang likod. Kinapa niya ang kaniyang likod. May nakadikit na papel sa kaniyang damit. Nang basahin niya, ganito ang nakasulat: “UMUTOT AKO!”
Naisip niyang tiyak na si Abner ang nagdikit ng papel sa likod niya. Ito ang humawak sa likod niya bago nagtawanan ang mga kaklase nila.
Si Nestor S. Barco ay tinanghal na Makata ng Taon sa Pilipinas noong 2003. Nagsusulat siya ng mga tula, kuwento, sanaysay at artikulo. Isa siyang mamamahayag. Masusulatan siya sa nestorsbarco@yahoo.com.ph.